Buod

Ang isa sa mga kondisyon na maaaring umapekto sa apdo ay ang pagkakaroon ng mga polyp sa loob nito (gallbladder polyps). Ito ay mga uri ng mga maliliit na bukol na may tangkay na tumutubo sa lining sa loob ng apdo. Ang mga polyp na ito ay maaaring magdulot ng kanser, subalit ang mga cancerous o malignant na uri nito ay napakabihira lamang. Sa katotohanan, halos lahat ng mga polyp na tumutubo sa apdo ay benign o non-cancerous.

Mayroong iba’t ibang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga polyp sa loob ng apdo. Ang isa sa mga karaniwang dahilan ay ang mga kolesterol. Sa pag-uumpisa naman ng pagkakaroon ng mga polyp sa apdo, maaaring wala kaagad na mapapansing mga sintomas. Subalit, kapag malala na ito, maaaring makaranas ang pasyente ng pananakit sa tiyan, pagkabalisa, at pagsusuka.

Nilulunasan ang gallbladder polyps sa pamamagitan ng pagtatanggal ng apdo kung malala na ito. Subalit, sa karamihan ng mga kaso nito ay kusa na lamang na nawawala ang mga polyp.

Kasaysayan

Hindi matiyak kung kailan unang nadiskubre ang pagkakaroon ng mga polyp ang apdo. Noong umunlad ang mga pamamaraan sa pag-opera at pagtanggal sa apdo, incidental o nagkataoon lamang ang pagkakadiskubre na maaaring tubuan ng mga polyp ang lining sa loob ng apdo.

Mga Uri

May apat na pangunahing uri ng mga polyp na tumutubo sa loob ng apdo. Ang mga ito ay ang cholesterol polyp o cholesterosis, cholesterosis na mayroong fibrous dysplasia sa apdo, adenomyomatosis, at ang adenocarcinoma:

  • Cholesterol polyp. Ang mga polyp na bunga ng kolesterol ang pinaka-karaniwang uri ng polyp sa apdo. Sa katunayan, may 50 na porsyento ng mga polyp sa apdo ay bunga ng kolesterol. Karaniwan itong matatagpuan sa mga middle-aged na mga kababaihan, at ang mga ito ay benign, o hindi nagdudulot ng kanser. Ang mga polyp na bunga ng kolesterol ay karaniwang kulay dilaw at may mga hiwa.
  • Cholesterosis na mayroong fibrous dysplasia sa apdo. Ang mga uri na ito ng mga polyp ay bunga rin ng kolesterol. Subalit, mayroon din itong fibrous dysplasia o mabalahibong bahagi. Ito ay hindi rin nagdudulot ng kanser at maaaring maging pabalik-balik na uri ng kondisyon.
  • Adenomyomatosis. Ang kondisyong ito ay tinatawag ding hyperplastic cholecystosis ng gallbladder wall. Ito ay ang pamamaga ng wall ng apdo na karaniwang nangyayari sa bahaging ito ng katawan. Ito ay benign o hindi nagdudulot ng kanser. Ang karaniwang nagkakaroon ng kondisyong ito sa apdo ay ang mga taong nasa 50 na taon ang edad pataas, at higit na karaniwang matatagpuan sa mga kababaihan. Ang uri na ito ng gallbladder polyps ay maaaring hindi na mangailangan ng pagpapagamot, dahil ito ay hindi naman malignant at kusang nawawala.
  • Adenocarcinoma. Ang uri ng polyp na adenocarcinoma ay malignant o nagdudulot ng kanser. Ang adenocarcinoma na mga polyp ay tumutubo sa mga gland, kagaya ng apdo. Subalit, maaari rin itong kumalat sa iba pang bahagi ng katawan.

Mga Sanhi

Ang pagtubo ng mga polyp sa loob ng apdo ay itinuturing na pangkaraniwang pangyayari.

Bagama’t maaaring malignant o nagdudulot ng kanser ang mga polyp na ito, ang karamihan sa mga ito ay benign o hindi nagdudulot ng kanser. Ang pagkakaroon ng mga polyp sa loob ng apdo ay maaaring bunga ng kolesterol. At sa mga hindi pangkaraniwang pagkakataon, maaari ring bunga ang mga ito ng kanser.

Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Sa maraming kaso ng gallbladder polyps, hindi kaagad nakikita ang mga kilalang sintomas nito. Subalit, kapag nagpakita na ang mga sintomas, ang mga taong mayroon nito ay maaaring makaranas ng mga sumusunod:

  • Pabalik-balik na pananakit sa kanang itaas na bahagi ng tiyan (hypochondrium)
  • Pagkahilo
  • Pagsusuka
  • Pagkabalisa

Mga Salik

Maaaring hindi lahat ng tao ay magkaroon ng gallbladder polyps. Ang ilan sa mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:

  • Pagiging lalaki. Napatunayan sa maraming mga pagsusuri na ang mga kalalakihan ang higit na may panganib na magkaroon ng kondisyong ito.
  • Labis na katabaan. Ang pagiging labis na mataba ay kadalasang kaugnay ng pagkakaroon ng maraming kolesterol sa katawan. Alalahanin na ang pagkakaroon ng maraming kolesterol ay isa sa mga pangunahing salik ng pagkakaroon ng gallbladder polyps.
  • Ang pagkakaroon ng metabolic syndrome. Ang kondisyong ito ay binubuo ng iba pang mga sakit na maaaring magdulot din ng pagkakaroon ng mga polyp sa apdo.
  • Pagkakaroon ng hepatitis B. Bagama’t ang atay ang pangunahing naaapektuhan ng hepatitis B, ito rin ay maaaring makaapekto sa apdo. Sa ilang kaso, puwede itong humantong sa pagkakaroon ng mga gallbladder polyp.

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Narito ang ilan sa mga natural na mga hakbang na makatutulong upang maiwasan ang panganib ng pagkakaroon ng gallbladder polyps:

  • Pagkain ng maraming prutas
  • Pagpili sa mga pagkaing mayaman sa omega-3 fatty acid
  • Pagkain ng luya at turmeric
  • Pag-iwas sa mga pagkaing matataba o pinrito
  • Pag-iwas sa mga pagkaing mataas ang antas ng kolesterol at sa mga instant na uri ng pagkain
  • Pag-iwas sa mga produktong galing o gawa sa full-fat na gatas
  • Pag-iwas sa pag-inom ng mga carbonated na mga inumin na kagaya ng mga softdrinks

Subalit, dapat tandaan na ang pagsasagawa sa mga hakbang na ito ay dapat na may patnubay ng manggagamot.

Sanggunian