Buod
Ang paninilaw ng sanggol o infant jaundice ay isang uri ng jaundice na nakaaapekto sa mga bagong silang na sanggol. Maaarin itong ihanay sa mga karamdamang dulot ng kondisyon sa atay. Dito, ang sanggol ay nagkakaroon ng paninilaw sa balat at mga mata dahil sa labis na dami ng bilirubin sa katawan. Ang bilirubin ay ang dilaw na produktong nagagawa ng katawan kapag sinira nito ang mga lumang red blood cell.
Sa normal na kondisyon, ang bilirubin ay dumadaan sa atay upang maging bile. Pagkatapos nito, ang bile ay dadaan sa bituka upang sumama sa dumi. Subalit, dahil sa murang edad pa lamang ng sanggol, hindi pa gaanong kaya ng atay nito na mai-proseso ang bilirubin bilang bile. Dahil dito, namumuo ang bilirubin sa katawan ng sanggol na siyang nagiging sanhi ng kanyang paninilaw.
Kadalasan, hindi isang naka-aalarmang kondisyon ang paninilaw ng sanggol sapagkat normal lamang ito sa mga bagong silang na sanggol. Sa katunayan, 50-60% ng mga nasa terminong sanggol ay nagkakaroon nito. Samantalang, mas mataas ang kaso nito sa mga sanggol na kulang sa buwan (premature) at umaabot ito ng 80%.
Bagama’t pangkaraniwan lamang ang paninilaw ng sanggol sa mga bagong silang, hindi pa rin ito dapat ipagsawalang-bahala. Nangangailangan pa ring bigyan ng tamang lunas ang sanggol na mayroon nito upang hindi magkaroon ng mga komplikasyon sa utak.
Upang malunasan ang paninilaw ng sanggol, maaari siyang isailalim sa phototherapy. Maaari ring payuhan ang ina ng sanggol na dalasan ang pagpapasuso nito at paarawan ang sanggol tuwing umaga. Bukod sa mga ito, maaari ring bigyan ng mga herbal juice at formula milk ang sanggol upang mawala ang paninilaw.
Kasaysayan
Ang jaundice ay nagmula sa salitang Pranses na “jaune” na nangangahulugang “dilaw.” Kaya naman sa mga taong may jaundice, ang pinakapangunahing sintomas ay ang paninilaw ng balat at mga mata.
Kilala rin ang jaundice sa tawag na icterus na nagmula naman sa Griyegong salita na nangangahulugang “dilaw na ibon.” Noong unang panahon kasi, ang Romanong manunulat na si Pliny ay naniniwala na malulunasan ang paninilaw ng isang tao kapag tumitig ang pasyente sa dilaw na ibon na tinatawag na oriole.
Bagama’t kakaiba ang paniniwala ng mga sinaunang tao kung paano lunasan ang jaundice, mas naintindihan ang kondisyon na ito sa pamamagitan ng siyentipikong pag-aaral at pananaliksik. Noong bandang ika-19 na siglo, napansin ng ilang mga pediatrician (mga doktor ng sanggol at bata), na ang infant jaundice ay karaniwang nangyayari sa mga bagong silang na sanggol. Ayon sa mga medical record (1885-1891) ng Providence Lying-In Hospital, kadalasang nagtatagal ang jaundice sa loob ng 10 hanggang 14 na araw.
Noong bandang taong 1940 naman, natuklasan na maaaring indikasyon ng ibang sakit ang paninilaw ng sanggol. Kung may paninilaw ang sanggol, maaari ring mayroong hemolytic disease ito. Sa kondisyon na ito, ang sanggol ay nagkakaroon ng mabilis na pagkasira ng mga red blood cell na siyang dahilan upang maging anemic din ang sanggol.
Sa kasalukuyan, marami ng mga paraan upang matukoy at malunasan ang paninilaw ng mga bagong silang na sanggol. Kung susundin ang payo ng doktor, mabilis na gagaling ang kondisyon ng sanggol ng walang anumang nararanasang ibang komplikasyon.
Mga Sanhi
Image Source: www.freepik.com
Maaaring magkaroon ng paninilaw ang sanggol kung mataas ang dami ng bilirubin sa kanyang katawan. Kadalasang naiipon ang bilirubin sa katawan ng sanggol dahil sa mga sumusunod:
- Naninibago pa ang atay ng sanggol. Dahil ang sanggol ay kasisilang pa lamang, maaaring hindi pa lubusang handa ang atay nito upang iproseso ang bilirubin at ilabas ito sa mga bituka.
- Kulang sa buwan ang sanggol. Maaari ring magkaroon ng paninilaw ang sanggol kung isinilang ito na kulang sa buwan. Kadalasan, mas mataas ang mga kaso ng infant jaundice sa mga premature baby sapagkat hindi pa lubusang buo at nakaaangkop ang kanilang atay.
- Problema sa pagpapasuso. Maaari ring magdulot ng paninilaw ng sanggol kung hindi gaanong naka-aangkop ang katawan ng sanggol sa gatas ng ina. Pinaniniwalaan ng mga doktor na ang gatas ng ina ay may mga sangkap na nakapagpapapigil sa mga protinang kailangan ng atay upang maiproseso ang
- Pagkakaroon ng impeksyon. Kung may impeksyon ang sanggol sa daluyan ng ihi (urinary tract infection o UTI), maaaring magkaroon din ng paninilaw ang sanggol. Bukod sa UTI, maaari ring magkaroon ng paninilaw ang sanggol kung kasalukuyang naaapektuhan ng pulmonya.
- Pagiging Rh-incompatible ng mag-ina. Kung ang ina ay Rh-negative at ang sanggol ay Rh-positive, maaaring ituring na “kalaban” ng immune system ng ina ang mga red blood cell ng sanggol. Dahil dito, bumibilis ang pagkasira ng mga red blood cell ng sanggol na siyang nagiging dahilan upang tumaas ang dami ng bilirubin
Mga Sintomas
Ang mga sintomas ng infant jaundice ay ang pagkakaroon ng madilaw na balat at mga mata. Maaaring lumabas ang mga sintomas na ito 2 o 4 na araw matapos isilang ang sanggol. Kadalasan, ang paninilaw ay nagsisimula sa mukha, pagkatapos ay kakalat na ito sa buong katawan.
Upang matukoy kung may jaundice ang sanggol, bahagyang idiin ang isa mong daliri sa noo o ilong ng sanggol. Kung ang bahaging pinagdiinan ay mukhang madilaw, maaaring may jaundice ang sanggol. Upang makitang mabuti kung naninilaw ang sanggol, gumamit ng maliwanag at puting ilaw.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Hindi lahat ng mga bagong silang na sanggol ay nagkakaroon ng infant jaundice. Subalit, maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon nito ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagsilang sa sanggol nang kulang sa buwan. Kung ang sanggol ay ipinanganak na kulang sa buwan, maaaring magkaroon ng infant jaundice sapagkat hindi pa gaanong kaya ng atay na iproseso ang bilirubin sa katawan. Bukod dito, ang mga sanggol na premature ay mas mahinang sumuso kaya naman hindi nito agad naidudumi ang mga bilirubin sa katawan.
- Pagpapasuso sa sanggol. Bagama’t masustansya ang gatas ng ina, maaaring magdulot ito ng panandaliang paninilaw ng balat at mga mata ng sanggol. Gaya ng nabanggit noong una, ang gatas ng ina ay maaaring naglalaman ng mga sangkap na nakapagpapapigil sa mga protinang kailangan ng atay upang maiproseso ang
- Hindi sapat na nakukuhang nutrisyon mula sa pagpapasuso. Maaari ring magdulot ng paninilaw ng sanggol kung siya ay hindi nakatatanggap ng sapat na nutrisyon mula sa pagpapasuso ng ina. Dahil dito, ang sanggol ay nakukulangan sa mga calorie, nagiging dehydrated, at naninilaw.
- Pagkakaroon ng ibang blood type. Kung ang blood type ng ina ay O at ang blood type ng sanggol ay A o B, maaaring magkaroon ng jaundice ang sanggol pagkasilang nito.
- Hindi maayos na pagpapaanak sa ina. Kung hindi maayos ang pagpapaanak sa ina, maaaring magkaroon ng mga pasa at sugat ang sanggol habang hinihila palabas ng puwerta (vagina). Dahil dito, tumataas ang dami ng bilirubin ng sanggol at nagdudulot ng paninilaw.
Mga Komplikasyon
Kung ang paninilaw ng sanggol ay hindi agad nilapatan ng lunas, maaaring lumusot ang bilirubin sa blood-brain barrier ng katawan at magdulot ng mga komplikasyon sa utak gaya ng:
- Kernicterus
- Brain encephalopathy
Ang mga nabanggit na komplikasyon ay napakadalang subalit kung magkakaroon ng alinman sa mga ito, maaaring magdulot ang mga ito ng panganib sa buhay ng sanggol.
Pag-Iwas
Upang mapaliit ang posibilidad na magkaroon ng infant jaundice ang sanggol, gawin ang mga sumusunod na pag-iingat habang nagbubuntis pa lamang:
- Sundin ang payo ng doktor sa pagsasagawa ng mga blood test upang malaman kung may RH incompatibility o ABO (blood type) incompatibility. Mainam na gawin ang mga blood test na ito upang mapaghandaan ang mga gagawing lunas paglabas ng sanggol.
- Iwasan ang pagkakaroon ng premature delivery sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, pag-eehersisyo, hindi paggawa ng mabibigat na bagay, pagtigil sa mga bisyo gaya ng pag-inom ng alak at sigarilyo, pag-iwas sa stress, at marami pang iba.
Kung naisilang na ang sanggol, maaaring mapigilan ang paglabas ng mga sintomas ng paninilaw ng sanggol sa pamamagitan ng madalas na pagpapasuso upang maidumi agad ng sanggol ang mga bilirubin sa katawan.
Sanggunian:
- https://www.ucsfbenioffchildrens.org/conditions/jaundice/
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/infant-jaundice/symptoms-causes/syc-20373865
- https://www.healthline.com/health/newborn-jaundice
- https://medlineplus.gov/ency/article/001559.htm
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/165358.php
- https://www.webmd.com/parenting/baby/understanding-newborn-jaundice-basics
- https://www.medindia.net/patients/patientinfo/Neonataljaundice.htm
- https://journals.lww.com/nursing/Fulltext/2011/10000/The_yellow_bird_of_jaundice__Recognizing_biliary.11.aspx
- https://americanpregnancy.org/breastfeeding/breastfeeding-and-jaundice/