Buod

Sa Pilipinas, tinatantyang 40% ng kabuuang populasyon ay may myopia. Ang myopia ay isang uri ng kondisyon sa mata na mas kilala sa tawag na “nearsightedness.” Ibig sabihin nito ay nakakikita nang malinaw sa malapit ang isang taong may myopia, pero lumalabo ang kaniyang paningin kapag tumingin na siya sa malayo.

Nagkakaroon ng myopia kapag ang hugis ng eyeball ay naging bilog na pahaba (oblong) imbes na pabilog. Bukod dito, nagkakaroon din ng myopia kapag ang cornea ay masyadong nakakurba. Ang cornea ay bahagi ng mga mata na responsable sa pag-fofocus ng liwanag na pumapasok sa mga ito.

Ayon sa Department of Health, ang madalas na maapektuhan ng myopia ay ang mga kabataan sapagkat sa stage na ito ay patuloy pa rin ang development ng kanilang mga mata. Maaari ring maapektuhan nito ang mga nakatatanda lalo na kung madalas ma-stress ang kanilang mga mata dahil sa palagiang paggamit ng smartphone, computer, TV, at iba pang mga electronic device.

Ang paningin ng taong may myopia ay posible pang maitama sa pamamagitan ng pagsuot ng salamin o kaya naman ay mga contact lens. Kung gusto ng mas permanenteng solusyon, maaari ring sumailalim sa isang operasyon ang taong may myopia.

Kasaysayan

Marami nang naitala tungkol sa myopia mahigit 2,000 taon na ang nakararaan. Ang kauna-unahang naglahad ng kondisyon na ito ay ang mga sinaunang Griyego. Subalit, si Galen, isang Graeco-Roman na doktor, ang nagbansag dito ng pangalang myopia. Sa kapanahunang ito, maraming pag-aaral ang isinagawa tungkol sa iba’t ibang kondisyon ng mga mata, hindi lamang ang myopia.

Matapos ang masugid na pananaliksik, naimbento ng isang Alemang kardinal ang kauna-unahang salamin para sa myopia noong taong 1451. Pero noong taong 1974 lamang naisagawa ang kauna-unahang matagumpay na operasyon sa myopia sa Soviet Union.

Mga Uri

Ang mga kabataan ang kadalasang nagkakaroon ng myopia sapagkat hindi pa lubos na nadedevelop ang kanilang mga mata. Pero kahit tumitigil ang pag-develop ng mga mata kapag sumapit na ng 20-anyos pataas. posible pa ring magka-myopia sa mga edad na ito. Upang lubusang maintindihan ito, alamin ang tatlong uri ng myopia:

  • Pathologic myopia – Ang pathologic myopia ay ang patuloy na paghaba ng eyeball. Ayon sa pag-aaral, maaari itong maging sanhi ng pagkabulag sapagkat humahaba ang eyeball hanggang sa pagtanda. Kadalasan, isinilang nang may pathologic myopia ang naaapektuhan nito.
  • School-age myopia – Sa school-age myopia naman, ang kadalasang naaapektuhan nito ay mga kabataang nasa pag-itan ng mga edad 6 at 18. Nagkakaroon ng kondisyon na ito kapag ang bata ay hindi gaanong naaarawan o kaya naman ay napapadalas ang malapitang pagbabasa at paggamit ng mga electronic device.
  • Adult Onset Myopia – Kung nasa pagitan ng mga edad 20 at 40, posibleng magkaroon ng adult onset myopia. Ito ay sanhi ng okupasyon na maaaring may negatibong epekto sa mga mata gaya ng pagtatrabaho nang walang pahinga gamit ang computer.

Mga Sanhi

Image Source: www.dramundsenvision.com

Maraming mga sanhi ang myopia, pero ang pangunahing mga sanhi nito ay ang mga sumusunod:

  • Mahabang eyeball – Ang mga taong may normal na paningin ay may eyeball na hugis pabilog. Subalit, sa mga taong may myopia, ang hugis ng kanilang eyeball ay pahaba na bilog. Dahil masyadong mahaba ang kanilang eyeball, lumalabo ang kanilang paningin kapag tumitingin sa malayo.
  • Kurbadong cornea – Nagkakaroon din ng myopia kapag ang isang tao ay may cornea na masyadong nakakurba. Ang cornea ay ang manipis at malinaw na takip ng mga mata. Ito ay nagsisilbing “bintana” ng mga mata upang mapangasiwaan at ma-ifocus ang pumapasok na liwanag sa mga ito. Subalit, dahil sa masyado itong kurbado, ang liwanag na pumapasok sa mga mata ay hindi na-ifofocus nang wasto, kaya naman nagkakaroon ng myopia.

Ang taong may myopia ay posibleng mayroon lamang mahabang eyeball o kaya naman ay kurbadong cornea. Pero minsan din ay magkasama ang dalawang ito. Nag-iiba ang istruktura ng mga bahaging ito nang dahil sa mga sumusunod:

  • Namana – Kung isa o dalawa sa mga magulang ay may myopia, posible ring magkaroon ang kanilang mga anak ng kondisyong ito.
  • Hindi gaanong naarawan noong bata pa – Ayon sa mga doktor, nagkakaroon ng myopia ang mga bata kung hindi sila naglalaro sa labas upang maarawan. Ang sikat ng araw kasi ay nakatutulong upang makagawa ng dopamine ang mga mata. Ang dopamine ay isang uri ng kemikal na nakatutulong sa pagpigil ng labis na paglaki at paghaba ng mga mata.
  • Malapitang pagbabasa – Ang malapitang pagbabasa ay nakasisira rin ng mga mata. Kung hindi wasto ang pagbabasa, maaaring ma-stress ang mga mata at magresulta sa myopia.
  • Labis na paggamit ng electronic device – Ang mga electronic device gaya ng smartphone, computer, at TV ay posibleng magdulot ng myopia. Iminumungkahi na bawasan ang paggamit ng mga ito at obserbahan ang tamang layo habang gumagamit ng mga electronic device.
  • Okupasyon – Kung ang okupasyon ng isang tao ay may kaakibat na palagiang paggamit ng mga computer, posibleng ring maapektuhan ang mga mata at magresulta sa myopia.

Sintomas

Image Source: www.verywellhealth.com

Bukod sa panlalabo ng paningin sa malayo, ang ilan pang mga sintomas ng myopia ay ang mga sumusunod:

  • Malinaw na paningin sa malapitan, pero malabo sa malayuan – Natural lang sa isang tao na hindi gaanong maaninag o makita nang malinaw ang isang bagay sa malayo. Pero kapag nahihirapan nang kahit sa katamtamang layo, posibleng myopia na ito. Upang makita nang malinaw ng isang taong may myopia ang isang bagay, kailangan niyang lumapit dito.
  • Laging pinapaliit ang mga mata – May gawi rin ang mga taong may myopia na paliitin ang kanilang mga mata. Ang pagpapaliit ng mga mata kasi ay nakatutulong upang maiba ang direksyon ng pagtama ng liwanag upang mas makakita nang maayos.
  • Pananakit ng ulo – Ang taong may myopia ay nakararanas din ng pananakit ng ulo. Ito ay dahil sa labis na pagka-stress ng mga mata sa tuwing tinitignan ang isang bagay sa malayuan.
  • Madalas na pagkurap – Upang mabawasan ang stress sa mga mata, ang taong may myopia ay madalas na kumukurap. Ito ay dahil ang pagkurap ay nakatutulong upang maunat-unat ang mga masel ng mga mata.
  • Palagiang pagkuskos ng mga mata – Gaya ng madalas na pagkurap, ang palagiang pagkuskos ng mga mata gamit ang mga kamay ay nakatutulong makabawas ng stress sa mga mata. Subalit, ang palagiang pagkuskos ay maaaring magdulot ng pamumula at pagkairita ng mga mata.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Mas tumataas ang posibilidad na magka-myopia base sa mga sumusunod na salik:

  • Edad – Ang mga batang may edad 6 hanggang 18 ay ang mga madalas maapektuhan ng myopia. Gaya ng nabanggit noong una, hindi pa lubusang nade-develop ang kanilang mga mata sa stage na ito.
  • Myopia sa pamilya – Kung ang pamilya o angkan niyo ay may mga miyembrong may myopia, tumataas rin ang posibilidad mong magkaroon nito.
  • Hindi wastong posisyon ng pagbabasa – Madalas din magka-myopia kapag hindi wasto ang posisyon ng pagbabasa. Kadalasan ay sobrang lapit sa mukha ng libro at kung minsan pa ay walang gaanong sapat na liwanag, kaya naaapektuhan ang mga mata.
  • Palagiang paggamit ng mga gadget – Ang palagiang paggamit ng mga gadget gaya ng smartphone, tablet, laptop, computer, TV, at iba pa ay nagpapataas din ng posibilidad magka-myopia. Bukod sa radiation na nakukuha mula rito, ang malapitang paggamit ng mga ito ay nakaaapekto sa mga mata.
  • Pagkukubli sa bahay – Ang mga kabataang madalas magkubli sa bahay ay hindi gaanong naaarawan, kaya naman ay tumataas ang posibilidad nilang magka-myopia. Tandaan, ang sikat ng araw ay nakatutulong upang pigilan ang labis na paglaki at paghaba ng mga mata.

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Maiiwasan ang pagkakaroon ng myopia sa pamamagitan ng wastong diet at lifestyle. Upang hindi magkaproblema ang mga mata, gawin ang mga sumusunod:

  • Lumabas at magpa-araw – Ang mga kabataan ay hinihikayat na maglaro sa labas at magpa-araw. Nakatutulong ang sikat ng araw upang makatanggap ang mga mata ng dopamine, na siyang nagpipigil sa labis na paghaba ng mga mata.
  • Protektahan ang mga mata mula sa araw – Bagama’t iminumungkahi na lumabas at magpa-araw, hindi ibig sabihin nito ay kailangang direktang matamaan ng sikat ng araw ang mga mata. Upang maprotektahan ang mga mata sa sikat ng araw, magsuot ng shades o sumbrero.
  • Wastong posisyon at sapat na liwanag habang nagbabasa – Upang hindi manlabo ang paningin at magka-myopia, siguraduhing wasto ang posisyon habang nagbabasa. Iminumungkahi rin na magbasa sa maliwanag na lugar upang hindi ma-stress ang mga mata.
  • Bawasan ang paggamit ng mga electronic device – Bata man o matanda ay kailangang magbawas sa paggamit ng mga electronic device. Dapat ay magkaroon ng schedule sa tuwing gagamit ng smartphone, tablet, laptop, computer, o TV lalo na ang mga kabataan.
  • Ipahinga ang mga mata sa trabaho – Kung ang okupasyon ay may kinalaman sa palagiang paggamit ng computer, iminumungkahi na ipahinga ang mga mata kahit kada isa o dalawang oras.
  • Iwasan ang paninigarilyo – Bukod sa problema sa baga, ang paninigarilyo ay posible ring makaapekto sa mga mata. Ito ay dahil ang nicotine ay nagdudulot ng panunuyo sa mga mata, na maaaring magdulot ng panlalabo ng paningin.
  • Kumain nang wasto – Ang pagkain nang wasto ay nakatutulong upang maging malusog ang pangangatawan, pati na rin ang mga mata. Upang hindi magka-myopia, kumain ng pagkain na mayaman sa bitamina A gaya ng kamote, carrot, kalabasa, kamote, atay ng baka o manok, gatas, keso, mangga, pakwan, at papaya.
  • Magsagawa ng mga ehersisyo para sa mata – Nakatutulong ito upang mabawasan ang stress at pananakit ng mga mata. Unatin ang mga masel ng iyong mga mata sa pamamagitan ng mariing pagpikit at pagkurap, o kaya naman ay pagtingin sa taas-baba at kanan-kaliwa.
  • Regular na pagpapa-checkup – Upang malaman agad kung may diperensya ang mga mata, regular na magpa-check-up sa doktor.

Bagama’t laganap ang myopia sa Pilipinas, madali lang naman itong malunasan at maiwasan. Hindi rin ito isang delikadong kondisyon sapagkat naitatama ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga salamin o contact lens.

Sanggunian