Gamot at Lunas

Image Source: unsplash.com

Kung ang mga sintomas ng menopause na nararamdaman ay nakaaapekto na sa mga pang-araw-araw na gawain, maaaring gawin ang mga sumusunod upang maibsan ang mga ito:

  • Uminom ng gamot. Maaari namang uminom ng gamot upang maibsan ang partikular na sintomas na nararamdaman. Halimbawa nito ay ang mga sumusunod:
    1. Selective serotonin reuptake inhibitors (SRRIs). Kadalasang ibinibigay ang mga ito kapag nais ng babae na mabawasan ang kanyang hot flashes. Mabisa rin itong gamot para mabawasan ang labis na pagkalungkot o pag-aalala.
    2. Vaginal moisturizer. Upang mabawasan ang panunuyo ng ari, maaaring pahiran ito ng vaginal moisturizer. Sa pamamagitan nito, hindi na magiging gaanong masakit ang pakikipagtalik.
    3. Mga sleeping pill. Maaari ring uminom ng mga sleeping pill kung hindi makatulog dahil sa Bagama’t nakabibili nito ng walang reseta, mas mainam na magpakonsulta muna sa doktor.
    4. Topical minoxidil. Ito ay ipinapahid sa ulo upang mabawasan ang labis na paglalagas ng buhok. Ang regular na paglalagay nito ay makatutulong upang maiwasan ang pagnipis ng buhok sa ulo at pagkapanot.
    5. Mga antibiotic. Kung nagkakaroon naman ng UTI, maaaring magpakonsulta sa doktor at magpareseta ng gamot na antibiotic upang mawala ang impeksyon sa daluyan ng ihi.

Bukod sa medikasyon, maaari ring gawin ang mga sumusunod na lunas sa bahay:

  • Magsuot ng maginhawang pananamit upang hindi uminit nang husto ang pakiramdam at mabawasan ang pagpapawis tuwing gabi.
  • Siguraduhing nakadadaloy nang maayos ang hangin sa iyong lugar upang manatiling maginhawa ang pakiramdam ng katawan.
  • Mag-ehersisyo nang wasto upang mabawasan ang timbang.
  • Makipag-usap sa ibang tao upang mabawasan ang labis na pag-aalala o pagkalungkot.
  • Uminom ng mga vitamins o mga supplement upang hindi maging sakitin.
  • Maglagay ng lotion o moisturizer sa balat upang hindi ito manuyo.
  • Uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang pagkakaroon ng UTI.
  • Itigil ang anumang bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng nakalalasing na inumin.