Buod

Ang pagtatae o diarrhea/loose bowel movement (LBM) ay isang kondisyon sa tiyan o sistemang panunaw kung saan ang taong apektado nito ay may sobrang lambot o kaya ay mala-likidong dumi sa tuwing magbabawas. Ang salitang diarrhea ay hangof sa Latin na “diarrhoea” na ang ibig sabihin ay “pagdaloy.” Maaaring ito ang ginamit na termino para isalarawan ang uri ng dumi na inilalabas ng taong may ganitong kondisyon.

Ang kondisyong ito ay umaapekto sa bituka. Ito ay maaaring sanhi ng virus. Kaya kung minsan ito ay  tinatawag na “intestinal flu” o kaya ay “stomach flu.” Subalit, maaari rin itong bunga ng pag-abuso sa mga nakalalasing na inumin, allergy sa ilang uri ng pagkain, impeksyong dulot ng bacteria, at marami pang iba.

Ang mga sintomas ng may pagtatae ay pagpulikat ng tiyan (stomach cramps), sobrang paglambot ng dumi, madalas na pagdudumi, pagkahilo, maging ang pagkakaroon ng lagnat.

May iba’t ibang uri ng paraan para gamutin ang pagtatae batay sa uri at tindi nito. Para sa pagtataeng dulot ng impeksyon, ito ay nilulunasan sa pamamagitan ng mga antibiotic.

Kasaysayan

Ang pagtatae ay karaniwan na noon pang sinaunang panahon. Noong ika-14 na siglo ay tinawag itong “higit na nakapandidiring dalas ng paglabas ng dumi” dahil sa uri ng pagdudumi na dinudulot nito. Ang modernong katawagan na diarrhea ay hango sa matandang Pranses na diarrie na siya namang mula sa Latin na diarrhoea.

Ayon sa paglilinaw ng World Health Organization (WHO), ang pagtatae ay ang pagbabawas ng napakalambot o malalikidong dumi sa loob ng isang araw.

Ang acute naman na uri ng pagtatae ay ang hindi pangkaraniwan, o abnormal, na paglalabas ng mala-likidong dumi na maaaaring tumagal nang hindi hihigit sa 14 na araw ayon sa World Gastroenterology Organization.

Sa ngayon, ang pagtatae ay ang ikalawa sa pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga bata na wala pang limang taong gulang. May 1.7 na bilyong kaso ng pagtatae ng mga bata ang naitatala sa buong mundo taun-taon. At may 525,000 na mga bata naman na wala pang limang taong gulang ang namamatay taun-taon dahil sa kondisyong ito. Subalit, ito naman ay naiiwasan at nalulunasan.

Mga Uri

May limang uri ng pagtatae. Ito ay ang mga sumusunod:

  • Osmotic na pagtatae. Ang uri ng pagtatae na ito ay nangyayari kung masyadong maraming tubig ang napupunta sa bituka kung saan nandoon ang mga dumi. Ang pag-inom ng mga likido na may labis na dami ng asukal at asin ay nagdudulot ng sobrang pagkakaroon ng tubig sa bituka na siyang sanhi ng osmotic na pagtatae. Maaari rin itong dulot ng impatso at iba pa.
  • Pagtataeng dulot ng disenteria (dysentery). Kapag ang dumi ay may kasamang pagdurugo, ito ay disenteria. Nangangahulugang may malalang impeksyon sa tiyan na dulot ng iba’t ibang mikrobyo, katulad ng salmonella, entamoeba histolytica, maging ng shigella. Ang mga mikrobyong ito ay magdudulot ng labis na pagtatae kapag hindi napatay ng mga gamot.
  • Inflammatory na pagtatae. Kapag ang mucose lining ng bituka ay nagkaroon ng problema, nagdudulot ito ng inflammatory na uri ng pagtatae. Ito ay sanhi ng kawalan ng tiyan ng kakayahang sipsipin ang mga likido na napupunta sa bahagi ng tiyan kung saan nandoon ang mga dumi. Ang inflammatory na pagtatae ay maaari ring dulot ng iba’t ibang uri ng karamdaman, katulad ng kanser sa malaking bituka, enteritis, o tuberkulosis.
  • Secretory na pagtatae. Ang uri ng pagatatae na ito ay ang pagkakaroon ng hindi mapigilang paglabas ng dumi. Ang ilan sa mga pinaka-karaniwang uri ng pagtatae na ito ay bunga ng toxin na mula sa cholera.
  • Exudative na pagtatae. Ang exudative na pagtatae ay ang pagtatae na may kasamang nana at dugo sa dumi. Karaniwan itong dulot ng mga pamamaga sa mga bituka na bunga ng mga sakit, katulad ng Crohn’s disease o kaya ay ng ulcerative colitis, food poisoning, maging ng impeksyong dulot ng iba pang mga mikrobyo.

Mga Sanhi

iba’t iba ang uri ng mga sakit o kondisyon na maaaring magdulot ng pagtatae, kabilang na ang mga sumusunod:

  • Mga bacteria at iba pang mga parasitiko. Ang mga kontaminadong inumin at pagkain ay maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng bacteria at iba pang mga parasitiko sa loob ng tiyan. Karaniwan ang ganitong uri ng pagtatae sa mga bansang walang maayos na waste management at water treatment. Kapag hindi naagapan, ang uri ng pagtatae na ito ay nagdudulot ng dehydration (labis na panunuyot ng katawan) at pagkamatay.
  • Mga virus. Maaari ring magdulot ng diarrhea ang virus. Ang mga viral hepatitis at Norwalk virus ay umaapekto sa tiyan at nagdudulot ng malabis na pagtatae. Ang Rotavirus naman ay karaniwang sanhi ng pagtatae sa mga bata.
  • Mga gamot. May mga uri ng gamot, kabilang na ang ilang uri ng mga antibiotic na nagdudulot ng pagtatae. Ito ay sapagkat nawawala ang tamang balanse ng bacteria sa tiyan na dulot ng hindi maayos na paggana nito.
  • Lactose intolerance. May mga taong walang kakayahang i-digest ang lactose na karaniwang mayroon sa mga gatas at iba pang produktong pagkain na gawa rito. Dahil dito ay nagkakaroon ng iba’t ibang reaksyon ang tiyan, kagaya ng pagtatae.
  • Fructose intolerance. May mga tao ring fructrose intolerant, o walang kakayahang i-digest ang fructose na isang uri ng asukal na matatagpuan sa mga prutas. Sa pagkain nila nito ay nagkakaroon din ng iba’t ibang reaksyon sa tiyan na maaaring magdulot ng malabis na pagtatae.
  • Iba pang sakit sa tiyan. Ang iba’t iba pang uri ng sakit sa tiyan, katulad ng ulcerative colitis, celiac disease, Crohn’s disease, microscopic colitis, at iba pa, ay nagdudulot din ng malabis na pagtatae.

Sintomas

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Ang pagtatae ay may mga sintomas na kagaya ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng pakiramdam na parang laging natatae
  • Paglobo (bloating) ng tiyan
  • Pagkakaroon ng pamumulikat sa tiyan
  • Malambot o mala-likidong dumi
  • Panunuyot ng katawan (dehydration)
  • Pagkahilo at pagsusuka
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Pagkakaroon ng dugo at malasipon na likido sa dumi
  • Di pangkaraniwang pagbaba ng timbang

Mga Salik sa Panganib

Maaaring maapektuhan ng pagtatae ang kahit na sino. Subalit, ang mga sumusunod ay may mas mataas na panganib na magkaroon nito:

  • Pagiging biktima ng food poisoning. Ang mga taong nakakain ng pagkaing kontaminado ng bacteria, katulad ng coli, ay may mataas na panganib na magtae.
  • Pagbiyahe sa iba’t ibang lugar. Ito ay lalong mas mapanganib kapag bumibisita sa mga dakong walang maayos na waste management at water treatment at kapag ang iinuming tubig ay hindi napakuluan nang mabuti.
  • Pagpapagamot dahil sa ibang sakit. Mayroong mga ilang gamot na may side effect o hindi magandang epekto na maaaring magdulot ng pagtatae. Partikular na rito ang mga umiinom ng mga antibiotic at ang mga sumasailalim sa chemotherapy.
  • Genetics. Ang pagkakaroon ng kondisyon sa tiyan ay maaari ring namamana, kabilang na rito ang pagiging lactose intolerant at ang mga may allergy sa iba’t ibang uri ng mga pagkain.
  • Biglanang pagbabago ng paraan ng pamumuhay. Ang mga sumasailalim sa pagbabago ng pamamaraan ng pamumuha o lifestyle change ay maaaring makaranas ng pagtatae. Ilan sa mga halimbawa nito ang pag-inom lamang ng mga likido (liquid diet) sa halip na kumain ng solid food, pagkain ng maraming fiber, maging ang pagkain ng maraming maaanghang na pagkain.

Pag-Iwas

Image Source: www.initial.co.uk

Lubhang napakadaling iwasan ng pagtatae. Ang mga sumusunod na hakbang ay maaaring gawin upang makaiwas sa kondisyong ito:

  • Ugaliing maghugas ng mga kamay sa wastong paraan gamit ang malinis na tubig at sabon, lalo na bago kumain. Sa pamamagitan lamang ng tamang paghuhugas matitiyak na walang mapanganib na bacteria ang mga kamay.
  • Ugaliin din na magdala ng hand sanitizer saan man magpunta at gumamit nito kapag nakahawak ng maruruming bagay.
  • Maaari ring magdala at gumamit ng rubbing alcohol na 70% solution para matiyak ang kalinisan ng mga kamay saan man magpunta.
  • Magpabakuna laban sa mga virus, dahil ang ilan sa mga uri nito ay nagdudulot ng pagtatae.
  • Kapag bibiyahe sa ibang dako, tiyakin muna kung may mga babala ukol sa kalinisan ng lugar na pupuntahan.
  • Sumangguni muna sa espesyalista ukol sa uri ng mga antibiotic na maaaring gamitin para lunasan ang pagtatae na dulot ng bacteria na maaaring dalhin o mabibili sa lugar na pupuntahan.
  • Tiyaking kumain lamang sa malinis na lugar. Kung maaari ay kumain lamang sa mga lugar na pinipili ng ibang mga dayuhan.
  • Tiyakin na ang pagkaing kakainin ay naluto nang husto.
  • Uminom lamang ng mga bottled water o anumang uri ng pamatid-uhaw na nasa selyadong bote kapag nasa labas ng bahay.
  • Kung hindi maiiwasang uminom ng tubig na hindi nakabote, tiyaking napakuluan muna ito nang mabuti.
  • Iwasang makisalamuha sa mga taong may ganitong uri ng kondisyon.

Sanggunian