Buod
Ang kondisyon kung saan nagkakaroon ng paninilaw ng balat at mga mata ay kilala rin bilang jaundice. Kadalasang indikasyon ito na mayroong problema o sakit sa atay. Kapag nagkaroon ng kondisyon na ito, maaari ring makaranas ng lagnat, panginginig ng kalamnan, pananakit ng tiyan, maitim na kulay ng ihi, maputlang kulay ng dumi, at marami pang iba.
Maaaring maapektuhan ng paninilaw ng balat at mga mata ang mga bagong silang na sanggol at mga matatanda. Karaniwang normal lamang ito sa mga sanggol sapagkat naninibago pa ang kanilang atay. Kung hindi naman malala ang paninilaw ng sanggol (infant jaundice), maaaring bumalik nang kusa ang normal na kulay ng sanggol pagkalipas ng isa o dalawang linggo. Sa kaso ng mga matatanda, ang jaundice ay kadalasang senyales ng iba pang nakababahalang kondisyon sa atay.
Maaaring magkaroon ng paninilaw sa balat at mga mata kung naipunan na ng bilirubin ang katawan. Ang bilirubin ay isang uri ng kulay dilaw na “waste” o dumi na kailangang ilabas ng katawan sa pamamagitan ng pag-ihi o pagdumi. Subalit, kung ang atay ay may problema, hindi makalalabas ang bilirubin sapagkat kailangan munang iproseso ito ng atay.
Iba’t iba ang paraan ng paglunas sa paninilaw sa balat at mata o jaundice. Kung ang naaapektuhan nito ay mga bagong silang na sanggol, kailangang dalasan ang pagpapasuso ng ina at paarawan tuwing umaga ang bata. Maaari ring isailalim ang sanggol sa phototherapy, intravenous immunoglobulin, o exchange blood transfusion. Kung ang naaapektuhan naman nito ay mga matatatanda, kailangang gamutin ang kondisyon sa atay upang mawala ang paninilaw.
Kasaysayan
Ang terminong jaundice ay nagmula sa salitang Pranses na “jaune” at ito ay nangangahulugang “dilaw.” Bukod dito, kilala rin ang jaundice sa tawag na “icterus” na hango naman sa salitang Griyego na nangangahulugang “dilaw na ibon.” Noong sinaunang panahon, pinaniniwalaan na ang pagtitig sa oriole, isang dilaw na ibon, ay makatutulong upang mawala ang paninilaw. Walang gaanong mga tala ang nagpapatunay na ito nga ay nakatutulong sa pasyenteng may jaundice.
Sa kasalukuyan, marami ng mga mabisang paraan kung paano mababawasan ang paninilaw ng pasyente. Kabilang na rito ang pagpapaaraw sa mga sanggol na naninilaw. Noong taong 1956, aksidenteng natuklasan ni Richard Cremer na may kakayanan palang magpagaling ang sinag ng araw sa mga naninilaw na sanggol. Nang kinuhanan ng blood sample ang isang sanggol na may jaundice, hindi sinasadyang naiwanan ito sa may bintana na nasisikatan ng araw. Nang ito ay suriin, napansin ni Cremer na mas mababa na ang dami ng bilirubin ng blood sample.
Dahil sa pagkakatuklas ng epekto ng araw sa mga sanggol na may jaundice, naging daan ito upang pag-aralan naman ang phototherapy. Ang phototherapy ay isang uri ng light therapy na ginagamitan ng espesyal na blue-green na ilaw upang mailabas ng sanggol ang bilirubin sa kanyang katawan.
Mga Uri
Ang paninilaw sa balat at mata o jaundice ay may tatlong pangunahing mga uri na nababatay sa mga bahaging unang nagkaroon ng pagtaas ng bilirubin sa katawan. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Pre-hepatic jaundice. Sa uring ito, nagkakaroon ng mataas na dami ng bilirubin sa daluyan ng dugo. Ito ay dahil mabilis nasisira ang mga red blood cell at nagiging Kaya, hindi makayanan ng atay na iproseso lahat ang dami ng bilirubin sa katawan.
- Hepatocellular jaundice. Sa hepatocellular jaundice naman, nagkakaroon ng problema sa mismong atay. Maaaring magkaroon ng problema ang atay kung ito ay may mga sugat o cirrhosis. Sa pagkapinsala ng atay, hindi nito magawang gampanan ang tungkulin nito na iproseso at ilabas ang bilirubin sa katawan. Dahil dito, ang bilirubin ay naiipon at nagdudulot ng paninilaw.
- Obstructive jaundice. Sa uri naman na ito, nagkakaroon ng pagbabara sa mga bile duct ng atay. Ang bile duct ay ang daanan ng mga bilirubin upang makapunta sa mga bituka at lumabas bilang dumi. Subalit, dahil ito ay barado, hindi makadaan ang mga bilirubin at naiipon lamang ito.
Mga Sanhi
Ang pinaka-pangunahing sanhi ng jaundice ay ang pagkakaroon ng problema sa atay. Subalit, bukod dito maaari ring magdulot ng jaundice ang mga sumusunod:
- Mga sanhi ng infant jaundice. Ang mga bagong silang na sanggol ay maaaring magkaroon ng paninilaw sa balat at mga mata dahil sa mga sumusunod:
- Paninibago ng atay ng sanggol
- Pagkasilang ng sanggol na kulang pa sa buwan
- Hindi gaanong pagsususo ng sanggol
- Pagkakaroon ng urinary tract infection o UTI ng sanggol
- Pagkakaroon ng ibang blood type ng mag-ina
- Mga sanhi ng pre-hepatic jaundice. Maaaring bumilis ang pagkasira ng mga red blood cell at magresulta sa jaundice kung ang pasyente ay:
- Nakagat ng lamok at nagkaroon ng malaria
- Mayroong sakit sa dugo gaya ng sickle cell disease at thalassemia
- Mga sanhi ng hepatocellular jaundice. Ang atay ay maaaring magkaroon ng pinsala at magresulta sa paninilaw ng dahil sa mga sumusunod:
- Pagsusugat ng atay o liver cirrhosis
- Naapektuhan ng mga hepatic virus
- Pagkasira ng atay dahil sa labis na pag-inom ng alak
- Mga sanhi ng obstructive jaundice. Maaari namang mabarahan ang mga bile duct at magresulta sa jaundice kung ang pasyente ay may:
- Mga tumor
- Kanser sa atay, lapay, apdo, at iba pang mga karatig-bahagi ng atay
Mga Sintomas
Image Source: www.healthline.com
Masasabing may jaundice ang isang tao kung siya ay nakikitaan o nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:
- Paninilaw ng balat
- Paninilaw ng mga mata
- Pagkakaroon ng lagnat
- Panginginig ng kalamnan
- Pananakit ng tiyan
- Pagkakaroon ng maitim-itim na ihi
- Pagkakaroon ng maputlang kulay ng dumi
- Pangangati ng katawan
- Pagbaba ng timbang
- Pagsusuka
Maaaring hindi lahat maranasan ng pasyente ang mga nabanggit na sintomas. Subalit, kung mayroong paninilaw, ito ay maaaring jaundice na.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Bata man o matanda ay maaaring makaranas ng paninilaw sa balat at mata. Narito ang mga salik sa panganib na maaaring makapagpataas ng posibilidad sa pagkakaroon ng kondisyon na ito:
- Pagkasilang ng isang sanggol nang kulang sa buwan
- Hirap na pagkuha ng sanggol ng sapat na nutrisyon mula sa gatas ng ina
- Pagtatamo ng sanggol ng mga pasa o sugat habang isinisilang
- Pagkakaiba ng blood type ng ina at sanggol
- Labis na pag-inom ng mga gamot na nakasisira sa atay gaya ng rifampicin at probenecid
- Pagkakaroon ng mga sakit sa atay gaya ng chronic hepatitis at advanced cirrhosis
- Labis na pag-inom ng alak
Mga Komplikasyon
Madalang lamang magkaroon ng mga komplikasyon sa jaundice ang mga bagong silang na sanggol. Subalit, kung magkaroon man, maaaring ito ay magdulot ng panganib sa buhay ng sanggol gaya ng mga sumusunod:
- Kernicterus
- Brain encephalopathy
Ang mga nabanggit na komplikasyon ay mga uri ng kondisyon na nakaaapekto sa utak o spinal cord. Sa mga matatanda naman, kung ang jaundice ay hindi nagagamot, maaaring magkaroon ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Pagkakaroon ng insomnia dulot ng matinding pangangati
- Hindi mapigilang pagdurugo
- Pinsala sa utak
Pag-Iwas
Image Source: www.bbc.com
Upang mapaliit ang posibilidad na makaranas ng paninilaw, sundin lamang ang mga sumusunod na pag-iingat para sa mga sanggol:
- Gawin ang mga iminumungkahi ng doktor na magsagawa ng blood test upang malaman ang blood type at mapaghandaan ang mga gagawing lunas kung sakaling hindi tugma ang blood type ng ina at sanggol.
- Sikaping magkaroon ng malusog na pagbubuntis upang hindi maisilang ang sanggol nang kulang sa buwan.
- Kung naisilang na ang sanggol, dalasan ang pagpapasuso at pagpapaaraw sa kanya upang hindi manilaw.
Para naman sa mga may sapat na edad na:
- Huwag gawing labis ang pag-inom ng alak upang hindi masira ang atay. Uminom lamang nito kung may okasyon.
- Panatilihing malusog ang atay sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain at pag-eheersisyo araw-araw.
- Uminom lamang ng tamang dosage at dalas para sa mga gamot, alinsunod sa payo ng doktor. Ito ay upang hindi mapinsala ang atay.
Sanggunian:
- https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/15367-adult-jaundice
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/165749.php
- https://www.msdmanuals.com/home/liver-and-gallbladder-disorders/manifestations-of-liver-disease/jaundice-in-adults
- https://www.webmd.com/hepatitis/jaundice-why-happens-adults
- https://www.cancer.ca/en/cancer-information/diagnosis-and-treatment/managing-side-effects/jaundice/?region=on
- https://www.healthline.com/health/jaundice-types
- https://www.telegraph.co.uk/news/obituaries/10712172/Richard-Cremer-obituary.html