Buod
Ang tonsillitis ay isang uri ng kondisyon kung saan namamaga ang mga tonsil. Ang mga tonsil ay dalawang hugis-itlog na tisyu na matatagpuan sa magkabilang gilid ng likod ng lalamunan. Ang mga bahaging ito ay nagsisilbing tagapagsala ng mga mikrobyo na maaaring makapasok sa mga baga at magdulot ng sakit na respiratory. Subalit, kapag ang mga tonsil ay masyado nang naipunan ng mga mikrobyo gaya ng bacteria o virus, maaaring mamaga ang mga ito.
Sa kondisyong tonsillitis, maaaring makaranas ang pasyente ng pamumula at pananakit ng mga tonsil. Maaari ring magkaroon ang mga ito ng puti o dilaw na patsi-patsi. Bukod sa mga ito, maaari ring makaranas ang pasyente ng masakit na paglunok, lagnat, pamamaga ng mga kulani sa leeg, pamamaos, paninigas ng leeg, pananakit ng ulo, at iba pa.
Maaari namang malunasan ang tonsillitis sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot, pag-inom ng maraming tubig, at iba pa. Sa mga malulubhang kondisyon, maaaring sumailalim ang pasyente sa tonsillectomy, isang uri ng operasyon kung saan tinitistis ang mga tonsil.
Kasaysayan
Noon pa man ay may kaalaman na ang mga sinaunang sibilisasyon tungkol sa tonsillitis. Noong mga unang siglo bago isilang si Kristo, inilahad ni Cornelius Celsus, isang Romanong doktor, ang operasyon na tonsillectomy, subalit wala pang gaanong sapat na kaalaman noon tungkol sa kahalagahan at ginagampanan ng mga tonsil.
Maraming mga doktor ang naglahad tungkol sa mga tonsil at ng mga bahagi ng lalamunan kagaya nila Versalius (1543) at Duverney (1761). Subalit, noong ika-19 na siglo lamang nagkaroon ng detalyado at tumpak na paglalahad tungkol sa mga tonsil sa pangunguna ni Wilhelm Von Waldeyer. Pagsapit naman ng taong 1828, ipinakilala ni Physick ang ilang mga instrumentong maaaring gamitin upang mas mapabilis ang pagsasagawa ng tonsillectomy.
Noong taong 1920 naman, naisagawa ni Schmidt Sarmento ang kauna-unahang matagumpay na tonsillectomy sa Brazil. Sa kasalukuyan, ang tonsillectomy ang pinakapangunahing lunas para sa malubhang tonsillitis. Pero bukod dito, gumagamit na rin ngayon ng mga laser at electrosurgery upang mabawasan ang pananakit at hindi komportableng pakiramdam ng pasyente kapag sumasailalim sa operasyon para sa pagtanggal ng mga tonsil.
Mga Uri
Ang tonsillitis ay may tatlong pangunahing mga uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Acute tonsillitis. Masasabing acute tonsillitis ang nararanasang kondisyon kung ang mga sintomas ay nagtagal ng 3 o hanggang 4 na araw. Subalit, maaari rin itong tumagal ng hanggang 2 linggo.
- Chronic tonsillitis. Ito ay pagkakaroon ng pangmatagalang Kung nakararanas ng palagiang pananakit ng lalamunan at pagbaho ng hininga, maaaring ito ay chronic tonsillitis. Dagdag dito, maaari ring magkaroon ang pasyente ng mga tonsil stone dulot ng katagalan ng kondisyon.
- Recurrent tonsillitis. Ang recurrent tonsillitis ay nangangahulugang paulit-ulit na Masasabing mayroong ganitong kondisyon ang pasyente kung siya ay nagkakaroon ng tonsillitis 5 o 7 beses sa loob lamang ng isang taon.
Mga Sanhi
Ang pangunahing sanhi ng tonsillitis ay mga virus. Kadalasan, maaari ring magkaroon ng tonsillitis ang pasyente kung siya ay may ubo’t sipon. Sa katunayan, 50-80% ng tonsillitis ay sanhi ng mga virus gaya ng adenovirus, rhinovirus, influenza, parainfluenza, coronavirus, at respiratory syncytial virus.
Bukod sa virus, maaari ring magdulot ng tonsillitis ang mga bacteria gaya ng streptococcus bacteria o ang bacteria na nagdudulot ng strep throat. Kapag naipon ang mga mikrobyong ito sa mga tonsil, maaaring magkaroon ng pamamaga at pananakit ang mga bahaging ito.
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Kung ang isang tao ay may tonsillitis, maaari siyang makaranas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pamumula, pamamaga, at pananakit ng mga tonsil
- Pagkakaroon ng puti o dilaw na patsi-patsi sa mga tonsil
- Pananakit ng lalamunan
- Hirap sa paglunok o masakit na paglunok
- Pagkakaroon ng lagnat
- Pamamaga ng mga kulani sa leeg
- Pamamaos
- Pagkakaroon ng mabahong hininga
- Paninigas ng leeg
- Pananakit ng ulo
- Pananakit ng tiyan
Mga Salik sa Panganib
Maaaring magkaroon ang kahit na sinuman ng tonsillitis. Subalit, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging bata. Ang mga batang may edad na 5 hanggang 15 taong gulang ay madalas na magkaroon ng tonsillitis dahil mas mahina ang kanilang mga resistensya kumpara sa mga mas nakatatanda.
- Madalas na pakikihalubilo sa maraming tao. Kung madalas makihalubilo sa maraming tao, maaaring makalanghap ng mga mikrobyo. Ang tonsillitis ay maaaring makahawa sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahing, o pakikipaghalikan sa taong may ganitong kondisyon.
Mga Komplikasyon
Bagama’t hindi kadalasang isang seryosong kondisyon ang tonsillitis, maaari pa rin itong magresulta sa mga sumusunod na komplikasyon kung ito ay hindi nalapatan ng tamang lunas:
- Impeksyon sa tenga o otitis media
- Pagkakaroon ng nana sa mga tonsil at lalamunan o peritonsillar abscess
- Masyadong pag-relax ng lalamunan na nagdudulot ng obstructive sleep apnea
- Pagkakaroon ng scarlet fever o lagnat na may mamumula-mulang mga pantal
- Pagkakaroon ng rayumang may kasamang lagnat o rheumatic fever
- Pagkakaroon ng impeksyon sa mga pansala ng bato o glomerulonephritis
Pag-Iwas
Image Source: www.prnewswire.com
Upang maka-iwas sa pagkakaroon ng tonsillitis, iminumungkahi na gawi ang mga sumusunod:
- Ugaliing maghugas ng mga kamay upang matanggal ang anumang nahawakang mikrobyo. Gawin ito pagkatapos gumamit ng banyo, bago at pagkatapos kumain, pagkatapos maglaro, at iba pang mga sitwasyon kung saan nangangailangang maghugas ng mga kamay.
- Iwasan ang manghiram ng mga personal na gamit ng iba gaya ng baso at kubyertos. Maaaring may mga nananatili ritong mga virus at
- Ugaliing magpalit ng sipilyo kada tatlong buwan sapagkat naiipunan ito ng mga mikrobyo.
Sanggunian
- https://www.healthline.com/health/tonsillitis
- https://www.webmd.com/oral-health/tonsillitis-symptoms-causes-and-treatments#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/tonsillitis/symptoms-causes/syc-20378479
- https://en.wikipedia.org/wiki/Tonsillitis
- http://www.arquivosdeorl.org.br/conteudo/acervo_eng.asp?id=395
- https://www.nhsinform.scot/illnesses-and-conditions/ears-nose-and-throat/tonsillitis