Gamot at Lunas

Image Source: www.wikihow.com

Kusang gumagaling ang pigsa, lalo na kapag maliit lamang ito. Kapag hinog na ito, kusa na lamang itong puputok, lalabasan ng nana, at matutuyo. Hayaan lamang ito na kusang pumutok at huwag tirisin upang hindi magkaroon pa ng impeksyon. Ganunpaman, may katagalan ang paggaling ng pigsa kung pababayaan mo lamang ito. Maaaring umabot ito ng dalawang linggo bago pumutok at matuyo kung walang gagawin. Upang mas mabilis mawala ang pigsa, gawin lamang ang mga sumusunod na home remedy o lunas sa bahay:

  • Paglalagay ng warm compress. Isa sa mga simpleng lunas para sa pigsa ay ang paglalagay ng warm compress. Maaaring gumamit ng bimpo o tuwalya na binasa sa mainit na tubig o kaya naman ay bote na nilagyan ng mainit na tubig at binalutan ng bimpo. Ito ay upang maibsan at mapawi ang pagkirot ng pigsa at para din bumilis ang daloy ng dugo sa bahagi ng pigsa. Gawin ito nang malimit sa loob ng isang araw. Ang maayos na pagdaloy ng dugo sa bahagi ng katawan na may pigsa ay nakatutulong sa mabilisang paggaling nito.
  • Pagbabad ng pigsa sa maligamgam na tubig. Maaari rin namang direktang ibabad ang pigsa sa maligamgam na tubig upang bumilis ang paghinog nito. Ibabad ang pigsa sa loob ng 3 hanggang 5 minuto, pagkatapos ay punasan ito ng malinis na tuwalya.
  • Dampian ang pigsa ng bulak na may antiseptic. Kung ang pigsa ay pumutok na at may nana, punasan ang sugat at nana gamit ang malinis na bulak o tela. Pagkatapos ay dampian ang sugat ng bulak na may antiseptic upang matanggal ang anumang bacteria at bumilis ang paghilom nito. Maaaring gumamit ng agua oxigenada o Betadine upang linisin ang pigsa.
  • Paggamit ng antibacterial soap. Makatutulong din ang paghugas sa pigsa gamit ang antibacterial soap. Hugasan ang apektadong bahagi 2 o 3 beses sa isang araw upang mabilis na maglabasan ang mga nana. Kung ang pigsa ay mayroon ng nana, maaaring lagyan ito ng gasa upang masipsip ito at hindi malantad sa maruruming bagay. Ganunpaman, pinapayuhan na palitan ang gasa maya’t maya upang hindi maipon at magka-impeksyon ang pigsa.
  • Pagpapanatiling malinis ng katawan. Mabilis kumalat ang pigsa lalo na kung ang katawan ay naiipunan ng pawis at libag. Upang hindi ito kumalat pa, ugaliing maligo araw-araw at kuskusin nang maigi ang mga bahaging madalas mapag-ipunan ng pawis, gaya ng leeg, kili-kili, ilalim ng suso, singit, alak-alakan, at iba pa. Maaari ring gumamit ng maligamgam na tubig pampaligo upang mas mabilis mahinog ang pigsa.
  • Paggamit ng dinikdik na gumamela. Isa sa mga halamang gamot na kilala sa pagpapagaling ng pigsa ay ang gumamela. Kumuha lamang ng mga bulaklak nito, hugasan, at dikdikin. Gamit ang malinis na bulak o tela, idampi ang katas ng gumamela sa mga apektadong bahagi.
  • Paggamit ng mga essential oil. Ang mga essential oil ay mga langis o katas na mula sa mga halaman. Karaniwang ginagamit ang mga ito bilang topical ointment o pampahid sa balat. Ilan sa mga essential oil na nakatutulong lunasan ang pigsa ay tea tree oil, virgin coconut oil, olive oil, neem oil, at castor oil. Ang mga ito ay nagtataglay ng mga antibacterial at anti-inflammatory property upang mabawasan ang mga bacteria na namumuo sa pigsa at humupa ang pamamaga nito. Maaaring magpahid ng alinman sa mga essential oil at gamitin ito 3 beses sa loob ng isang araw hanggang sa gumaling ang pigsa.
  • Paggamit ng turmeric o luyang dilaw. Ang turmeric o luyang dilaw ay isa ring mainam na halamang gamot para sa pigsa. Sa katunayan, ginagamit ang luyang dilaw bilang natural na blood purifier sa mga maka-silangang medisina, ilang libong taon na ang nakalilipas. Mayroon kasi itong antibacterial at anti-inflammatory property na nakatutulong upang umimpis ang pigsa. Puwedeng patuyuin ang luyang dilaw at dikdikin ito upang gawing pulbos. Maaaring haluan ng kaunting tubig ang pinulbos na luyang dilaw at ipahid ito sa pigsa. Mainam ding gawing inumin ang luyang dilaw upang mabilis gumaling ang anumang impeksyon sa katawan.
  • Paggamit ng Epsom salt. Ang Epsom salt ay isang uri ng mineral na naglalaman ng magnesium sulfate. Maaaring gamitin ito sa pagpapagaling ng pigsa sapagkat pinapabilis nito ang paghinog at pagtuyo nito. Maghanda lamang ng maligamgam na tubig at haluan ito ng Epsom salt. Maaari mong gamitin ito bilang pampaligo o kaya naman ay kumuha ng malinis na tuwalya, basain ito, at siyang ipunas sa apektadong bahagi.
  • Paggamit ng bawang. Bukod sa tumutulong sa pag-alwan ng mga sintomas ng altapresyon, ang bawang ay kilala rin bilang isang mabisang halamang gamot para sa pigsa. Mayroon din kasi itong antibacterial property. Upang gamitin ang bawang, tadtarin lamang ito at pigain hanggang sa magkatas. Ipahid ang katas nito sa pigsa sa loob ng 10 hanggang 30 minuto. Gawin ito ng 1 o 2 beses sa loob ng isang araw. Maaaring magdulot ito ng bahagyang panghahapdi, subalit nawawala na ang kirot sa loob ng ilang mga minuto.
  • Paggamit ng sibuyas. Mainam ding gamot para sa pigsa ang sibuyas. Mayroon kasi itong anti-inflammatory at antiseptic property. Maghiwa lamang ng sibuyas at ilagay ang isang makapal na hiwa nito sa gasa, pagkatapos ay itapal sa pigsa ng hanggang 1 oras. Maaari itong gawin ng 1 o 2 beses araw-araw hanggang sa mawala ang pigsa.

Kung titiyagaing gawin ang alinman sa mga nabanggit na home remedy, karaniwang huhupa na ang pigsa sa loob ng 5 hanggang 7 araw. Subalit kung ang pigsa ay tila lumaki, dumami, o nagkaroon ng mga sintomas ng impeksyon, kumonsulta agad sa doktor. Kapag masyadong malaki o masyadong matagal ang paghilom nito ay puwedeng gawin ng doktor ang mga sumusunod.

Image Source: www.freepik.com

  • Pag-inom ng pain reliever. Kung ang pigsa ay nagdudulot ng labis na pananakit, itanong sa doktor kung ano ang maaaring inuming gamot. Kadalasan, ang mga doktor ay nagrereseta ng mga pain reliever na gaya ng paracetamol upang mabawasan ang pangingirot.
  • Pagpapahid ng antibiotic ointment. Maaari ring magreseta ang doktor ng antibiotic ointment upang gumaling ang pigsa. Kadalasan, ipinapahid ang ointment ng 2 beses sa loob ng isang araw hanggang sa umimpis ito.
  • Pag-inom ng mga antibiotic. Maaaring resetahan ng antibiotic ang pasyente kapag paulit-ulit ang pagkakaroon pigsa o kapag dumami na ang mga ito. Tandaan lamang na kailangang ubusin ang niresetang antibiotic kahit nawala na ang pigsa. Karaniwang ipinapayo ng doktor na inumin ang antibiotic sa loob ng 5 hanggang 7 araw.
  • Pagsasagawa ng incision and drainage. Ang incision and drainage ay isang matagal nang ginagamit na uri ng lunas para sa mga bukol na napupuno ng nana o iba pang likido. Sa pigsa, ginagawa ito sa pamamagitan ng paghiwa gamit ang scalpel (surgical knife), o pagbutas gamit ang autoclaved needle. Bago hiwain ang pigsa ng pasyente, lilinisan muna ito ng gamit ang betadine. Pagkatapos ay magtuturok ang doktor ng local anesthesia o pampamanhid sa apektadong bahagi. Kapag wala nang nararamdaman ang pasyente sa kinalulugaran ng pigsa, hihiwain na ito at hahayaang ma-drain o lumabas ang nana. Upang maubos ang nana sa loob, paminsan-minsan ay pipigain ito ng doktor gamit ang gasa. Nakatutulong din ang gasa sa pagsipsip ng labis na nana. Kung ang hiwa sa pigsa ay masyadong mahaba o malaki, maaaring tahiin ito ng doktor. Pero kadalasan, hinahayaan na lamang itong kusang humilom. Pagkatapos mailabas lahat ng nana, lilinisin ulit ang sugat at tatapalan ng gasa. Upang hindi magkaroon ng impeksyon, kailangang linisin ang sugat at palitan ang gasa araw-araw.

Ang pigsa ay kadalasang hindi isang malubhang kondisyon. Kung malalapatan agad ito ng lunas, hindi na ito lalaki o dadami pa. Subalit kung ito ay mapababayaan, maaaring magkaroon ng mga impeksyon sa dugo at magresulta sa mga komplikasyong gaya ng sepsis, coma, toxic shock syndrome, at maging ng organ failure.

Sanggunian