Buod
Ang Middle East respiratory syndrome o MERS ay isang uri ng sakit sa baga na dulot ng coronavirus (CoV). Ang MERS ay kilala rin sa tawag na camel flu sapagkat ang mga camel o kamelyo ang pinaniniwalaang tagapagdala ng sakit na ito.
Ang MERS ay itinuturing din na severe acute respiratory syndrome o SARS ng Middle East. Bukod sa parehas na coronavirus ang sanhi ng MERS at SARS, magkatulad din ang mga sintomas na maaaring idulot nito sa pasyente. Ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng mataas na lagnat, pag-ubo, pagkakaroon ng hirap sa paghinga, pananakit ng katawan, at iba pa. Ang tanging pinagkaiba lamang ng MERS sa SARS ay ang hayop na pinaniniwalang unang pinanggalingan ng virus.
Sa ngayon, wala pang nai-imbentong bakuna o gamot para sa MERS. Ngunit kung naapektuhan ng sakit na ito, maaari namang bigyan ng mga gamot upang hindi lumala ang mga sintomas.
Kasaysayan
Isang bagong sakit ang Middle East respiratory syndrome o MERS. Ang unang kaso ng sakit na ito ay naitala noong 2012 lamang sa Saudi Arabia. Pinangalanan itong Middle East respiratory syndrome sapagkat ang sakit na ito ay laganap sa mga bansang nasa Gitnang Silangan o Middle East, gaya ng Ehipto, Iran, Turkey, Saudi Arabia, Yemen, Jordan, United Arab Emirates, Lebanon, Oman, Kuwait, Qatar, Bahrain, at iba pa.
Dapat ding alalahanin na ang MERS ay hindi ekslusibongn nakikita sa mga bansang nasa Middle East. Marami na ring naitalang mga kaso ng sakit na ito sa ibang bahagi ng mundo gaya ng Africa, Europa, Asya, at Estados Unidos. Noong 2015 lamang ay nagkaroon ng MERS outbreak sa South Korea. Ang naitalang pinagmulan ng outbreak na ito ay isang 68-anyos na pasyente na nagbakasyon galing sa Middle East. Sa outbreak na ito, may naitalang 186 tao ang nakumpirmang nahawaan ng MERS, samantalang 36 naman ang namatay. Ang outbreak na ito ay tumagal ng 3 buwan, mula Hulyo hanggang Setyembre ng nasabing taon.
Dahil sa mga kaso ng MERS na nagaganap noon sa iba’t ibang panig ng mundo, ang Pilipinas ay nanatiling alerto sa sakit na ito. Ang lahat ng mga nagbakasyon at naglakbay ng ibang bansa ay sinuri lalo na kung nakitaan ng kahit simpleng ubo at lagnat lamang.
Noon namang Hulyo 2015, may nakumpirmang 1 kaso ng MERS sa bansa. Isang 36-anyos na bakasyonista mula sa Finland ay nag-positibo sa sakit na ito. Batay sa salaysay ng pasyente, bago siya nakarating ng Pilipinas ay nagbakasyon muna siya sa Saudi Arabia, Dubai, at United Arab Emirates. Iniugnay agad naman ng Pilipinas ang kasong ito sa World Health Organization o WHO. Ang pasyente ay bumaba ang lagnat at naging maayos ang kondisyon matapos siyang maipasok sa isang ospital sa Pilipinas.
Mga Sanhi
Image Source: www.vaxbeforetravel.com
Ang sanhi ng Middle East respiratory syndrome o MERS ay ang coronavirus (CoV), ang parehas na virus na sanhi ng SARS. Subalit, sa sakit na MERS, ang virus ay pinaniniwalaang dulot ng mga kamelyo na matatagpuan sa Gitnang Silangan o Middle East. Posibleng makuha ang virus na sanhi ng MERS sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Paghawak sa mga infected na kamelyo. Ang paghawak sa mga infected na kamelyo ay maaaring magdulot ng MERS sapagkat ang mga kamelyo ang pinaghihinalaang tagapagdala nito.
- Paggamit o pagkain ng mga produktong gawa sa kamelyo. Ang mga produktong galing sa kamelyo gaya ng karne at gatas ay maaaring magdulot ng MERS. Ayon sa mga pag-aaral, maaari pa ring mabuhay ang MERS-CoV sa mga produktong ito.
- Paglanghap ng droplets o maliliit na patak ng laway mula sa mga infected na tao. Bagama’t wala pang kasiguraduhan, ang MERS ay pinaniniwalaan ding nakukuha mula sa paglanghap ng droplets o maliliit na patak ng laway mula sa mga infected na tao. Ginamit bilang patibay dito ang pagkakaroon ng outbreak ng sakit na ito sa South Korea. Pero ayon sa mga doktor, kailangan ng close contact upang mahawaan ng sakit na ito. Ayon sa pananaliksik, bukod sa mismong pasyente, ang pinakamadalas na maapektuhan ng MERS ay ang mga malalapit na mga kamag-anak na nag-aalaga sa pasyente, pati na rin ang mga nars at doktor.
Sa ngayon, ito pa lamang ang mga nalalamang sanhi ng pagkalat ng MERS. Hindi pa lubusang nalalaman kung ang MERS-CoV ay maaari ring manirahan sa ibang hayop. Subalit, ayon sa mga pag-aaral, negatibo naman sa MERS-CoV ang mga hayop na tulad ng kambing, baka, tupa, kalabaw, baboy, at karamihan ng mga ibong naninirahan sa gubat.
Mga Sintomas
Image Source: vitamins.lovetoknow.com
Ang MERS ay madalas mapagkamalan na simpleng trangkaso lamang. Subalit, masasabing may MERS ang isang pasyente kapag siya ay nakikitaan ng mga sumusunod na mga sintomas:
- Pagkakaroon ng mataas na lagnat
- Pag-ubo
- Pagkakaron ng kahirapan sa paghinga
- Panginginig o panlalamig ng katawan
- Pananakit ng dibdib
- Pananakit ng katawan
- Pananakit ng lalamunan
- Panghihina
- Pananakit ng ulo
- Pagtatae
- Pagduduwal o pagsusuka
Kapag hindi nabigyan ng lunas ang mga sintomas na nabanggit, maaari itong magresulta sa pulmonya at sakit sa bato. Dahil dito, maaaring manganib ang buhay ng pasyente.
Upang matukoy na MERS ang nakaaapekto sa isang pasyente, kailangan munang sumailalim sa mga laboratory test ang pasyente, gaya ng polymerase chain reaction testing. Sa pamamaraang ito, kukuha ang doktor ng ilang sample mula sa baga ng pasyente upang masuri kung positibo siya sa MERS.
Mga Salik sa Panganib
Maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng Middle East respiratory syndrome o MERS ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging bata o may edad na. Ang mga bata ay mahihina pa ang resistensya, kaya naman mas madali silang dapuan ng mga viral disease na gaya ng MERS. Samantala, ang mga may edad na ay humihina na ang pangangatawan at madali na ring magkaroon ng iba’t ibang mga sakit.
- Pagkakaroon ng chronic disease. Kung ang isang tao ay may chronic disease o pangmatagalang sakit gaya ng diabetes, sakit sa baga, at mga sakit sa puso, maaaring mas mabilis maapektuhan ng MERS. Dahil ang katawan ay may karamdaman na, mas madali nang mapapasok ng virus ang pasyente.
- Pagkakaroon ng kanser. Ang mga pasyenteng mayroong kanser ay mataas din ang posibilidad na magkaroon ng MERS. Dahil unti-unting naaapektuhan ng mga cancer cell ang mga malulusog na selula ng katawan, ang resistensya ng mga pasyente ay lalong humihina.
- Pag-inom ng mga immunosuppressant na gamot. Ang immunosuppressant ay isang uri ng gamot na nagsu-suppress o nakapagpapahina ng resistensya ng katawan. Kung minsan ay kailangang inumin ito kapag ang isang pasyente ay may taglay na autoimmune disease o kaya naman ay sumasailalim ang pasyente sa isang organ transplant. Sa paghina ng resistensya, maaaring magkaroon ng pagkakataon ang virus na pasukin ang katawan.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Gaya ng pag-iwas sa ibang mga viral disease, maaaring maiwasan ang MERS sa pamamagitan ng mga sumusunod na gawain:
- Madalas na paghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig.
- Pag-iwas mula sa paghawak ng ilong, bibig, at mukha kung hindi pa nahuhugasan ang mga kamay.
- Pagtakip ng ilong at bibig ng panyo kung may kalapit na umuubo.
- Pag-uugaling maglinis ng kapaligiran.
- Pag-iwas sa paghiram ng mga personal na gamit ng iba, gaya ng baso, tasa, at mga kubyertos.
- Paghugas nang mabuti ng mga sangkap sa pagluluto.
- Pagtiyak na naluto nang maigi ang mga karne, lalo na ang karne ng kamelyo.
- Pag-iwas mula sa pag-inom ng hilaw na gatas ng kamelyo.
- Kung magbabakasyon sa mga lugar na may kilalang kaso ng MERS, pagsisiguradong magawa ang mga nabanggit na pag-iingat sa itaas.
Ang mortality rate ng MERS ay nasa 35%, sapagkat wala pang partikular na lunas para rito. Sa kabutihang palad naman, ito ay hindi mabilis makahawa kumpara sa SARS. Kung nagkaroon ng sakit gaya ng lagnat at pag-ubo pagkatapos mangibang-bansa, agad na magpakonsulta sa doktor.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/sars/expert-answers/what-is-mers-cov/faq-20094747
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/262538.php
- https://www.cdc.gov/coronavirus/mers/index.html
- https://en.wikipedia.org/wiki/Middle_East_respiratory_syndrome
- https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/middle-east-respiratory-syndrome-coronavirus-(mers-cov)
- https://thereadersbureau.com/beware-of-camel-flu/
- https://www.who.int/csr/disease/coronavirus_infections/faq/en/
- https://en.wikipedia.org/wiki/Severe_acute_respiratory_syndrome
- https://en.wikipedia.org/wiki/2015_Middle_East_respiratory_syndrome_outbreak_in_South_Korea
- https://www.who.int/csr/don/08-july-2015-mers-philippines/en/
- https://www.washington.edu/news/2013/09/10/two-common-drugs-may-help-treat-deadly-middle-east-respiratory-syndrome/