Panoorin ang video

Buod

Image Source: unsplash.com

Ang mga mata ay maihahalintulad sa mga kamera. Mula sa mga hugis, kulay, o paggalaw ng mga bagay, lahat ng mga ito ay kinukuhanan ng mga mata ng larawan. Pagkatapos nito, ipapadala ng mga mata ang lahat ng kanyang mga nakitang impormasyon sa utak upang maproseso at malaman kung ano ang nangyayari sa kapaligiran.

Upang makakuha ng mga larawan, ang mga mata ay binubuo ng iba’t ibang bahagi. Kabilang dito ang cornea, sclera, iris, pupil, lens, at retina. Ang cornea ay parang isang malinaw na salamin na nagsisilbing takip at proteksyon ng mga mata. Ang sclera naman ay ang puting bahagi nito. Ang iris ay ang may kulay na bahagi ng mga mata at kinokontrol nito ang dami ng ilaw na pumapasok dito. Sa gitna ng iris ay ang pupil. Gaya ng iris, tumutulong ang pupil sa pagkontrol ng dami ng ilaw na pumapasok sa mga mata. Kapansin-pansin ang pagliit ng pupil kapag nasa liwanag ito at lumalaki naman ito kapag nasa dilim. Sa pagpasok ng ilaw sa mga mata, ang lens ang nagsisilbing taga-focus ng ilaw sa retina. Pagkatapos ma-focus ang ilaw, isasalin ito ng retina bilang isang uri ng signal upang maumpisahan ng utak ang pagproproseso nito nang sa gayon ay makabuo ng mga imahe.

Subalit, ang tungkuling ginagampanan ng mga mata ay maaaring maantala kung ang mga ito ay nagkaroon ng pinsala o problema. Dahil ang mga mata ay binubuo ng iba’t ibang bahagi, maraming mga uri ng sakit sa mata ang maaaring makaapekto sa isang tao. Kadalasan, kapag ang mga mata ay nagkakaroon ng problema, ang pasyente ay maaaring makaranas ng pananakit, panunuyo, pangangati, at pamumula ng mga mata. Sa ibang kaso ng mga sakit sa mata, maaari ring makaranas ang pasyente ng panlalabo ng paningin o makakita ng kakaibang hugis, liwanag, o anino sa kanyang mga mata.

Maaaring maranasan ang mga sintomas na nabanggit kung ang pasyente ay mayroong hindi malusog na pamumuhay o kaya naman ay may iba siyang karamdaman na dinadaing. Bukod sa mga ito, maaari ring magkaroon ng mga sakit sa mata kung namana ito ng pasyente sa kanyang mga magulang o ipinanganak na talaga siyang may problema dito.

Upang magamot ang mga sakit sa mata, maaaring mangailangan ang pasyente ng mga gamot, salamin o mga contact lens, maging ng operasyon. Batay sa uri at tindi ng kondisyon, ang mga sakit sa mata ay maaaring magdulot ng pagkabulag kung hindi ito maaagapan.

Kasaysayan ng sakit sa mata

Ang larangan ng medisina tungkol sa pag-aaral at paggamot sa mga mata ay tinatawag na opthalmology. Noong sinaunang panahon pa lamang, maraming mga doktor, siyentipiko, at mananaliksik ang nag-aaral at tumutuklas tungkol sa iba’t ibang mga uri ng sakit sa mata. Kabilang na rito si Sushruta, isang Indianong siruhano. Bandang 800 BC, si Sushruta ay nakatuklas at nakapaglahad ng halos 76 na mga uri ng sakit sa mata. Dahil sa kanyang masugid na pag-aaral at pananaliksik, nakapagsagawa rin siya ng isang matagumpay na operasyon sa pasyenteng may katarata at nakilala siya bilang kauna-unahang cataract surgeon.

Ilan din sa mga kilalang tao na nagsagawa ng pag-aaral sa mga mata ay si Aristotle. Bagama’t isa siyang pilosopo at hindi isang doktor, si Aristotle ay nakilala rin sa kanyang mga naitulong sa pag-unalad ng kaalaman sa medisina, gaya na lamang ng kanyang pag-aaral sa istruktura ng mga mata. Sa pamamagitan ng paghiwa at pag-aaaral sa mga mata ng hayop, nadiskubre ni Aristotle na may tatlong layer o bahagi ang mga mata. Sa kasalukuyan, kilala ito bilang fibrous tunic (outer layer), vascular tunic (middle layer), at nervous tunic (inner layer).

Pagsapit ng Middle Ages, mas napag-aralan ang mga mata sa pamamagitan ng mga hand lens at mikroskopyo. Ilan din sa mga pinakamahahalagang pangyayari sa panahong ito ay ang pagkakaroon muli ng mga matagumpay na operasyon sa katarata sa pangunguna nila Georg Joseph Beer at Baron Michael Johann Baptist de Wenzel. Bukod dito, nakaimbento si Ernst Abbe ng iba’t ibang mga kagamitan sa mata, samantalang si Hermann von Helmholtz ay nakaimbento ng ophthalmoscope noong 1851. Dahil sa mga imbensyon na ito, mas napadali na ang pagtukoy at paggamot sa mga sakit sa mata.

Isa rin sa mga pinakamahahalagang tala ng kasaysayan ay ang pagbubukas ng kauna-unahang ospital para sa mga mata noong 1805. Hanggang ngayon, nakatirik pa rin ang ospital na ito sa London at kilala sa tawa na Moorfields Eye Hospital. Kilala rin ang Moorfields bilang pinakamalaking ospital para sa mga mata sa buong mundo.

Mga Katangian

Gaya ng mga ibang bahagi ng katawan, ang mga mata ay maaaring magkasakit o magkaproblema. Batay sa bahagi ng mata na naaapektuhan, ang pasyente ay maaaring makaranas ng iba’t ibang sintomas gaya ng mga sumusunod:

Image Source: www.freepik.com

  • Biglaang pananakit ng mga mata
  • Hindi mawala-mawalang pananakit ng mga mata
  • Labis na pananakit ng mga mata kahit sa kaunting liwanag
  • Panunuyo ng mga mata
  • Pangangati ng mga mata
  • Pamumula ng mga mata
  • Panlalabo ng paningin
  • Labis na pagluha ng mga mata
  • Pamamaga ng mga mata
  • May tumutubong maliit na bukol sa paligid ng mga mata
  • Pagbabago ng kulay ng iris
  • Nagkakaroon ng mga “puti-puti” ang pupil ng mga mata
  • Tila pagsasalubong ng mga mata
  • May nakikitang maitim na tuldok sa gitna ng paningin
  • Hindi makakita nang maayos sa malapitan o malayuan
  • Parang nagdodoble ang paningin
  • Parang may nakaharang na ulap sa paningin
  • May nakikitang parang lumulutang na hugis o labis na liwanag
  • May nakikiting halo o bilog na liwanag
  • Hindi maisara ang mga talukap ng mga mata
  • Hindi makaaninag ng mga imahe sa gilid o pagkawala ng peripheral vision
  • May nakikitang tulduk-tuldok sa paningin
  • Hindi maka-angkop ang mga mata sa dilim
  • Parang may kurtina o aninong nakaharang sa mga mata
  • Pag-iiba ng paningin (Halimbawa: pagkurba ng mga linya kahit ang mga ito ay tuwid talaga)

Hindi lahat ng mga nabanggit na sintomas ay mararanasan ng pasyente. Ang bawat uri ng mga sakit sa mata ay may kanya-kanyang katangian. Kung minsan, may problema na pala sa mga mata ang pasyente pero hindi man lang siya nakararanas ng anumang sintomas.

Mga Sanhi

Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng sakit sa mata ang isang tao. Subalit, ang mga pinaka-karaniwang sanhi ay ang mga sumusunod:

  • Impeksyon sa mga mata. Maaaring magkaroon ng mga sakit sa mata kung ito ay naimpeksyon. Ang impeksyon ay maaaring dulot ng bacteria, virus, fungi, at parasitikio. Kadalasan, kung may impeksyon ang mga mata, nagkakaroon ng pamumula, pangangati, pamamaga, pagtutubig, at pananakit ang mga ito. Kung minsan, nagiging sanhi rin ang impeksyon sa panlalabo ng paningin.
  • May natamong pisikal na pinsala. Ang pagtatamo ng pisikal na pinsala sa mga mata ay maaari ring magdulot ng sakit. Ang mga aksidente, trauma, at matutulis na bagay ay maaaring magdulot ng pisikal na pinsala sa mga mata at magresulta sa panlalabo o pagkawala ng paningin. Maging ang mga likido gaya ng asido, panglinis, at shampoo ay maaaring magdulot ng pinsala sa mga mata. Kahit ang pagkapuwing sa mga pulbos gaya ng chalk ay maaari ring magdala ng panganib.
  • Namamana o birth defect. Ang ilang mga sakit sa mata ay maaaring mamana sa mga magulang gaya ng katarata, glaucoma, astigmatism, myopia, at iba pa. Maaari ring isilang ang sanggol na may problema o birth defect na agad sa mga mata.
  • May ibang karamdaman. Ang ibang karamdaman gaya ng diabetes, migraine, altapresyon, at mga sakit sa thyroid ay maaari ring magdulot ng mga sakit sa mata. Kung hindi malulunasan ang kasalukuyang karamdaman, hindi rin mawawala ang pananakit ng mga mata at panlalabo ng paningin.
  • Mga alerhiya (allergies). Ang pagkakaroon ng mga alerhiya o allergies ay maaari ring makaapekto sa mga mata. Dahil iba’t iba ang pagtugon ng katawan sa alerhiya, maaaring ang iba ay kakitaan ng pantal o pamamaga sa paligid ng mga mata kung nakakain ng bawal na pagkain.
  • Mga side effect ng gamot. Napakarami ring gamot ang nakaaapekto sa mga mata. Kung kasalukuyang gumagamit ng mga gamot pampaihi (diuretic), gamot para sa altapresyon, gamot para sa alerhiya o pangangati (antihistamine), mga oral contraceptive, at gamot pampakalma (tranquilizer), maaaring makaranas ng panunuyo ng mga mata at iba pang sintomas.
  • Sobrang paggamit sa mga mata. Ang mga mata ay napapagod din. Kung ginagamit ito nang labis sa pagbabasa o paggamit ng computer o handheld device, maaaring magkaroon ng pinsala ang mga mata at kalaunang magresulta sa panlalabo ng paningin. Bukod dito, ang kakulangan ng sapat na tulog ay maaari ring makaapekto sa kalusugan ng mga mata.

Mga salik sa panganib

Bata man o matanda ay maaaring magkaroon ng mga sakit sa mata. Subalit, ang mga sumusunod na salik ay maaaring makapagpataas ng posibilidad sa pagkakaroon nito:

  • Pagtanda. Sa pagtanda, ang mga mata ay nagkakaroon na ng bahagyang pinsala dahil matagal ng ginagamit ang mga ito o kaya naman ay labis nang nailantad sa mga nakapipinsalang mga bagay o pangyayari.
  • Namamana sa magulang. Kung may sakit sa mata ang isa o dalawa sa mga magulang, maaaring magkaroon din ng sakit sa mata ang kanilang mga anak.
  • Labis na pag-inom ng alak at paninigarilyo. Ang mga bisyong ito ay maaaring makapagpataas ng posibilidad sa pagkakaroon ng sakit sa mata dahil ang alak at sigarilyo ay may mga nakalalasong sangkap. Maaari nitong pasikipin ang mga ugat sa mata at magresulta sa ilang mga sakit o karamdaman.
  • Hindi wastong pagkain. Maaaring magkaroon ng problema sa paningin kung ang isang tao ay hindi wasto ang pagkain. Ang nutrisyon mula sa pagkain ay nakatutulong upang magampanan nang maayos ng mga mata ang kanilang tungkulin.
  • Hindi nagagamot na karamdaman. Maaaring magkaroon ng mga sakit sa mata kung ang kasalukuyang karamdaman ng pasyente gaya ng diabetes, altapresyon, sakit sa puso, meningitis, o migraine ay hindi nagagamot. Kadalasan, ang mga sakit na ito ay nagdudulot ng pananakit ng mga mata at panlalabo ng paningin.
  • Paggamit ng ilang mga gamot. Ang paggamit ng ilang mga gamot gaya ng steroid, atropine, trifluridine, at scopolamine ay nakapagpapataas din ng posibilidad sa pagkakaroon ng mga sakit sa mata. Kaya naman, mahigpit na ipinapayo na inumin lamang ang tamang takal ng gamot upang hindi masobrahan.
  • Labis na sikat ng araw. Ang labis na sikat ng araw ay maaari ring magdulot ng mga sakit sa mata. Maaari nitong masunog ang cornea ng mga mata at magresulta sa impeksyon at pamamaga.
  • Hindi malinis sa sarili. Kung hindi rin malinis sa sarili ang isang tao, maaari ring siyang magkaproblema sa mga mata. Ito ay dahil ang mga mikrobyo sa katawan ay maaaring makarating sa mga mata at magdulot ng impeksyon.

Paggamot at Pag-Iwas

Ang mga sakit sa mata ay karaniwang nalulunasan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot, pagsusuot ng salamin, o operasyon. Bagama’t karamihan sa mga uri ng sakit sa mata ay hindi nagdudulot ng panganib sa buhay, maaari namang mawalan ng paningin nang tuluyan kung hindi ito maaagapan.

Paggamot sa sakit sa mata

Narito ang ilang mga paraan upang magamot ang mga sakit sa mata:

  • Mga gamot. Batay sa uri ng sakit sa mata at mga nararanasang sintomas, ang doktor ay maaaring magreseta ng mga gamot. Ang karaniwang iminumungkahing mga gamot ng doktor ay ang mga sumusunod:
    1. Mga pampatak sa mata o eye drops. Kung ang mga mata ay nanunuyo, maaaring magreseta ang doktor ng pampatak sa mata o eye drops. Alalahanin na kailangang basa lagi ang mga mata upang maalis nito ang mga alikabok at iba pang dumi na napupunta rito. Kadalasan, ang mga eye drops ay nabibili na kahit walang reseta ng doktor. Subalit, ang ibang uri ng eye drops ay nangangailangan ng reseta, lalo na kung ito ay para sa mga pasyenteng may Ang glaucoma ay ang pagtaas ng presyon ng mga mata na maaaring magdulot ng pagkabulag. Upang mabawasan ang presyon ng mga mata, kailangan ng pasyente ng espesyal na eye drops para rito.
    2. Mga antibiotic. Kung ang mga mata ay may impeksyon dulot ng bacteria, ang doktor ay maaaring magreseta ng mga Halimbawa ng impeksyon sa mata na dulot ng bacteria ay conjunctivitis o sore eyes. Kung ang impeksyon sa mata ay dulot ng virus o fungi, hindi ito magagamot ng antibiotic.
    3. Mga corticosteriod. Kadalasan, ang mga mata ay namamaga kapag may impeksyon. Upang mawala ang pamamaga, nagrereseta ang doktor ng mga corticosteroid. Sa pagtanggal ng pamamaga ng mga mata, ang pasyente ay makararamdam ng ginhawa. Ilan lamang sa mga sakit sa mata na ginagamitan ng corticosteroid ay uveitis at allergic conjunctivitis.
    4. Mga antihistamine. Ang mga antihistamine ay isang uri ng mga gamot na ibinibigay upang maibsan ang anumang alerhiya o pangangati sa katawan, kabilang na ang mga mata. Kadalasan, ang mga pasyenteng may allergic conjunctivitis ay nireresetahan ng gamot na ito.
    5. Mga simpleng lunas sa bahay. Bukod sa mga nabanggit na gamot, maaari ring lunasan ang mga simpleng pananakit ng mata sa pamamagitan ng paglalagay ng cold o hot compress. Ang mga ito ay nakatutulong upang ibsan ang pananakit na nararamdaman sa mga kondisyong gaya ng black eye at Bukod dito, maaari ring hugasan ang mga mata ng malamig na tubig.
  • Paggamit ng mga salamin at contact lens. Upang maitama ang paningin ng pasyente, maaari silang gumamit ng mga salamin o contact lens. Sa paggamit ng mga salamin, maaaring ang lente ng kanan at kaliwang salamin ay magkaiba dahil kung minsan ay magkakaiba rin ang grado ng mga mata. Kung ayaw naman nais magsuot ng mga salamin, maaari rin namang gumamit ng mga contact lens. Ang mga contact lens ay mga maliliit na plastic disc na inilalagay sa mga mata upang luminaw ang paningin.
  • Operasyon. Maaari ring sumailalim sa operasyon ang isang pasyente kung siya ay may problema sa kanyang paningin o kaya naman ay kung nanganganib mawala ang kanyang paningin dulot ng isang kondisyon. Ilan lamang sa mga uri ng operasyon sa mata na maaaring isagawa sa pasyente ay ang mga sumusunod:
    1. Refractive surgery. Ang refractive surgery ay kadalasang ginagawa kung hindi nakakakita ang pasyente nang maayos sa malapitan o malayuan. Ito rin ay kilala sa tawag na vision correction surgery. Maaaring hindi na magsalamin o gumamit ng mga contact lens ang pasyente kung magiging matagumpay ang operasyon na ito. Ilan sa mga uri ng refractive surgery ay:
    2. Corneal refractive surgery. Sa operasyong ito, itinatama ang pagkurba o hugis ng cornea upang mai-focus nang maayos ang ilaw papuntang
    3. Laser in situ keratomileusis (LASIK). Ang LASIK ay isang uri ng refractive surgery. Sa operasyong ito, maaaring maitama ang paningin ng mga pasyenteng may myopia, hyperopia, at Mabilis din ang paggaling ng pasyente kung LASIK ang isasagawang operasyon.
    4. Photorefractive surgery. Gaya ng LASIK, ang photorefractive surgery ay isinasagawa upang maitama ang paningin ng mga pasyenteng may myopia, hyperopia, at Subalit, kumpara sa LASIK, mas matagal gagaling ang pasyente sa operasyong ito.
    5. Lens implants. Kung hindi angkop ang refractive surgery sa pasyente, maaari namang isagawa ang lens implants. Sa operasyong ito, tatanggalin ng surgeon ang natural na lente ng mga mata at papalitan ito ng mga bagong lente upang maitama ang paningin.
    6. Cataract surgery. Karaniwang isinasagawa ang cataract surgery kung ang pasyenteng may katarata ay nanganganib ng mawala ang paningin. Sa operasyong ito, tatanggalin ng surgeon ang namuting lente ng pasyente at papalitan ito ng artipisyal na lente upang bumalik ang malinaw na paningin.
    7. Glaucoma surgery. Ang glaucoma surgery naman ay isinasagawa upang mabawasan ang namumuong presyon sa mga mata. Subalit, hindi na nito maibabalik pa ang dating linaw ng paningin, hindi tulad ng sa cataract surgery.
    8. Eye surgery. Maaari ring magsagawa ng eye surgery kung ang mga mata ay napinsala dulot ng aksidente o Maaari rin itong gawin upang tanggalin ang anumang bagay na nakadikit o nakapinsala sa mga mata.

Pag-iwas sa sakit sa mata

Upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga sakit sa mata, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:

  • Kumain ng balanse at masusustansiyang mga pagkain. Upang makakuha ang mga mata ng sapat na nutrisyon, kailangang kumain ng balanse at masusustansiyang mga pagkain. Ilan lamang sa mga pagkaing nakatutulong upang hindi lumabo ang paningin ay ang mga pagkaing mayaman sa bitamina A, bitamina C, lutein, zeaxanthin, anitoxidant, at omega-3. Ang mga nabanggit ay kadalasang matatagpuan sa mga makukulay na prutas at gulay, samantalang ang omega-3 ay matatagpuan sa mga pagkaing-dagat gaya ng salmon at tuna.
  • Itigil ang paninigarilyo at bawasan ang labis na pag-inom ng alak. Ang mga bisyong ito ay nakasisira sa mga selula at ugat ng mga mata dahil ang mga ito ay maraming nakalalasong sangkap.
  • Protektahan ang mga mata sa sikat ng araw. Upang hindi gaanong masilaw ang mga mata sa sikat ng araw, magsuot ng shades o sumbrero nang sa gayon ay maprotektahan ang mga mata sa radiation o mga nakapipinsalang mga liwanag na mula sa araw.
  • Ipahinga ang mga mata. Ugaliing ipahinga ang mga mata kapag nagbabasa ng libro o gumagamit ng Nakatutulong ito upang hindi manakit at manuyo ang mga mata dulot ng labis na paggamit nito.
  • Mag-ehersisyo. Upang manatiling masigla ang anumang bahagi ng katawan, kailangang mag-ehersisyo araw-araw. Ayon sa pag-aaral, ang pag-eehersisyo ay nakatutulong din upang mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng mga sakit sa mata dulot ng katandaan.

Bukod sa mga nabanggit, mainam din kung magpapasuri ng mga mata sa doktor kahit isang beses sa loob ng isang taon upang malaman kung may problema ba ang mga ito nang sa gayon ay malapatan agad ito ng karampatang lunas.

Mga Uri ng Sakit

Iba’t ibang uri ng sakit sa mata ang maaaring makaapekto sa isang tao. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Adie’s pupil
  • Age-related macular degeneration
  • Alerhiya sa mata (Eye allergies)
  • Amblyopia
  • Anisocoria
  • Anterior uveitis
  • Arcus senilis
  • Astigmatismo o Astigmatism
  • Bacterial keratitis
  • Baradong daluyan ng luha (Blocked tear duct)
  • Blepharitis
  • Branch retinal vein occlusion (BRVO)
  • Cellulitis
  • Central retinal vein occlusion
  • Central serous chorioretinopathy
  • Chalazion
  • Charles Bonnet syndrome
  • Choroidal neovascular membranes
  • Chronic angle-closure glaucoma
  • Coloboma
  • Color blindness
  • Computer vision syndrome
  • Contact lens-related eye infections
  • Convergence insufficiency
  • Corneal abrasion
  • Corneal dystrophies
  • Corneal erosion
  • Corneal laceration
  • Corneal ulcer
  • Cytomegalovirus retinitis
  • Diabetic eye disease
  • Diabetic retinopathy
  • Drusen
  • Endophthalmitis
  • Eye coordination disorder
  • Eye lymphoma
  • Eyelid spasm and twitching
  • Farsightedness (Hyperopia)
  • Floaters and flashes
  • Fuch’s dystrophy
  • Fungal keratitis
  • Giant cell arteritis
  • Giant papillary conjunctivitis
  • Glaucoma
  • Graves diseases
  • Hemangioma
  • Herpes keratitis
  • Heterochromia
  • Histoplasmosis
  • Hyphema
  • Idiopathic intracranial hypertension
  • Iridcorneal endothelial syndrome
  • Ischemic optic neuropathy
  • Juvenile idiopathic arthritis uveitis
  • Juvenile macular degeneration
  • Kanser sa mata (Eye cancer)
  • Katarata (Cataract)
  • Keratitis
  • Keratoconus
  • Kuliti (Stye)
  • Lazy eye
  • Learning-related vision problems
  • Macular edema
  • Macular hole
  • Macular pucker
  • Macular telangiectasia
  • Malabong paningin (Low vision)
  • Marfan syndrome
  • Microvascular cranial nerve palsy
  • Myasthenia gravis
  • Myokymia
  • Myopia (Nearsightedness)
  • Nevus
  • Nystagmus
  • Ocular allergies
  • Ocular hypertension
  • Ocular melanoma
  • Ocular rosacea
  • Onchocerciasis (African river blindness)
  • Optic neuritis
  • Orbital fracture
  • Pagkaduling (Strabismus o crossed eyes)
  • Paghihiwalay ng retina (Detached or torn retina)
  • Pananakit ng mata (Eye strain)
  • Pangingitim ng mata (Black eye)
  • Panunuyo ng mata (Dry eye)
  • Photokeratitis
  • Pigment dispersion syndrome
  • Pinguecula and pterygium
  • Posterior vitreous detachment
  • Presbyopia
  • Pseudoexfoliation syndrome
  • Ptosis
  • Retinal artery occlusion
  • Retinal detachment
  • Retinitis pigmentosa
  • Retinoblastoma
  • Retinopathy of prematurity
  • Scleritis
  • Sjogren’s syndrome
  • Sleep crust
  • Sore eyes (Conjunctivitis)
  • Stargardt disease
  • Stickler syndrome
  • Subconjunctival hemorrhage
  • Toxoplasmosis
  • Trachoma
  • Trichiasis
  • Trichotillomania
  • Usher syndrome
  • Uveitis
  • Vitamin A deficiency
  • Vitreomacular traction

Maaaring matukoy kung anong uri ng sakit sa mata sa pamamagitan ng tulong ng isang espesyalistang doktor sa mga mata o ophtalmologist. Ang opthalmologist ay karaniwang sumusuri, nagbibigay ng diagnosis, at gumagamot ng mga sakit sa mata. Subalit, kung ang problema sa mata ay may kinalaman lamang sa hindi wastong grado ng paningin, maaaring lumapit sa isang optometrist. Ang optometrist ay isa ring doktor sa mga mata subalit ang kadalasan nilang ginagawa ay ang pagbibigay ng tamang grado ng mga salamin o contact lens upang maitama ang paningin.

Sanggunian