Buod
Ang otitis media ay ang pagkakaroon ng impeksyon sa tenga, partikular na sa gitnang bahagi nito. Karaniwang naaapektuhan ng kondisyong ito kapag ang tenga ay nagkaroon ng mga bacteria o virus na nanggaling sa sipon. Dahil sa mga ito, ang tenga ay namamaga at nananakit. Dagdag dito, ang pasyenteng may otitis media ay nagkakaroon din ng luga. Karaniwang nagkakaroon nito kapag ang daanan (canal) na tinatawag na eustachian tube ay nabarahan. Ang daanang ito ang nagkokonekta sa ilong, lalamunan, at tenga. Kapag nabarahan ito, maaaring ma-ipon at mapunta ang sipon sa tenga at maging luga.
Ang mga bata ang madalas magkaroon ng otitis media. Bukod sa palagi silang sinisipon, ang mga eustachian tube nila ay mas maliit at medyo patag pa kaya naman hindi makadaloy nang husto ang kanilang sipon papuntang lalamunan. Kaya, nagiging mas mataas din ang panganib ng pagkakaroon nila ng iba’t ibang mga sakit sa tenga, at mga kalapit na bahagi.
Kahit walang gamot, maaring gumaling ang impeksyon sa tenga nang kusa sa loob ng isa o dalawang linggo lalo na kung hindi ito malubha. Hangga’t nililinis ang tenga nang maayos, maaaring gumaling sa kondisyong ito. Subalit kung ang pasyente ay umiinda ng pananakit, maaaring magreseta ang doktor ng pain reliever. Bukod dito, maaari ring magbigay ang doktor ng gamot sa lagnat at mga antibiotic.
Kasaysayan
Ang otitis media ay nagmula sa Griyego at Latin na mga salita. Ang otitis ay isang Griyegong salita na nangangahulugang “impeksyon sa tenga,” samantalang ang media ay isang Latin na salita na ang ibig sabihin ay “gitna.”
Noon pa man, pangkaraniwang sakit na ng mga bata ang otitis media. Noong wala pang natutuklasang paraan kung paano gumaling sa kondisyong ito, maraming mga bata ang nabawian ng buhay. Subalit ngayon, marami na ang mga paraan upang malunasan ito.
Kabilang sa mga nangunang bansa na nakatuklas ng paglunas sa kondisyong ito ay ang mga bansang Pransya, Inglatera, at Alemanya. Subalit, ang kadalasang ginagawa ng mga doktor noon ay ang pag-oopera ng tenga. Nang ma-imbento ang penicillin, isang uri ng antibiotic, hindi na nangailangan pang operahan ang tenga upang gumaling ang mga simpleng kaso ng otitis media.
Mga Uri
Ang otitis media ay mayroong dalawang uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Acute otitis media. Nagkakaroon ng acute otitis media kapag ang eustachian tube ay nabarahan dahil may sipon o alerhiya ang pasyente. Sa pamumuo ng sipon sa tenga, maaari itong pamahayan ng mga bacteria o virus at magdulot ng pananakit at pamamaga.
- Otitis media with effusion. Ang otitis media with effusion ay ang pagkakaroon ng impeksyon sa tenga at labis na tubig (effusion). Ang kondisyong ito ay kaugnay ng naunang nabanggit na uri. Kahit mawala na ang pananakit at pamamaga dulot ng acute otitis media, maaari pa ring manatili ang sipon sa tenga. Dahil dito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng pansamantalang pagkabingi at maaari itong tumagal ng hanggang tatlong buwan.
Mga Sanhi
Image Source: www.freepik.com
Ang pinaka-pangunahing sanhi ng otitis media ay ang mga bacteria at virus na namamahay sa naipong sipon sa tenga. Maaaring magkaroon ang tenga ng mga mikrobyong ito dahil sa mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng sipon. Kung ang pasyente ay may sipon, maaaring magdulot ito ng pagbabara sa eustachian tube. At kapag naipon ang sipon sa tenga, pamamahayan ito ng mga bacteria at virus na nagdudulot ng pananakit at pamamaga.
- Pagkakaroon ng alerhiya. Bukod sa pagkakaroon ng sipon, maaari ring pagmulan ng otitis media ang alerhiya. Kapag ang pasyente ay nalantad sa mga allergen o mga bagay na nakapagti-trigger ng alerhiya, maaari siyang magkaroon ng impeksyon sa baga. Karaniwang nagkakaroon din ng sipon ang mga taong may impeksyon sa baga kaya naman hindi malayong magkaroon din sila ng impeksyon sa tenga.
- Paglaki ng mga adenoid. Ang adenoid ay isang uri ng tisyu sa bibig na matatagpuan sa likod ng ilong, sa may bandang ngala-ngala. Nakatutulong ang mga bahaging ito sa pagpigil sa mga mikrobyo na makapasok sa loob ng katawan. Subalit kung ang mga ito ay magkakaroon ng impeksyon, lalaki ang mga ito at maaaring magdulot ng hirap sa paghinga at impeksyon sa baga. Dahil dito, dadami ang produksyon ng sipon ng pasyente at maaaring mapunta sa tenga.
Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay nagkakaroon ng otitis media ang pasyente sa tuwing siya ay magkakasipon. Hangga’t ang sipon ay nailalabas o nalulunok, hindi ito maiipon sa tenga at magdudulot ng impeksyon.
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Madali lamang malaman kung may impeksyon sa tenga ang isang tao. Kung siya ay nakararanas ng mga sumusunod na sintomas, malaki ang posibilidad na siya ay may otitis media:
- Pagkakaroon ng luga
- Pagdaloy ng likido o sipon sa labas ng tenga
- Pamamaga ng tenga
- Pananakit ng tenga
- Pagkakaroon ng mabahong amoy ng tenga
- Pagkakaroon ng lagnat
- Pagkakaroon ng hirap sa pandinig
- Pagiging iritable
- Pagkawala ng gana sa pagkain
- Pagiging hirap sa pagtulog
Kung napapansing may luga o likidong lumalabas sa tenga, ito na ay indikasyon ng impeksyon kahit walang nararamdamang iba pang mga sintomas. Bagama’t maaaring gumaling ito nang kusa, mas makabubuti pa rin na magpakonsulta sa doktor.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.verywellfamily.com
Ang sinuman ay maaaring magkaroon ng impeksyon sa tenga. Subalit, mas tumataas ang posibilidad na magkaroon nito ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging bata. Ang pinakamadalas magkaroon ng luga ay ang mga sanggol at bata sapagkat hindi pa sila maalam maglabas ng kanilang sipon. Bukod dito, maliit at makipot pa ang kanilang mga eustachian tube kaya naman mabilis itong mabarahan ng sipon.
- Pagiging lalaki. Ayon sa datos, higit na naaapektuhan ang mga batang lalaki ng kondisyong ito kaysa sa mga batang babae. Ito ay maaaring dulot ng mas aktibong paglalaro ng mga kabataang lalaki sa labas ng bahay kaya naman sila ay madalas ding magkasipon.
- Pagkamana. Ang isang bata ay maaari ring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng otitis media kung ito ay sakit na talaga ng kanyang pamilya. Maaaring ang mga magulang ay mayroong maliliit at maiikling eustachian tube kaya naman ang mga anak ay maaari ring mamana ang ganitong istruktura ng eustachian tube.
- Pagkakaroon ng chronic illness. Ang chronic illness ay isang uri ng pangmatagalang sakit. Kung ang isang tao ay may immune deficiency, cystic fibrosis, o hika, mas madalas siyang magkaroon ng sipon. Dahil dito, mas tumataas din ang posibilidad na magkaroon ang isang tao ng otitis media.
Mga Komplikasyon
Kung ang otitis media ay hindi mabibigyan ng tamang lunas, maaaring magresulta ito sa mga sumusunod na komplikasyon:
- Pagkabutas ng ear drum
- Pagkakaroon ng mastoiditis
- Pagkakaroon ng bacterial meningitis
- Pagkakaroon ng brain abscess
- Pagkakaroon ng dural sinus thrombosis
Ang mga komplikasyong gaya ng bacterial meningitis at brain abscess ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng pasyente, subalit ito ay napakadalang na mangyari. Ganunpaman, tinatayang nasa 21,000 tao ang namamatay taun-taon dahil sa napabayaang komplikasyon ng otitis media.
Pag-Iwas
Image Source: www.independent.co.uk
Upang ma-iwasan ng mga bata ang pagkakaroon ng otitis media, maaaring gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
- Turuang maghugas ang mga bata ng kanilang mga kamay upang maalis ang anumang mikrobyo at maka-iwas magkaroon ng sakit.
- Iwasang ilantad ang mga bata sa mga mauusok na lugar. Kung hindi maiiwasan, siguraduhing may takip ang kanilang mga ilong.
- Huwag hahayaang makalanghap ng usok ng sigarilyo ang mga bata sapagkat maaari itong magdulot ng impeksyon sa baga.
- Siguraduhin na ang iyong mga anak ay kumpleto sa bakuna upang hindi sila magkaroon ng mga malulubhang uri ng sipon.
- Kung ang iyong anak ay sanggol pa lamang, siguraduhin na wasto ang posisiyon sa pagpapasuso o pagpapadede upang hindi umagos ang gatas sa mga eustachian tube.
Sanggunian
- https://ph.theasianparent.com/gamot-sa-luga
- https://www.stanfordchildrens.org/en/topic/default?id=otitis-media-middle-ear-infection-90-P02057
- https://www.healthline.com/health/otitis#causes
- https://kidshealth.org/en/parents/otitis-media.html
- https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/8613-otitis-media-middle-ear-infection
- https://en.wikipedia.org/wiki/Otitis_media#Etymology
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/11624973