Buod
Sa tuwing nagbobomba ang puso ng dugo, ang mga selula nito ay may partikular nang lugar na pupuntahan gaya ng mga baga at iba’t ibang bahagi ng katawan. Subalit minsan, ang dugo ay hindi nakararating sa dapat nitong paroonan. Maaaring mangyari ito kapag may problema ang bahagi ng puso, gaya ng mitral valve.
Ang mitral valve ay bahagi ng puso na matatagpuan sa pagitan ng left atrium at left ventricle. Para itong swing-type na pinto sa pagitan ng dalawang kalamnan na ito. Ang gawain nito ay ang pagkontrol ng dami ng dugo na pumapasok o lumalabas sa bawat kalamnan ng puso.
Subalit, may mga pagkakataon na ang mitral valve ay hindi lubusang nagsasara. Kaya naman, ang dugo ay tumatagas sa left atrium. Ang kondisyong ito ay tinatawag na mitral regurgitation. Sa sakit na ito, maaaring makaranas ang pasyente ng hirap sa paghinga, madaling pagkapagod, mabilis at parang pumapagaspas na pagtibok ng puso o palpitation, pamamanas ng mga binti at paa, at pagkakaroon ng tila umaagos na tunog sa puso o heart murmur.
Kadalasang nagkakaroon ng mitral regurgitation ang isang tao kapag siya ay may iba pang karamdaman gaya ng mitral valve prolapse, rheumatic fever, endocarditis, malalang altapresyon, congenital heart defect, at marami pang iba. Upang magamot ang mitral regurgitation, ang doktor ay maaaring magreseta ng gamot o magpayo na sumailailm ang pasyente sa operasyon.
Kasaysayan
Ang mitral regurgitation ay kilala rin sa tawag na mitral valve regurgitation, mitral insufficiency, at mitral incompetence. Sa kondisyong ito, nagiging “incompetent” o walang kakayanan ang mitral valve na lubusang magsara. Dahil dito, ang dugo ay nagre-regurgitate o tumatagas lamang sa left atrium. Sa pagtagas ng dugo, nagkakaroon ng “insufficiency” o kakulangan sa dami ng dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Noon, upang magamot ang kondisyong ito, kailangan pang magsagawa ng open-heart surgery. Ito ay isang uri ng operasyon na kailangang buksan ang dibdib ng pasyente upang makita at maayos ang problema sa puso. Bagama’t ang ganitong klaseng operasyon ay mabisa, ang pasyente ay maaaring magkaroon ng mga komplikasyon dulot ng pag-oopera. Bukod dito, matatagalan din ang pasyente na gumaling sa operasyong ito dahil sa malaking sugat sa kanyang dibdib.
Subalit, sa paglipas ng panahon, may mga paraan na upang maisaayos ang depektibong mitral valve nang hindi na binubuksan ang buong dibdib ng pasyente. Ngayon, sa valve repair surgery, ang mga surgeon ay hihiwain na lamang nang bahagya ang balat at laman malapit sa puso at gagamit ng screen o monitor upang makita ang kanilang gagawin.
Mga Sanhi
Image Source: theconversation.com
Kadalasan, nagkakaroon lang ng mitral regurgitation kapag ang pasyente ay may ibang karamdaman gaya ng mga sumusunod:
- Congenital heart defect. Kapag ang sanggol ay ipinanganak na may problema sa puso, tinatawag itong congenital heart defect. Sa sakit na ito, maaaring iba’t ibang bahagi ng puso ang naaapektuhan. Kung ang problema ay nasa mitral valve, hindi malayong magkaroon ng mitral regurgitation ang pasyente.
- Malalang altapresyon. Maaari ring magdulot ng mitral regurgitation ang malalang altapresyon. Kung palagiang tumataas ang presyon, ang istruktura ng mga bahagi ng puso gaya ng mitral valve ay maaaring manigas, mangapal, at magbago. At kapag may pagbabago sa istruktura nito, ito ay posibleng hindi magsara at magdulot ng mitral regurgitation.
- Mitral valve prolapse. Ang mitral valve prolapse ay ang pag-umbok ng mitral valve sa left atrium. Dahil sa pag-umbok ng mitral valve, hindi ito nagsasara nang maayos. Bagama’t maaaring magdulot ito ng mitral regurgitation, hindi naman ito nangyayari sa lahat ng pagkakataon.
- Rheumatic fever. Ang rheumatic fever ay ang pagkakaroon ng lagnat dahil sa masakit na mga kasukasuan. Dulot ito ng streptococcal bacteria na maaari ring matagpuan sa lalamunan. Kapag nagkaroon ng rheumatic fever, ang mitral valve ay maaaring kumapal kaya naman maaaring hindi na ito magsara.
- Endocarditis. Ang endocarditis ay isang uri ng impeksiyon sa puso na maaaring dulot ng bacteria o fungi. Kapag ang bacteria o fungi ay pumirmi sa mitral valve, ito ay magkakaroon ng vegetation o mga abnormal na istruktura. Ang mga vegetation na ito ay maaaring humarang sa mitral valve kaya naman ito ay posibleng hindi magsara.
- Atake sa puso. Kung ang isang tao ay may kasaysayan na ng atake sa puso, maaaring magkaroon ng mitral regurgitation. Kapag naatake sa puso, ang ilang bahagi ng puso gaya ng mitral valve ay maaaring mapinsala.
- Cardiomyopathy. Sa cardiomyopathy naman, ang mga kalamnan ng puso ay lumalaki. Sa paglaki o pag-unat ng mga tissue ng puso, ang mitral valve ay maaaring mapunit at hindi magsara.
Bagama’t iba’t ibang karamdaman ang kadalasang sanhi ng mitral regurgitation, maaaring magdulot din nito ang anumang aksidente malapit sa puso, pag-inom ng ilang uri ng mga gamot, maging ang pagkalantad sa labis na radiation.
Sintomas
Image Source: vitamins.lovetoknow.com
Ang mga sintomas ng mitral regurgitation ay halos natutulad sa ibang mga uri ng sakit sa puso. Ilan lamang sa mga sintomas nito ay:
- Kinakapos na paghinga. Isa sa mga pangkaraniwang sintomas ng sakit sa puso gaya ng mitral regurgitation ay ang kinakapos na paghinga. Dahil ang dugo ay napupunta sa left atrium, kulang ang dinadalang dugo ng puso sa iba’t ibang bahagi ng katawan gaya ng mga baga. Tandaan, ang dugo ay may halong oxygen upang makahinga ang mga selula ng katawan.
- Madaling pagkapagod. Bukod sa oxygen, ang dugo rin ay may halong nutrisyon. Kung kulang ang dami ng dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan, madaling mapapagod ang pasyenteng may mitral regurgitation.
- Palpitation. Ang palpitation ay ang mabilis at parang pumapagaspas na pagtibok ng puso. Dahil naiipunan ng sobrang dugo ang left atrium, naaapektuhan nito ang mga kalamnan ng puso na siyang nagiging sanhi ng mabilis na pagtibok nito.
- Pamamanas ng mga binti at paa. Maaari ring magkaroon ang pasyente ng pamamanas ng mga binti at paa kung siya ay may mitral regurgitation. Nangyayari ito sapagkat ang mga kidney o bato ay hindi na nakatatanggap ng sapat na dami ng dugo. Kapag naapektuhan ang mga bato, hindi na nito mailabas pa nang maayos ang labis na tubig sa katawan kaya ito ay napipirmi sa mga binti at paa.
- Heart murmur. Masasabi ring may mitral regurgitation ang isang pasyente kapag may napakinggang heart murmur ang doktor gamit ang Ang heart murmur ay isang hindi normal na tunog na naririnig sa puso, na naikukumpara sa umaagos na tubig.
Mga Salik sa Panganib
Ang mga sumusunod na salik ay maaaring makapagpataas ng posibilidad sa pagkaroon ng mitral regurgitation ng isang tao:
- Ang mga taong nasa pagitan ng mga edad 45 at 65-anyos ay mataas ang posibilidad na magkaroon ng mitral regurtitation. Sa mga edad na ito, ang mga bahagi ng puso gaya ng mitral valve ay may mga natatamo nang pinsala na maaaring dulot ng hindi malusog na pamumuhay.
- Pag-inom ng ilang uri ng mga gamot. Kung umiinom ng mga gamot gaya ng ergotamine at cabergoline, tataas ang posibilidad na magkaroon ng mitral regurgitation. Ang mga gamot na ito ay ginagamit upang malunasan ang migraine ng isang tao. Subalit, kung masobrahan sa pag-inom nito, magdudulot ito ng masamang epekto sa ilang mga bahagi ng puso.
- May karamdaman. Gaya ng nabanggit noong una, ang kadalasang sanhi ng mitral regurgitation ay mga karamdamang gaya ng congenital heart defect, malalang altapresyon, mitral valve prolapse, rheumatic fever, endocarditis, cardiomyopathy, at iba pa.
Pag-Iwas
Ang mitral regurgitation ay maaaring iwasan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malusog na paraan ng pamumuhay. Upang hindi maapektuhan ng anumang sakit ang puso, gawin ang mga sumusunod:
- Panatilihin ang normal na presyon ng dugo. Ang normal na presyon ng dugo ay 120/80 pababa. Upang hindi ito tumaas, iwasan ang pagkain ng maaalat at matataba.
- Kumain ng pagkaing nakapagpapalusog ng puso. Ang mga pagkaing mayaman sa omega-3, phytonutrients, at fiber ay nakapagpapalusog ng puso. Kadalasan, ang mga pagkaing-dagat gaya ng isda at shelled-foods ay mayaman sa omega-3. Samantalang ang mga pagkaing mayaman sa phytonutrients at fiber naman ay mga prutas at gulay.
- Mag-ehersisyo araw-araw. Makatutulong ang pag-eehersisyo araw-araw upang mapanatili ang wastong timbang. Bukod dito, magiging maayos ang pagdaloy ng dugo sa katawan.
- Itigil ang mga bisyo. Ang mga bisyo gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo ay nakasasama sa kalusugan ng puso. Ang alak at sigarilyo kasi ay may mga nakalalasong sangkap na maaaring magpataas ng presyon. Kung mataas ang presyon ng dugo, ang puso ay mapipilitang magtrabaho nang higit pa sa kakayanan nito.
Ang mitral regurgitation ay maaaring maging isang mapanganib na kondisyon. Kaya naman ang regular na pagpapakonsulta sa doktor ay malaki ang maitutulong upang matukoy agad ang anumang problema ng katawan at nang malapatan agad ito ng karampatang lunas.
Sanggunian
- https://columbiasurgery.org/heart/mitral-regurgitation
- https://emedicine.medscape.com/article/155618-overview
- https://www.webmd.com/heart-disease/what-is-mitral-valve-regurgitation#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/mitral-valve-regurgitation/symptoms-causes/syc-20350178
- https://www.heart.org/en/health-topics/heart-valve-problems-and-disease/heart-valve-problems-and-causes/problem-mitral-valve-regurgitationa>
- https://utswmed.org/conditions-treatments/mitral-valve-regurgitation/
- https://www.health.harvard.edu/heart-health/breakthrough-in-mitral-valve-treatment
- https://medicalxpress.com/news/2018-09-heart-failure-patients-mitral-regurgitation.html
- https://www.uptodate.com/contents/mitral-regurgitation-beyond-the-basics
- https://utswmed.org/conditions-treatments/intra-aortic-balloon-pump/
- https://www.health.harvard.edu/heart-health/breakthrough-in-mitral-valve-treatment
- https://www.health.harvard.edu/heart-health/when-and-how-to-treat-a-leaky-mitral-valve