Gamot at Lunas

Image Source: www.freepik.com

Kapag ang nararanasang pagtatae ay hindi malubha, maaari itong gamutin kahit nasa bahay lamang. Sa katunayan, kusa itong gumagaling sa loob ng 1 hanggang 2 araw kahit walang iniinom na gamot. Ganunpaman, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod na home remedy upang mas mabilis mawala ang pagtatae:

  • Pag-inom ng oral rehydration solution. Isa sa mga pangunahing home remedy para sa pagtatae ay ang pag-inom ng oral rehydration soluiton o oresol. Maraming nabibiling oresol sa mga botika kahit walang reseta ng doktor. Kadalasang nabibili ito bilang mga maliliit na pakete na may lamang pulbos. Ang oresol ay mabisa para sa pagtatae sapagkat pinapilitan nito ang nawalang tubig at asin (electrolyte) sa katawan. Kung nakabili ng oresol sa botika, timplahin lamang ito ayon sa direksyon na nakalagay sa pakete. Kadalasang inihahalo lamang ang pulbos sa isang basong tubig at puwede na itong inumin. Mayroon ding nakalagay sa pakete nito kung ilang beses dapat inumin ang oresol batay sa edad at tindi ng kondisyon. Bagama’t may nabibili sa mga botika na oresol, maaari ring gumawa ng sariling oresol sa bahay. Kailangan lamang ay tubig, asukal, at asin. Sa isang litrong malinis na tubig, maghalo lamang ng 6 na kutsarita ng asukal at ½ kutsarita ng asin. Pagkatapos mahalo nang mabuti, puwede na itong inumin. Iminumungkahi ng mga doktor na umubos ng 3 litro ng homemade oresol araw-araw ang mga malalaking bata at matatanda na nagtatae. Kung ang bata ay may edad na 2-taong-gulang pababa, mas mainam na sundin kung anuman ang ipapayo ng kanyang pediatrician.
  • Pag-inom ng maraming likido. Bukod sa oresol, malaki rin ang naitutulong ng pag-inom ng ibang uri ng likido, gaya ng tubig at juice. Puwede ring humigop ng maraming sabaw upang mapalitan ang nawalang tubig sa katawan. Bago uminom ng tubig o juice, siguraduhin na malinis o napakuluan ang tubig na iinumin. Kung nais namang humigop ng sabaw, mainam ang mga sabaw na may lahok na manok, luya, gulay, at iba pa.
  • Pag-inom ng mga sports drink. Ang mga sports drink ay mabisa ring lunas para sa pagtatae. Nagtataglay kasi ang mga ito ng maraming mga electrolyte, gaya ng sodium, potassium, at chloride. Maaari rin namang bigyan ng sports drink ang mga batang may edad na 7-taong-gulang pataas, subalit kontrolado dapat ang pagbibigay nito. Alalahanin ding mas mainam pa rin ang pag-inom ng oresol para sa mga nagtatae, sapagkat hindi ito nagtataglay ng masyadong maraming calories.
  • Pagsunod sa BRAT diet. Isa pang diyeta na angkop para sa nagtatae ay ang BRAT diet. Ang ibig sabihin nito ay Banana, Rice, Apple sauce, at Toast. Ito ay isang uri ng bland diet o diyeta na mababa sa fiber at mataas sa starch, potassium, at pectin. Sa pamamagitan ng pagsunod sa diyetang ito, mas magiging matigas ang dumi na mailalabas ng pasyente. Subalit, tandaan na hindi kumpleto ang nutrisyong ibinibigay ng diyetang ito. Iminumungkahi ng mga doktor na sundin lamang ang diyetang ito sa unang 2 araw na pagtatae ng pasyente. Kung umayos-ayos na ang kalagayan ng pasyente, maaari nang sumailalim sa small frequent feeding diet.
  • Pagsasailalim sa small frequent feeding diet. Ang small frequent feeding diet ay isa sa mga iminumungkahing diyeta para sa mga nagtatae. Ibig sabihin nito, sa halip na kumain ng 3 beses sa loob ng isang araw, mas mainam na kumain nang mas kakaunti ngunit mas madalas. Iminumungkahi ng mga doktor na kumain kada 3 o 4 na oras, o kumain ng 6 na beses sa loob ng isang araw. Makatutulong ito upang hindi sumakit nang husto ang tiyan dahil sa pagtatae. Halos anong uri ng pagkain ay puwede naman sa nagtatae. Umiwas lamang sa mga pagkain o inuming nakaiirita ng tiyan, gaya ng matataba at maaanghang na pagkain, kape, gatas, alak, at iba pa.
  • Pagkain ng puting kanin. Mainam din ang puting kanin para sa mga taong nagtatae. Bukod sa nakatutulong ito sa pagtigas ng dumi, ito ay malambot at hindi nakaiirita sa tiyan. Maaari rin itong sabawan upang mas magkaroon ng gana sa pagkain ang pasyente.
  • Pagkain ng saging. Hindi rin dapat mawala sa hapagkainan ng pasyente ang saging. Noon pa man, kilala na ang saging bilang mabisang lunas para sa pagtatae sapagkat pinapatigas nito ang dumi ng pasyente. Dagdag dito, ang saging ay mayaman sa potassium, isa sa mga pangunahing electrolyte na nawawala sa katawan kapag nagtatae.
  • Pagkain ng mga pagkaing mayaman sa zinc. Batay sa mga bagong pag-aaral, malaki rin ang naitutulong ng zinc sa mga pasyenteng nagtatae. Ayon sa datos, pinapababa nito ang posibilidad na ma-ospital ang pasyente dahil sa pagtatae ng 30%. Halimbawa ng mga pagkaing mayaman sa zinc ay itlog, mani, at legumes.
  • Pagkain ng mga pagkaing mayaman sa mga probiotic. Ang mga pagkaing may mga probiotic ay naglalaman ng tinataguriang good bacteria. Ang mga good bacteria na ito ay nakatutulong upang mapasigla ang kalagayan ng tiyan at bituka. Halimbawa ng mga pagkaing mayaman sa mga probiotic ay mga yogurt, dark chocolate, green olives, soft cheese, at pickle.

Bukod sa mga nabanggit, maaari ring magreseta ang doktor ng mga sumusunod na gamot upang mas mapabilis ang paggaling sa kondisyon:

Image Source: www.freepik.com

  • Anti-motility drug. Ang anti-motility drug ay nakatutulong upang mabawasan ang labis na pagkulo ng tiyan. Halimbawa ng gamot na ito ay loperamide. Ganunpaman, madalas na iminumungkahi ng doktor na hayaan munang mailabas ng katawan ang natitirang dumi at ipagpaliban muna ang pag-inom nito. Kung ang sanhi ng pagtatae ay ang pagkain ng panis na pagkain, maaaring mapigilan ng loperamide ang paglabas nito. Bukod dito, hindi rin angkop na uminom ng loperamide kung ang pagtatae ay may kasamang ibang mga sintomas na gaya ng lagnat at dugo sa dumi.
  • Fever medication. Kung ang pasyente ay nilalagnat, maaari ring magreseta ang doktor ng fever medication o gamot sa lagnat, gaya ng paracetamol. Karaniwang paracetamol ang ibinibigay sa pasyente sapagkat magaan lamang ito sa tiyan.
  • Antibiotic. Kung ang sanhi ng pagtatae ay bacteria, maaari ring bigyan ng doktor ang pasyente ng antibiotic. Maaari kasing may ibang kondisyon ang pasyente at isa sa mga sintomas nito ay pagtatae.
  • Paglalagay ng suwero. Kung ang pasyente ay nakararanas ng malubhang pagtatae, nangangailangan na manatili muna siya sa ospital at lagyan ng suwero. Ang pagkakabit ng suwero ay nakatutulong upang mas mabilis na mapalitan ang nawalang tubig at electrolytes sa katawan. Bukod dito, puwede itong padaanan ng mga gamot upang mas mabilis ang pagbisa ng mga ito.

Ang pagtatae ay karaniwang madali lamang malunasan sa mga matatanda lalo na kung wala naman silang ibang sakit o kondisyon. Subalit, kung ang nagtatae ay mga sanggol na may edad 3-buwan pababa, maaaring magdulot ito ng panganib sa kanilang buhay lalo na kung hindi naagapan.

Kung napapansin ang mga sumusunod na senyales o sintomas sa pasyente, agad na dalhin sa doktor upang mabigyan ng tamang lunas:

Para sa mga matatanda

  • Pagtatae ng mahigit 3 araw
  • Labis na pananakit ng tiyan
  • May kasamang dugo ang dumi
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Kakaunti umihi
  • Labis na panghihina
  • Panunuyo ng balat at bibig
  • Labis na pagkauhaw
  • Maitim na ihi

Para sa mga bata

  • Pagtatae ng higit 24 oras
  • Hindi naiihian ang lampin sa loob ng 3 oras
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Panunuyo ng bibig at dila
  • Pag-iyak nang walang luha
  • May kasamang dugo ang dumi
  • Paglubog ng pisngi o ng mga mata
  • Hindi pagbalik ng laman sa dating porma pagkatapos pisilin

Bagama’t maaaring gamitin ang mga nabanggit na batayan, kung sa tingin mo ay hindi normal na pagtatae ang nararamdaman, huwag mag-atubiling magpakonsulta sa doktor. Maaaring ang pagtatae ay sintomas na ng ibang mas malubhang kondisyon, gaya ng Chron’s disease, ulcerative colitis, celiac disease, microscopic colitis, at irritable bowel syndrome.

Sanggunian