Buod

Ang pagkalason sa pagkain o food poisoning ay maaaring mangyari kapag nakakain ang isang tao ng pagkain na may mikrobyo o parasitiko. Kapag ang kontaminadong pagkain ay nakapasok sa sistema ng katawan, ang mga mikrobyo ay maaaring gumawa at maglabas ng mga sangkap na makasasama at magdulot ng sakit sa tiyan. Dahil dito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng pagsusuka at pagtatae. Maaari ring makaranas ng mga sintomas na gaya ng pagduduwal, pananakit ng tiyan, pagkakaroon ng lagnat, panginginig, labis na pagpapawis, pananakit ng ulo, pagkaantok, o matinding pagkapagod. Ang tindi ng mga sintomas na nararamdaman ay batay sa kung ano ang sanhi nito at kung gaano karami ang nakaing pagkain.

Ang mga kalimitang sanhi ng pagkalason sa pagkain ay ang hindi angkop na paghahanda ng pagkain. Maaaring hindi naghugas ng mga kamay ang tagaluto at tagahanda ng pagkain, o kaya naman ang mismong kakain ang hindi naghugas ng kanyang mga kamay. Maaari ring hindi nahugasan nang maayos ang mga sangkap na iluluto. Dahil dito, ang pagkain ay nagkakaroon ng mikrobyo.

Bukod sa mga nabanggit na sanhi, puwede ring maging kontaminado ang pagkain kung ito ay nadikitan ng mga alagang hayop, maging ng mga ipis, langaw, at anumang insekto na may dala-dalang mikrobyo at mga dumi. Posible ring magdulot ng pagkalason sa pagkain ang mga hilaw na pagkain o mga pagkaing hindi naluto nang maigi. Maaari ring pamahayan ng mga mikrobyo ang pagkain kung ito ay inimbak sa maling temperatura o lugar.

Sa kabutihang palad, maaari namang maibsan ang mga sintomas ng pagkalason sa pagkain sa pamamagitan ng mga simpleng lunas sa bahay. Kasama na rito ang pag-inom ng marami at malinis na tubig, pagkain ng malalambot at masasabaw na pagkain, at marami pang iba. Kadalasan ding hindi tumatagal nang higit sa isang linggo ang pagdanas ng mga sintomas. Subalit, kung ang pagkalason sa pagkain ay malubha, kakailanganin nang dalhin ang pasyente sa ospital upang mabigyan ng kaukulang lunas. Pinaka-karaniwang mga paraan nito ng pag-inom ng gamot at pagkakabit ng suwero. Kung hindi ito maaagapan, maaaring magdulot ang pagkalason sa pagkain ng panganib sa buhay ng pasyente.

Kasaysayan

Noon pa man ay marami na ang naaapektuhan ng pagkalason sa pagkain o food poisoning. Ayon sa mga tala, may mga kaso na ng pagkalason sa pagkain kahit noong Stone Age pa lamang. Ang kaibahan lamang nito sa ngayon ay alam na ng mga doktor kung ano ang sanhi ng kondisyon na ito at kung paano ito maiiwasan at malulunasan.

Sa Pilipinas lamang, marami na ring mga naitalang kaso ng mga food poisoning outbreak. Base sa isang pananaliksik, ang mga pangunahing sanhi ng kontaminadong pagkain ay ang mga kemikal na carbamate at tetrodotoxin. Kung matatandaan noong taong 2005, nagkaroon ng cassava food poisoning sa Pilipinas at namatay ang 27 na mga bata na nag-aaral sa elementarya. Ito ay dahil sa pagkain ng mga produktong gawa sa cassava o balinghoy. Ang mga tagapagbenta naman ng mga produktong ito ay nalagay sa kritikal na kalagayan matapos kainin ang piniritong cassava balls. Pinaghinalaan noon ng Department of Health (DOH) na ito ay dulot ng cyanide, subalit matapos ang maigting na pananaliksik, napag-alaman nila na ang dahilan ng pagkakaroon ng cassava food poisoning ay ang kemikal na carbamate, na isa namang karaniwang sangkap ng mga insecticide na ginagamit ng mga magsasaka upang mapuksa ang mga peste.

Gaya naman ng nabanggit, nakapagdudulot din ng pagkalason sa pagkain ang tetrodotoxin. Ang tetrodotoxin ay isang uri ng nakalalasong kemikal na makukuha sa pagkain ng mga isdang gaya ng butete at bunog. Bagama’t puwedeng kainin ang mga ito lalo na kung tama naman ang paghahanda, nang magkaroon ng food poisoning outbreak dahil sa kanila ay ipinagbawal ng pamahalaan at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang pagkonsumo sa mga butete at bunog.

Dahil sa mga nakaraang naganap na food poisoning outbreak, ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan ay nagpalawig ng kaalaman sa mga mamamayan tungkol sa tamang paghahanda ng pagkain at wastong sanitasyon. Bukod dito, pinatupad din ang Philippine Food Safety Act of 2013 upang mapaigting ang tamang pagproproseso ng mga pagkain.

Mga Uri

Mayroong 3 pangunahing uri ng pagkalason sa pagkain o food poisoning at ito ay nababatay sa sanhi nito. Ang mga ito ay:

  • Bacterial food poisoning. Ayon sa datos, ang pagkalason sa pagkain na dulot ng bacteria ay ang pinakalaganap na uri. Halimbawa lamang ng mga bacteria na maaaring magdulot ng pagkalason sa pagkain ay coli, listeria, salmonella, campylobacter, at C. botulinum.
  • Viral food poisoning. Maaari ring makontamina ang mga pagkain ng mga virus gaya ng norovirus, sapovirus, rotavirus, astrovirus, at hepatitis A virus. Ang mga virus na ito ay maaaring kumapit sa anumang uri ng pagkain at inumin.
  • Parasitic food poisoning. Hindi gaanong laganap ang uri na ito, subalit maaari ring magdulot ito ng panganib lalo na kung nanirahan ang parasitiko at mangitlog sa mga bituka ng pasyente. Isa sa pinaka-karaniwang uri ng parasitiko na maaaring magdulot ng pagkalason sa pagkain ay ang toxoplasma, mga parasitiko na naninirahan sa dumi ng mga pusa.

Mga Sanhi

Nagiging kontaminado ang mga pagkain o inumin dahil nahahaluan ito ng mga mikrobyong gaya ng bacteria at virus, maging ng mga parasitiko. Ang mga mikrobyo at parasitiko ay maaaring makontamina ang mga pagkain o inumin sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Hindi wastong paghahanda ng pagkain
  • Hindi paghuhugas ng mga kamay bago maghanda ng pagkain o bago kumain
  • Pagkadikit ng mga alagang hayop, maging ng mga ipis, langaw, at iba pang insekto sa pagkain
  • Pagpatak o anumang paraan ng pagdikit ng maliit na dumi ng hayop sa pagkain
  • Pagkain ng mga hilaw o hindi wastong naluto na pagkain
  • Pag-iimbak ng mga pagkain sa maling temperatura o lugar
  • Hindi wastong paghugas ng mga sangkap na iluluto

Mga Sintomas

Image Source: www.sitarambhartia.org

Bagama’t ang pagkalason ay may iba’t ibang uri, ang mga sintomas nito ay halos magkakatulad lamang. Ilan sa mga pinaka-karaniwang sintomas ng pagkalason sa pagkain ay ang mga sumusunod:

  • Pagduduwal o pagsusuka
  • Pagtatae
  • Pananakit ng tiyan
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Panginginig ng mga kalamnan
  • Labis na pagpapawis
  • Pananakit ng ulo
  • Pagkaantok
  • Matinding pagkapagod

Mga Salik sa Panganib

Kahit na sinuman ay maaaring maapektuhan ng pagkalason sa pagkain. Subalit, ang mga sumusunod na salik ay maaaring makapagpataas ng posibilidad sa pagkakaroon nito:

  • Pagiging matanda. Sa pagtanda, ang resistensya ng katawan ay humihina. Kaya, kapag nakakain ng kontaminadong pagkain, hindi agad mapupuksa ng immune system ang mga nakapasok na mikrobyo o parasitiko.
  • Pagiging sanggol o bata. Mas mataas din ang posibilidad na malason sa pagkain ang mga sanggol at bata. Alalahanin na ang mga sanggol ay masyado pang mahihina ang resistensya, samantalang ang mga bata ay palaging nadudumihan ang mga kamay sa kanilang paglalaro.
  • Pagiging buntis. Kapag buntis ang isang babae, nagkakaroon ng mga pagbabago sa metabolismo. Kung noong hindi pa buntis ay nagagawa pang kumain ng mga hilaw na pagkain, maaaring sa pagbubuntis ay hindi na makayanan ito at magdulot ng pagtatae at pananakit ng tiyan.
  • Pagkakaroon ng ibang karamdaman. Ang mga pasyenteng may diabetes, sakit sa atay, AIDS, at kanser ay madalas ding maapektuhan ng pagkalason sa pagkain. Ito ay dahil mas mahina na ang resistensya ng kanilang katawan.

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Madali lamang maiwasan ang pagkalason sa pagkain o food poisoning. Ilan lamang sa mga maaaring gawin upang maiwasan ito ay ang mga sumusunod:

  • Pagpanatiling malinis ang bahay, lalo na ang kusina at banyo upang matanggal ang anumang mga mikrobyo at parasitiko.
  • Wastong paghugas ng mga kamay sa tuwing naghahanda ng pagkain o bago kumain.
  • Paghugas ng mga kamay pagkatapos makipaglaro sa mga alagang hayop.
  • Pag-iwas sa paghahanda o pagluluto ng pagkain para sa iba kung ikaw ay kasalukuyang nagtatae o nagsusuka. Sa ganitong mga sitwasyon, ang mga dumi sa kamay ay maaaring hindi nahugasan nang maayos at maaaring mailipat sa pagkain.
  • Paniniguradong wasto ang pagkakaluto at pagkakaimbak ng mga pagkain.
  • Regular na pagpalit ng mga pamunas at tuwalya upang hindi ito pamahayan ng mga mikrobyo.
  • Paglinis nang mabuti ng mga pinggan, kubyertos, at mga gamit pangluto.

Bagama’t ang mga sintomas ng pagkalason sa pagkain ay maaaring gamutin lamang sa bahay, huwag mag-atubiling dalhin agad ang pasyente sa ospital kung ang mga sintomas ay mabilis na lumalala. Masasabing malubha at kabaha-bahala ang pagkalason sa pagkain kung ang pasyente ay nanunuyo na ang mga labi, lubog na ang mga mata, hindi nawawala ang sakit ng tiyan, at nakikitaan na ng dugo sa dumi.

Sanggunian