Ang sakit na meningococcemia ay isang malalang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria sa itaas na bahagi ng daluyan ng paghinga (upper respiratory tract) at sa daluyan ng dugo (blood stream). Ito ay maaaring makamatay kung mapapabayaan. Sa simula, ang bacteria ay maaaring manirahan sa itaas na bahagi ng daluyan ng paghinga (loob ng ilong at lalamunan) nang walang pinapakitang anumang karamdaman o sintomas, ngunit kinalaunan kung ito ay makapasok sa daluyan ng dugo, maaaring magsisimula na ang pagkakaroon ng mga sakit.
Gaano kalaganap ang sakit na Meningococcemia?
Ang sakit na ito ay kalat sa buong mundo at maaaring naiiba-iba ang uri depende kung saang bansa ito nakakaapekto. May mga uri ng meningococcal infection sa mga bansang nasa gitang Africa, mayroon din sa mga bansang China at Russia. At ang iba pa ay nasa mga bansang nasa Hilagang Amerika.
Sa Pilipinas, nagkaroon din ng ilang mga kaso ng pagkakasakit nito noong taong 2004 at 2005 sa lugar na Baguio at mga karatig na bayan sa Cordillera Region, na humantong sa kamatayang ng halos 50 na katao. Ang huling kaso ay naganap sa North Cotabato na ikinamatay din ng isa noong 2008.
Ano ang sanhi ng Meningococcemia?
Image Source: flowvella.com
Ang meningococcemia ay dulot ng impeksyon ng bacteria na Neisseria meningitidis. Ito ay nakukuha mula sa mga maliliit na patak o droplets mula sa bibig at ilong ng taong may sakit. Maari din itong makuha mula sa ubo, bahing, pakikipaghalikan, at iba pang malapitang pakikisalamuha sa taong may sakit.
Ano ang mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakahawa ng sakit?
Ang pagkakaroon ng malapitang pakikisalamuha sa taong apektado ng sakit ang pangunahing salik na nakapagpapataas ng panganib ng pagkakahawa nito. Tumataas din ang posibilidad pagkakaroon ng sakit kung magtutungo sa mga lugar na napapabalitang may kaso nito.
Ano ang mga komplikasyon ng sakit na meningococcemia?
Maaaring magdulot ng ilang mas seryosong kondisyon ang pagkakasakit ng meningococcemia. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Arthritis
- Pagkamatay at pagkabulok (gangrene) ng ilang bahagi ng katawan na hindi nararating ng dugo.
- Pamamaga ng mga daluyan ng dugo dahil sa impeksyon
- Impeksyon sa puso
- Pagkasira ng adrenal glands