Buod

Ang migraine ay isang napakasakit na kondisyon na umaapekto sa ulo. Ang katawagang “migraine” ay nagmula sa wikang Latin na “hemicrania” na ang kahulugan ay “kalahati” (hemi) at “bungo” (crania).

Ang karaniwang nararanasan ng may kondisyong ito ay ang labis na pananakit at pagpintig ng apektadong bahagi ng ulo. May ilang mga karaniwang itinuturing na mga sanhi o mga trigger nito. Kabilang dito ay stress, pagod, puyat, maging ang pagpili ng ilang uri ng mga inumin at pagkain.

Ang mga taong nakararanas ng migraine, bukod sa sobrang pananakit ng ulo, ay maaaring makaranas din ng pagduduwal, pagsusuka, at maging ng pagkamaselan sa liwanag at mga malalakas na tunog.

Sa kasalukuyan, ginagamot at nilulunasan ang migraine sa pamamagitan ng mga painkiller at ng pagpapahinga. Sa mga malulubhang kaso naman ng kondisyong ito, maaaring mangailangan ng pagpapa-opera.

Kasaysayan

Ang mga sintomas ng migraine ay binanggit na noon pang 1500 B.C.E. sa sinaunang Ehipto. At noong 200 B.C.E. ay mayroon nang nakita sa mga nalathalang aklat mula sa Hippocratic school of medicine tungkol dito. Nabanggit dito ang visual aura o mga sintomas na nakaaapekto sa paningin, na sinusundan ng pananakit ng ulo na bahagyang nawawala matapos ang pagsusuka.

Subalit, itinuturing na ang nakadiskubre sa kondisyong ito ay sa Aretaeus ng Cappadocia noong ikalawang siglo. Binanggit niya sa kaniyang mga pagsasaliksik ang uri ng pananakit ng isang bahagi ng ulo na may mga sintomas ng migraine, kagaya ng pagsusuka.

Ang kondisyong ito ay kalaunang pinangalanang “migraine,” isang terminong hango sa Latin na “hemicrania” na ang kahulugan ay “kalahati” (hemi) at “bungo” (crania). Ang terminong ito ay unang ginamit ni Galenus ng Pergamon sa pagitan ng ikalawa at ikatlong siglo.

Kalaunan, naglathala din ang Muslim na pilosopo na si Ibn Sina ukol sa migraine sa kaniyang aklat na “El Qanoon fle teb.” Napansin niya ang kaugnayan ng pag-inom, pagkain, maging ng mga maiingay na tunog at labis na liwanag sa paglala ng sintomas ng migraine. Napansin din niya na ang mga taong may kondisyong ito ay tila namamalagi muna sa madidilim na lugar hanggang sa humupa ang pananakit ng kanilang ulo.

Samantala, si Abu Bakr Mohamed Ibn Zakariya Razi naman ang unang nakapansin ng kaugnayan ng migraine at mga hormone. Ayon sa kaniyang pagsasaliksik, ang migraine ay umaatake sa mga kababaihan pagkatapos manganak, kapag nag-menopause, o kaya habang may dysmenorrhea.

Noon namang 1712 ay nalathala ang kondisyong ito sa “Bibliotheca Anatomica, Medic, Chirugica” sa London kasama ng iba pang uri ng pananakit ng ulo. At noon namang 1930s at 1950s ay nadiskubre na ang vasocontriction o pagpapasikip ng lumalapad (dilated) na mga daluyan ng dugo sa utak ay nakatutulong sa paglunas sa migraine.

Upang lalo nating maintindihan ang mabisang paglunas sa kondisyong ito, kailangang malaman muna natin ang iba’t ibang uri ng migraine.

Mga Uri

Ang mga iba’t ibang uri ng migraine ay ang mga sumusunod:

  • Migraine na may aura. Isa sa apat na nakararanas ng migraine ay nakararanas din ng visual aura o sintomas na pansamantalang nakaaapekto sa paningin. Kapag nangyari ang aura, isa itong tiyak na palatandaan ng pagkakaroon ng migraine. Sa uri ng migraine na ito, nakakakita ang pasyente ng mga itim na tuldok o kaya naman ay mga biglaang pagkislap ng liwanag. Maaari ring samahan ang mga ito ng pamamanhid sa isang bahagi ng katawan o ng paghirap sa pagsasalita. Nangyayari ang aura ilang minuto bago o habang nagaganap ang migraine.
  • Migraine na walang aura. Ito ang pinaka-karaniwang uri ng migraine. Mayroon din itong kahirapang ma-diagnose dahil wala itong palatandaan na naiiba sa mga nakikita sa ibang uri ng migraine. Subalit, taglay nito ang mga karaniwang sintomas na nasa ibang uri ng kondisyong ito, kagaya ng pagpintig ng isang bahagi ng ulo na may kasamang pananakit, pagkamaselan sa liwanag at ingay, pagkahilo at pagsusuka.
  • Migraine na walang pananakit ng ulo. Ang uring ito ng migraine ay tinatawag ding acephalgic migraine. Bagama’t wala itong kaakibat na pananakit ng ulo, lubha itong nakababahala dahil ang mga sintomas nito ay katulad sa nakikita sa epilepsy. Ang mayroon ng kondisyong ito ay nakararanas ng pagkahilo at maaaring pagsusuka.
  • Hemiplegic migraines.Ang uri ng migraine na ito ay kadalasang napagkakamalan bilang isang stroke. Mararanasan ng taong may ganitong kondisyon ang panghihina o pagkawala ng pakiramdam sa isang bahagi ng katawan. Makararanas din ng parang bahagyang pagsundot ng mga karayom. Subalit, maaaring wala itong kaakibat na pananakit ng ulo. Ito ay maaaring tumagal nang ilang oras hanggang sa ilang araw.
  • Retinal migraine.Ang retinal migraine ay isang uri ng aura na nagdudulot ng pansamantalang pagkawala ng paningin sa isang mata. Nararanasan ito lalo na ng mga babaeng nanganganak at maaaring tumagal nang ilang minuto hanggang sa ilang buwan, subalit nawawala rin nang kusa. Dapat maunawaan na ang pagkakaroon ng retinal migraine ay maaaring palatandaan ng iba pang malubhang kondisyon.
  • Chronic migraine.Ang chronic migraine ay maaaring tumagal nang mahigit sa 15 araw sa loob ng isang buwan. Kapag ito ay umaatake, maaaring magkakaiba ang kalubhaan. May mga pagkakataong napakalubha ng sakit, at may mga pagkakataon namang walang mararanasang pananakit sa ulo.

Mga Sanhi

Image Source: www.freepik.com

Ang migraine ay maaaring maranasan ng kahit na sino. Bata man o matanda ay puwedeng magkaroon nito at ito ay maaaring ma-trigger ng mga sumusunod:

  • Stress. Napatunayan sa maraming pag-aaral na isa sa mga pangunahing nagdudulot ng migraine ay ang stress, lalo na ang stress na dulot ng matitinding emosyon.
  • Labis na pagpupuyat. Ang pagupuyat ay maaaring magdulot ng labis na pagbuka (dilation) ng mga ugat sa ulo na maaaring maging sanhi ng migraine. Kaya, karaniwan itong nararanasan ng mga taong nagtatrabaho sa gabi.
  • Labis na pagkapagod. Maaari ring magdulot ng migraine o magpalakas ng mga sintomas nito ang mga gawain na labis na nakapapagod. Nabibilang dito ang labis na pag-eehersisyo.
  • Matitinding liwanag, ingay, at amoy. Ang sobrang liwanag at malalakas na tunog ay maaaring magdulot din ng migraine. Dagdag dito, ang mga malalakas na amoy, kagaya ng mga matatapang na pabango, usok ng sigarilyo, at maging ang paint thinner ay maaari ring magdulot nito.
  • Pagbabagong hormonal sa mga babae. Ang pagbabago sa dami ng estrogen ng babae ay maaari ring maging sanhi ng migraine. Karaniwan itong nangyayari kapag sila ay nireregla, nagkakaroon ng dysmenorrhea, o kapag nakararanas na ng
  • Mga gamot. Ang mga oral contraceptive at mga gamot para sa altapresyon na nagpapaluwag sa daluyan ng dugo (vasodilators) ay maaari ring magpalala sa mga sintomas ng migraine.
  • Mga inumin. Ang mga inuming katulad ng mga alak, tsokolate, at kape ay may mga sangkap na maaaring magdulot ng migraine.
  • Mga pagkain. Ang mga maaalat at aged na pagkain katulad ng keso, maging ang fasting o pag-iwas sa pagkain ng ilang panahon, ay maaari ring magdulot ng migraine.

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Bago pa man maranasan ang pananakit ng ulo, ang ibang mga sintomas ng migraine ay mapapansin na. Maaari ring magpatuloy ang mga sintomas na ito habang nananakit ang ulo at kahit humupa na ito. Alalahanin na hindi lahat ng uri ng migraine ay may kaakibat na pananakit ng ulo, subalit ang halos lahat ng uri migraine ay may mga sintomas na kagaya ng mga sumusunod:

  • Banayad hanggang sa malubhang pananakit sa isang bahagi lamang ng ulo
  • Pumipintig at malubhang pananakit ng ulo
  • Lumalalang pananakit ng ulo kapag nagsasagawa ng mga gawaing pisikal
  • Kawalan ng kakayahan para sa mga karaniwang gawain dahil sa labis na pananakit ng ulo
  • Pagkahilo at pagsusuka
  • Pagiging maselan sa liwanag at malalakas na mga tunog

Ang ibang mayroon ng kondisyong ito ay maaari ring makaranas ng labis na pagpapawis, pagbabago ng temperatura ng katawan, o ng pagtatae.

Matatandaang ang kondisyong ito ay maaaring umapekto sa kahit na kanino. Subalit, may mga taong mas malaki ang panganib na magkaroon nito.

Mga Salik

Ang mga sumusunod ay ang mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng migraine:

  • Edad. Maaaring makaranas ang mga bata ng migraine, subalit ito ay karaniwang nag-uumpisa sa pagdadalaga o pagbibinata. Tumataas naman lalo ang posibilidad na magkaroon nito para sa mga taong may 30 na taong gulang.
  • Kasarian. Ang mga kababaihan ay mas karaniwang nakararanas ng mga pagbabagong hormonal. Kaya, sila rin ang mas karaniwang naaapektuhan ng kondisyong ito.
  • Pagbabagong hormonal. Tuwing ang mga babae ay may regla o kaya ay kasalukuyang nakararanas ng menopause, maaaring lumala ang mga sintomas ng migraine na kanilang nararamdaman.
  • Pagkakaroon sa pamilya. Maaaring magkaroon ng migraine ang sinuman, lalo na kung mayroon sa pamilya nila ang nagtataglay ng kondisyong ito.

Pag-Iwas

Image Source: www.inc.com

Maaaring iwasan ang migraine sa pamamagian ng pag-iwas sa anumang maaaring magdulot sa pagkakaroon nito. Ang ilan sa mga maaaring gawin ay ang mga sumusunod:

  • Pagtulog nang sapat
  • Pag-iwas sa anumang nagdudulot ng stress
  • Pag-iwas sa mga pagkaing maaaring magdulot nito
  • Pag-inom nang maraming tubig
  • Regular na pag-eehersisyo
  • Pakikinig sa mga nakakakalmang musika
  • Panonood ng mga nakalilibang na pelikula

Sanggunian