Buod
Ang terminong osteoporosis ay nangangahulugang “buto na may mga butas” sa wikang Griyego. Sa kondisyong ito, nagkakabutas-butas ang mga buto sapagkat mas mabilis itong masira kaysa sa mapalitan. Ang mga buto kasi ay isang uri ng buhay na tissue na palagiang nasisira ngunit napapalitan naman.
Dahil hindi agad napupunan ang mga sirang tissue ng buto, ang itsura nito ay parang naagnas. Kaya naman kapag may osteoporosis ang isang pasyente, mahina at madaling magka-pinsala ang kanyang mga buto kahit sa mga simpleng aksidente lamang, gaya ng biglaang pagyuko at biglaang pagbubuhat ng mabibigat. Maging ang malakas na pag-ubo ay maaari ring maging sanhi ng fracture o pagkabali ng mga buto ng taong may osteoporosis dahil sa sobrang rupok nito.
Ang kadalasang naaapektuhang mga bahagi ng osteoporosis ay ang mga buto ng kamay, likod, at balakang. Hindi agad malalaman na may osteoporosis ang isang tao sapagkat ang pag-usobong o development nito ay dahan-dahan lamang. Subalit, masasabing may osteoporosis ang isang tao kapag siya ay madaling mapilayan o magkaroon ng fracture. Ilan pa sa mga sintomas nito ay ang pananakit ng likod, pagkakuba, at ang pagliit ng taas ng isang tao kalaunan.
Nangyayari ang osteoporosis dulot ng katandaan na kung saan ang mga buto ay wala na sa dati nitong sigla. Subalit, maaaring nang magkabutas-butas ang mga buto nang dahan-dahan pagtapak ng lamang sa edad na 35 na taong gulang. Bukod sa edad, maaari ring maging sanhi ng osteoporosis ang lifestyle o uri ng pamumuhay na mayroon ang isang tao. Ang pagkakaroon kasi ng ilang mga bisyo ay maaari ring makaapekto sa kalusugan ng mga buto.
Upang magamot ang osteoporosis, maaaring magreseta ang doktor ng mga gamot. Ang mga gamot na inirereseta ay kadalasang nakatutulong upang pabagalin ang pagkabutas ng mga buto at patibayin ang mga ito.
Kasaysayan
Noon pa man, ang osteoporosis ay isang kondisyon na nakaaapekto na sa bawat tao—lalo na sa mga kababaihan. Ayon sa pananaliksik, ang mga Egyptian mummy na tinatayang mahigit 4,000 taon na ang tanda ay nakitaan ng pagkakuba, isa sa mga sintomas ng osteoporosis. Bagama’t laganap noon pa man ang osteoporosis, marami na ring paraan upang ma-iwasan ito.
Isa sa mga nangunang nagsaliksik ng mga kondisyong may kaugnayan sa osteoporosis ay si John Hunter. Si Hunter ay isang Ingles na surgeon o maninistis noong ika-18 siglo. Natuklasan niya na ang mga luma at nasirang buto ay napapalitan ng bagong buto. Subalit, ang pagkakatuklas na ito ay hindi agad nabigyan ng pagkilala hanggang sa mahigit na 100 taon pagkatapos ng kanyang pagkamatay.
Pagsapit ng taong 1830, natuklasan naman ni Jean Georges Chretien Frederic Martin Lobstein, isang pathologist mula sa Pransya, na ang mga buto ay natural na may butas-butas, subalit ang ilang butas ay mas malaki kaysa sa normal. Tinawag niya ang kondisyong ito na osteoporosis.
Noong 1940 naman, natuklasan ni Fuller Albright, isang doktor ng Massachusetts General Hospital, na ang mga kababaihang nasa yugto na ng menopause ay ang mas madalas na magkaroon ng osteoporosis. Upang magamot ang osteoporosis ng kanyang mga pasyente, isinailalim niya ang mga ito sa estrogen therapy. Ang estrogen therapy ay nakatutulong upang hindi na gaanong mapinsala ang mga buto. Subalit, nahirapan si Albright na matukoy ang osteoporosis nang mas maaga sapagkat wala pa noong sapat na kaalaman at angkop na teknolohiya para rito.
Pagsapit ng taong 1960, nagkaroon na ng tiyak na paraan upang matukoy agad kung may osteoporosis ang isang pasyente. Kabilang na rito ang pag-imbento ng densitometer, isang kagamitang maaaring sumukat ng density ng mga buto ng pasyente. Ang pagkakatuklas na ito ay nasundan naman ng mga pagsasaliksik tungkol sa mga mabibisang gamot para sa osteoporosis. Kabilang ngayon dito ang mga gamot na bisphosphonate, selective estrogen receptive modulator, bisphosphonate alendronate, risedronate, at marami pang iba.
Mga Uri
Ang osteoporosis ay may apat na mga uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Primary osteoporosis. Ito ang pinakalaganap na uri ng osteoporosis at ang mas madalas na maapektuhan nito ay ang mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan. Ang uring ito ay dulot ng pagkakaroon ng labis na edad ng isang tao. Sa pagtanda, unti-unting nagkakabutas-butas ang mga buto lalo na kung walang malusog na
- Secondary osteoporosis. Ang secondary osteoporosis ay osteoporosis na nagresulta mula sa komplikasyon ng ibang karamdaman, gaya ng leukemia, hyperthyroidism, at hyperparathyroidism. Kung hindi naman dulot ng ibang karamdaman, maaaring ito ay dulot ng pag-inom ng ilang gamot gaya ng corticosteroid at mga gamot para sa kanser sa suso.
- Osteogenesis imperfecta. Ang osteogenesis imperfecta ay isang napakadalang na uri ng Dagdag dito, hindi rin alam kung ano ang tiyak na sanhi nito. Pero ayon sa pag-aaral, ang uring ito ay mas laganap sa mga bagong silang pa lang na sanggol.
- Idiopathic juvenile osteoporosis. Napakadalang din ng uring ito. Ang naaapektuhan nito ay ang mga batang nasa pagitan ng mga edad 8 at 14-anyos na labis ang mga timbang. Gaya ng sa osteogenesis imperfecta, hindi rin lubusang malaman kung bakit nangyayari ito.
Mga Sanhi
Image Source: www.freepik.com
Nagkakaroon ng osteoporosis dahil sa mga sumusunod:
- Pag-edad. Sa pagtanda, nagiging mas mabagal na ang pagpapalit ng lumang buto sa bagong buto. Kapag mas mabilis ang pagsira ng lumang buto kaysa sa mapalitan ito, maaaring magdulot ito ng
- Kakulangan ng ehersisyo. Mas bumibigat, mas sumisiksik, at nagiging mas matibay ang mga buto pagsapit ng mga edad 20 at 30-anyos. Ito na rin ay dahil sa mga aktibidad na ginagawa upang maging mas malusog ang mga buto. Subalit, kung kulang sa gawa o ehersisyo, ang mga buto ay hindi nabubuo nang husto at maaaring magdulot ng
- Hindi sapat na nutrisyon. Kung hindi kumakain nang balanse at sapat, ang mga buto ay hindi rin mabubuo nang maayos. Upang maging mas malusog ang mga ito, kailangang kumain ng mga pagkaing mayaman sa calcium at vitamin D.
- Labis na paninigarilyo at pag-inom ng alak. Ang sigarilyo at alak ay naglalaman ng napakaraming nakalalasong kemikal. Ang mga kemikal na ito ay pinapahina ang mga buto kaya madali itong mapinsala. Bukod dito, pinipigilan din nito ang paggawa ng bagong buto kaya naman ang natitira ay mga lumang buto na lamang.
Mga Sintomas
Image Source: www.verywellhealth.com
Hindi agad mararamdaman ang mga sintomas ng osteoporosis sapagkat ito ay nangyayari nang dahan-dahan lamang. Subalit, kapag tumanda na ang pasyente, dito niya maaaring maramdaman nang husto ang mga sumusunod na sintomas nito:
- Pananakit ng likod
- Pagkakuba
- Pagbawas ng tangkad
- Mabilis na pagkakaroon ng fracture
Bagama’t kakaunti lamang ang mga sintomas ng osteoporosis, malaking abala ang naidudulot nito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng isang tao. Dahil sa mga sakit-sakit na nararamdaman sa mga buto, maaaring hindi na makakilos nang mabilis at maayos ang isang pasyente. Bukod dito, mataas na rin ang posibilidad na mapilayan o mabalian ang pasyenteng may osteoporosis. Maging ang simpleng pag-ubo ay maaari nang magdulot ng fracture.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Ang lahat ng tao ay nakararanas ng pagkakabutas-butas ng mga buto sapagkat gaya ng nabanggit noong una, ang mga buto ay isang uri ng buhay na tissue na nasisira pero napapalitan. Subalit, iba’t iba ang bilis ng pagkasira ng mga buto sa bawat tao at ito ay maaaring batay sa mga sumusunod na salik:
- Edad. Mas naaapektuhan ng osteoporosis ang mga taong may edad na subalit maaari ring maapektuhan nito ang mga sanggol at bata, ngunit ito ay napakadalang.
- Kasarian. Ang osteoporosis ay mas laganap sa mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan. Ito ay dahil mas maraming mga hormonal change ang nangyayari sa mga babae.
- Lahi. Kung ang lahi ay mga Caucasian o Asyano, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng osteoporosis dahil sa lifestyle at pagbabago ng istruktura ng mga buto.
- Pagkamana. Maaari ring magkaroon ng osteoporosis kung may kasaysayan ang inyong pamilya o angkan ng kondisyon na ito.
- Pangangatawan. Kung maliit ang pangangatawan, ang mga buto ay kadalasang kakaunti ang bone mass. Dahil dito, mas mabilis mabubutas at mauubos ang mga malulusog na buto.
- Pagkakaroon ng bisyo. Gaya ng nabanggit noong una, ang mga bisyong katulad ng paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak ay nakasasama sa kalusugan ng mga buto. Kung hindi ititigil ang mga ito, babagal ang paggawa ng mga bagong buto.
- Ibang karamdaman. Kung ang isang tao ay may ibang karamdaman gaya ng leukemia, mga thyroid disorder, breast cancer, at iba pa, maaaring magkaroon ang mga ito ng komplikasyon at magresulta sa Bukod dito, ang mga gamot na iniinom ay maaaring makaapekto sa kalusugan ng mga buto.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Ang osteoporosis ay maaaring ma-iwasan subalit kailangang gawin ang mga ilang mga pag-iingat habang bata pa. Ito ay sapagkat pagsapit ng 35 na taong gulang pataas, ang paggawa ng mga bagong buto ay unti-unti nang bumabagal.
Mahalaga ang pag-ipon ng siksik at malulusog na buto upang pagdating ng katandaan ay hindi agad ito mapipinsala. Upang mapanatiling malusog ang mga buto at maka-iwas sa osteoporosis, gawin ang mga sumusunod:
- Kumain ng mga pagkaing mayaman sa protina. Ang protina ay nakatutulong upang mapabilis ang paggawa ng mga bagong buto sa katawan. Ilan lamang sa mga mainam na mapagkukuhanan ng protina ay karne, isda, itlog, mani, gatas, at mabubutong gulay.
- Kumain ng mga pagkaing mayaman sa calcium at vitamin D. Bukod sa protina, kailangan din ng mga buto ang calcium at vitamin D. Kadalasan, ang mga pagkaing mayaman sa calcium ay mayaman din sa vitamin D, gaya ng gatas, keso, itlog, yogurt, soya, tokwa, cereals, orange juice, salmon, sardinas, mabeberdeng gulay, at marami pang iba.
- Panatilihin ang tamang timbang. Kung kulang sa timbang, makatutulong kung magpapataba. Kung sobra naman sa timbang, makatutulong ang pagpapayat. Ang importante ay marating ang wastong timbang sapagkat kung kulang ang timbang, ang mga buto ay kadalasang marupok, payat, at madaling mapinsala. Kung sobra naman sa timbang, ang dagdag na bigat ay maaaring makapagdulot ng fracture o bali sa mga buto.
- Mag-ehersisyo araw-araw. Kung nasa wastong timbang, sapat na ang 30 minuto ng pag-eehersisyo araw-araw. Subalit, kung kulang o sobra ang timbang, kailangan ang mas mahaba at mas madalas na pag-eehersisyo. Upang makasigurado kung gaano karaming pag-eehersisyo ang dapat gawin, mas mainam ang kumonsulta sa isang propesyonal.
- Huwag mag-bisyo. Ang mga bisyong gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo ay walang magandang maidudulot sa kalusugan, sapagkat ang alak at sigarilyo ay maraming mga nakalalasong sangkap.
Ang regular na pagpapakonsulta sa doktor ay makatutulong upang matukoy agad kung may problema ang mga buto. Kung may nararamdamang mga sintomas, huwag itong ipagsawalang-bahala.
Sanggunian
- https://stanfordhealthcare.org/medical-conditions/bones-joints-and-muscles/bursitis/types.html
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/152120.php
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/bursitis/symptoms-causes/syc-20353242
- https://www.arthritis.org/about-arthritis/types/bursitis/
- https://www.medicinenet.com/acute_and_chronic_bursitis/article.htm#what_is_the_medical_treatment_for_bursitis