Buod
Ang muscular dystrophy ay isang grupo ng mga sakit sa musculoskeletal system na nagdudulot ng pagkahina at pagkasira ng mga kalamnan. Binubuo ang muscular dystrophy ng mahigit na 30 na mga genetic disorder na maaaring mamana mula sa mga magulang. Kapag nagkaroon ng sakit na ito, mapapansin sa pasyente na madalas siyang mahulog o madapa, mahirapan bumangon mula sa pagkakaupo o pagkakahiga, hindi magawang tumakbo o tumalon nang maayos, maging pagiwang-giwang ang paggalaw, o mas madalas na maglakad gamit ang mga daliri ng paa. Dagdag sa mga ito, maaari ring mapansin ang paglaki ng mga binti, madalas na pagdamdam ng pananakit at paninigas ng kalamnan, maging ang pagkakaroon ng pagkahirap matuto ng iba’t ibang mga bagay.
Nagkakaroon ng muscular dystrophy kapag ang mga gene ng isang tao ay hindi nabuo nang tama o kaya naman ay may taglay na pagkukulang sa istruktura. Dahil dito, ang katawan ng pasyente ay hindi makagawa ng sapat na protina upang mapanatiling malusog ang mga kalamnan, kaya naman nagreresulta ito sa muscular dystrophy. Malaki ang posibilidad na mamana ito mula sa mga magulang. Kung hindi naman ito namana ng mga anak mula sa kanilang magulang, maaaring mamana ito ng mga apo at iba pang mga kasunod na henerasyon.
Dahil ang muscular dystrophy ay isang genetic disorder at namamana, walang paraan upang tuluyang gumaling mula sa sakit na ito. Subalit, may mga paraan naman upang maibsan ang mga sintomas na nararamdaman at para matulungan ang pasyenteng kumilos nang mas maayos. Kabilang na rito ang pag-inom ng mga gamot, pagsasailalim sa physical therapy, at paggamit ng mga brace at iba pang mga assistive device. Kung malubha naman na ang kondisyon, ang doktor ay maaari ring magpayo na sumsailalim sa operasyon o pagtitistis ang pasyente.
Kasaysayan
Walang malinaw na tala at ulat tungkol sa kung sino ang kauna-unahang nakatuklas at nakapaglahad ng sakit na muscular dystrophy. Subalit, noong taong 1830, nakapagsulat si Sir Charles Bell (1774-1842) tungkol sa isang sakit na natutulad sa muscular dystrophy. Ayon sa kanyang naisulat, ang mga kabataang lalaki ay nagkakaroon ng panghihina sa mga kalamnan at lumalala ito kalaunan.
Bukod kay Bell, nakitaan din ng mga tala tungkol sa tila muscular dystrophy ang mga nailathala nila Giovanni Semmola at Gaetano Conte bandang mga 1834 at 1836. Ayon sa dalawa, may na-obserbahan silang magkapatid na lalaki na may lumalalang panghihina ng mga kalamnan.
Isa rin sa mga kilalang doktor na nag-aral tungkol sa muscular dystrophy ay si Guillaume Benjamin Amand Duchenne. Si Duchenne ay isang Pranses na neurologist at nagsulat siya tungkol ng kauna-unahan niyang kaso ng muscular dystrophy noong taong 1861. Dahil sa komprehensibo niyang mga tala, ipinangalan kay Duchenne ang isang uri ng muscular dystrophy.
Ang muscular dystrophy ay isang napakadalang na sakit subalit naturingan itong isa sa mga pinaka-karaniwang genetic disorder na nakaaapekto sa mga buto at kalamnan. Noong taong 2008 naman, naitala na ang pinaka-karaniwang uri ng muscular dystrophy ay ang facioscapulohumeral muscular dystrophy (FSHD).
Mga Uri
Ang muscular dystrophy ay may iba’t ibang uri. Ang mga pinaka-kilalang mga uri nito ay ang mga sumusunod:
- Duchenne muscular dystrophy. Sa uring ito, ang pinaka-naaapektuhan ay mga batang lalaki. Kadalasan, ang pasyenteng may Duchenne muscular dystrophy ay nangangailangan ng gumamit ng wheelchair bago pa man sila umabot sa pagbibinata.
- Becker muscular dystrophy. Halos natutulad ito sa Duchenne muscular dystrophy, subalit masasabing mas banayad ang mga sintomas nito.
- Congenital muscular dystrophy. Ang mga naaapektuhan ng sakit na ito ay karaniwang mga sanggol at mga batang may edad na 2-taong gulang pababa.
- Myotonic dystrophy. Sa myotonic dystrophy, ang mga kalamnan na karaniwang naaapektuhan ay mukha at leeg. Ang mga kadalasang natutukoy na may sakit na ito ay mga nasa pagitan ng edad na 20 at 30 taong gulang.
- Facioscapulohumeral muscular dystrophy (FSHD). Ito ang pinaka-karaniwang uri ng muscular dystrophy. Ang mga kalamnan na naaapektuhan nito ay ang mga nasa mukha, balikat, at itaas na bahagi ng braso. Ang kadalasang magkaroon nito ay mga pasyenteng nasa edad na 40 taong gulang pataas.
- Limb-girdle muscular dystrophy. Sa uring ito, nagkakaroon ng panghihina ang mga balikat at balakang. Kadalasan, pagsapit ng edad na 20 taong gulang, hindi na nakakikilos nang maayos ang pasyente, babae man o lalaki.
- Oculopharyngeal muscular dystrophy (OPMD). Sa OPMD, nagkakaroon ng panghihina sa mga kalamnan ng mukha, leeg, at balikat. Parehas nitong naaapektuhan ang mga kababaihan at kalalakihan na nasa pagitan ng mga edad 40 at 50 taong gulang.
- Distal muscular dystrophy. Sa uring ito, naaapektuhan ang mga kalamnan ng braso, kamay, binti, at paa. Bukod sa mga ito, maaari rin nitong maapektuhan ang mga baga at puso. Karaniwan dig naaapektuhan nito ang mga kababaihan at kalalakihan na nasa pagitan ng mga edad na 40 at 60 taong uglang.
- Emery-Dreifuss muscular dystrophy. Sa kondisyong ito, mas maraming batang lalaki ang naaapektuhan nito. Karaniwang nagkakaroon ng panghihina ang mga kalamnan ng braso, binti, leeg, likod, siko, at tuhod.
Mga Sanhi
Image Source: www.freepik.com
Ang pinaka-pangunahing sanhi ng muscular dystrophy ay ang pagkakaroon ng problema sa mga kaugnay nitong gene. Maaaring ang mga gene ay hindi nabuo nang maayos o may taglay na pagkukulang sa istruktura. Dahil dito, ang katawan ay hindi nakagagawa ng sapat na protina upang panatilihing malusog at masigla ang mga kalamnan. Karaniwan ding naipapamana mga gene na ito mula sa mga magulang papunta sa mga anak. Kung hindi man magkaroon ng muscular dystrophy ang mga anak, maaari itong maipasa sa mga susunod na henerasyon.
Alalahanin din na hindi sa lahat ng pagkakataon ay namamana ang sakit na muscular dystrophy. Maaari ring magkaroon nito kung ang pasyente ay madalas sumailalim sa radiation therapy. Dahil sa radiation therapy, maaaring mag-mutate o magbago ang mga genes at magbunga ito ng panghihina ng mga kalamnan.
Mga Sintomas
Image Source: www.memesmonkey.com
Bagama’t may iba’t ibang uri ng muscular dystrophy, ang pinaka-pangunahing sintomas nito ay ang panghihina o pagkakaroon ng atrophy sa mga kalamnan. Bukod dito, maaaring makaranas din ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas:
- Madalas na pagkahulog o pagkadapa
- Hirap sa pagbangon mula sa pagkakaupo o pagkakahiga
- Hirap sa pagtakbo o pagtalon nang maayos
- Paglalakad na pagiwang-giwang
- Madalas na paglakad gamit ang mga daliri ng paa
- Paglaki ng mga binti
- Madalas ng pananakit at paninigas ng mga kalamnan
- Pagliit o tila pag-ikli ng mga kalamnan
Ang mga karaniwang bahagi na naaapektuhan ng muscular dystrophy ay ang mga kalamnan ng mukha, leeg, likod, braso, kamay, binti, paa, balakang, at iba pa. Subalit, maaari rin nitong maapektuhan ang mga kalamnan ng mata, baga, pati na rin puso.
Mga Salik sa Panganib
Ang muscular dystrophy ay maaaring makaapekto sa kahit kaninuman. Subalit, naipatataas ang posibilidad na magkaroon nito ayon sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging bata. Ang karaniwang nagkakaroon ng muscular dystrophy ay mga bata. Kaya naman bago pa man sila sumapit sa kanilang pagdadalaga o pagbibinata, sila na ay may permanenteng kapansanang nakaapekto sa kanilang mga kalamnan. Bagama’t mga bata ang mas nagkakaroon nito, maaari ring magkaroon ang mga nasa edad 30-anyos pataas. Nangangahulugan lamang ito na nahuli lamang ang paglabas ng kanilang mga sintomas.
- Pagiging batang lalaki. Ayon sa datos, mas kadalasang nagkakaroon ng muscular dystrophy mga batang lalaki. Bagama’t maaari ring magkaroon ng muscular dystrophy ang mga batang babae, ito ay napakadalang.
- Pagkakaroon ng kasaysayan ng muscular dystrophy sa pamilya. Kung may kasaysayan ng muscular dystrophy sa pamilya, malaki ang posibilidad na magkaroon nito, lalo sa mga lalaki. Ang mga kababaihan sa pamilya ay karaniwang carrier o tagapagdala lamang ng mga problemadong gene at maaaring maipamana nila ito sa kanilang mga anak.
Pag-Iwas
Ang muscular dystrophy ay hindi maiiwasan. Kapag namana ng isang bata ang mga problemadong gene ng kanyang mga magulang, maaaring kakitaan na agad ang bata ng mga sintomas. Ang tanging magagawa lamang para sa pasyenteng may muscular dystrophy ay ang maagang pagtugon at paglunas sa mga sintomas na nararamdaman.
Kung pinaghihinalaang may muscular dystrophy ang iyong anak o kamag-anak, agad na kumonsulta sa doktor. Upang makumpirma ang kaso ng muscular dystrophy, maaari siyang sumailalim sa iba’t ibang uri ng laboratory test gaya ng blood test, electromyography, muscle biopsy, genetic testing, bone mineral density, at pulmonary function test.
Ang simpleng panghihina ng mga kalamnan ay hindi dapat ipagsawalang-bahala. Sa ilang mga uri ng muscular dystrophy, ang pasyente ay maaaring hindi tumagal ang buhay. Base sa datos, ang ibang pasyente na may muscular dystrophy ay umaabot lamang hanggang sa edad na 20 taong gulang pababa. Sa pagkasira at pagkasayang kasi ng mga kalamnan, ang mga baga at puso ay maaari na ring maaapektuhan at magresulta sa iba’t ibang komplikasyon.
Sanggunian
- https://www.nhs.uk/conditions/muscular-dystrophy/
- https://musculardystrophynews.com/what-is-muscular-dystrophy/
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/muscular-dystrophy/symptoms-causes/syc-20375388
- https://www.healthline.com/health/muscular-dystrophy#symptoms
- https://orthoinfo.aaos.org/en/diseases–conditions/muscular-dystrophy/
- https://link.springer.com/chapter/10.1007/978-3-319-17362-7_2