Buod
Ang pamamaga ng apdo o cholecystitis ay isa sa mga pangunahing karamdaman na maaaring umapekto sa apdo. Ang pamamaga ay kadalasang bunga ng pagkakaroon ng bara sa mga daluyan ng bile papalabas ng apdo. Ang ilan sa mga maaaring makabara sa daluyan ng bile ay ang mga namuo o tumigas na sangkap sa loob ng apdo (gallstones), pagkakaroon ng peklat sa mga daluyan ng bile, maging ang pagliit ng mga daluyang ito.
Sa umpisa ay maaaring walang kapansin-pansing mga sintomas ang sakit na ito. Subalit, kapag lumala, magdudulot ito ng matinding pananakit sa kanang itaas na bahagi ng katawan, pagkahilo, pagsusuka, maging ng pagkakaroon ng lagnat. Maaaring lunasan ang cholecystitis o pamamaga ng apdo sa pamamagitan ng mga antibiotic, endoscopic retrograde cholangiopancreatography (ERCP), maging ng operasyong cholecystectomy.
Kasaysayan
Ang pagkakaroon ng sakit sa apdo ay kilala na mula pa noong sinaunang panahon. Sa katunayan, ang mga patotoo ukol sa pagkakaroon ng bato sa apdo ay natagpuan sa mummy o bangkay ni Prinsesa Amenen ng Thebes sa Ehipto na nagmula pa sa taong 1500 B.C.E. Ipinalalagay din ng mga mananalaysay na ang ikinamatay ni Alexander the Great ay may kinalaman sa pagkakaroon ng acute cholecystitis.
Nagpapatuloy pa rin ngayon ang mga pagsasaliksik ukol sa mga mabibisang paraan ng paglunas ng mga sakit sa apdo, kasama na ang pamamaga nito.
Mga Uri
Mayroong dalawang uri ng cholecystitis. Ang mga ito ay ang acute cholecystitis at ang chronic cholecystitis:
- Acute cholecystitis. Ang kondisyong ito ay ang biglaang pamamaga ng apdo. Nagdudulot ito ng matinding pananakit sa apektadong bahagi at ng pagkahilo, pagsusuka, maging ng pagkakaroon ng mataas na lagnat.
- Chronic cholecystitis. Ang sakit na ito ay ang banayad na pamamaga ng apdo, subalit higit na mas tumatagal kaysa sa acute cholecystitis. Ipinalalagay na ito ay sanhi ng pabalik-balik na pagsumpong ng acute cholecystitis. Ang sakit na ito ay nagbubunga ng nanunumbalik na pananakit na maaaring banayad lamang at walang ibang sintomas na ipinakikita. Kapag lumala, nagdudulot ito ng pagkapinsala at ng pagkakaroon ng peklat sa mga bahaging nagsisilbing dingding ng apdo. Dahil dito, ang apdo ay maaaring lumiit at humina, na siya namang nakaaapekto sa paggana nito.
Mga Sanhi
Ang pamamaga ng apdo ay maaaring dulot ng alinman sa mga sumusunod na kondisyon:
- Bato sa apdo (gallstones). Ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng cholecystitis ay ang pagtigas ng mga namuong mga sangkap sa apdo. Ang mga namuong sangkap, o mga bato, ay bumabara sa mga daluyan ng Dahil dito, mamamaga ang bahaging ito ng katawan.
- Pagkakaroon ng tumor. Ang tumor ay maaari ring bumara sa mga daluyan ng bile papalabas ng apdo. Dahil dito, maiipon ang mga bile at magdudulot ng pamamaga na maaaring mauwi sa pagkakaroon ng
- Pagkakaroon ng bara sa daluyan ng bile. Ang pagkakaroon ng peklat sa daluyan ng bile ay maaaring ring magdulot ng pagbabara rito na maaari ring maging sanhi ng
- Pagkakaroon ng mga impeksyon. Ang mga viral at iba pang uri ng mga impeksyon ay maaaring magdulot ng pamamaga ng apdo na puwede ring maging sanhi ng
- Pagkakaroon ng pinsala sa mga ugat na daluyan ng dugo. Kapag nagkaroon ng malubhang karamdaman, maaaring mapinsala ang mga ugat na daluyan ng dugo. Dahil dito, magkakaroon ng problema sa pagdaloy ng dugo papunta sa apdo na isa rin sa mga maaaring sanhi ng pagkakaroon ng cholecystitis.
Sintomas
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Ang isa sa pinaka-kapansin-pansing sintomas ng pamamaga ng apdo o cholecystitis ay ang pananakit na matatagpuan sa kanang itaas na bahagi ng katawan, sa ilalim lamang ng kanang dibdib. Pangunahin din sa mga sintomas na mararanasan ng mayroon nito ay ang pagkakaroon ng lagnat, maging ang pagtaas ng bilang ng mga white blood cell.
Sa kaso ng acute cholecystitis, ang pananakit ay bigla na lamang sumusulpot at napakalala. Kapag hindi nalapatan ng lunas, ang pananakit na ito ay maaaring maging mas malubha pa at magpahirap sa paghinga ng pasyente. Kalaunan, ang pananakit ay maaaring kumalat hanggang sa kanang likod o balikat.
Ang ilan pa sa mga sintomas ng pamamaga ng apdo ay ang mga sumusunod:
- Paglobo ng tiyan o pagdanas ng kabag
- Pagkamaselan ng kanang itaas na bahagi ng tiyan
- Pagbaba o kaya ay tuluyang pagkawala ng ganang kumain
- Pagkahilo at pagsusuka
- Pagpapawis
Mga Salik
Ang kahit na sino ay maaaring magkaroon ng pamamaga ng apdo cholecystitis. Subalit, nagpapataas ng posibilidad na magkaroon nito ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng kamag-anak sa panig ng ina na nagkaroon o kaya ay kasulukuyang mayroong cholecystitis
- Pagkakaroon ng Crohn’s disease
- Pagkakaroon ng diabetes
- Pagkakaroon ng coronary artery disease
- Pagkakaroon ng end-stage kidney disease
- Pagkakaroon ng hyperlipidemia
- Pagiging taong mabilis ang pagbaba ng timbang
- Labis ang katabaan ng katawan
- Pagiging matanda
- Pagbubuntis
Para sa mga buntis, ang mahabang oras ng panganganak ay maaaring makapinsala sa apdo na nagpapataas din sa panganib ng pagkakaroon ng cholecystitis.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Maaaring iwasan ang pamamaga ng apdo o cholecystitis sa pamamagitan ng ilang mga madadaling pamamaraan. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- Pag-iwas sa mga pagkaing may saturated fat
- Pagkain sa tamang oras, lalo na tuwing agahan, tanghalian, at hapunan
- Pag-eehersisyo sa loob ng 30 na minuto, limang araw bawat linggo
- Pagbawas ng timbang, na tumutulong sa pag-iwas sa bato sa apdo
- Pag-iwas sa mabilis na pagbaba ng timbang, dahil ito ay salik din sa pagkakaroon ng bato sa apdo
Dapat tandaan na ang wastong bilis ng pagbaba ng timbang ay nasa kalahati hanggang isang kilo bawat linggo. Ang pagsunod dito ay higit na nakatutulong sa pag-iwas sa pagkakaroon ng bato sa apdo na kapag hindi naagapan ay nagiging daan sa pamamaga ng apdo.
Sanggunian
- https://en.wikipedia.org/wiki/Gallbladder#History
- https://www.health.harvard.edu/a_to_z/cholecystitis-a-to-z
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cholecystitis/symptoms-causes/syc-20364867
- https://emedicine.medscape.com/article/171886-overview
- https://www.webmd.com/digestive-disorders/what-is-chloecystitis#1
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/172067.php