Gamot at Lunas  

Ang meningitis ay isang mapanganib na sakit, lalo na kung ito ay bacterial meningitis. Sa mga bata, ang posibilidad na manganib ang buhay ay umaabot hanggang 40%, samantalang sa mga young adult naman ay 20 hanggang 50%. Ganunpaman, ayon sa mga doktor, maaaring gumaling mula sa sakit na ito hangga’t natukoy at nalapatan agad ng lunas. Batay sa uri ng meningitis, maaaring gawin ang mga sumusunod:

Viral meningitis. Sa viral meningitis, maaari naman itong gumaling nang kusa sa loob ng ilang mga araw kahit walang iniinom na gamot. Ganunpaman, upang mapabalis ang paggaling ng pasyente, maaaring gawin ang mga sumusunod:

Image Source: www.wikihow.com

  • Pagpapahinga. Sa anumang uri ng sakit, mas mabilis maghilom ang katawan kapag nabibigyan ito ng sapat na pahinga. Habang natutulog ang isang tao, ang katawan ay nakagagawa ng mas maraming mga white blood cell o WBC. Ang WBC ay nagsisilbing sundalo ng katawan na siyang umaatake sa mga mikrobyo, gaya ng virus.
  • Pag-inom ng maraming tubig. Dahil ang pasyenteng may meningitis ay nakararanas ng lagnat, mas mabilis mawala ang tubig niya sa katawan sa pamamagitan ng mabilis na paghinga. Upang mapalitan ang nawalang tubig, iminumungkahi ng doktor na uminom ng maraming tubig.
  • Pag-inom ng mga gamot sa lagnat at pananakit ng katawan. Upang bumaba naman ang lagnat, maaaring magreseta ang doktor ng mga gamot sa lagnat, tulad ng paracetamol, acetaminophen, ibuprofen, at iba pa. Mabisa rin ang mga gamot na ito sa pagtatanggal ng pananakit ng katawan sapagkat nagtataglay din sila ng mga analgesic property.
  • Paggamit ng mga corticosteroid. Maaari ring magreseta ang doktor ng mga corticosteroid. Ang gamot na ito ay karaniwang nakatutulong sa pagbabawas ng pamamaga ng utak. Sa tulong nito, mababawasan ang pananakit ng ulo ng pasyente.
  • Paggamit ng mga anticonvulsant. Kung ang pasyente naman ay nakararanas ng seizure o pangingisay, maaari rin siyang bigyan ng mga anticonvulsant. Sa tulong ng gamot na ito, binabawasan nito ang pagiging labis na aktibo ng utak na nagreresulta sa pangingisay.
  • Paggamit ng mga antiviral medication. Maaari ring bigyan ng mga antiviral medication ang pasyente kung ang virus na sanhi ng kanyang meningitis ay herpes virus. Bagama’t may iba’t ibang uri ng antiviral na gamot, maaaring hindi ito laging mabisa.

Bacterial meningitis. Kapag natukoy na bacterial meningitis ang nakaaapekto sa pasyente, kailangan niyang manatili sa ospital upang mabantayan at magamot nang maayos. Ilan lamang sa mga hakbang na maaaring gawin ng doktor ay ang mga sumusunod:

Image Source: www.medicalnewstoday.com

  • Pagkakabit ng suwero. Nakatutulong ang pagkakabit ng suwero upang mapalitan agad ang nawalang tubig sa katawan ng pasyente. Bukod dito, nagsisilbi itong daanan ng mga kinakailangan niyang gamot.
  • Pagtuturok ng mga intravenous antibiotic at corticosteroid. Dahil mas mapanganib ang bacterial meningitis kaysa sa ibang mga uri, ang mga gamot na ibibigay sa pasyente ay kadalasang itinuturok sa suwero upang maging mas mabilis ang pagbisa ng mga ito. Maaaring magbigay ang doktor ng intravenous antibiotic upang mapuksa ang bacteria, samantalang ang corticosteroid naman ay nagpapabawas ng pamamaga ng utak.

Fungal meningitis. Kung ang nakaapekto naman sa pasyente ay fungal meningitis, maaari siyang bigyan ng mga iniinom o itinuturo na antifungal medication, gaya ng amphotericin B, itraconazole, at fluconazole.

Parasitic meningitis. Sa parasitic meningitis naman, ang paggamot dito ay nakasentro lamang sa pagpapawala ng mga nararanasang sintomas at wala talagang partikular na gamot para rito. Gaya ng viral meningitis, maaaring kusa rin itong gumaling. Maaari lamang bigyan ng antibiotic ang pasyente kung may dumagdag na impeksyon sa katawan.

Non-infectious meningitis. Ang paggamot sa non-infectious meningitis ay nababatay sa sanhi nito. Kung nagtamo ng pisikal na pinsala sa utak ang pasyente o nabasag ang kanyang bunga, maaari siyang sumailalim sa operasyon. Kung ang sanhi naman nito ay mga sakit na gaya ng HIV, diabetes, lupus, o kanser, kailangang gamutin ang mga nararanasang kondisyon.

Bagama’t maaaring gumaling sa sakit na meningitis, maaaring mag-iwan ito ng habangbuhay na pinsala sa katawan lalo na kung ang sakit ay bacterial. Ang pasyente ay maaaring makaranas na lagi ng pangingisay at magkaroon ng problema sa pagkilos, paningin, pandinig, at iba pa.