Ang pagdurugo ng ilong o nose bleeding ay isang karaniwang kondisyon na maaaring mararanasan ng kahit na sino. Ang pagdurugo ay maaaring nagmumula sa harapang bahagi ng ilong o kaya naman ay sa loob at mas malalim na bahagi ng ilong kung saan maraming ugat ng dugo. Kapag ang mga ugat na ito ay nasugat, nasundot o natusok, nagsisimula ang pagdurugo. Bagaman ito ay nakakagulat at minsan ay nakakatakot, ito ay kadalasang hindi naman seryoso. Ang pagdurugo ay madali namang mapipigil sa pamamagitan ng mga simpleng hakbang na pwedeng gawin kahit sa bahay lang.
Ano ang sanhi ng pagdurugo ng ilong?
Ang pinakamadalas na dahilan ng pagdurugo ng ilong ay ang pagtama ng harapang bahagi ng ilon sa anumang bagay na matigas. Halimbawa ay nauntog ang ilong sa pader o kaya ay nahampas o nasuntok sa ilong. Ang pagdurugo ay maaari ring dahil sa pagkakasundot o pagkakatusok ng anumang matalim na bagay, gaya ng mga kuko ng daliri, sa loob na bahagi ng ilong. Ang pagkakaroon ng sipon at madalas na pagsinga ay maaari ring makairita sa ilong at magdulot ng pagdurugo. Ang pabago-bagong klima ay maaari ring makaapekto sa mga ugat ng dugo na nasa loob ng ilong, at maging sanhi ng pagputok at paglabas ng dugo sa ilong.