Buod
Ang proteinuria, na kilala rin bilang albuminuria, ay isang uri ng kondisyon kung saan mayroong pamumuo ng labis na mga protina sa ihi. Kadalasan, ito ay bunga ng problema sa bato (kidney).
Ang mga bato ay ang mga bahagi ng katawan na sumasala sa mga sangkap na pumapasok sa dito. Inaalis nito ang mga hindi kailangan ng katawan at kalaunan, inilalabas ang mga ito sa pamamagitan ng pag-ihi. Samantala, pinananatili naman ng mga bato ang mga sangkap na kailangan ng katawan, kagaya ng protina.
Mayroon ding mga pagkakataon na ang protina ay lumalabas sa mga bato at sumasama sa ihi bunga ng iba’t ibang uri ng kondisyon. Bagama’t ang pagkakaroon ng mga kondisyong ito ay hindi naman agad na nangangahulugan na may pinsala sa mga bato, maaari pa rin silang maging palatandaan ng pagkakaroon ng pinsala o mas malubhang kondisyon sa mga bato.
Ang ilan sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng protina sa ihi o proteinuria ay ang pagkakaroon ng mabula na ihi, mas madalas na pag-ihi, maging ang pamamaga sa ilang bahagi ng katawan.
May mga uri ng gamot na lumulunas sa mga sintomas ng proteinuria. Ang ilan sa mga gamot na ito ay ang mga ginagamit ding lunas para sa altapresyon at diabetes. Subalit, sa mga banayad na uri ng proteinuria, hindi na kailangan ang gamutan, dahil ito ay kusa na lamang na nawawala pagkaraan ng ilang panahon.
Kasaysayan
Sa panahon pa lamang ni Hippocrates (400 B.C.) ay naobserbahan na ang mga kondisyong may kaugnayan sa mga bato. Ang ilan sa mga natukoy ng dakilang manggagamot ng Gresya ay ang pagkakaroon ng mabulang ihi ng taong mayroong sakit sa bato.
Sa loob ng ilang daang taon ay umusbong ang mga pag-aaral na kaugnay sa mga sakit sa mga bato. At noong mga 1950 ay naimbento ang biopsy para sa mga ito. Sa mga sumunod na mga dekada ng 1960 at 1970, ang proteinuria ay napag-alamang nagdudulot ng pangmatagalang panganib ng pagkakaroon ng paghina ng mga bato.
Pagkaraan ng ilan pang mga dekada, nabuo ang mga makabago at mabibisang paraan sa pagsusuri ukol sa proteinuria. Nagpapatuloy din sa panahon natin ngayon ang mga karagdagang pagsusuri ukol dito at patuloy pa ang paghahanap ng mga mas mabibisang paraan ng panglunas sa sakit na ito.
Mga Uri
Ang proteinuria ay nahahati sa tatlong bahagi. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:
- Transient proteinuria. Ito ay isang uri ng pawala-wala na uri ng Ito rin ang pinaka-karaniwang uri ng sakit na ito. Ang transient proteinuria ay karaniwang dulot ng mga matinding uri ng ehersisyo o ng pagkakaroon ng lagnat. Maaari itong mawala nang hindi na nangangailangan ng paggagamot.
- Orthostatic proteinuria. Ang kondisyong ito ay ang pagkakaroon ng protina sa ihi dulot ng matagal na panahon ng pagtayo. Ito ay karaniwan sa mga nagbibinata o nagdadalaga, at bihira lamang makita sa mga taong may 30 na taong gulang pataas. Ang kondisyong ito ay hindi nangangailangan ng gamutan at karaniwang nawawala sa pagtanda.
- Persistent proteinuria. Ang uri na ito ng proteinuria ay matatagpuan sa mga taong may sakit, kagaya ng mga sakit sa bato, mga sakit na umaapekto sa mga bato (gaya ng diabetes at altapresyon), maging ang mga sakit na nagbubunga ng labis na dami ng ilang uri ng protina sa katawan.
Mga Sanhi
Image Source: thriveglobal.com
Ang mga protina ay karaniwang naiiwan sa mga bato upang magamit ng katawan. Subalit, may mga uri ng sakit o salik na pangkapaligiran na nagdudulot ng paglabas ng protina mula sa mga bato at humahalo sa ihi, kagaya ng mga sumusunod:
- Dehydration
- Pagkaranas ng stress
- Pagkalantad sa labis na ginaw ng paligid o panahon
- Pagkakaroon ng lagnat
- Labis na ehersisyo
Dapat pa ring alalahanin na ang pagkakaroon ng kondisyong ito ay hindi nangangahulugang mayroon nang pinsala ang mga bato.
Ang mga sakit naman na nagdudulot ng pagtaas ng antas ng protina sa ihi at maaaring palatandaan ng pagkakaroon ng pinsala sa mga bato ay ang mga sumusunod:
- Altapresyon
- Amyloidosis, o ang hindi pangkaraniwang pamumuo ng protina sa mga bahagi ng katawan
- Ilang uri ng mga gamot, kagaya ng mga nonsteroidal anti-inflammatory drug
- Pabalik-balik na sakit sa bato
- Diabetes
- Endocarditis, isang uri ng impeksyon sa mga lining ng puso
- Focal segmental glomerulosclerosis (FSGS)
- Glomerulonephritis, na isang uri ng pamamaga sa mga selula ng bato na sumasala sa mga dumi sa dugo
- Hodgkin’s lymphoma
- IgA nephropathy o Berger’s disease, isang uri ng pamamaga ng mga bato na dulot ng pamumuo ng immunoglobulin A na mga antibody
- Impeskyon sa mga bato
- Lupus
- Malaria
- Mga sakit sa puso
- Multiple myeloma
- Nephrotic syndrome, o ang pagkakaroon ng pinsala sa mga salaan ng bato
- Orthostatic proteinuria, o pagtaas ng antas ng protina sa ihi kapag nakatayo
- Pagbubuntis
- Preeclampsia
- Rheumatoid arthritis
- Sarcoidosis, kung saan namumuo ang mga inflammatory cell sa loob ng katawan
- Sickle cell anemia
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Kapag nagsisimula pa lamang ang pagkakaroon ng problema ang mga bato, maaaring wala pang mga kapansin-pansin na palatandaan ang proteinuria. Subalit, kapag malala na ito, maaaring mapansin ang mga sumusunod na mga palatandaan:
- Mas madalas na pag-ihi
- Pagkakaroon ng mabula na ihi
- Kakapusan ng hininga
- Pagkapagod
- Pagkahilo at pagsusuka
- Pamamaga ng mukha, tiyan, paa, o bukong-bukong
- Pagkawala ng ganang kumain
- Pamumulikat ng mga kalamnan, lalo na sa gabi
- Pamamaga ng ilalim ng mga mata, lalo na paggising sa umaga
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.thehealthy.com
Ang ilan sa mga salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng protineuria ay ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng orthostatic proteinuria – isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng protina sa ihi habang nakatayo
- Labis na katabaan
- Katandaan o pagkakaroon ng edad na 65 na taong gulang pataas
- Pagkakaroon sa pamilya ng problema sa mga bato
- Pagkakaroon ng preeclampsia, o altapresyon sa panahon ng pagbubuntis
- Pagiging kabilang sa lahing African-American, Native American, Kastila, o Pacific Islander
Pag-Iwas
Sa ngayon ay wala pang mga paraan na maaaring gawin upang mapigilan ang pagkakaroon ng proteinuria. Subalit, maaari itong makontrol sa pamamagitan ng mga lunas na binanggit sa itaas, o kaya ay sa pamamagitan ng ipapayo ng manggagamot.
Sanggunian
- https://www.kidneyfund.org/kidney-disease/kidney-problems/protein-in-urine.html
- https://www.mayoclinic.org/symptoms/protein-in-urine/basics/causes/sym-20050656
- https://medlineplus.gov/lab-tests/protein-in-urine/
- https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/16428-proteinuria
- https://www.mayoclinic.org/symptoms/protein-in-urine/basics/definition/sym-20050656
- https://www.webmd.com/a-to-z-guides/proteinuria-protein-in-urine
- https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/16428-proteinuria/management-and-treatment
- https://www.uptodate.com/contents/protein-in-the-urine-proteinuria-beyond-the-basics
- http://historyofnephrology.blogspot.com/2013/01/proteinuria-bad-thing-since-400-bc.html
- https://www.britannica.com/science/proteinuria
- https://www.webmd.com/a-to-z-guides/qa/what-are-risk-factors-for-proteinuria
- https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/16428-proteinuria/prevention