Buod

Maraming tao ang may maling pag-aakala na ang pagpalya ng puso o heart failure ay ang pagtigil ng pagtibok nito. Sa katunayan, ito lamang ay tumutukoy sa labis na panghihina ng mga kalamnan ng puso ng pasyente, kaya hindi nito magawang magdala ng sapat na dugo sa iba’t ibang mga bahagi ng katawan.

Ang pagpalya ng puso ay kilala rin sa tawag na congestive heart failure (CHF). Karaniwang naaapektuhan nito ay ang mga nasa edad na 65-anyos pataas—lalo na ang mga kalalakihan. Nakararanas ng pagpalya ng puso ang isang tao kapag siya ay mayroong mataas na presyon, labis na umiinom ng alak, naninigarilyo, mahilig kumain ng mga pagkaing matataba, o may ibang karamdamang katulad ng diabetes at coronary artery disease.

Kung naapektuhan ng sakit sa puso na ito, ang pasyente ay karaniwang makararanas ng hirap sa paghinga, mabilis na pagtibok ng puso, mabilis na pagkapagod at pagkahilo, pamamanas ng mga paa, at pakiramdam na parang nalulunod sa pagtulog.

Upang magamot ang mga sintomas ng heart failure, maaaring magreseta ang doktor ng ilang medikasyon kung ito ay hindi pa malala. Maaari ring sumailalim ang pasyente sa isang operasyon kung ang kondisyon ay mahirap nang malunasan gamit ang medikasyon lamang.

Kasaysayan

Ang pananaliksik sa heart failure ay pinangunahan ng mga sinaunang taga-Ehipto, mga Griyego, at mga Indiano. Subalit, hindi pa lubusang malinaw noon kung ano ang tamang lunas para sa sakit na ito.

Ang mga sinaunang Romano naman ay nakadiskubre na mainam na gamot ang foxglove sa heart failure. Ang foxglove ay isang uri ng halamang gamot. Pinakukuluan ang mga bulaklak nito at pinapainom sa pasyente upang malunasan ang mga sintomas nito.

Bukod sa foxglove, laganap din noon ang paggamit ng mga linta upang masipsip ang sobrang tubig at mabawasan ang pamamanas ng pasyenteng may heart failure. Nagsasagawa na rin noon ng pagsasalin ng dugo sa mga pasyente upang magkaroon ng sapat na dami ng dugo ang iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Pagsapit ng taong 1628, nadiskubre naman ni William Harvey ang tiyak na paraan ng paggana ng puso at ang sirkulasyon ng dugo sa katawan. Dahil dito, mas naintindihan ng mga manggagamot kung ano ang mas nararapat nilang gawin upang mabigyang lunas ang kanilang mga pasyente.

Si Reginald Southey naman ay nakilala sa kanyang imbensiyon na Southey’s tubes. Ang Southey’s tubes ay isang uri ng maliliit na tubo o catheter na kung saan ay ipinapasok ito sa paa ng pasyente upang mawala ang pamamanas nito.

Noong bandang 1890, naimbento ni Wilhelm Roentgen ang X-ray, samantalang naimbento naman ni Willem Einthoven ang electrocardiogram. Dahil sa mga aparatong ito, naging mas masugid ang pananaliksik sa sakit na heart failure at nakagawa pa lalo ng iba’t ibang lunas para rito.

Mga Sanhi

Image Source: www.telegraph.co.uk

Kadalasan, nagkakaroon ng heart failure kapag ang isang tao ay hindi sumusunod sa malusog na pamamaraan ng pamumuhay. O kaya naman ay nagresulta na ito bilang komplikasyon ng ibang karamdaman. Upang makaiwas sa sakit na ito, alamin ang iba’t ibang mga sanhi:

  • Mataas na presyon. Ang pagkakaroon ng mataas na presyon ay isa sa mga sanhi ng heart failure. Dahil hindi normal ang presyon ng dugo, ang puso ay nangangailangang mas paigtingin pa ang pagbomba ng dugo, makarating lamang ang dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Dahil sa labis na pagtratrabaho ng puso, ang mga kalamnan nito ay lumalaki at tumitigas kalaunan. Kapag hindi nalunasan ang mataas na presyon, ang puso ay posibleng manghina at pumalya.
  • Labis na pag-inom ng alak. Ang labis na pag-inom ng alak ay nagdudulot din ng pagpalya ng puso. Kapag nasobrahan nito, ang mga ugat ng puso at daluyan ng dugo ay maninikip at magreresulta sa mataas na presyon. Gaya ng nabanggit noong una, kapag may mataas na presyon, posibleng lumaki ang puso dahil sa labis na pagtratrabaho nito at pumalya ito kalaunan.
  • Paninigarilyo. Kapag madalas ang paninigarilyo, ang dugo ay lumalapot at nagkukumpul-kumpol. Dahil dito, ang mga ugat ng puso at daluyan ng dugo ay nababarahan. Ito ay nagiging sanhi ng pagtaas ng presyon at pagpalya ng puso.
  • Pagpili ng matatabang pagkain. Ang mga pagkaing mayaman sa taba ay maaari ring maging sanhi ng heart failure lalo na kung ang tao ay hindi nag-eehersisyo. Ang pagkain ng masesebong bahagi ng karne ng baka, tupa, baboy, at manok ay nagdudulot ng pagdami ng mga saturated fat sa katawan. Ang saturated fat ay isang hindi malusog na uri ng taba na maaaring magresulta sa mataas na antas ng kolesterol at presyon ng dugo.
  • Iba pang karamdaman. Kung ang pasyente ay may karamdaman gaya ng diabetes, kidney disease, thyroid disease, at mga karamdaman sa puso gaya ng coronary artery disease at cardiomyopathy, maaaring magdulot ang mga ito ng komplikasyon sa puso at magresulta sa heart failure.

Sintomas

Image Source: confettissimo.com

Ang heart failure ay mahirap matukoy lalo na kung wala pang isinasagawa ang pasyente na mga diagnostic test o pagsusuri mula sa isang propesyonal sa larangan ng medisina. Subalit, maaaring masabing may heart failure o pumapalya ang puso ng isang tao kapag siya ay nakikitaan ng mga sumusunod na sintomas:

  • Hirap sa paghinga.Dahil sa paghina ng mga kalamnan ng puso, hindi nito magawang magdala ng sapat na dugo, oxygen, at nutrisyon sa mga baga. Dahil dito, ang pasyente ay nakararanas ng hirap sa paghinga.
  • Mabilis na pagtibok ng puso. Upang mabigyan lamang ng dugo ang iba’t ibang parte ng katawan, binibilisan ng puso ang pagtibok nito.
  • Mabilis na pagkapagod at pagkahilo. Dahil walang sapat na oxygen at nutrisyon ang utak at iba’t ibang parte ng katawan, mabilis mapagod at madalas mahilo ang pasyenteng may heart failure.
  • Pamamanas. Sa pagpalya ng puso, ang mga kidney o bato ng katawan ay hindi na rin nakatatanggap ng sapat na dami ng dugo. Dahil wala nang kakayanan pa ang mga bato na ilabas ang sobrang tubig ng katawan, ito ay maaaring maipon sa mga paa, binti, o tiyan ng taong may heart failure.
  • Pakiramdam na parang nalulunod sa pagtulog – Ang pasyenteng may heart failure ay posible ring makaramdam na parang nalulunod sa pagtulog. Mas madalas na nararanasan ito kapag hindi nakaangat ang ulunan ng pasyente tuwing natutulog.

Ang mga sintomas ng heart failure ay halos natutulad sa iba pang mga uri ng sakit sa puso. Upang matukoy na heart failure ito, iminumungkahi ng mga doktor na sumailalim ang pasyente sa mga pagsusuri. Sa Pilipinas, ang kadalasang pagsusuring isinasagawa ay 2D-Echocardiogram. Sa pamamaraang ito, makikita sa isang monitor o TV ang hugis, itsura, at kalagayan ng puso.

Mga Salik sa Panganib

Ang heart failure ay walang pinipiling edad o kasarian. Lahat ay posibleng magkaroon nito. Subalit, mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito kapag nabibilang alinman sa mga sumusunod na grupo:

  • Edad na 65 pataas. Ang mga nasa edad na 65 pataas ay may mataas na posibilidadna magkaroon ng heart failure. Ito ay dahil habang tumatanda ang katawan, humihina kalaunan ang mga kalamnan ng puso.
  • Mga kalalakihan. Ayon sa pag-aamga ral, ang mga kalalakihan ay mas naaapektuhan ng heart failure kaysa sa mga kababaihan. Isa sa mga itinuturong dahilan ay ang kadalasang mas malakas na pagbisyo ng mga kalalakihan, kagaya ng pag-iinom ng alak at paninigarilyo.
  • Lahi. Ang mga African-American ay madaling magkaroon ng heart failure sapagkat isa sila sa may mga pinakamataas na naitatalang kaso ng altapresyon, diabetes, at obesity. Ayon sa mga dalubhasa, madali silang maapektuhan ng iba’t ibang sakit sa puso dahil na rin sa kanilang genes.
  • Nasa pamilya o angkan. Kung ang ilang mga malalapit na kamag-anak ng isang tao ay nagkaroon na ng sakit na ito, hindi malayong magkaroon din siya ng heart failure. Ito ay lalo na kung walang maigting na pag-iingat sa paraan ng pamumuhay.
  • Labis na timbang. Ang labis na timbang ay nagdudulot ng pagpalya ng puso sapagkat nai-uugnay ito sa pagkataas ng presyon. Bukod dito, ang matabang pangangatawan ay mas madaling magkaroon ng mga baradong ugat ng puso at daluyan ng dugo.
  • Pagkakaroon ng bisyo. Gaya ng nabanggit, ang mga bisyo gaya ng labis na pag-inom ng alak at paninigarilyo ay nakaaapekto sa maraming bahagi ng katawan, kabilang na ang puso. Dahil sa mga nakalalasong kemikal nito, ang puso ay nahihirapang magbomba ng dugo at kalaunan ay humihina at pumapalya ito.
  • May ibang karamdaman. Ang mga karamdaman gaya ng diabetes, sakit sa bato, sakit sa thryoid, at mga karamdaman sa puso gaya ng coronary artery disease at cardiomyopathy ay maaari ring magdulot ng heart failure. Kapag ang mga karamdamang ito ay nagkaroon ng komplikasyon, ang puso ay isa lagi sa mga naaapektuhan.

Pag-Iwas

Image Source: unsplash.com

Ang mga sakit sa puso ay madaling maiwasan kung magkakaroon lamang ng malusog na paraan ng pamumuhay. Upang maiwasan ang sakit sa puso gaya ng heart failure, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod:

  • Bawasan ang pagkain ng maaalat at matataba. Ang pagkain ng maaalat at matataba ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakasakit. Ang maaalat at matatatabang pagkain kasi ay nagdudulot ng paninikip at pagbabara ng mga ugat ng puso at mga daluyan ng dugo. Upang hindi magkaroon ng heart failure, bawasan ang pagkain ng mga ito. Sa halip, kumain ng masusustansya at balanseng pagkain gaya ng gulay, prutas, isda, at hindi masesebong bahagi ng karne.
  • Ugaliing mag-ehersisyo. Ang pag-eehersisyo ay nakatutulong upang mapanatili o mabawasan ang timbang. Nakatutulong din ito upang umayos ang pagdaloy ng dugo sa katawan. Ugaliing maglaan ng kahit 30 minuto para sa pag-eehersisyo araw-araw.
  • Iwasan ang mga bisyo. Ang mga bisyo gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo ay nakasasama sa buong kalusugan, hindi lamang sa puso. Upang makatulong na maitigil ang mga ito, nakabubuti na maghanap ng mga alternatibong kalibangan. Sa halip na uminom ng alak, uminom na lamang ng tubig, tsaa, o fruit juice. Sa halip na magsigarilyo, magngata ng walang tamis na bubble gum o kumain ng fruit/vegetable sticks o ibang mga mas masustansyang mga snack upang malibang ang bibig.
  • Magpahinga at iwasan ang stress. Ang hindi pagpapahinga nang sapat at ang pagdanas ng stress ay nagdudulot ng mabilis na pagtibok at pagkapagod ng puso. Higit na nakatutulong ang pagtulong ng 8-10 oras bawat gabi at pag-iwas sa anumang mga bagay na nagdudulot ng pagka-inis, pagkagalit, o pagkalungkot.

Bagama’t ang pagpalya ng puso o heart failure ay isang nakapangangambang kondisyon, maaari namang mamuhay nang maayos ngunit may maigting na pag-iingat. Upang hindi lumala ang kondisyon, regular na magpatingin sa mga doktor at sundin ang kanilang mga payo.

Sanggunian