Buod

Ang multiple sclerosis ay isang uri ng pangmatagalang karamdamang neurolohikal. Ibig sabihin, ito ay nakaaapekto sa sistemang nerbiyos o nervous system, lalong-lalo na sa central nervous system. Sa sakit na ito’y inaatake ng immune system ang myelin sheath na nagbabalot at nagpro-protekta sa mga himaymay ng nerve fibers, hanggang sa permanenteng masira ito.

Etong pagkasira ng myelin sheath ay nahahayag sa pamamagitan ng iba’t-ibang sintomas gaya ng kahirapan sa paglalakad, pagkamanhid sa mga braso, kahirapan sa paningin, at iba pa. Kung gaano kalala naman ang mga sintomas ng multiple sclerosis ay depende sa kung gaano kalawak ang pagka-sira na natamo ng mga nerve. Gayunpaman, may mga pagkakataon din na ang mga may multiple sclerosis ay nakararanas ng matagal na panahon na walang sintomas.

Sa ngayon ay wala pang tiyak na panglunas ang multiple sclerosis. Gayunpaman, may mga uri ng paggamot dito na nakatutulong sa mga mayroong sakit na ito. Ang layunin ng paggamot dito ay para mas madaling manumbalik ang lakas ng pasyente, pati na rin para maihinto ang pagsulong ng sakit at mga sintomas nito.

Kasaysayan

Ang multiple sclerosis ay di gaanong kadaling suriin dahil sa paiba-ibang paraang pagkahayag ng mga sintomas nito. Gayunpaman, napapansin na ng mga dalubhasa at mga doktor ang mga iba’t-ibang sintomas ng multiple sclerosis mula pa noong ika-12 na siglo.

Ang kauna-unahang doktor na nakilala sa pag-aral ng multiple sclerosis ay si Jean-Martin Charcot. Tinukoy ni Dr. Charcot ang mga sintomas nito, at binigyan ito ng angkop na pangalan. Sa katunayan, ang tatlong sintomas na pinaka-inaasahang tagapagpahiwatig sa multiple sclerosis – ang Charcot’s triad – ay pinangalan sa kanya.

Si Dr. James Dawson naman noong 1916, ang unang doktor na napansin ang kaugnayan ng Myelin Sheath sa multiple sclerosis. Pinag-aralan ni Dr. Dawson ang utak ng mga taong may multiple sclerosis, at dito niya napansin ang koneksyon ng pamamaga at pagkasira ng Myelin sa sakit na ito.

Ang teorya na autoimmune disease ang multiple sclerosis ay nailahad noong mga taong 1960. Ang doktor naman na isa sa may pinakamalaking kontribusyon sa teorya na ito ay si Thomas Rivers. Natanto niya ito mula sa mga pagsusuri na ginamitan ng mga hayop.

Mga Uri

Mayroong apat na uri ang multiple sclerosis:

  1. Nakahiwalay na syndrome, o clinically isolated syndrome (CIS) – Ito ang kauna-unahang paglitaw ng iisang yugto ng sakit na tumatagal nang di kukulangin sa 24 oras.
  2. Nanunumbalik na multiple sclerosis, o relapse-remitting multiple sclerosis (RRMS) – Ito ang pinaka karaniwan na uri ng karamdamang ito. Sa ganitong uri ng multiple sclerosis, nagkakaroon ang pasyente ng mga bago o tumitinding sintomas, na susundan naman ng bahagya o lubos na pagka-wala nito.
  3. Pangunahing multiple sclerosis na lumalala, o primary progressive multiple sclerosis (PPMS) – Sa ganitong uri ng multiple sclerosis, nakararanas ang pasyente ng sintomas ng sakit na hindi nawawala o kaya ay pabalik-balik. Sa PPMS, may mga pagkakataon din na ang sintomas ay hindi tumitindi pero pagkatapos, ito’y lalala at giginhawa.
  4. Ikalawang multiple sclerosis na lumalala, o secondary progressive multiple sclerosis (SPMS) – Dito naman sa SPMS ay makararanas ang pasyente ng RRMS, pero unti-unting lalala ang sintomas nito.

Mga Sanhi

Sa ngayon, hindi pa natutukoy ang sanhi ng multiple sclerosis. Ang paniniwala ng mga doktor at mga mananaliksik ay mayroong magkahalong factor na genetic at mga factor ukol sa kapaligiran ang sanhi ng sakit na ito. Itinuturing ding isang autoimmune disease ang sakit na ito.

Ang autoimmune disease naman ay isang uri ng sakit na kung saan inaatake ng sistemang imunidad, o immune system ng isang tao ang mga normal na cells ng katawan. Gaya ng nabanggit, ang nasisirang cells sa sakit na multiple sclerosis ay ang myelin sheath ng mga nerve fibers.

Napaka-importante ng myelin sa tamang pagdaloy ng pulso ng nerve o nerve impulses sa kahabaan ng nerve. Pwedeng isipin na ang myelin sheath ay parang tubo ng tubig na kung saa’y di makadadaloy nang wasto ang tubig kung sira ito. Gayundin, hindi magiging wasto ang komunikasyon sa pagitan ng utak at ang iba’t-ibang parte ng katawan kung sira ang myelin.

Ang hindi wastong komunikasyon na ito ang nagiging sanhi ng mga sintomas ng multiple sclerosis. Bukod sa di tama o kawalan ng pagda-daloy ng nerve impulses, ang pagkakasira ng myelin sheath ay pwede ring humantong sa tuluyang pagkasira ng nerve fibers.

Sintomas

Image Source: www.gq-magazine.co.uk
Isa sa mga tanda ng multiple sclerosis ay ang malawakan na pagkakaiba ng mga sintomas nito sa mga taong mayroong ganitong karamdaman. Bukod pa dito, magkakaiba ang sintomas nito sa pangkalahatang yugto ng sakit. Gayunpaman, ang mga pinaka-pangkaraniwang sintomas ng multiple sclerosis ay:

  • Kahirapan sa koordinasyon at sa paglalakad, na minsa’y may kasamang panginginig
  • Pagmamanhid, o kahinaan sa isa o dalawang braso/binti, sa isang panig ng katawan
  • Paggalaw ng leeg na may kasamang pakiramdam na mistulang nakukuryente, lalong-lalo na sa pagyukong paharap (Lhermitte Sign)
  • Bahagya o lubusang pagkawala ng paningin. Kadalasan, paisa-isang mata ang naaapektuhan at may kasama itong pananakit habang ito’y ginagalaw
  • Tumatagal na dobleng paningin, pati na rin ang malabong paningin.
  • Pagkabalisa at depresyon
  • Problema sa pagtuto at pagkakatanda
  • Bulol na pagsasalita
  • Kapaguran
  • Pagkahilo
  • Pananakit o “tingling” sa iba’t-ibang parte ng katawan
  • Problemang sekswal
  • Problema sa pantog, gaya ng pagkabalisawsaw
  • Problema sa bituka, lalong-lalo na sa kabuntutan nito (bowels). Kahirapan sa pagdudumi o constipation ang kadalasang nararanasan sa sintomas na ito.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: unsplash.com

Bagama’t di pa natutukoy ang sanhi ng multiple sclerosis, mayroon itong mga kilalang salik sa panganib gaya ng:

  • Gulang ng pasyente – Kadalasang nakikita ang multiple sclerosis sa ika-16 hanggang ika-55 taong gulang.
  • Kasarian – Mas madalas nagkakaroon ng multiple sclerosis ang kababaihan kaysa kalalakihan.
  • Kasaysayang pampamilya – Mas mataas ang pagkakataong magkaroon ang isang tao ng Multiple Sclerosis kung mayroon siyang kamag-anak na mayroon nito.
  • Lahi – Mas naapektuhan ang mga puti o Caucasian, lalo na ang mga may lahing taga hilagang Europa.
  • Partikular na impeksyon – May mga partikular na impeksyon gaya ng Epstein-Barr virus na pwedeng pagmulan ng sakit na ito.
  • Partikular na autoimmune disease – Mas mataas ang panganib na magkaroon ng multiple sclerosis ang isang taong may type 1 diabetes, sakit sa thyroid, o pamamaga ng bowels.
  • Klima – Mas madalas na nakikita ang multiple sclerosis sa mga bansang may kalamigan ang klima.
  • Bitaminang D – Ang kakulangan o pagkakaroon ng mababang antas ng bitamina D, pati na rin ang mababang pagkakalantad sa sikat ng araw ay naiuugnay sa mas mataas na panganib ng multiple sclerosis.
  • Paninigarilyo – Ang mga naninigarilyo na nakaranas ng clinically isolated syndrome (CIS) ng multiple sclerosis ay mas malaki ang pagkakataon na makararanas ng pangalawang hanay ng mga sintomas na tumutukoy sa relapse-remitting multiple sclerosis (RRMS).

Pag-Iwas

Image Source: www.powerofpositivity.com

Dahil di pa ganoong naiintindihan kung saan nagmumula, at kung paano lumalala ang multiple sclerosis, wala pang napatutunayang pamaraan kung paano ito maiiwasan. Gayunpaman, mayroong pwedeng gawin na posibleng makabawas sa mga salik sa panganib ng karamdamang ito ,gaya ng:

  • Pag-iwas sa paninigarilyo.
  • Pag-inom ng bitaminang D.
  • Pag-aayuno.
  • Katamtamang pag-inom ng alak na pula o red wine.

Isa sa pinaka-mahalagang pwedeng gawin ng isang taong mataas ang salik sa panganib para sa sakit na ito ay ang laging pagpansin sa mga nararamdaman, upang mas mailalarawan ang mga ito sa doktor.

Sanggunian