Buod
Darating ang panahon na titigil na sa pagkakaroon ng regla ang lahat ng babae at ang kondisyon na ito ay tinatawag na menopause. Ang menopause ay hindi isang sakit sapagkat ito ay natural na pagbabago para sa mga babae. Subalit, kung menopausal na ang isang babae, maaaring siyang makaranas ng mga hindi kaaya-ayang sintomas gaya ng pagkakaroon ng mainit na pakiramdam, labis na pamamawis, pagkatuyo ng ari, kawalan ng gana sa pakikipagtalik, pagkakaroon ng mood swings, at marami pang iba.
Masasabing may menopause ang isang babae kapag 12 buwan na siyang sunud-sunod na hindi nagkakaregla. Kadalasang nagsisimula ang menopause kapag ang isang babae ay nasa pagitan ng mga edad 45 at 55-anyos.
Ang pagsapit ng menopause ay hindi naman biglaan. Kadalasang magiging iregular muna ang mga regla sa loob ng apat na taon bago tuluyang hindi na datnan nito. Hindi rin panghabambuhay na mararamdaman ang mga sintomas ng menopause. Karaniwang tumatagal lamang ito ng apat na taon matapos ang huling regla. Ngunit ito rin ay nagkaka-iba para sa bawat babae.
Dahil ang menopause ay hindi naman sakit, hindi ito nangangailangan ng lunas. Subalit, kung ang mga sintomas ay nagdudulot ng hindi komportableng pakiramdam, maaaring uminom ng ilang gamot o kaya naman ay magkaroon ng mas malusog na lifestyle o paraan ng pamumuhay.
Kasaysayan
Noon pa man, bandang taong 1800, ay may naitatala na tungkol sa menopause. Bagama’t wala pang opisyal na tawag dito, isa si Aristotle sa mga naunang naglahad ng kondisyon na ito. Ayon sa kanya, naaapektuhan nito ang mga kababaihan kapag sila ay sasapit na sa edad 40-anyos at pataas.
Pagdating naman ng taong 1821, opisyal nang tinawag na menopause ang kondisyong ito. Kinilala si Charles Pierre Louis de Gardanne, isang doktor mula sa Pransya, bilang siyang nakapagbigay ng pangalan sa kondisyong ito.
Ang mga sintomas naman ng menopause ay nagkakaiba-iba rin sa ibang bansa, marahil ay dulot na rin ng iba-ibang mga gene ng bawat lahi. Tulad na lamang sa mga bansang kanluranin, ang mga babaeng menopausal ay madalas na makaramdam ng hot flashes o pagkakaroon ng mainit na pakiramdam. Sa bansang Japan naman, mas madalas makaramdam ng pananakit ng mga balikat ang mga babaeng menopausal. Samantalang sa bansang India, ang menopausal na kababaihan ay mas madalas na makaranas ng panlalabo ng mga mata.
Mga Yugto
Ang pagsapit ng menopause ay nahahati sa tatlong yugto:
- Perimenopause. Gaya ng nabanggit noong una, ang pagsapit ng menopause ay hindi biglaan, sapagkat dadaan muna sa yugto ng perimenopause. Sa yugtong ito, ang regla ng isang babae ay maaaring magkaroon ng paghina ng daloy o kaya naman ay ilang buwan ng hindi pagdating na hindi pa lalagpas ng 12 buwan.
- Menopause. Sa yugtong ito, kapag ang isang babae ay dire-diretso nang hindi dinatnan ng regla sa loob ng 12 buwan, maaari na siyang ma-diagnose ng menopause.
- Post-menopause. Ang post-menopause ay ang mga taon matapos ma-diagnose na sinapitan na ng menopause ang isang babae.
Mga Sanhi ng Menopause
Ang menopause ay natural na pagbabago sa mga kababaihan. Kadalasan, dulot ito ng katandaan. Pero bukod dito, may iba ring maaaring maging sanhi ng menopause. Ang lahat ng mga maaaring maging sanhi ng menopause ay ang sumusunod:
- Katandaan. Habang tumatanda ang isang babae, ang mga obaryo nito ay unti-unti nang nababawasan ang kakayahan na gumawa ng mga hormone gaya ng estrogen, progesterone, testosterone, follicle-stimulating hormone (FSH), at luteinizing hormone (LH). Ang mga hormone na ito ay malaki ang naitutulong upang magkaroon ng kakayahan ang babae na makapagbuntis. Subalit, kung ang paggawa ng mga ito ay nagkukulang na, hindi na mabubuntis ang isang babae sa natural na pamamaraan.
- Pagtanggal ng mga obaryo. Kung ang isang babae ay tinanggalan ng mga obaryo upang lunasan ang ibang sakit o kondisyon, hindi na siya magkakaroon ng regla kailanman.
- Pagsasailalim sa mga therapy. Kung hindi naman tinanggal ang mga obaryo, maaari pa ring sumapit ang menopause kung siya ay sumailalim sa mga therapy gaya ng hormone therapy o radiotherapy. Sa hormone therapy, maaaring mawalan ng kakayahan ang mga obaryo na gumawa ng mga itlog. Sa radiotherapy naman, maaaring mapinsala ang mga obaryo dulot ng radiation.
Mga Sintomas
Image Source: www.thehealthy.com
Ang mga sintomas ng menopause sa bawat babae ay iba-iba. Kung minsan, hindi nakararanas ng mga sintomas ang ilan. Subalit, kadalasan, makararanas ang karamihan ng mga sumusunod:
- Pag-init ng pakiramdam sa iba’t ibang bahagi ng katawan
- Labis na pagpapawis tuwing gabi
- Pagkatuyo ng ari
- Kawalan ng gana sa pakikipagtalik
- Pagkakaroon ng mood swings
- Hirap sa pagtulog sa gabi
- Madalas na pag-aalala o pagkalungkot
- Pananakit ng ulo
- Pagiging makalilimutin
- Pagkawala ng konsentrasyon
- Panunuyo ng mga mata, bibig, at balat
- Pananakit o pamamaga ng dibdib
- Pag-iba ng hugis ng dibdib
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Madalas na pag-ihi
- Madalas na pagkaroon ng UTI
- Pagnipis ng buhok sa ulo
- Pagtubo ng sobrang buhok sa mukha, leeg, dibdib, o likod
- Paglawlaw ng kalamnan at balat
- Pananakit ng kasu-kasuan
Dahil ang menopause ay dulot ng pagbabago sa mga hormone ng mga babae, maaaring iba-iba rin ang mga epekto nito sa katawan.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Bagama’t ang menopause ay nagaganap kapag sumapit sa edad 45 pataas, maaaring magkaroon ang isang babae nito nang mas maaga ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Nakaraang operasyon sa obaryo o bahay-bata (uterus). Kung ang isang babae ay naoperahan sa obaryo o bahay-bata, maaaring sapitan siya agad ng menopause. Ito ay dahil nakaaapekto ang pagtitistis sa mga bahaging ito sa paggawa ng mga hormone sa katawan. Kaya, maaaring magdulot ito ng pagbawas ng dami ng mga hormone na gaya ng estrogen at
- Pagsailalim sa chemotherapy o radiation therapy. Kung ang isang babae ay may kanser at sumasailalim sa chemotherapy o radiation therapy, maaaring mapinsala ang mga obaryo kahit hindi ito rektang naaapektuhan ng mga therapy na ito.
- Pagkakaroon ng chromosomal defect. Maaari ring sumapit nang maaga ang menopause kung ang isang babaeng ay may chromosomal defect gaya ng Turner syndrome. Sa kondisyong ito, kulang ng isang chromosome ang pasyente. Bukod dito, hindi rin nabuo nang maayos ang kanyang mga obaryo kaya mataas ang posibilidad na magkaroon agad ng
- Pagkakaroon ng rheumatoid arthritis. Ang rheumatoid arthritis ay isang uri ng rayuma kung saan ang sariling immune system ng katawan ay umaatake sa mga malulusog na bahagi nito, gaya ng mga kasu-kasuan. Subalit bukod dito, maaari rin nitong atakihin ang mga obaryo at magdulot ng permanenteng pinsala sa mga ito.
- Paninigarilyo. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga babaeng naninigarilyo ay posibleng magkaroon din ng menopause nang mas maaga sapagkat ang sigarilyo ay puno ng mga nakalalasong sangkap na makapipinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
- Pagkakaroon ng thyroid disease. Ang thyroid disease ay isa ring kondisyon na dulot ng pagbabago ng paggawa ng mga hormone sa katawan. Dahil dito, naaapektuhan din nito ang paggawa ng estrogen at progesterone sa mga kababaihan.
Pag-Iwas
Image Source: classpass.com
Ang menopause ay hindi maiiwasan sapagkat lahat ng kababaihan ay dadaan sa yugtong ito. Subalit, maaari mong maiwasan ang pagkakaroon nito nang mas maaga sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Kumain ng balanse at masusustansyang pagkain. Upang hindi agad bumaba ang produksyon ng mga hormone sa katawan, kumain ng balanse at masusustansyang mga pagkain. Nakatutulong ang pagkain ng sari-saring prutas, gulay, at isda. Kung kakain naman ng karne, piliin lamang ang malaman na bahagi nito. Iwasan din ang anumang masesebo, maaalat, at matatamis na pagkain.
- Mag-ehersisyo. Ugaliin ding mag-ehersisyo araw-araw upang mapanatili ang wastong timbang. Kapag labis ang timbang, maaaring maapektuhan din ang paggawa ng mga hormone sa obaryo.
- Matulog nang sapat. Para sa mga matatanda, iminumungkahi na matulog ng 7-8 oras bawat gabi. Kapag nakulangan sa tulog, maaaring magkaroon ng pagbabago sa mga hormone ng katawan na maaarin namang magdulot ng maagang pagsapit ng
- Huwag manigarilyo. Ang mga nakalalasong sangkap sa sigarilyo ay maaaring magdulot ng mga masasamang epekto sa mga itlog sa obaryo. Kapag hindi itinigil ito, maaari rin itongg magdulot ng pagkabaog.
Ang pagsapit ng menopause ay isang natural na kondisyon kaya hindi ito dapat ikabahala. Subalit, kung naghahangad na magka-anak, ang isang babae ay wala nang kakayanan pa upang mabuntis sa natural na paraan kapag sumapit na ito.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/menopause/symptoms-causes/syc-20353397
- https://www.nhs.uk/conditions/menopause/
- https://www.healthline.com/health/menopause#causes
- https://www.huffpost.com/entry/history-of-menopause_b_6159614
- https://www.healthline.com/health/menopause/prevention#takeaway
- https://www.womenshealthmag.com/health/a19974150/early-menopause-prevention/