Buod

Ang pangangasim ng sikmura (hyperacidity) ay ang pagdami ng hydrochloric acid sa tiyan. Ito ay isang uri ng digestive juice na tumutulong sa paggiling ng mga pagkain sa maliliit na piraso upang magamit ito ng katawan. Kapag nagkaroon ng hyperacidity, maaaring makaranas ang pasyente ng mga sintomas gaya ng labis na pagdighay na mangasim-ngasim ang lasa, pananakit ng tiyan, pagduduwal o pagsusuka, kabag, madalas na pag-utot, at iba pa.

Maaaring mangasim ang sikmura kapag ang isang tao ay nakakain ng mga pagkaing hindi maganda para sa kanyang tiyan, gaya ng napakaasim at maaanghang na pagkain. Maari ring maging sanhi ng hyperacidity ang labis na pag-inom ng tsaa at kape. Ang mga bisyong gaya ng pag-inom ng alak, paninigarilyo, at paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay nagdudulot din ng pangangasim. Dagdag dito, kapag ang isang tao ay laging nakararanas ng stress, maaari rin siyang makaranas ng kondisyong ito.

Maaaring malunasan ang pangangasim ng sikmura sa pamamagitan ng pag-inom ng mga iniresetang gamot ng doktor. Bukod dito, nangangailangan din ang pasyente na baguhin ang kanyang diyeta at paraan ng pamumuhay upang hindi dumalas ang pag-atake ng hyperacidity.

Kasaysayan

Sa Pilipinas, maraming tao ang naaapektuhan ng hyperacidity. Karamihan sa mga Pilipino kasi ay mahihilig kumain ng marami, magkape, at uminom ng alak. Kapag nangasim ang kanilang mga sikmura, iba’t ibang paraan ang kanilang isinasagawa upang mawala ang pananakit ng tiyan na dulot ng kondisyong ito.

Kabilang sa mga pinaniniwalaang lunas ng mga Pilipino para sa hyperacidity ay ang pagpapahid ng mga liniment, langis, at ointment sa tiyan. Bagama’t nakapagbibigay ang mga ito ng bahagyang ginhawa, hindi nito napabababa ang labis na asido ng tiyan. Bukod dito, nakaugalian na rin ng mga Pilipino na uminom ng maligamgam na tubig kapag nangangasim ang kanilang mga sikmura para raw bumaba ang asido at bumalik sa tiyan. Subalit, hindi rin ito mabisang paraan upang maibsan ang mga sintomas ng pangangasim ng sikmura.

Mga Sanhi

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Napakaraming dahilan kung bakit nangangasim ang sikmura. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Pagkain ng mga pagkaing hindi mabuti para sa tiyan. Kung minsan, nakakakain ang isang tao ng mga kombinasyon ng pagkain na hindi mabuti para sa kanyang tiyan. Halimbawa ng mga ito ay ang pag-inom ng gatas at pagkain ng isda. Maaari ring magdulot ng pangangasim ang pagkain ng napakaasim na mga prutas at maaanghang na pagkain. Bagama’t ang ibang mga tao ay nakakayanan ang ganitong mga uri ng pagkain, tandaan na hindi lahat ay pare-pareho.
  • Hindi pagkain sa tamang oras. Ang hindi pagkain sa tamang oras ay maaaring magdulot ng pangangasim ng sikmura sapagkat sa oras na walang magiling na pagkain ang tiyan at mga bituka, naiipon lamang ang asido sa tiyan.
  • Pagiging mataba. Kapag labis ang timbang, ang tiyan ay puwersahang naiipit ng mga sobrang taba, kaya naman umaakyat ang asido papuntang lalamunan.
  • Labis na pag-inom ng tsaa at kape. Ang tsaa at kape ay parehas na may Kapag naparami ang pagkonsumo ng mga ito, ang ibabang bahagi ng esophagus ay narerelax at masyadong bumubuka, kaya naman nagkakaroon ng pagkakataon na tumaas ang asido mula sa tiyan.
  • Pagkakaroon ng mga bisyo. Ang mga bisyo gaya ng labis na pag-inom ng alak, paninigarilyo, at paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay nakapagdudulot din ng Gaya ng labis na pag-inom ng tsaa at kape, ang mga bisyong ito ay nakapagpaparelax ng ibabang bahagi ng esophagus, kaya naman tumataas ang asido papuntang lalamunan.
  • Pagkaranas ng stress. Kapag ang isang tao ay nakararanas ng stress, pinababa nito ang dami ng prostaglandin, isang uri ng sangkap na tumutulong upang maprotektahan ang mga dingding ng tiyan mula sa asido. Kaya naman kapag bumaba ang dami nito, nakararanas ng pangangasim at pananakit ng tiyan.

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Karamihan ng mga taong may hyperacidity ay nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:

  • Labis na pagdighay na mangasim-ngasim ang lasa
  • Pananakit ng tiyan
  • Pagduduwal o pagsusuka
  • Pagkakaroon ng kabag
  • Madalas na pag-utot
  • Pagkawala ng gana sa pagkain
  • Pagkahilo
  • Pagkakaroon ng heartburn o pananakit ng dibdib

Kadalasan, hindi naman ganoong kalubha ang mga sintomas na dulot ng pangangasim ng sikmura. Subalit, sa ibang mga kaso, namimilipit na sa sakit ng tiyan ang mga taong may ganitong kondisyon.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Maaaring makaranas ng pangangasim ng sikmura ang kahit na sinuman. Subalit, maaaring mas tumaas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito ng dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Pagkakaroon ng kasaysayan ng hyperacidity sa pamilya
  • Pagkahilig sa mga pagkaing maaasim, maaanghang, at matataba
  • Pagkahilig sa pag-inom ng mga tsaa, kape, at softdrinks
  • Labis na paninigarilyo
  • Madalas na pagpapalipas ng gutom
  • Labis-labis na pagkain
  • Madalas pagdanas ng stress
  • Matagalang pag-inom ng mga anti-inflammatory drug

Mga Komplikasyon

Kapag ang pangangasim ng sikmura ay hindi nalalapatan ng tamang lunas, maaaring magresulta ito sa mga sumusunod na komplikasyon:

  • Ulcer
  • Esophageal cancer
  • Esophagitis o pamamaga at pagsusugat ng esophagus
  • Esophageal stricture o pagsikip ng esophagus
  • Pagkakaroon ng mga problema sa paghinga

Isa sa mga karaniwang naaapektuhang bahagi ng hyperacidity ay ang esophagus sapagkat ito ang nagkokonekta at pinakamalapit na bahagi sa tiyan.

Pag-Iwas

Image Source: capobythesea.com

Ang pangangasim ng sikmura ay maaaring magpabalik-balik lalo na kung hindi nag-iingat sa mga kinakain at hindi wasto ang paraan ng pamumuhay. Upang makaiwas at hindi atakihin ng hyperacidity, gawin ang mga sumusunod:

  • Iwasan ang labis na pagkain sapagkat maaaring mabanat nito ang tiyan at magresulta sa pagdami ng asido nito. Bukod dito, maaari rin itong magdulot ng katabaan.
  • Bawasan ang pag-inom ng tsaa at kape. Kung nakaranas ng magkaroon ng pangangasim, mas mainam kung ititigil na ang pag-inom ng mga ito.
  • Itigil ang mga bisyo gaya ng labis na pag-inom ng alak, paninigarilyo, at paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
  • Bawasan ang pagkain ng maaasim, maaanghang, matataba, at maaalat na pagkain sapagkat maaaring ma-trigger ng mga pagkaing ito ang paggawa ng mas maraming asido sa tiyan.
  • Ugaliing kumain nang tama sa oras at huwag magpapalipas ng gutom.
  • Kung labis ang timbang, magpapayat sa pamamagitan ng pag-eeehersisyo at pagkain nang tama.
  • Iwasan ang mga bagay na nakapagdudulot ng stress at ugaliing magpahinga.

Sanggunian