Buod
Habang tumatanda, unti-unting nababawasan ang kakayanan ng mga mata na makakita nang maigi sa malapitan. Ang kondisyon sa mata na ito ay tinatawag na presbyopia. Dahil ang paglabo ng paningin ay bunga ng katandaan, kilala rin ang presbyopia sa tawag na oldsightedness.
Sa presbyopia, karaniwang nakararanas ng pananakit ng mga mata at ulo, at pagkapagod pagkatapos magsagawa ng mga bagay na kailangang tutok ang mga mata. Mapapansin ding nahihirapan na ang mga mata na makabasa ng mga libro at iba pang mga babasahin na may maliliit na imprinta. Upang makabasa nang maayos, nangangailan pang hawakan ang binabasa nang malayo-layo. Mapapansin din na palaging naniningkit ang mga mata sa tuwing sumusubok na magbasa nang malapitan.
Ang mga sintomas na nabanggit ay halos natutulad sa hyperopia o farsightedness kaya naman maraming tao ang nalilito sa kaibahan ng presbyopia sa hyperopia. Bagama’t halos natutulad ang mga sintomas ng mga kondisyong ito, magkaiba ang kanilang sanhi. Sa hyperopia, ang isang tao ay mayroong hindi normal na hugis ng eyeball kaya naman hindi makakita nang maayos sa malapitan. Sa presbyopia naman, ang mga lens o lente ng mata ay unti-unting rumurupok.
Walang paraan upang mapigilan ang pagrupok ng mga lente ng mata. Nagyayari talaga ito nang kusa habang tumatanda. Subalit, maaaring maibsan ang mga sintomas ng presbyopia sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga salamin o contact lens. Maaari ring sumailalim sa operasyon o pagtitistis ang pasyente kung nais niyang magkaroon ng pangmatagalang solusyon para sa kanyang nanlalabong paningin.
Kasaysayan
Noon pa man, maraming doktor at siyentipiko na ang nagkaroon ng interes na pag-aralan at tuklasin ang iba’t ibang kondisyong nakaaapekto sa mga mata. Isa sa mga kilalang surgeon o maninistis ng India noong 800 BC ay si Sushruta. Sa pagtatamo ng mahabang karanasan bilang maninistis sa mata, si Sushruta ay nakapaglahad ng tinatayang 76 na uri ng mga sakit sa mata. Bukod dito, nakatuklas siya ng iba’t ibang pamamaraan at instrumento na mabisang gamitin sa paglunas ng mga sakit sa mata.
Samantala, ang Griyegong pilosopo na si Aristotle ay nakapagsagawa rin ng mga pag-aaral at paghiwa sa mga mata ng hayop. Ang lahat ng mga nagawa niyang ito ay upang lalong maintindihan ang mga sakit at karamdaman na maaaring makaapekto sa mga mata. Sa tulong ng mga pag-aaral na ito, natuklasan niya na ang mga mata ay may tatlong pangunahing layer at kinabibilangan ito ng outer layer, middle layer, at inner layer. Sa mga layer na ito, nabibilang ang mga lente ng mata sa outer layer.
Ang mga lens o lenteng nasabi ay matatagpuan sa likod ng cornea. Ang gawain ng mga lente ay ang ibahin and direksyon ng ilaw upang ma-focus ito sa retina. May kakayanan din ang mga lente ng mata na baguhin ang hugis nito upang makakita nang maayos sa iba’t ibang layo. Subalit, sa pagtanda ng tao, ang mga lente ay nababawasan ang kakayanan na mag-iba ng hugis at nagreresulta naman ito sa presbyopia.
Bagama’t walang gaanong mga tala tungkol sa presbyopia noong unang panahon, unti-unting nagkaroon ng pag-unlad kung paano nada-diagnose at nalulunasan ito, maging ang iba’t ibang uri ng mga sakit sa mata. Malaking tulong ang pagka-imbento ng mga hand lens at microscope upang mapag-aralan at makita nang mas maayos ang mga bahagi ng mata na may problema.
Noong taong 1805 naman, naibukas din sa madla ang kauna-unahang ospital para sa mga taong may iba’t ibang kondisyon sa mata sa London. Hanggang sa kasalukuyang panahon, nakatirik pa rin ang ospital na ito na kilala naman ngayon sa pangalang Moorfields Eye Hospital.
Mga Sanhi
Iisa lamang ang sanhi ng presbyopia at ito ay bunga ng katandaan. Habang bata-bata pa, ang mga lens o lente ng mata ay napakalambot pa. Kaya, nagagawa nitong magbago ng hugis o kaya naman ay paikliin o pahabain ang istruktura nito. Ito ay dahil may nakapalibot na mga maliliit na kalamnan sa mga lenteng ito na may kakayahang i-angkop ang hugis ng lente batay sa layo ng bagay na tinitingnan.
Subalit, sa pagtanda, ang mga maliliit na kalamnan ng mga lente ay unti-unting tumitigas at rumurupok. Dahil dito, nababawasan ang kakayahan ng tao na makakita nang malinaw sa malapitan. Upang maka-angkop, kinakailangan minsang magdagdag ng ilaw nang sa gayon ay maging mas maliwanag ang kapaligiran. Bukod dito, kailangan ding ilayo nang bahagya ang mga bagay na binabasa upang makita ang mga maliliit na imprinta sa mga libro at iba pang mga uri ng basahin.
Mga Sintomas
Image Source: www.essilor.co.th
Masasabing mayroong presbyopia ang isang tao kapag siya ay nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagkakaroon ng hirap na makakita nang maayos sa malapitan
- Madalas na paglayo ng librong binabasa upang mabasa nang maayos ang mga nakasulat
- Pagkakaroon ng hirap sa pagbabasa ng mga librong may maliliit na imprinta sa malapitan
- Pananakit ng mga mata at ulo pagkatapos magbasa
- Pagdamdam ng pagkapagod pagkatapos magbasa
- Paniningkit ng mga mata sa tuwing sumusubok magbasa nang malapitan
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Ang mga sintomas ng presbyopia ay karaniwang mapapansin pagsapit ng edad na 40 taong gulang pataas. Subalit, maaaring magkaroon ng premature presbyopia o mas maagang pagkakaroon ng presbyopia dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging babae. Ayon sa datos, ang mga kababaihan ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng iba’t ibang uri ng sakit sa mata kaysa sa mga kalalakihan.
- Pagkakaroon ng iba’t ibang karamdaman. Ang pagkakaroon ng iba’t ibang karamdaman ay maaaring magdulot ng mas mabilis na pagrupok ng mga lente. Kabilang dito ang anemia, sakit sa puso, diabetes, multiple sclerosis, myasthenia gravis, at ibang uri ng mga sakit sa mata. Ang mga kondisyong nabanggit ay nakaapekto sa dami ng dugo na natatanggap ng mga mata kaya naman kulang ang natatanggap na nutrisyon at oxygen ng mga ito.
- Pag-inom ng ilang uri ng mga gamot. Ang ilang uri ng mga gamot ay may side effect na maaaring makapagpalabo ng paningin gaya ng mga antianxiety drug, antidepressant, antihistamine, antipsychotic, antispasmodic, at
- Labis na pag-inom ng alak. Ang labis na pag-inom ng alak ay nakaaapekto sa kalusugan ng mga mata. Kung labis-labis ang pag-inom nito, ang mga lente ng mata ay maaaring rumupok.
- Hindi pagkakaroon ng wastong nutrisyon. Kung hindi nakakakain nang wasto, ang katawan, pati na rin ang mga mata nito, ay hindi magiging malusog. Ito ay maaaring magresulta sa mabilis na pagkarupok ng bawat bahagi ng katawan.
Mga Komplikasyon ng Presbyopia
Bagama’t ang presybyopia ay isang kondisyon na natural na nararanasan ng bawat tao sa pagtanda, maaari pa rin itong magkaroon ng komplikasyon. Maaaring magkaroon ng iba pang uri ng sakit sa mata kung ito ay pababayaan lamang. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Astigmatism
- Hyperopia (farsightedness)
- Myopia (nearsightedness)
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
Lahat ng tao ay nagkakaroon ng presbyopia habang tumatanda. Subalit, maaari namang mapabagal ang pagkarupok ng mga lente sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Kumain ng mga pagkaing makabubuti para sa mga mata. Upang mapanatiling malusog ang mga mata, mainam na kumain ng mga pagkaing mayaman sa omega-3, lutein, zinc, at vitamin A, C, at E. Karaniwang makukuha ang mga mineral at bitaminang ito sa madadahon na gulay gaya ng kangkong, talbos ng kamote, at iba pa. Mainam ding kumain ng mga salmon, tuna, itlog, mani, maaasim na prutas, at hindi matatabang karne.
- Magsuot ng shades kung matindi ang sikat ng araw. Nakatutulong ang pagsusuot ng shades upang maprotektahan ang mga mata mula sa matinding sikat ng araw. Maaari ring magsuot ng sombrero upang magkaroon ng lilim ang mga mata.
- Gumamit ng mga protective eyewear. Kung nagtratrabaho sa mga construction site at iba pang mga mapapanganib na uri ng lugar, mainam na gumamit ng mga protective eyewear na gaya ng safety glasses at Nakatutulong ang mga ito upang hindi matalsikan at mapasukan ang mga mata ng kung anu-anong maliliit na mga irritant o mga sangkap na nakapagdudulot ng pagka-irita.
- Ipahinga ang mga mata kapag nagbabasa o gumagamit ng computer. Upang hindi gaanong mapagod ang mga mata, ugaliing magpahinga kapag nagbabasa o gumagamit ng computer. Sa tuwing ika-20 o 30 minuto, lumayo muna sa ginagawa at ipahinga ang mga mata nang kahit 2 o 3 minuto lamang.
- Bawasan ang pag-inom ng alak at itigil ang paninigarilyo. Ang mga bisyong ito ay nakaaapekto sa mga ugat ng mata dahil sa mga nakalalason nitong mga sangkap. Kaya, maaaring pasikipin nito ang mga daluyan ng dugo sa mata at magdulot ng iba’t ibang mga kondisyon.
Sanggunian
- https://www.webmd.com/eye-health/eye-health-presbyopia-eyes
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/presbyopia/symptoms-causes/syc-20363328
- https://www.healthline.com/health/presbyopia
- https://www.aao.org/eye-health/diseases/what-is-presbyopia
- https://www.drugs.com/health-guide/presbyopia.html
- https://www.news-medical.net/health/History-of-Ophthalmology.aspx
- https://en.wikipedia.org/wiki/Lens_%28anatomy%29
- https://www.webmd.com/eye-health/good-eyesight#1