Buod
Image Source: time.com
Ang pagtitibi (constipation) ay isang uri ng kondisyon sa digestive system na nagdudulot ng pagtigas ng dumi ng tao na lubhang napakahirap na ilabas. Ang sinoman, bata man o matanda, ay maaaring maapektuhan ng kondisyong ito.
Nagkakaroon ng pagtitibi kapag ang malaking bituka (colon) ay labis na sinipsip ang mga tubig o likido na nasa mga pagkain sa loob nito. Ito ay karaniwang bunga ng kakulangan sa pagkilos, mga ilang uri ng gamot, at edad. Maaari rin itong dulot ng kakulangan sa pag-inom ng sapat na dami ng tubig. Maging ang kakulangan ng fiber sa kinakain ay sanhi rin ng kondisyong ito. Bukod dito, ang pagtitibi ay maaari ring bunga ng iba’t ibang pinsala sa katawan.
Ang ilan sa mga sintomas ng pagkakaroon ng constipation ay ang labis na hirap at pag-ire sa pagdudumi, paglobo ng tiyan, o pagkakaroon ng kabag, pati na rin ang paduduwal. May mga madalang na mga pagkakataon din na may kasamang dugo ang dumi ng taong may pagtitibi.
Maraming mga paraan para lunasan ang pagtitibi. Ito ay maaaring lunasan sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig at sa pagpili ng mga pagkaing mayaman sa fiber. Sa pinakamalalalang mga kaso ay maaaring bigyan ang pasyente ng iba’t-ibang uri ng gamot o kaya ay ng mga laxatives na nagpapalambot at nagpapadulas sa mga dumi sa tiyan.
Kasaysayan
Ang pagtitibi ay halos kasing tanda na ng panahon. Isinalarawan sa iba’t-ibang talaang medikal sa mga matatandang sibilisasyon ang uri ng kondisyon sa pagdudumi na maaaring tumutukoy sa pagtitibi. Naitala rin sa mga talaang medikal ang iba’t-ibang mga opinyon ukol sa kung paano dapat lapatan ng mga manggagamot ng lunas ang mga tinitibi. Natuklasan din sa pamamagitan ng mga talaang ito ang iba’t-ibang uri ng mga pamamaraan sa paglunas sa pagtitibi na sa panahon natin ay itinuturing hindi na ligtas.
Sa pagsapit ng modernong panahon ay natuklasan ang mga ligtas na paraan ng paglunas sa pagtitibi. Ang mga ito ay pinalitan ang mga invasive na mga pamamaraan na ginamit ng mga manggagamot noong una. Sa paglipas ng mga panahon ay ginamit ang enema bilang makasiyentipikong lunas at colon cleansing bilang alternatibong paraan para sa constipation.
Sa panahon natin ay maunlad na ang kaalaman ukol sa kondisyong ito. Umusbong na rin maging ang mga mabibisa at higit na mas ligtas na mga pamamaraan para lunasan ito.
Mga Uri
May iba’t-ibang uri ng pagtitibi, bagama’t magkakamukha ang mga sintomas nito. Ang dalawa sa mga pangunahing uri nito ay ang primary constipation at secondary constipation.
Primary constipation. Kinikilalang ang primary constipation ang pinakakaraniwang uri ng pagtitibi. Subalit, ito ay nahahati pa sa tatlong mga uri: ang slow-transit constipation, pelvic floor dysfunction, at ang normal-transit constipation.
Slow-transit constipation. Sa uring ito ng constipation ay nababawasan ang paggalaw ng mga bituka, samantalang ang paggalaw ng pagkain mula sa umpisa hanggang sa dulo ng digestive tract ay bumibilis. Nagdudulot ito ng kabag, pagkabalisa, at dalang ng pagdudumi.
Pelvic-floor dysfunction. Tinatawag din itong outlet constipation. Ang hindi maayos na paggalaw ng mga kalamnan sa sahig ng mga balakang ay nagdudulot ng hirap sa pagdudumi. Sa kondisyong ito ay karaniwang makararanas ng matinding pag-ire sa pagdudumi.
Normal-transit constipation. Ang kondisyong ito ay maaaring dulot ng pagtaas ng psychosocial distress. Ang taong mayroon nito ay may normal na paggalaw ng mga bituka at paglabas ng mga dumi. Subalit, inaakala ng mga taong may ganitong kondisyon na sila ay tinitibi, bagama’t may mga pagkakataon talaga na matigas ang kanilang mga dinudumi at maaaring nakararanas pa sila ng kabag.
Secondary Constipation. Ang uri na ito ng constipation ay dulot ng problema sa metabolismo na gawa ng hypothyroidism. Maaari rin itong bunga ng mga problemang neurolohikal, katulad ng multiple sclerosis, pinsala sa spinal cord, at Parkinson’s disease. Ang mga sakit na celiac disease at kanser sa malaking bituka ay maaari ring sanhi ng secondary constipation.
Mga Sanhi
Ang dumi ay dapat na basa at malambot upang madaling mailabas ng katawan. Ang constipation ay nangyayari kapag ang mga dumi ay mabagal na gumagalaw sa loob ng digestive tract at hindi mailabas kaagad sa puwet. Nagbubunga ito ng pagkatuyo at pagtigas ng mga ito.
Ang pababalik-balik na pagtitibi o constipation ay may maraming mga sanhi, katulad ng pagbara sa malaking bituka o sa puwet na maaaring bunga ng mga sumusunod:
- Maliliit na punit sa balat sa paligid ng puwet
Mayroon ding mga neurological na mga problema na umaapekto sa mga ugat na nagdudulot ng pagkipot ng malaking bituka at puwet. Ang mga ito ay katulad ng mga sumusunod:
- Stroke
- Pagkapinsala ng spinal cord
- Pinsala sa mga ugat na kumukontrol sa pagkilos ng katawan (autonomic neuropathy)
- Pagkakaroon ng multiple sclerosis
- Parkinson’s disease
Ang pagkakaroon naman ng mga problema sa mga kalamnan sa balakang na may kinalaman sa pagdudumi ay maaari ring magdulot ng pagtitibi, katulad ng:
- Kawalan ng kakayahan ng mga kalamnan sa balakang na mag-relax sa tuwing dumudumi
- Kawalan ng mga kalamnan sa balakang na ayusin ang pag-relax at pagpisil (dyssynergia)
- Paghina ng kalamnan sa balakang
Mayroon ding mga kondisyon na nagdudulot ng problema sa paggawa ng hormones sa katawan na maaari ring magdulot ng constipation, kagaya ng:
- Diabetes
- Pagbubuntis
- Pagiging labis na aktibo ng parathyroid gland (hyperparathyroidism)
- Hindi gaanong aktibong thyroid (hypothyroidism)
Sintomas
Image Source: www.videoblocks.com
Ang pinakakaraniwang sintomas ng pagtitibi o constipation ay ang labis na hirap sa pag-ire kapag nagbabawas. Ang pagbabawas ng kakaunting dumi ay maaari ring tanda ng kondisyong ito.
Ang iba pang mga sintomas ng constipation ay ang mga sumusunod:
- Pananakit ng tiyan
- Pagpulikat ng tiyan
- Pagduduwal
- Paglobo ng tiyan
- Pagkawala ng ganang kumain
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.gq-magazine.co.uk
Ang mga sumusunod na mga salik ay nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng pabalik-balik na constipation:
- Pagiging matanda
- Pagiging babae
- Pagiging tuyot bunga ng kakulangan ng likido sa katawan
- Kakulangan ng fiber sa mga kinakain
- Kakulangan ng aktibidad, kagaya ng ehersisyo
- Pag-inom ng ilang uri ng mga gamot, katulad ng mga sedatives, opioid painkillers, mga ibang uri ng antidepressants, at mga gamot para sa hypertension
- Pagkakaroon ng problemang psychological, kagaya ng depresyon
- Pagkakaroon ng problema sa pagkain
Pag-Iwas
Image Source: classpass.com
Sa malimit na pagkakataon ay maaaring iwasan ang pagtitibi o constipation at napakadali nitong gawin. Ang mga sumusunod na hakbang ay makatutulong sa pag-iwas sa kondisyong ito:
- Kumain ng balanseng pagkain na mayaman sa fiber. Ang mga halimbawa nito ay ang mga prutas, gulay, at mga whole-grain na tinapay.
- Pag-inom ng sapat na dami ng tubig araw-araw. Ang rekomendadong dami ng tubig para sa mga adults ay hindi bababa sa walong baso ng tubig. Nakatutulong ito upang madaling mailabas ang mga dumi mula sa tiyan.
- Iwasan ang malabis na pag-inom ng mga inumin na may caffeine. Nagdudulot ito ng pagkatuyot.
- Bawasan ang pag-inom ng gatas, lalo na sa mga taong tinitibi bunga ng mga dairy products.
- Regular na pag-eehersisyo sa loob ng 30 minuto bawat araw.
Ugaliing magbawas kaagad kapag nakaramdam ng pangangailangan na dumumi.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/constipation/symptoms-causes/syc-20354253
- https://www.webmd.com/digestive-disorders/digestive-diseases-constipation#1
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/150322.php
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/318694.php
- https://en.wikipedia.org/wiki/Constipation#History
- https://www.lifeextension.com/Protocols/Gastrointestinal/Constipation/Page-04