Buod
Ang isa sa mga karaniwang kondisyon na maaaring umapekto sa mga kababaihan ay ang polycystic ovary syndrome (PCOS). Ang mga lalong maaaring maapektuhan nito ay ang mga babaeng nasa edad na may kakayahan pang manganak (reproductive age). Ang kondisyong ito ay karaniwan. Sa katunayan, ito ay nakaaapekto sa may 8% hanggang 20% ng mga kababaihan sa buong mundo. Ang PCOS ay may kinalaman din sa pagkakaroon ng iba pang mga kondisyon, katulad ng type 2 na diabetes, pagtaas ng kolesterol, hypertension, sakit sa puso, at pagkawala ng bisa ng insulin sa katawan.
Hindi pa matukoy ang tiyak na sanhi ng PCOS. Ang tanging tiyak sa kondisyong ito ay ang pagreresulta nito sa pagbabagong hormonal sa pangangatawan ng mga kababaihan.
Kabilang sa mga sintomas ng PCOS ay ang mahahabang panahon ng pagregla, o kaya ay ang biglang pagbabago nito. Nagkakaroon din ng malabis na produksyon ng androgen (male reproductive hormone) sa katawan ng babaeng mayroon nito.
Mainam na malaman na nalulunasan ang PCOS. Kabilang sa mga lunas nito ay ang mga hormonal birth control, anti-androgen, maging ang metformin. May mga iba’t ibang uri ng therapy at surgical din na mga pamamaraan para malunasan ito.
Kasaysayan
Noon pa mang taong 1721 ay naitala na ng isang siyentipiko sa Italya na si Vallisneri ang mga sintomas ng PCOS. Natuklasan niya ito sa isang baog na babaeng may asawa. Nagtataglay ang babaeng ito ng makikintab at mapuputing mga ovary na sinlaki ng mga itlog ng kalapati—isang sintomas ng PCOS. At noon namang taong 1844 ay naitala na rin ang ukol sa mga pagbabago sa mga ovary ng mga babae na dulot ng mga cyst.
Noon namang 1935 ay isinalarawan din ang kondisyong ito ng mga Amerikanong gynecologist na sina Irving F. Stein, Sr. at Michael L. Leventhal. Kaya noong mga panahong iyon, ang kondisyong ito ay unang pinangalanan bilang Stein-Leventhal syndrome.
Subalit, sa pag-uumpisa lamang ng 1990s unang binigyan ng diagnostic na criteria ang PCOS sa National Institute of Health (NIH) ng Estados Unidos. Ang diagnostic criteria na ito ay naging pamantayan sa pagsusuri ukol sa sakit na ito. Pagkatapos noon ay lalong dumami ang mga pag-aaral ukol sa kondisyong ito, at nagpapatuloy pa hanggang sa ngayon ang mga pag-aaral ukol sa mga epektibong paglunas dito.
Mga Uri
Magkakapareho ang mga sintomas ng PCOS na kadalasang nakikita sa mga babaeng nagtataglay nito. Bukod sa hindi regular na menstrual cycle na dulot ng kondisyong ito, ang mga egg cell ng babae ay maari rng hindi lumabas sa wastong panahon ng ovulation. Ang karaniwang resulta nito kawalan ng kakayahan ng babae na magkaanak.
Mga Sanhi
Sa kabutihang palad ay tukoy na ang mga sanhi ng PCOS. Dahil dito, madali nang maagapan o malapatan ng lunas ang kondisyong ito.
Ang mga sanhi ng PCOS ay ang mga sumusunod:
- Namamana (Heredity). Napag-alaman sa mga pag-aaral na maaaring may kinalaman ang ilang uri ng genes sa pagkakaroon ng PCOS. Dahil dito, maaaring magkaroon ng PCOS ang taong may mga malapit na kamag-anak na nagkaroon ng sakit na ito.
- Malabis na androgen sa katawan. Ang androgen ay kilala bilang male hormone o ang hormone na nagpapalabas ng mga katangiang panlalake. Subalit, mayroon din nito ang mga babae. Kapag dumami ang androgen sa katawan ng babae, pinipigilan nito ang pagpapakawala ng mga egg cell mula sa mga ovary. Nagdudulot din ito ng paglabas ng mga tighiyawat at ng mga buhok sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang mga ito ay pawang mga palatandaan na ang isang babae ay maaaring may PCOS.
- Malabis na pagkakaroon ng insulin sa katawan. Napakahalaga ng insulin sa katawan ng tao. Ito ay isang uri ng hormone na gawa ng pancreas na nagtatrabaho para gawing enerhiya ang asukal. Subalit, may mga cell na nagiging resistant sa epekto ng insulin. Ito ay nagdudulot ng pagtaas ng blood sugar level sa dugo. At kapag nangyari ito, lalong dadami ang insulin na kinakailangang ilabasng pancreas. At sa pagdami ng insulin, dumadami rin ang androgen sa katawan na nagdudulot ng problema sa ovulation ng mga babae.
- Low-grade inflammation. Ito ay tumutukoy sa paggawa ng katawan ng tao ng mga white blood cell na lumalaban sa iba’t ibang uri ng impeksyon. Ayon sa pag-aaral, ang mga babaeng may PCOS ay may low-grade inflammation na nagbubunga ng polycycstic ovaries para lumikha ng androgen. At sa pagdaming lubha ng androgen sa katawan, nagdudulot ito ng problema sa puso at sa mga ugat na daluyan ng dugo.
Sintomas
Image Source: masiglangsijuan.files.wordpress.com
Ang PCOS ay umaapekto sa may 8% hanggang 20% ng mga kababaihan sa buong mundo. Ang mga sintomas ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
- Hindi regular na menstrual cycle
- Pagkawala ng bisa ng insulin sa katawan (insulin resistance)
- Pagkakaroon ng type 2 diabetes
- Pagdami ng acne sa mukha, itaas na bahagi ng likod, at sa dibdib
- Pagnipis ng buhok sa ulo
- Pagbigat ng timbang
- Paglago ng buhok sa ibang bahagi ng katawan
- Pag-iitim ng balat, lalo na sa leeg, sa singit, at sa ilalim ng dede
- Pananakit ng balakang
- Pagkakaroon ng depresyon
- Pagbagsak ng libido
Ang PCOS ay maaaring makaapekto sa lahat ng mga kababaihan. Subalit, may mga babaeng mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito kaysa sa iba.
Mga Salik sa Panganib
Kahit na sinong babae ay maaaring magkaroon ng PCOS. Ngunit, napag-alaman sa mga pagsusuri na ang genes ay may malaking kinalaman sa pagkakaroon ng PCOS ng sinumang babae. Dahil dito, ang may pinakamalaking panganib na magkaroon nito ay ang mga mayroong kamag-anak na taglay ang kondisyong ito. Kapag ang ina o kapatid ng babae ng isang babae ay may PCOS, maaari rin siyang magtaglay nito.
Pag-Iwas
Image Source: www.techexplorist.com
Batay sa mga pagsusuri, hindi maiiwasan ang PCOS. Subalit, maaaring ipayo ng doktor ang pagsasagawa ng ilang mga pagbabago sa paraan ng pamumuhay upang maiwasan ang pagkakaroon ng diabetes at sakit sa puso.
Ang ilan sa mga pagbabagong ito ay ang:
- Pagpili ng mga pagkaing may mababang caloric count
- Pag-eehersisyo nang katamtaman
- Pagtutok sa timbang upang matiyak na angkop ito sa tangkad at edad
Hindi lamang nakatutulong ang mga ito sa pag-iwas sa diabetes at sakit sa puso. Maaari rin nitong gawing lalong mabisa ang mga gamot na irerekomenda ng espesyalista para sa PCOS.
Sanggunian
- https://www.womenshealth.gov/a-z-topics/polycystic-ovary-syndrome
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pcos/symptoms-causes/syc-20353439
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pcos/diagnosis-treatment/drc-20353443
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/28791833
- https://www.unilab.com.ph/articles/signs-and-symptoms-of-pcos/
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/265309.php