Buod

Ang kanser sa prostate (prostate cancer) ay isang uri ng kanser na umiiral lamang sa mga kalalakihan. Ang kondisyong ito ay ang hindi mapigilan na pagdami ng mga abnormal na mga selula sa loob ng prostate gland, ang bahagi ng katawan na gumagawa ng likido para sa tamod (semen).

Hindi pa matiyak ng mga siyentipiko kung ano ang sanhi ng uri na ito ng kanser, subalit tukoy na ang mga salik sa panganib ng pagkakaroon nito. Kabilang sa mga ito ay ang genetics, katabaan, edad, at lokasyon.

Ang ilan sa mga sintomas ng pagkakaroon nito ay ang hirap sa pag-ihi, pagkakaroon ng dugo sa tamod, at paghina ng pagdaloy ng ihi.

Sa mga unang stages ng sakit na ito, maaari itong lunasan ng pag-aalis ng prostate sa pamamagitan ng operasyon na susundan naman ng radiation therapy. Pero kapag malala na ang kanser, mas agresibo ang paraan ng paglunas dito. Kabilang dito ang pagpasasailalim ng pasyente sa chemotherapy.

Kasaysayan

Noon pa mang taong 1536 ay isinalarawan na ng anatomist na mula sa Venice na si Niccolò Massa ang prostate gland.

Ito naman ay iginuhit ng isang anatomist na taga Flanders na si Andreas Vesalius noong 1538. Subalit, noon lamang

1853 nakilala ang prostate cancer.

Sa simula ay inakalang ang prostate cancer ay isang hindi pangkaraniwang sakit. Ito ay dahli kadalasang napakaikli ng taning sa buhay ng mga mayroon nito. Kaya, hindi natiyak noon ang bilang ng mga kalalakihang apektado ng sakit na ito.

Ang mga unang lunas laban dito ay ang operasyon upang maalis ang bara sa urinary tract. Ang kauna-unahang pag-aalis sa buong prostate gland ay isinagawa naman noong 1904 ni Hugh H. Young sa Johns Hopkins Hospital.

Ang paggamit ng radiation therapy laban sa prostate cancer ay unang isinagawa pagsapit ng unang bahagi ng ika-20 siglo. Ang instraprostatic radium implants ang mga unang ginamit para rito. Paglipas ng panahon ay ipinakilala ang external beam radiotherapy nang lalong lumaganap ang mga pinagkukunan ng X-ray radiation.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang mga pagusuri ukol sa mga mas mabibisa at mas ligtas na paraan sa paglunas sa prostate cancer.

Mga Uri

Ang karamihan sa mga kaso ng prostate cancer ay adenocarcinoma ang uri. Sa katunayan, kapag mayroong prostate cancer ang isang lalaki, malamang na ito ay adenocarcinoma. Ang uri ng kanser na ito ay umuusbong mula sa mga cells ng prostate kung saan ginagawa ng katawan ang mga likido ng tamod (semen).

Ang iba pang mga uri ng prostate cancer ay ang mga sumusunod, bagama’t ang mga ito ay mga bihirang uri ng kanser:

  • Sarcoma
  • Small cell carcinoma
  • Neuroendocrine na mga tumor
  • Transitional cell carcinomas

Mga Sanhi

Ang totoo, hindi pa malinaw kung ano ang sanhi ng prostate cancer. Ang tanging nalalaman ng mga siyentipiko ay dulot ito ng hindi mapigil na pagdami ng mga abnormal na mga cells sa prostate—katulad ng ibang mga uri ng kanser.

Ang mga normal na mga cells ay namamatay, samantalang ang mga abnormal na mga cells na nagdudulot ng kanser ay patuloy na nabubuhay. Sa patuloy na pagdami ng mga ito sa prostate, namumuo ang tumor hanggang sa kumalat ito at magdulot ng pinsala sa kalapit na mga laman.

At sa lalo pang paglala ng prostate cancer ay maaari itong mag-metastasize o kumalat sa iba pang bahagi ng katawan. Sa puntong ito ay tanging mga agresibong pamamaraan na lamang ng paggagamot ang maaaring ilapat sa pasyente.

Sintomas

Sa mga unang stages ng prostate cancer ay maaaring hindi pa mapapansin ang mga sintomas nito. Pero sa pag-usbong ng sakit na ito, ang mga sintomas nito ay malalantad na. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Hirap sa pag-ihi
  • Pananakit ng balakang
  • Pananakit sa pag-ihi
  • Pagkakaroon ng dugo sa tamod
  • Kakulangan ng puwersa sa paglabas ng ihi
  • Pagkakaroon ng dugo sa ihi (hematuria)
  • Kawalan ng ginhawa sa gawing balakang
  • Pananakit ng buto
  • Hindi tinitigasan ng ari (erectile dysfunction)

Mga Salik sa Panganib

Image Source: labblog.uofmhealth.org

Lahat ng mga lalaki ay maaaring magkaroon ng prostate cancer. Subalit, mayroong mga salik na nagpapalaki ng posibilidad ng pagkakaroon nito, kagaya ng mga sumusunod:

  • Edad. Madalang ang prostate cancer sa mga kalalakihang wala pang 45 taong gulang. Subalit, ito ay karaniwan sa mga may 50 taong gulang pataas. Pagsapit ng isang lalaki sa edad na ito ay mainam na kumonsulta kaagad sa manggagamot upang matignan kung mayroon silang panganib na magkaroon nito.
  • Lugar. Ang sakit na ito ay karaniwang umiiral sa Hilagang Amerika, hilagang kanlurang Europa, sa mga isla ng Caribbean, at sa Australia. Hindi pa matiyak kung anu-ano ang mga dahilan nito, bagama’t kasalukuyan itong tinutuklas ng mga eksperto.
  • Genetics. Ang tsana ng pagkakaroon ng prostate cancer ay maaaring namamana. Mayroong mga lahi na tila sadyang mataas ang lebel ng prostate-specific antigen o PSA sa kanilang dugo. Ang PSA ay isang uri ng hormone na maaring magdulot ng paglala ng pagkalat ng mga cancerous na cells sa prostate. Kaya, kung may mga kalalakihan sa mga ninuno na nagkaroon nito, mainam na regular na magpatingin kapag may nararamdamang kakaiba. Para naman sa mga lalaking mayroong identical na kambal na mayroong sakit na ito, sila ay may mataas ding posibilidad na magkaroon nito.
  • Mga uri ng kinakain. Ayon sa mga pag-aaral, iminumungkahi na ang labis na pagkain ng mga mapupulang karne o kaya ng matatabang dairy products ay maaaring magpalaki ng posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na ito. Subalit ito ay nangangailangan pa ng mga karagdagang kumpirmasyon.
  • Mga gamot na iniinom. May mga pagsusuri rin na tila umuugnay sa mga non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAID) sa pagpapalala ng prostate cancer. Subalit, nangangailangan pa ng mga susog na pag-aaral ukol dito.
  • Katabaan. Ang pagiging labis na mataba ay tila mayroong kaugnayan din sa pagkakaroon ng prostate cancer. Subalit, hindi pa rin naipapatuloy ang mga pag-aaral upang makumpirma kung talagang magkakaugnay ang mga ito.

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Maaaring mapababa ang mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng prostate cancer sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:

Kumain ng masusustansiyang pagkain na kagaya ng mga prutas at gulay. Mas mainam ang mga ito kaysa sa mga pagkaing matataas ang taba. Hindi pa matiyak kung makatutulong sa pag-iwas sa prostate cancer ang diyetang mayaman sa gulay at prutas. Pero ang mga ito ay magdudulot ng ikabubuti sa kabuuang kalusugan ng tao.

Piliin ang mga natural na pinanggagalingan ng mga bitamina. Ayon sa mga pag-aaral, limitado ang naitutulong ng artificial supplements laban sa prostate cancer. Kailangan ang mga bitamina, subalit dapat na ang mga ito ay mula sa mga natural na pagkain.

Mag-ehersisyo lagi. Napatunayan na na ang regular at halos araw-araw na pag-eehersisyo ay makatutulong sa pagpapalusog ng katawan. May mga pag-aaral din na nagpapakita ng mga ebidensiya na maaaring makatulong ang ehersisyo laban sa prostate cancer. Subalit dapat malaman na mas malaki ang naidudulot ng halos araw-araw na magaaang pag-eehersisyo kaysa sa madalang na pagsasagawa nito.

Pagpanatili ng malusog na timbang. Malaki ang nagagawa ng malusog na timbang sa pag-iwas sa prostate cancer dahil nakatutulong ito upang mapababa ang lebel ng PSA sa dugo. Sikapin na mapababa ang timbang kung higit ito sa normal sa pamamagitan ng regular na ehersisyo. Kung ito naman ay nasa angkop na na lebel, mainam na panatilihin ito sa pamamagitan pa rin ng regular na ehersisyo at wastong pagkain.

Pagkonsulta sa doktor ukol sa prostate cancer. Ang lalaking may mataas na posibilidad na magkaroon ng sakit na ito dahil sa genetics ay dapat na kumonsulta kaagad sa mga manggagamot. Sa pamamagitan nito ay mabibigyan sila ng kaalaman patungkol sa iyong katawan. Mula dito, maaari silang makapagbigay ng tamang panggamot at mga pamamaraan upang mapababa ang panganib ng pagkakaroon nito.

Sanggunian