Buod

Ang nystagmus ay tumutukoy sa imboluntaryong paggalaw ng mga mata. Kung naaapektuhan ng kondisyon na ito, mapapansin na ang isa o dalawang mata ng pasyente ay mabilis o mabagal ang paggalaw o o pagtingin sa iba’t ibang direksyon. Maaaring gumalaw ito nang paulit-ulit sa magkabilang gilid, pataas-baba, o paikot-ikot. Bukod sa mga ito, mapapansin din na laging nakatabingi ang ulo ng pasyenteng naaapektuhan ng nystagmus. Ito ay dahil nakatutulong ang pagtabingi ng ulo upang makita nila ang mga bagay nang mas malinaw. Maaari ring makaranas ng madalas na pagkahilo at problema sa pagbabalanse ng katawan ang taong may nystagmus.

Maaaring magkaroon ng nystagmus kung mayroong kasaysayan nito sa pamilya. Subalit, maaari ring makuha ito kung ang isang tao ay nakaranas ng stroke, o nagkaroong ng mga sakit na gaya ng multiple sclerosis, pisikal na pinsala sa ulo, tumor sa utak, at iba pa. Maaaring magdulot din ng nystagmus ang ibang mga kondisyon sa mata gaya ng katarata, myopia, at astigmatism. Bukod sa mga ito, maaari ring magdulot ng nystagmus ang labis na pag-inom ng alak, pag-inom ng ilang uri ng mga gamot, pagkakaroon ng vitamin B12 deficiency, at pagkakaroon ng problema sa tenga.

Ang paglunas sa nystagmus ay batay sa sanhi nito. Ngunit kadalasan, ang doktor ay nagpapayong magsuot ng nararapat na salamin sa mata ang pasyente upang maging mas maayos ang kanyang paningin. Maaari ring resetahan ang pasyente ng mga gamot at supplement batay sa mga iniindang sintomas. Dagdag dito, maaari ring sumailalim ang pasyente sa isang operasyon ayon na rin sa kanyang kagustuhan.

Kasaysayan

Ang nystagmus ay nagsimula sa salitang Griyego na nystagmos na nangangahulugang “inaantok.” Ang nystagmus ay isang karaniwang kondisyon sa mata. Ayon sa datos, sa bawat 10,000 tao, 24 ay mayroong nystagmus. Batay sa isang survey na isinagawa sa Oxfordshire, United Kingdom, 1 sa kada 670 na bata ay nakikitaan na ng mga sintomas ng nystagmus pagsapit nila ng edad na 2-anyos. Ayon naman sa isang pag-aaral na isinagawa rin sa United Kingdom, mas maraming taga-Europa ang nagkakaroon ng nystagmus kumpara sa mga Asyano.

Walang gaanong mga tala mula sa mga sinaunang panahon ang naglalahad tungkol sa nystagmus. Tinuturing na lamang itong isang kondisyong walang lunas noong unang panahon. Subalit sa patuloy na pag-aaral at pananaliksik ng mga doktor, mayroon nang mga natuklasang gamot na maaaring makatulong upang maibsan ang mga sintomas ng pasyente.

Pagsapit ng taong 1980, ang mga mananaliksik ay nakatuklas naman ng gamot na tinatawag na baclofen. Nakatutulong ito upang mabawasan ang madalas na paggalaw ng mga mata. Sinundan naman ito ng pagkakatuklas ng gamot na gabapentin. Ito ay isang uri ng anti-convulsant na nakatutulong din sa pagbawas ng labis na paggalaw ng mga mata. Ang iba pang mga gamot na maaaring makatulong sa pasyenteng may nystagmus ay memantine, levetiracetam, 3,4-diaminopyridine, 4-aminopyridine, at acetazolamide. Bukod sa pagkakatuklas ng mga gamot, nalaman din ng mga doktor na maaaring maging mabisa ang paggamit ng mga contact lens at mini-telescopic eyeglasses.

Noong taong 2001 naman, nagsagawa ang mga doktor ng operasyon para malunasan ang nystagmus. Ang operasyong ito ay tinatawag na tenotomy. Kung matagumpay ang operasyon, maaaring maayos na ang nakabaling o nakatabinging postura ng ulo at mabawasan ang labis na paggalaw ng mga mata sa iba’t ibang direksyon.

Bukod sa operasyon, ang mga doktor ay pinag-aaralan din kung makatutulong ang acupuncture sa paglunas ng nystagmus. Sa paglipas ng panahon, ang mga doktor ay kinokonsidera ang iba’t ibang mga paraan upang malunasan ang kondisyon, makabago o makalumang paraan man ito ng paggamot.

Mga Uri

Ang nystagmus ay may dalawang pangunahing uri at ito ay ang mga sumusunod:

  • Infantile nystagmus syndrome (INS). Ang INS ay kilala rin sa tawag na congenital nystagmus. Sa uring ito, mayroon nang nystagmus ang isang tao mula nang siya ay isinilang. Mapapansin na ang mga sintomas ng kondisyon na ito sa loob ng unang anim na linggo o hanggang umabot ng tatlong buwan ang bata. Hindi naman dapat ikabahala kung may INS ang bata sapagkat ang mga sintomas ay kadalasang hindi malubha. Sa katunayan, ang mga taong may INS ay hindi nangangailangan ng gamot at lunas. Subalit, maaaring magkaroon ng kaunting problema sa paningin habang lumalaki.
  • Acquired nystagmus. Sa uring ito, ang isang tao ay hindi ipinanganak na may INS. Subalit, maaaring magkaroon pa rin ng nystagmus ang isang tao sa kahit anong edad. Maaaring makuha o ma-acquire ng isang tao ang kondisyong ito kung siya ay may mga neurological disorder o may pinsala ang kanyang mga tenga. Maaari ring magkaroon ng acquired nystagmus kung labis na umiinom ng alak.

Mga Sanhi

Maaaring magkaroon ng nystagmus ang isang tao kung ang bahagi ng utak na namamahala ng paggalaw ng mga mata ay hindi gumagana nang maayos. Bukod sa pagkakaroon ng problemadong bahagi ng utak, maaari ring magkaroon ng nystagmus kung nagtamo ng impeksyon o pinsala ang inner ear o loob na bahagi ng tenga. Gaya ng utak, ang inner ear ay tumutulong din upang kontrolin ang paggalaw ng mga mata. Upang mas maintindihan ito, alamin kung ano ang maaaring mga sanhi ng pagkapinsala ng mga bahaging ito:

  • Pagkamana ng kondisyon. Ang nystagmus ay maaaring mamana. Habang nasa sinapupunan pa lang, maaaring namana na ng sanggol ang mga problemadong gene ng kanyang magulang. Dahil dito, maaaring isilang ang sanggol na may pinsala o problema ang kanyang inner ear.
  • Pagkakaroon ng mga sakit na may kinalaman sa nerve at utak. Ang nystagmus ay kalimitang isa rin sa mga sintomas ng mga neurological disorder o mga sakit na may kinalaman sa mga nerve at utak. Ilan lamang sa mga kondisyon na maaaring magdulot ng nystagmus ay stroke, multiple sclerosis, head injury, tumor sa utak, at iba pa.
  • Pagkakaroon ng problema sa tenga. Maaari ring magdulot ng nystagmus ang pagkakaroon ng problema sa tenga. Tandaan, ang inner ear ay isa rin sa mga bahagi na nagkokontrol ng paggalaw ng mga mata. Kung magkapinsala ang tenga o magkaroon ito ng impeksyon, maaaring magdulot ito ng
  • Pagkakaroon ng ibang sakit sa mata. Maaari ring makitaan ng nystagmus ang mga pasyenteng may ibang sakit sa mata gaya ng congenital cataract, astigmatism, at
  • Labis na pag-inom ng alak. Ang labis na pag-inom ng alak ay maaari ring magdulot ng Dahil sa alak, ang mga mata ay bumibilis ang paggalaw.
  • Pag-inom ng ilang uri ng mga gamot. May mga gamot na ang side effect ay ang imboluntaryong paggalaw ng mga mata. Halimbawa nito ay ang mga sedative at anti-seizure medication gaya ng
  • Vitamin B12 deficiency. Ang pagkakaroon ng vitamin B12 deficiency ay maaari ring magdulot ng Kilala ang vitamin B12 bilang isang mahalagang bitamina para sa mga mata.

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Kung ang isang tao ay nakikitaan ng mga sumusunod na sintomas, maaaring siya ay may nystagmus:

  • Mabilis o mabagal na paggalaw ng isa o dalawang mata
  • Paulit-ulit na paggalaw ng mga mata sa magkabilang gilid, taas at baba, o paikot-ikot
  • Pagtabingi o pagkabaling ng ulo
  • Madalas na pagkahilo
  • Pagkakaroon ng problema sa pagbabalanse ng katawan
  • Malabong paningin

Upang makasiguro na may nystagmus ang pasyente, maaaring imungkahi ng doktor na sumailalim ang pasyente sa iba’t ibang mga diagnostic test gaya ng ear exam, neurological exam, brain MRI, brain CT scan, at eye movement observation.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.dukehealth.org

Bata man o matanda, maaaring magkaroon ng nystagmus. Subalit, maaaring tumaas ang posibilidad na maapektuhan ng kondisyon na ito ng dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Kasaysayan ng nystagmus sa pamilya
  • Pagkakaroon ng ibang sakit sa mata
  • Pagkakaroon ng kondisyon na albinism
  • Pagtatamo ng pinsala sa ulo at sakit na may kinalaman sa utak
  • Pag-inom ng lithium at anti-seizure na gamot
  • Labis na pag-inom ng alak
  • Paggamit ng ipinagbabawal na gamot
  • Pagkakaroon ng impeksyon sa tenga

Mga Komplikasyon ng Nystagmus

Kung ang kondisyon ay hindi nilulunasan, maaari itong magdulot ng mga sumusunod na komplikasyon:

  • Balance disorder
  • Palagiang pagkahilo

Bukod sa mga nabanggit, maaari ring makaranas ang pasyente ng hirap sa pakikihalubilo sa ibang tao dulot ng kanyang postura at malabong paningin.

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Maaaring hindi ma-iwasan ang pagkakaroon ng nystagmus, lalo na kung ang kondisyon ay namana. Subalit, maaaring pababain ang posibilidad na magkaroon nito sa pamamagitan ng mga sumusunod na pag-iingat:

  • Kumain ng pagkaing mayaman sa vitamin B12 upang manatiling malusog ang mga mata. Makukuha ito sa mga produktong mula sa mga hayop na gaya ng karne ng baboy, manok, at isda, maging sa mga itlog at gatas.
  • Regular na linisin ang tenga upang hindi magkaroon ng impeksyon dito. Subalit, dahan-dahan lamang dapat linisin ang tenga upang hindi mapinsala ang inner ear. Iwasan din ang pagsuot dito ng matutulis na bagay.
  • Bawasan ang pag-inom ng alak at itigil ang paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot.
  • Gumamit lamang ng mga gamot na gaya ng sedative, anti-seizure drug, lithium, at iba pa, alinsunod sa reseta na naibigay ng iyong doktor.
  • Iwasan na magtamo ng pinsala sa ulo. Gumamit ng mga pang-proteksyon na gaya ng hard hat kung nagtratrabaho sa mga construction site.

Sanggunian