Gamot at Lunas

Image Source: www.froedtert.com

Kung ang pasyente ay walang nararamdamang mga sintomas, maaaring hindi na gamutin ang mitral regurgitation. Subalit, kailangan pa rin itong bantayan at obserbahan kung sakaling may pagbabago sa kondisyon. Para naman sa mga nakararanas ng iba’t ibang sintomas, ang doktor ay maaaring magbigay ng mga sumusunod na uri ng gamot:

  • Mga gamot na nakapagpapababa ng presyon. Kapag may problema ang puso, kadalasan ay tumataas din ang presyon ng dugo. Sa pagtaas ng presyon, lalong lumalala ang mitral regurgitation. Ilan lamang sa maaaring ireseta ng doktor ay mga ACE inhibitor, angiotension II receptor blocker, o beta blocker.
  • Mga gamot pantanggal ng manas. Maaari ring magreseta ang doktor ng Ang diuretic ay kadalasang ibinibigay sa pasyente upang mabawasan ang kanyang pamamanas. Kapag uminom ng gamot na ito, asahan na mapapadalas ang pag-ihi.
  • Mga gamot para hindi lumapot ang dugo. Sa mitral regurgitation, maaari ring lumapot ang dugo at magdulot ng pagbabara ng mga ugat ng puso at daluyan ng dugo. Upang hindi mangyari ito, ang doktor ay maaaring magreseta ng aspirin o blood thinner.

Isang paalala lamang, ang pag-inom ng gamot ay hindi inaayos ang problemadong mitral valve. Ang ginagawa lamang ng mga gamot ay ibsan ang mga sintomas na nararamdaman. Upang hindi na pabalik-balik pa ang mga sintomas, kailangang sumailalim ang pasyente sa operasyon gaya ng mga sumusunod:

  • Valve repair. Kung ang mitral valve ay maisasalba pa, maaaring sumailalim lamang ang pasyente sa valve repair. Ang mitral valve ay maaaring ayusin sa pamamagitan ng paghiwa nang bahagya sa balat at laman malapit sa puso. Batay sa kondisyon ng mitral valve, maaaring ito ay tahiin, lagyan ng clip, o kaya naman ay bawasan ang sobrang tissue
  • Valve replacement. Sa valve replacement naman, kailangang palitan ng bago ang depektibong mitral valve. Maaari itong palitan ng man-made mitral valve device o kaya naman ay gumawa ng panibagong mitral valve mula sa tissue ng mga hayop gaya ng baboy o baka.