Buod

Ang Parkinson’s disease ay isang uri ng neurodegenerative disorder. Ito ay karaniwang umaapekto sa mga neurons ng utak kung saan ginagawa ang dopamine. Ang neurolohikal na kondisyong ito ay ipinangalan sa isang Ingles na manggagamot na si James Parkinson na siyang kinikilalang nakadiskubre nito. Ang mga sanhi ng Parkinson’s disease ay hindi pa matiyak, bagama’t kilala na ang mga salik sa panganib ng pagkakaroon nito.

Ang mga sintomas ng sakit na ito ay unti-unting umuusbong sa paglipas ng mga taon. Hindi magkakatulad ang mga sintomas sa bawat mayroon nito, subalit ang mga karaniwang palatandaan ay ang panginginig ng mga kamay at pagkakaroon ng abnormal na postura at paraan ng paglalakad.

Wala pang tiyak na lunas para sa kondisyong ito sa ngayon. Subalit, maaaring lunasan ang mga sintomas nito sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga gamot at operasyon.

Kasaysayan

Noong 1817 ay inilathala ni James Parkinson ang isang sanaysay na nag-uulat ukol sa anim na mga kaso ng paralysis agitans. Sa sanaysay niyang ito na “An Essay on the Shaking Palsy” ay isinalarawan niya ang panginginig, abnormal na postura at paglalakad, pagkaparalisa, at pagkawala ng lakas ng mga kalamnan. Kasama rin sa sanaysay na ito ang paraan ng paglala ng kondisyong ito sa paglipas ng panahon.

Hindi kaagad binigyang-pansin ang sulat na ito ni Parkinson sa loob ng may 40 taon. Dahil ang terminong paralysis agitans ay tumutukoy sa kawalan ng kakayahang ikilos ang katawan, iminungkahi ni William Sanders noong 1865 na gamitin ang terminong Parkinson’s Disease para sa mga sintomas na matatagpuan sa mga matatanda.

Mula noon ay nagkaroon pa ng mga pagsasaliksik ukol sa sakit na ito na lalong nagpaunlad sa pang-unawa ng mga siyentipiko ukol sa mabisang pamamahala at paglunas sa mga sintomas ng Parkinson’s disease.

Mga Uri

Ang mga iba’t-ibang uri ng Parkinson’s disease ay ang mga sumusunod:

  • Primary parkinsonism – Tinatawag din itong idiopathic Parkinson’s disease dahil hindi alam ang sanhi nito. Ito ay taglay ng may 80% hanggang 85% ng mga mayroong Parkinson’s disease.
  • Secondary parkinsonism (parkinsonian syndrome o atypical parkinsonism) – Tinatawag din itong Parkinson’s Plus. Ang mga sanhi nito ay tukoy, subalit lubhang napakahirap malaman ang pagkakaiba sa idiopathic Parkinson’s disease. Sa ilalim ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod na uri pa nito:
    • Drug-induced parkinsonism
    • Vascular parkinsonism
    • Normal pressure hydrocephalus (NSA)
    • Corticobasal degeneration (CBD)
    • Progressive supranuclear palsy (PSP)
    • Multiple system atrophy (MSA)

Mga Sanhi

Ang pagkakaroon ng Parkinson’s disease ay bunga ng pagkapinsala o pagkamatay ng ilang uri ng nerve cells sa utak. Ang karamihan sa mga sintomas nito ay bunga ng pagkawala ng mga nerve cells na lumilikha ng chemical messenger sa utak na kung tawagin ay dopamine. Kapag bumaba ang antas ng dopamine, nagdudulot ito ng abnormal na mga aktibidad sa utak na sanhi ng mga sintomas ng Parkinson’s disease.

Hindi pa matukoy ang mga tiyak na sanhi ng kondisyong ito, subalit may ilang mga salik sa pagkakaroon nito, kagaya ng:

  • Mga genes. Ayon sa mga pag-aaral, may mga tiyak na uri ng genetic mutation na nagdudulot ng Parkinson’s disease.
  • Mga kemikal. Ang malabis na pagkakalantad sa ilang uri ng mga kemikal ay maaaring magdulot ng Parkinson’s disease. Subalit, napakaliit ng panganib na magkaroon nito bunga ng mga naturang kemikal.
  • Ang pagkakaroon ng Lewy bodies. Ang mga Lewy bodies ay mga kumpol ng mga sangkap sa utak na mayroong alpha-synuclein. Ito ay mga sangkap na hindi kayang durugin ng mga cells sa katawan. Ang pagkakaroon nito sa utak ay isang mahalagang pinag-uukulan ng pansin ngayon sa pagsusuri ukol sa kondisyong ito.

Sintomas

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Ang mga unang palatandaan ng Parkinson’s disease ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng problema sa pagkilos ng mga kamay na karaniwang may kasamang panginginig ng mga ito.
  • Hirap sa pagbabalanse at kakulangan ng koordinasyon sa pagkilos. Maaaring mabitiwan ng mga may sakit na ito ang mga bagay na hawak nila. Maaari rin silang mabuwal.
  • Pagbabago sa postura at paglalakad. Mapapansin na ang mga mayroong Parkinson’s disease ay nakahilig paharap at mistulang nagmamadali sa paglalakad.
  • Kawalan ng expression ng mukha bunga ng pinsala sa mga ugat nito na kumukontrol sa pagkilos ng mga kalamnan.
  • Panginginig ng boses at pagsasalita ng mas malumanay kaysa dati.
  • Mapapansin din ang mas magkakadikit-dikit at maliliit na sulat-kamay.
  • Maaari ring magkaroon ng pinsala sa pang-amoy ang may Parkinson’s disease.
  • Hirap sa pagtulog.

Ang ilan pa sa mga karaniwang sintomas ng Parkinson’s disease ay ang mga sumusunod:

  • Pagbabago sa mood
  • Pagkakaroon ng depresyon
  • Hirap sa pagnguya at paglunok
  • Pagkakaroon ng problema sa pag-ihi
  • Hirap sa pagdudumi
  • Pagkakaroon ng problema sa balat

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Ang mga sumusunod ay ang mga karaniwang salik sa panganib ng pagkakaroon ng Parkinson’s disease:

  • Edad. Ang mga young adults ay napakabihirang magkaroon ng Parkinson’s disease. Karaniwang nagkakaroon ng kondisyong ito ang mga taong may 60 taong gulang pataas.
  • Kasarian. Napakakaraniwan ng sakit na ito sa mga lalaki at madalang naman sa mga babae.
  • Namamana. Ang Parkinson’s disease ay maaaring mamana. Kaya, kapag may malapit na kamag-anak na mayroon nito ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito.
  • Pagkakalantad sa mga toxins. Ang patuloy na pagkakalantad sa mga nakalalasong kemikal, katulad ng herbicides at pesticides ay nagbibigay ng bahagyang posibilidad ng pagkakaroon ng kondisyong ito.

Pag-Iwas

Image Source: www.nutritionaloutlook.com

Sa ngayon ay wala pang tiyak na mga pamamaraan para maiwasan ang Parkinson’s disease. Subalit, may mga panghabang-buhay na mga kaugalian na maaaring makatulong upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon nito, kagaya ng mga sumusunod:

  • Pagkain ng turmeric na mayaman sa curcumin
  • Pagkain ng mga pagkaing mayaman sa flavonoids, kagaya ng mansanas, mga berry, tsaa, at pulang ubas
  • Pag-iwas sa mga mantikang ininit ng ilang beses para maiwasan ang mga kemikal na nagiging resulta nito
  • Pag-iwas sa paglanghap ng mga nakalalasong kemikal

Sanggunian