Buod

Kagaya ng ibang uri ng mga hayop, ang tao ay maaaring magkaroon ng kuto sa katawan. Subalit, bukod sa ulo, ang tao ay maaari ring magkaroon ng bukod-tangi na uri ng mga kuto na matatagpuan lamang sa ari. Ang mga uri na ito ng kuto ay tinatawag din na crabs sa wikang Ingles.

Ang mga insektong ito ay namumuhay at dumarami sa mga buhok na nasa ari ng tao. Nabubuhay sila sa pamamagitan ng pagsipsip sa dugo ng tao. Sa pagdami ng mga ito sa bahaging ito ng katawan, nakapagdudulot sila ng pangangati at ng pagkakaroon ng pamamantal at mga butlig.

Ang isa sa mga pangunahing paraan ng pagkakaroon ng kuto sa ari ay ang pakikipagtalik sa taong mayroon nito. Subalit, maaari ring magkaroon nito ang tao sa pamamagitan ng pagpapagamit o paggamit ng mga personal na kagamitan ng taong may kuto sa ari, kagaya ng mga kumot at unan, tuwalya, maging ang mga damit. Maaari ring lumipat ang kuto sa ari sa ibang tao sa pamamagitan ng pagyakap.

Kabilang sa mga sintomas ng pagkakaroon ng kuto sa ari ay ang labis na pangangati sa ari, pagkakaroon ng mga butlig at mga pantal sa bahaging ito, maging ang bahagyang pagdurugo nito bunga ng labis na pagkamot. Ngunit sa kabutihang palad, ngayon ay mayroon nang mga subok na uri ng gamot na maaaring gamitin upang patayin ang mga kuto sa ari.

Kasaysayan

Ang pagkakaroon ng kuto sa ari ng tao ay hindi ganap na matukoy kung kailan nag-umpisa. Subalit, ayon sa ilang mga dalubhasa, unang nagkaroon nito ang mga tao noong sila ay mahawaan ng mga bakulaw (gorilla), may mga tatlong milyong taon na ang nakararaan.

Ayon sa ulat na ito, hindi ito nakuha ng tao sa mga hayop na ito sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Bagkus, nagkaroon ang tao ng mga kuto sa ari sa pamamagitan ng paghiga sa higaan ng mga apektadong bakulaw, o kaya naman, diumano, ay sa pamamagitan ng pagkain sa mga ito.

Ang mga tao ay namumukod-tangi sa mga primate, isang grupo ng mga hayop kung saan kabilang ang mga unggoy at mga bakulaw, kung ang pag-uusapan ay ang pagkakaroon ng mga kuto sa katawan. Ito ay dahil tanging ang mga tao lamang ang naaapektuhan ng dalawang uri ng kuto. Ang unang uri ay sa ulo at ang ikalawang uri ay nasa ari.

Mga Uri ng Mga Kuto

Ang mga kuto sa ari, o kung tawagin din ay crabs, ay kauri ng mga kuto na matatagpuan sa iba pang bahagi ng katawan. Ang mga kuto na maaaring matagpuan sa buong katawan ng tao ay ang mga sumusunod:

  • Pediculus humanus capitis. Ito ang mga uri ng kuto na matatagpuan sa ulo ng tao.
  • Pediculus humanus corporis. Ito ang mga kuto na matatagpuan sa katawan.
  • Phthirus pubis. Ito ang mga uri ng kuto na matatagpuan sa ari, na siyang uri na tinatalakay sa artikulong ito.

Mga Sanhi

Image Source: www.freepik.com

Ang sanhi ng pagkakaroon ng mga kuto sa ari ay ang pagkakadikit sa taong mayroon nito. Dapat malaman na ang mga kuto ay hindi nakalilipad o kaya ay nakatatalon. Ang mga ito ay gumagapang mula sa isang hibla ng buhok papunta sa kabila.

Kaya, ang pagkakaroon ng mga kuto sa ari ay sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Pakikipagtalik sa anumang paraan sa taong mayroong kuto sa ari
  • Pagyakap o paghalik sa taong apektado nito
  • Paggamit o kaya ay pagpapahiram ng mga gamit sa higaan, mga tuwalya, o kaya ay mga pananamit sa taong mayroong kuto sa ari

Sintomas

Image Source: www.askdrshah.com

Ang pagkakaroon ng kuto sa ari ay maaaring hindi kaagad mapapansin sa loob ng tatlo hanggang limang araw makaraang mahawahan nito. Ang pangangati at ang pagkairita ng apektadong balat ang pangunahin sa mga sintomas nito.

Ang ilan sa mga sintomas ng pagkakaroon ng mga kuto sa ari ay ang mga sumusunod:

  • Pangangati sa singit. Ang pangangati na dulot ng mga kuto ay hindi bunga ng kanilang mga kagat. Bagkus, ito ay dulot ng allergic reaction sa kanilang laway at dumi. Ang pangangati na ito ay tila mas malala sa gabi.
  • Pagkakaroon ng pulang pantal. Ang mga pulang pantal ay bunga ng mga maliliit na sugat o butlig na dulot ng allergic reaction sa mga kuto.
  • Pagkakaroon ng asul na mga pantal. Ang mga ito ay karaniwang matatagpuan sa ibabang bahagi ng tiyan at sa mga hita.

Ang iba pang mga sintomas ng pagkakaroon ng kuto sa ari ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng pamumula at pangangati sa paligid ng pilik-mata ng mga bata
  • Pagkakaroon ng kayumanggi o itim na mga marka sa balat o underwear na bunga ng mga dumi ng mga kuto
  • Pagkakaroon ng mantsa ng dugo sa underwear bunga ng pagdurugo sa kakakamot sa makating bahagi

Ang ilan sa mga sintomas na ito ay maaaring matagpuan sa mga sumusunod na iba pang bahagi ng katawan:

  • Sa tiyan
  • Sa itaas na bahagi ng mga hita
  • Sa dibdib
  • Sa mga balbas o bigote

Mga Salik sa Panganib

Ang sinuman ay maaaring magkaroon ng kuto sa ari. Subalit, higit na pinatataas ng mga sumusunod na salik ang panganib ng pagkakaroon nito:

  • Pagkakaroon ng masisiglang buhay sekswal, lalo na sa panig ng mga nagbibinata o nagdadalaga
  • Pagkakaroon ng higit sa isang katalik
  • Pakikipagtalik sa taong apektado ng kondisyong ito
  • Naka-ugaliang pagpapagamit ng mga personal na kagamitan, kagaya ng tuwalya, mga unan at kumot, o mga pananamit

Pag-Iwas sa Mga Kuto sa Ari

Madaling iwasan ang pagkakaroon ng mga kuto sa ari. Kabilang sa mga paraan sa pag-iwas rito ang mga sumusunod:

  • Pag-iwas sa pakikipagtalik sa mga hindi kakilala
  • Pag-iwas sa pagtulog sa higaan ng taong mayroong kondisyong ito
  • Pag-iwas sa paggamit ng mga pananamit ng taong mayroong mga kuto sa ari

Kung ang isang tao ay sumasailalim sa pagpapagamot laban sa mga kuto sa ari, ang kanilang mga naging katalik o kasalukuyang karelasyon ay dapat ding magpagamot laban dito.

Dapat ding tandaan na ang paggamit ng condom ay hindi makatutulong sa pag-iwas sa pagkakaroon ng mga kuto sa ari, dahil ang mga kuto ay gumagapang sa mga buhok.

Sanggunian