Buod
Iba’t ibang mga sakit ang maaaring makaapekto sa utak, kabilang na rito ang meningitis. Sa kondisyong ito, ang meninges ng utak ay nagkakaroon ng impeksyon at pamamaga. Ang meninges ay ang protective membrane na pumapalibot sa utak at spinal cord at nagsisilbing proteksyon o harang ng mga bahaging ito.
Nagkakaroon ng meningitis dahil may nakararating na mga virus o bacteria sa utak o spinal cord. Bukod sa mga mikrobyong ito, maaari ring maging sanhi ng meningitis ang mga fungi at parasitiko. Dagdag dito, maaari ring magdulot ng meningitis ang mga pisikal na pinsala.
Ang kadalasang naaapektuhan ng meningitis ay ang mga bata. Kapag nagkaroon ng kondisyong ito, maaari silang makitaan o makaranas ng mga sintomas, gaya ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo, pagkakaroon ng mga pantal, pananakit ng leeg, madaling pagkasilaw, pagkaantok, pangingisay, at iba pa.
Batay sa sanhi at uri ng meningitis, iba’t iba ang mga paraan ng paggamot dito. Kung ang sanhi nito ay virus, maaaring bigyan ang pasyente ng mga antiviral medication. Kung bacterial naman, ang pasyente ay nangangailangang dalhin agad sa ospital upang mabigyan ng mga mabibisang antibiotic sapagkat ito ay napakadelikado. Para naman sa meningitis na sanhi ng mga fungi at parasitiko, maaaring bigyan ang pasyente ng mga antifungal o antiparasitic agent. Bukod sa mga gamot, mayroon na ring natuklasang mga bakuna para sa sakit na ito.
Kasaysayan
Noon pa man ay may mga tala na tungkol sa sakit na meningitis. At isa na si Hippocrates sa mga taong kauna-unahang naglahad ng kondisyong ito. Dagdag dito, inilahad din ni Robert Whytt noong taong 1768, isang doktor sa Edinburgh, na ang Tubercle bacilli, ang bacteria na sanhi sa tuberculosis, ay maaari ring magdulot ng meningitis.
Ayon sa mga tala, ang kauna-unahang meningitis outbreak ay naganap sa Geneva noong taong 1805. Sumunod naman dito ang outbreak sa Aprika noong taong 1940. Dahil sa mga outbreak na ito, maraming tao ang nabawian ng buhay.
Maraming mga pag-aaral ang isinagawa upang makatuklas ng mga bakuna at gamot para sa meningitis. Pagsapit ng taong 1906, natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga kabayo ay maaaring makagawa ng mga antibody laban sa meningococcal bacteria, isang uri ng bacteria na maaaring magdulot ng meningitis. Noong bandang katapusan naman ng ika-20 siglo, natuklasan ang Haemophilus vaccine na siyang naging daan upang mabawasan ang mga kaso ng meningitis na dulot ng Hemophilus influenza type B.
Mga Uri
Ang meningitis ay mayroong iba’t ibang mga uri batay na rin sa sanhi nito. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Viral meningitis. Sa uring ito, nagkakaroon ng meningitis ang isang tao dahil sa mga virus na tulad ng coxsackievirus A, coxsackievirus B, at Bagama’t ito ang pinakalaganap na uri, karaniwang gumagaling mula sa sakit na ito hangga’t nagpapahinga at sinusunod ng pasyente ang payo ng doktor.
- Bacterial meningitis. Ang uring ito ay lubos na mapanganib. Sa katunayan, nasa 5 hanggang 40 porsyentong kabataan na may ganitong sakit ay nababawian ng buhay. Upang magamot ito, kailangang dalhin agad ang pasyente sa ospital upang malapatan ng tamang lunas.
- Fungal meningitis. Ang fungal meningitis ay isang napakadalang na uri ng Ang sanhi nito ay mga fungi nagdulot ng impeksyon sa katawan at kumalat sa daluyan ng dugo hanggang sa nakarating sa utak o spinal cord. Kadalasan, ang mga taong may HIV at kanser ang naaapektuhan nito.
- Parasitic meningitis. Isa rin itong napakadalang na uri ng Maaaring magkaroon nito kapag ang isang tao ay nakakain ng pagkaing naglalaman ng parasitikong nagdudulot ng sakit na ito. Kapag ang parasitiko o itlog nito ay nabuhay sa loob ng katawan, maaaring makarating ito sa utak o spinal cord at pinsalain ang mga tisyu nito.
- Non-infectious meningitis. Ang lahat ng mga nabanggit na uri sa itaas ay sanhi ng mga impeksyong dala-dala ng mga mikrobyo at parasitiko. Subalit sa uring ito, ang sanhi ng meningitis ay mga pisikal na pinsala o kaya naman ay ibang medikal na kondisyon, gaya ng lupus at kanser. Maaari ring magdulot ng non-infectious meningitis ang mga operasyon sa utak at ilang mga gamot.
Mga Sanhi
Upang malapatan ng tamang lunas ang pasyente, kailangang alamin muna ng doktor kung ano ang naging sanhi nito, gaya ng mga sumusunod:
Viral meningitis. Ang viral meningitis ay nagiging mas laganap tuwing panahon ng tag-init at taglagas. Maaaring magkaroon nito kapag nakalanghap ng mga maliliit na laway mula sa taong may sakit o kaya naman ay nakahawak ng mga kontaminadong bagay. Bukod dito, maaari ring magdulot ng viral meningitis ang paghawak sa dumi ng taong may sakit. Halimbawa ng mga virus na nakapagdudulot nito ay ang mga sumusunod:
- Coxsackievirus A
- Coxsackievirus B
- Echovirus
- West Nile virus
- Influenza virus
- HIV virus
- Measles virus
- Herpes virus
- Coltivirus
Bacterial meningitis. Gaya ng viral meningitis, maaari ring magkaroon ng bacterial meningitis kapag nakalanghap ang isang tao ng maliliit na laway ng taong may sakit. Maaari ring magkaroon nito kapag ang isang tao ay nagkaroon ng impeksyon sa tenga o pinsala sa bungo. Halimbawa ng mga bacteria na sanhi nito ay ang mga sumusunod:
- Streptococcus pneumonia
- Neisseria meningitidis
- Hemophilus influenza
- Listeria monocytogenes
- Staphylococcus aureas
Fungal meningitis. Maaari namang magkaroon ng fungal meningitis ang isang tao kapag siya ay nakalanghap ng mga fungal spore. Dahil dito, naaapektuhan nito ang mga baga at nakakarating ang mga fungal spore sa utak o spinal cord. Ang mga fungal spore ay karaniwang natatagpuan sa mga lupa na kontaminado ng mga dumi ng ibon at paniki. Hindi naman ito nakahahawa sa ibang tao at hindi rin ito nakukuha sa pamamagitan ng paglanghap ng mga maliliit na laway ng taong may sakit. Halimbawa ng mga fungi na sanhi ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:
- Cryptococcus
- Blastomyces
- Histoplasma
- Coccidioides
Parasitic meningitis. Sa uring ito, nagkakaroon ng meningitis ang isang tao dahil sa pagkakakain sa mga parasitiko o mga itlog nito. Maaaring may mga parasitiko ang mga pagkaing tulad ng suso, hilaw na isda, karne, prutas, at gulay. Gaya ng fungal meningitis, hindi ito nakahahawa o naipapasa sa ibang tao. Halimbawa ng mga parasitikong nagdudulot ng sakit na ito ay:
- Angiostrongylus cantonensis
- Baylisascaris procyonis
- Gnathostome spinigerum
Non-infectious meningitis. Nagkakaroon ng non-infectious meningitis ang isang tao kapag siya ay nakaranas ng matinding pisikal na pinsala sa utak o spinal cord. Maaaring ito ay dulot ng:
- Mga pisikal na pinsala, gaya ng pinsala sa ulo
- Operasyon sa utak
- Ilang mga uri ng gamot
- Lupus
- Kanser
Mga Sintomas
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Bagama’t may iba’t ibang mga uri ang meningitis, ang mga sintomas nito ay halos magkakatulad. Para sa mga taong naaapektuhan ng sakit na ito, maaaring makaranas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagkakaroon ng mataas na lagnat na higit sa 38C
- Pananakit ng leeg
- Labis na pananakit ng ulo
- Pagkahilo at pagsusuka
- Pagkalito at hirap sa konsentrasyon
- Pagkakaroon ng seizure o pangingisay
- Pagkaantok
- Hirap sa paglalakad
- Madaling pagkasilaw
- Pagkawala ng gana sa pagkain
- Pagkauhaw
- Pagkakaroon ng mga pantal
Kung sanggol naman ang naaapektuhan, maaaring makitaan siya ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagkakaroon ng mataas na lagnat
- Madalas na pag-iyak
- Palaging tulog o iritable
- Hindi palakibo
- Hindi malakas sumuso sa ina o magdede
- Pag-umbok ng bumbunan
- Paninigas ng leeg at katawan
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Bata man o matanda ay maaaring magkaroon ng meningitis. Subalit mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging bata
- Hindi nabigyan ng mga bakuna
- Paninirahan sa matatao at masisikip na lugar
- Pagiging buntis
- Labis na pag-inom ng alak
- Pagkakaroon ng ibang mga sakit, gaya ng HIV, kanser, diabetes, lupus, at iba pa
- Paggamit ng labis na mga immunosuppressant drug
Karaniwang naaapektuhan ang mga batang nasa edad 5-taong-gulang pababa. Maaari ring magkaroon ng meningitis ang mga taong nasa edad na 20-taong-gulang.
Mga Komplikasyon
Ang meningitis ay hindi dapat ipagsawalang-bahala sapagkat maaari itong magdulot ng mga mapapanganib na komplikasyon kapag hindi nalapatan ng tamang lunas. Ilan sa mga komplikasyon nito ay ang mga sumusunod:
- Pinsala sa utak
- Pagpalya ng mga kidney o bato (kidney failure)
- Pagbagsak ng supply ng dugo sa mga organ o shock
- Pagkakaroon ng hydrocephalus o paglaki ng ulo
- Pagkakaroon ng rayuma
- Paglabo ng paningin
- Pagkawala ng pandinig
- Hindi makaalala at hirap sa pagkakatuto
- Hirap sa paglalakad
Pag-Iwas
Image Source: www.prnewswire.com
Ang mga mikrobyo at parasitiko na dulot ng meningitis ay kadalasang nakukuha sa maruming kapaligiran. Upang maiwasang magkaroon ng kondisyong ito, ugaliing gawin ang mga sumusunod:
- Maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos kumain, pagkatapos maglaro, pagkatapos humawak ng mga alagang hayop, at pagkatapos gumamit ng palikuran.
- Iwasang manghiram ng mga personal na gamit ng ibang tao, gaya ng mga baso, kubyertos, sipilyo, at iba pa.
- Linisin ang kapaligaran at ugaliing itapon nang wasto ang mga basura upang hindi ito pamahayan ng mga mikrobyo at parasitiko.
- Takpan ang ilong at bibig lalo na kung nababahing o nauubo.
- Kumain ng masusustansyang pagkain upang maging masigla at hindi agad maapektuhan ang katawan kahit na nakalanghap o nakahawak ng mga bagay na may mikrobyo.
Bukod sa mga nabanggit, mas malaki ang posibilidad na maiwasan ang ilang mga uri ng meningitis sa pamamagitan ng pagbabakuna. Halimbawa ng mga bakuna para sa meningitis ay ang mga sumusunod:
- Hemophilus influenza type B (Hib) vaccine
- Pneumococcal conjugate vaccine
- Meningococcal vaccine
Sanggunian
- https://www.nhs.uk/conditions/meningitis/
- https://www.healthline.com/health/meningitis
- https://www.news-medical.net/health/History-of-Meningitis.aspx
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/meningitis/symptoms-causes/syc-20350508
- https://www.everydayhealth.com/meningitis/guide/fungal-meningitis/
- https://www.everydayhealth.com/meningitis/guide/fungal-meningitis/