Buod

Ang pterygium ay isang uri ng kondisyon na umaapekto sa mga mata. Ito ay ang pagkakaroon ng conjunctiva na bumabalot sa puting bahagi ng mata sa ibabaw ng cornea. Ang katawagan sa sakit na ito ay mula sa salitang Griyego na “pterygos” na ang kahulagan ay “mga pakpak”. Tinatawag din itong “surfer’s eye.”

Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang tiyak na sanhi ng pagkakaroon ng sakit na ito. Subalit, kilala na ang ilan sa mga salik ng pagkakaroon nito, katulad ng pagkakalantad sa matinding sikat ng araw, sa alikabok, maging sa hangin.

Ang ilan sa mga sintomaas ng sakit na ito ay ang pamumula ng mata, pagkairita nito, pangangati, maging ang banayad na panlalabo ng paningin.

Ang mga sintomas ng sakit na ito ay maaaring lunasan sa pamamagitan ng mga ipinapatak na mga gamot o kaya ay mga ointment para sa mata. Maaari ring operahan ang mata para tanggalin ang pterygium sa mga malalalang kaso nito.

Kasaysayan

Hindi matukoy sa mga talaan ng sakit na pterygium kung kailan unang natuklasan ang sakit na ito. Ang tanging nalalaman ukol dito ay karaniwan ito sa mga lugar na matindi ang sikat ng araw at kung saan ay tuyo ang klima at napaka-maalikabok ng paligid.

Nagpapatuloy sa ngayon ang mga pagsusuri ukol sa mga mabibisang paraan ng paglunas at pag-iwas sa sakit na ito.

Mga Uri

May dalawang uri ng pterygium: ang progress pterygium at ang atrophic pterygium. Nasa ibaba ang paglalarawan sa bawat isa.

Ang mga katangian ng progessive pterygium ay ang mga sumusunod:

  • Makapal at malaman
  • Mayroong malalaki at kapansin-pansing mga ugat
  • May takip sa harap ng ulo nito
  • Nagpapatuloy ito sa paglubha papunta sa cornea

Narito naman ang mga katangian ng atrophic pterygium:

  • Manipis at natatakpan ng membrane
  • May kakaunti lamang na mga ugat
  • Walang takip sa harap ng ulo nito
  • Hindi na lumalala makaraan ang unang bahagi ng pagtubo nito

Mga Sanhi

Image Source: airtoday.ph

Hanggang sa ngayon ay hindi pa matukoy ang mga tiyak na sanhi ng pagkakaroon ng pterygium. Subalit, may mga pag-aaral na tila itinuturo ang pagiging lantad sa labis na liwanag ng araw o sa mga ultraviolet ray (UV) nito. Kaya, ito ay karaniwang matatagpuan sa mga taong nakatira sa mga tropikal na lugar at sa mga taong namamalagi sa labas kung saan maaraw o kaya ay mahangin ang paligid.

Bukod sa sinag ng araw, ang pagkakalantad sa mga sumusunod ay nagpapataas din sa panganib ng pagkakaroon ng pterygium:

  • Binhi o mawo ng bulaklak (pollen)
  • Buhangin
  • Hangin
  • Usok

Mga Sintomas

Sa karaniwan ay walang ipinakikitang sintomas ang pterygium. Subalit, kapag nag-umpisa na itong magpakita ng mga palatandaan, ang mga ito ay karaniwang banayad lamang. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Pamumula ng mata
  • Panlalabo ng paningin
  • Pagka-irita ng mga mata
  • Pangangati ng mga mata
  • Pagkakaroon ng mainit na pakiramdam sa mga mata
  • Pagkakaroon ng pakiramdam na parang may bagay na pumasok sa mata

Dahil sa pterygium ay maaaring hindi makapagsuot ang mayroon nito ng contact lens.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: unsplash.com

Napatataas ng mga sumusunod na mga salik ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito:

  • Pagkalantad sa sikat ng araw. Ang sakit na ito ay karaniwang umaapekto sa mga taong nasa equator kung saan napakatindi ng sikat ng araw, lalo na ang mga namamalagi sa labas kung saan sila ay lantad dito.
  • Pamamalagi sa mabuhangin at maalikabok na lugar. Ang matagalang pagkakalantad sa mga tuyo, mabuhangin, at mahangin na lugar ay salik sa ikapagkakaroon ng
  • Edad. Ang panganib sa pagkakaroon ng sakit na ito ay tumataas habang tumatanda ang tao. Sa Australia, tinatayang ang 12 porsyento ng mga tao na ang edad ay 60 na taong gulang pataas ay mayroon nito.
  • Pagsasama-sama ng mga nabanggit na salik. Ang pterygium ay maaaring dulot ng mga pinagsamang salik na binanggit sa itaas.

Anu-ano ang mga posibleng komplikasyon ng sakit na ito?

Mga Komplikasyon ng Pterygium

Ang mga sumusunod ay ang mga komplikasyong maaaring idulot ng sakit na ito:

  • Pagkakaroon muli nito
  • Pagkakaroon ng peklat sa cornea
  • Pagkakaroon ng butas sa cornea
  • Pagkaduling (strabismus)
  • Non-healing epithelial defect
  • Scleral melt

Pag-Iwas

Image Source: unsplash.com

Maaaring iwasan ang pterygium. Ang kinakailangan lamang ay iwasan ang pagkakalantad sa mga salik na pangkapaligiran na maaaring magdulot nito sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga sunglass. Kung maaari, ang isuot na salamin o sunglass ay iyong sadyang ginawa para magbigay proteksyon laban sa sinag ng araw, sa alikabok, at hangin.

Para naman sa mayroong pterygium, makatutulong nang malaki sa pag-iwas sa paglala nito ang pag-iwas sa mga sumusunod:

  • Alikabok
  • Hangin
  • Binhi ng mga bulaklak (pollen)
  • Usok
  • Sinag ng araw

Ang pag-iwas sa mga ito ay makatutulong din sa pagbabalik ng pterygium kung sakali na ito ay gumaling na.

Sanggunian