Buod
Ang pigsa ay isang uri ng bukol na namumuo sa ilalim ng balat sa bahaging pinagtutubuan ng buhok, o hair follicle. Ang mga pigsa o boils sa Ingles ay nagsisimula bilang pamumula ng balat. Kalaunan, tumutuloy ito sa pagtubo ng maliit na bukol, na lumalaki habang ito ay napupuno ng nana. Puwedeng lumitaw ang mga pigsa sa kahit saang bahagi ng katawan, ngunit kadalasan ay lumalabas ito sa mukha, leeg, kilikili, singit, puwitan, o hita.
Ang pigsa ay impeksyon na nagmumula sa Staphylococcus areus (S. aureus) bacteria. Kadalasan ay naguumpisa ang bukol na kasing liit ng gisantes o pea, at dahan-dahan itong lumalaki. Karamihan ng mga pigsa ay gumagaling nang kusa. Katagalan, puputok ito, lalabas ang nana, at unti-unting kusang hihilom. Ang prosesong ito ay tumatagal nang dalawang araw hanggang tatlong linggo.
Bukod sa pamumula at paglaki, madalas ay may kasamang pagkirot ang pigsa. Hindi kinakailangan na ipatinging sa doktor ang pigsa kapag nag-iisa lamang ito at hindi naman kalakihan. Gayunpaman, kapag ang tumubo ay dalawa o mas marami pang pigsa at magkakalapit ang kinalalagyan ng mga ito sa iyong katawan, mas makabubuti na ipasuri ang mga ito sa doktor. Kailangan din na magpatingin sa doktor kung ang pagkakaroon pigsa ay may kasamang lagnat, matinding pagkirot ng bukol, kung masyadong matagal itong gumaling, kung ang laki ay mas higit sa 5 cm, at kung ito ay tumubo sa bandang mukha.
Kasaysayan
Matagal nang nakikilala ang pigsa bilang isang sakit. Sa katunayan, may pagbanggit ito sa bibliya bilang isa sa sampung mga peste na naipadala sa Ehipto. Dahil wala pang sapat na kaalaman tungkol sa kung saan ito nagmumula at kung ano ang sanhi nito, ang paglunas nito ay limitado sa tinatawag na incision and drainage.
Sa katunayan, ang incision and drainage ay matagal na ring pamamaraan ng paglunas para sa mga sakit na bukol. Itinatayang mula pa sa panahon ng Ancient Mesopotamia ginagamit ang pamamaraan na ito.
Mga Uri
Image Source: www.webmd.com
Nahahati ang pigsa sa dalawang uri batay sa laki nito:
- Furuncle – Ito ang mas karaniwang uri ng pigsa. Bukod sa nabanggit na mga palatandaan nito, nagkakaroon din ito ng “mata” kapag malapit na itong pumutok. Madalas itong nakikita ito nang mag-isa sa leeg, kilikili, hita, puwitan, singit, hita at mukha.
- Carbuncle – Ang carbuncle naman ay dalawa o higit pang mga pigsa na magkakatabi. Sabay-sabay lumalaki ang mga ito at nagkakaroon ng ugnayan sa kanilang pagitan. Mas seryoso ang carbuncle kaysa pangkaraniwan na pigsa dahil may kadalasan ay may kasama itong lagnat at panghihina ng katawan.
Dahil sa itsura ng pigsa, may mga pagkakataon na ito ay napagkakamalan bilang simpleng pantal o bukol sa balat, malaking tigyawat, o kaya ay cyst.
- Taghiyawat – Gaya ng taghiyawat, ang pigsa ay maaaring lumitaw sa mukha. Gaya naman ng pigsa, ang taghiyawat ay maaaring may kasamang pamumula, pananakit, at “mata” ng nana. Ang pagkakaiba ng taghiyawat at pigsa ay kung paano sila nabubuo. Ang taghiyawat ay bunga ng pagbara ng pores dahil sa sobrang paggawa ng natural na langis ng mukha at pag-ipon ng patay na skin cells.
- Cyst – Ang cyst ay isang ring pamumukol sa ilalim ng balat. Ang cyst kapag sinubukan mo itong galawin sa pamamagitan ng iyong daliri ay parang hindi sya nakakabit sa balat, at tila “lumulutang”. Kabaligtaran ito ng pigsa na tila mas matigas ang pundasyon nito. Kadalasan din ay wala itong kaugnay na sintomas gaya ng pigsa, dahil hindi ito tunay na uri ng pamamaga, subalit puwede rin itong sumakit sa mga pagkakataong ito ay namaga at namula. Ang mga cyst ay may nilalaman na likido na maaaring hindi nana.
Mga Sanhi
Gaya ng nabanggit, ang sanhi ng pigsa ay ang pagkahawa mula sa bacteria na S. aureus. Isang pangkaraniwang bacteria ang S. aureus, at kadalasan ay matatagpuan ito sa balat ng tao at sa loob ng ilong. Ito ay naihahanay sa mga “cocci” na bacteria—na nakikilala sa pamamagitan ng kanilang pagkabilog na hugis kapag tinitignan sa ilalim ng microscope.
Nag-uumpisa ang pigsa mula sa maliliit na sugat, kagat ng insekto, o iba pang pinsala sa balat na nagdudulot ng butas kung saan ay puwedeng pasukan ng S. aureus. Sa kalaunan, mamumuo ang nana sa loob ng bukol at ito naman ang sanhi ng paglaki ng pigsa.
Nagiging carbuncle naman ang pigsa kapag kumalat ang infection sa katabing bahagi ng balat, o kapag may magkakatabing mga pigsa. Maaaring bumilis ang pagkalat ng impeksyon kapag sapilitang pinaputok ang mata ng pigsa. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga na huwag subukan na paputukin ang mata ng pigsa sa inyong pamamahay, at ipaubaya na lamang sa doktor ang pag-gamot nito.
Sintomas
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Ang sintomas ng pigsa ay:
- Pamumula – Mas mapula ang tuktok ng pigsa, at unti-unting kumukupas ang pagkapula nito habang pababa ng umbok.
- Pananakit – Sumasakit ito lalong-lalo na sa tuwing ito ay pinipisil.
- Pamumula at pamamaga ng balat sa paligid ng pigsa – Bukod mismo sa pigsa ay namumula at namamaga rin ang balat sa paligid nito.
- Dahan-dahan na paglaki sa ng pigsa habang ito’y napupuno ng nana – Ang paglaki ng pigsa ay bunga ng pagkakapuno ng nana sa loob ng bukol. Naguumpisa ito na kasing laki ng gisantes o pea, at maaaring maging kasing laki ng bola ng bilyar.
- Pagkaroon ng mata –Magkakaroon ng mata ang pigsa na ang kulay ay manilaw-nilaw makalipas ang ilang araw.
Mga Salik sa Panganib
Lahat ng tao ay puwedeng magkaroon ng pigsa, kahit gaano sila kalusog. Ang sumusunod ay mga salik sa maaaring panganib na dulot nito:
- Pakikihalubilo sa mga ibang tao na may pigsa – Partikular na dito ang mga taong kasama mo sa loob ng iyong tahanan.
- Mahina o mababang resistensya – Mga kadahilanan ng pagbaba o pagkahina ng resistensya ay pag-inom ng immunosuppressant, o kung ikaw ay kagagaling lamang sa sakit.
- Diabetes – Ang mga mayroong diabetes ay kadalasang mahihina rin ang resistensya.
- Ang pagkakaroon ng mga iba pang sakit sa balat – Nagiging madali kang kapitan ng pigsa dahil sa mga pinsala na dulot ng iba-ibang uri ng mga sakit sa balat. Mga halimbawa nito ay eczema, psoriasis, at acne.
Pag-Iwas
Image Source: https://www.usatoday.com
Dahil isang uri ng infection ang pinagmumulan ng pigsa, ang pag-iwas dito ay kadalasang nakasalalay sa pagiging malinis sa katawan.
- Maghugas ng kamay lalo na kung may nakahalubilong may pigsa.
- Hugasan nang mabuti ang mga sugat, gasgas, o anumang pinsala sa balat, at gamitan ng disinfectant.
- Takpan ng malinis na bandage ang sugat o anumang pinsala sa balat.
Dahil nakatutulong ito sa pagpapalakas ng iyong resistensya at sa pangkalahatang kalusugan ng pangangatawan, nakatutulong din ang pagkain ng tama, regular na pag-eehersisyo, at sapat na tulog para maiwasan ang pigsa at mga iba pang uri ng mga sakit.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/boils-and-carbuncles/symptoms-causes/syc-20353770
- https://www.nhs.uk/conditions/boils/
- https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/conditionsandtreatments/boils
- https://www.verywellhealth.com/facts-about-skin-boils-1298800
- https://www.verywellhealth.com/difference-between-a-pimple-and-a-boil-15613
- https://www.healthline.com/health/cyst-vs-boil
- https://www.apolloclinic.com/for-patients/services/consultations/dermatology/skin-infections-and-boils
- https://en.wikipedia.org/wiki/History_of_surgery