Buod

Ang pagkabingi ay isang karamdaman sa tenga na maaaring magdulot ng malubhang pagbabago sa kalidad ng buhay ng isang tao. Ang karamdamang ito ay matagal nang naitala noong panahon pa ng mga sinaunang Griyego, ngunit ang unang mga hearing aid ay na-imbento lamang noong huling bahagi ng ika-19 na siglo.

Mayroong apat na uri ng pagkabingi ayon sa kung anong bahagi ng tenga ang napinsala. Ito ang: sensorineural hearing loss, conductive hearing loss, mixed hearing loss, at auditory neuropathy. Ang mga sanhi nito ay may dalawang uri: congenital o acquired. Ang pinakatiyak naman na sintomas nito ay pagkakaroon ng hirap sa pag-intindi ng sinasabi ng iba, maging ang pangangailangan na malakas palagi ang pinakikinggan o pinanonood. Pinaka-kilalang salik naman sa panganib naman nito ang pagiging matanda at ang madalas na pagkalantad sa malalakas na mga tunog.

Ang pagkabingi ay maaaring magdulot ng depresyon sa mga matatanda, ngunit maaari ring maka-iwas sa pagkabingi sa pamamagitan ng pagprotekta sa tenga at pag-iwas sa mga maiingay na lugar o gawain. Walang iisang gamot para sa pagkabingi, ngunit may mga lunas na maaaring makatulong sa pasyente, tulad ng mga hearing aid at mga cochlear implant. Maaari ring mabigyan ng lunas ang pansamantalang pagkabingi sa pamamagitan ng pagtanggal ng sobrang tutuli kung ito ang natukoy na sanhi nito.

Kasaysayan

Ang pagkabingi ay matagal nang kilala bilang isang karamdaman. Isa sa mga pinaka-unang naitala tungkol dito ay mula pa sa panahon ng mga sinanunang Griyego. Ang mga sinaunang taga-Ehipto naman noong 1600 BC ay sinubukan nang gamutin ang mga karamdaman sa tenga, kasama ang pagkabingi. Isa sa mga gamot at lunas nila noong unang panahon ay ang paglagay ng solusyong kanilang hinaluan ng ihi ng kambing at abo ng paniki.

Ang cochlea, na isang mahalagang bahagi ng tenga, ay natuklasan ng dalubhasang si Fallopius noong ika-16 na siglo. Ang unang operasyon sa tenga ay naitala noong ika-18 na siglo. Samantala, na-imbento lamang ang unang hearing aid sa huling bahagi ng ika-19 na siglo.

Sa kasalukuyang panahon naman, naitala ng World Health Organization na mayroong 250 milyong katao ang may pagkabingi sa buong mundo noon lamang taong 2002. Sinasabi ring ang kalahati ng mga kaso ng pagkabingi ay maaaring ma-iwasan.

Mga Uri ng Pagkabingi

Ang pagkabingi ay may apat na uri ayon sa kung anong bahagi ng tenga ang napinsala. Narito ang apat na uri ng pagkabingi:

  • Sensorineural hearing loss Nangyayari ito dahil sa pagkapinsala sa inner ear, na nagdudulot naman ng problema sa proseso ng pagdinig. Ito ang itinuturing na karaniwang uri ng pagkabingi.
  • Conductive hearing loss. Nagkakaroon ng conductive hearing loss kapag mayroong pinsala o pagkabara sa outer ear at middle ear. Dahil dito, naaantala ang daloy ng tunog papunta sa loob ng tenga at nagdudulot ng pagkabingi. Mga bata ang madalas magkaroon ng ganitong uri ng pagkabingi.
  • Mixed hearing loss. Mixed hearing loss ang tawag kapag ang pasyente nakararanas ng pinagsamang sensorineural at conductive hearing loss. Maaaring pansamantala lamang ang conductive hearing loss samantalang ang sensorineural hearing loss ay maaaring maging pangmatagalan o kaya naman ay panghabambuhay.
  • Auditory neuropathy. Ang auditory neuropathy ay dahil sa pinsala sa auditory nerve. Ang mga pasyente na mayroong ganitong uri ng pagkabingi ay maaaring mahirapan sa pakikinig ng mga salita kahit kaunti lamang ang ingay sa paligid.

Mga Sanhi

Ang isang pasyente ay maaaring magkaroon ng pagkabingi na puwedeng mahati sa dalawang uri ng sanhi:

Congenital causes. Ang mga sanhing ito ay nagdudulot ng pagkabingi sa pagkapanganak pa lamang ng isang sanggol. Maaaring mamana rin ang pagkabingi ngunit mayroon ding mga komplikasyon sa pagbubuntis na puwedeng magdulot nito, tulad ng:

  • Pagkakaroon ng syphilis, maternal rubella, at iba pang mga impeksyon na maaring makuha ng ina habang
  • Pagkakaroon ng mababang timbang ng bagong silang
  • Kakulangan sa oxygen ng sanggol pagkapanganak
  • Pag-abuso ng ilang mga gamot na tulad ng mga diuretic, anti-malarial drug, cytotoxic drug, at aminoglycoside
  • Pagkakaroon ng sakit sa atay o apdo

Acquired causes. Ang mga sanhing ito ay maaaring magdulot ng pagkabingi sa kahit anong edad. Ito ang sumusunod:

  • Pagkakaroon ng mga impeksyon tulad ng meningitis, tigdas, beke, at iba pa
  • Pagkakaroon ng pabalik-balik na impeksyon sa tenga
  • Paggamit ng mga gamot laban sa malaria, tuberkulosis, at kanser
  • Pagkakaroon ng pinsala sa ulo o sa tenga
  • Paglagi sa mga maingay na lugar
  • Paggamit ng earphones, headphones, at speakers nang madalas at malakas ang tunog
  • Pagtanda o ang likas na pagkawala ng pandinig (ito rin ay tinatawag na presbycusis)
  • Pagkakaroon ng bagay na nagbabara sa loob o labas ng tenga, tulad ng sobrang tutuli

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Ang mga sintomas ng pagkabingi ay hindi biglaan at maaaring hindi sila mapansin kaagad, lalo na sa pagtanda. Subalit, ang mga kadalasang sintomas nito ay ang mga sumusunod:

  • Kahirapan sa pagdinig ng mga matitining na tunog o boses. Kapag ang tao ay tumatanda, likas na humihina ang kanyang pandinig at ang unang nawawala ay ang kakayahang marinig ang mga matitining na tunog o boses. Dahil dito, puwedeng mahirapan ang pasyente na makarinig ng boses ng mga bata, babae, o iba pang mga matitining na tunog sa paligid.
  • Kahirapan sa pagdinig ng mga salita kapag nasa maingay na lugar. Kapag may napinsalang bahagi ng tenga, nasisira ang paraan ng pagproseso ng utak sa mga tunog. Ang mga pasyenteng may pagkabingi ay nahihirapan lalong maintindihan ang mga salita, lalo na ang mga katinig sa mga maingay na lugar.
  • Pagkapagod sa mga pagtitipon. Dahil hirap ang pasyenteng may pagkabingi sa pagdinig ng mga salita, kailangan ng utak punan ang mga agwat para masubukang maintindihan ang mga ito. Mas pinagtutuunan din ng pansin ng pasyente ang mga labi ng mga kausap niya para mas maintindihan ang salita. Nakauubos ito ng lakas at nagdudulot ng pagkapagod para sa pasyente.
  • Pangangailangan na lakasan ang tunog ng telebisyon, radyo, at iba pang mga hawig na kagamitan. Mas naririnig ng may mga pagkabingi kapag malakas ang kanilang pinapakinggan. Dahil dito, madalas na kailangan nilang lakasan ang tunog para mas makaintindi sila. Maaaring mahina pa ang karaniwan na lakas ng tunog ng mga kagamitang ito para sa mga may pagkabingi.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Maraming maaaring makapinsala sa pandinig ng isang tao lalo na at ginagamit ito araw-araw. Mahalaga malaman kung ano ang mga makakapagpataas pa ng posibilidad ng pagkabingi. Ito ang ilan sa mga salik sa panganib sa pagkabingi:

  • Pagtanda. Likas na humihina ang pandinig ng tao kapag tumatanda. Dahil dito, mas maraming nagkakaroon ng pagkabingi sa pagtanda.
  • Pagkalantad sa malakas na mga tunog. Ang malalakas natunog ay maaaring makapinsala sa tenga. Kapag palaging nalalantad sa malalakas na tunog, maaaring mas mapabilis ang pagkabingi. Mayroon ding mga uri ng trabaho kung saan hindi madaling maiwasan ang mga ito tulad ng mga nasa konstruksyon at pabrika.
  • Pagmana ng kondisyon. Maaari ring mamana ang pagkabingi. Ito ay dahil mayroong mga taong mas mataas ang posibilidad na masira ang tenga o mas mapabilis ang likas na pagkabingi sa kanilang pagtanda.
  • Pag-inom ng ilang mga gamot. May mga gamot na maaaring makapinsala sa tenga. Kasama rito ang ng ilang mga antibiotic, angViagra, at mga gamot laban sa kanser. Mayroon ding mga gamot na maaaring makapagbigay ng pansamantalang pagkabingi tulad ng aspirin, at iba pang gamot na pampawala ng sakit sa katawan.
  • Ilang mga karamdaman. Mayroon ding ilang mga karamdaman na maaaring magdulot ng pinsala sa tenga, tulad ng meningitis.

Mga Karaniwang Komplikasyon ng Pagkabingi

Ang pagkabingi ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa buhay ng pasyente. Puwedeng makaranas ng depresyon ang mga matatandang may pagkabingi. Ang karamdamang ito ay maaari ding magbigay ng pakiramdam ng pagkakabukod sa mga kaibigan o pamilya.

Pag-iwas

Image Source: unsplash.com

Ang sumusunod ay mga paraan upang ma-iwasan ang pinsala sa tenga at mapabagal ang likas na pagkabingi sa pagkatanda:

  • Protektahan ang mga tenga. Dahil pinsala sa tenga ang pangunahing sanhi ng pagkabingi, dapat itong ingatan. Maaaring bawasan o limitahan ang pagkalantad sa ingay. Puwede ring gumamit ng mga kagamitan na tulad ng earplugs at earmuffs na makakatulong sa pagprotekta ng tenga kung hindi maiiwasang lumayo sa maiingay na lugar.
  • Umiwas sa maiingay na mga gawain. Maraming mga gawain na maaaring magdulot ng pinsala sa tenga. Kasama na rito ang paggamit ng baril o mga paputok, pagpunta sa mga konsyerto, at iba pa. Puwede ring bawasan ang lakas ng tunog kapag nakikinig o nanonood.
  • Ipasuri ang pandinig. Mahalaga na ipasuri sa doktor ang pandinig upang malaman kung nagkakaroon na ng pagkabingi. May mga lunas na puwedeng maibigay ang mga doktor upang maiwasang lumala ang pagkabingi.

Sanggunian