Buod
Ang pulmonary fibrosis ay isang uri ng malubhang sakit na nakaaapekto sa mga baga. Nagkakaroon nito ang tao kapag ang mga tissue ng mga baga ay napinsala at nagkaroon ng mga pamemeklat. Bunga nito, kumakapal ang mga baga kung kaya’t nahihirapang huminga ang pasyente.
Ang pagkakaroon ng pamemeklat sa mga baga ay dulot ng iba’t ibang mga salik. Subalit, may mga kaso ng sakit na ito na hindi matukoy kung ano ang sanhi.
Kasama sa mga sintomas ng pagkakaroon ng pulmonary fibrosis ay labis na hirap sa paghinga, kapaguran, pag-ubo, at ang hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang ng katawan.
Ang pulmonary fibrosis ay hindi na gumagaling. Bagkus, ito ay lalo pang lumalala sa paglipas ng panahon. Subalit, maaaring lunasan ang mga sintomas nito sa pamamagitan ng mga oxygen therapy, pulmonary rehabilitation, at maging ng lung transplant para sa mga malulubhang kaso.
Kasaysayan
Sa ngayon ay wala pang tiyak na tala ukol sa kasaysayan ng pulmonary fibrosis sa mga sinaunang panahon. Noon lamang ika-19 na siglo unang nadiskubre ang sakit na ito. Noong mga panahong iyon, kumukuha ng maliit na bahagi ng apektadong baga ang mga dalubhasa upang suriin kung ano ang dahilan ng pagkakaroon ng peklat nito. Sa simula ay inakala ng mga dalubhasa na ang sakit na ito ay bahagi lamang ng mas malaking uri ng sakit.
Pagsapit naman ng ika-20 siglo, nagkaroon ng malaking pag-unlad sa pag-aaral ukol sa pulmonary fibrosis. Lalo pang naunawaan ng mga manggagamot ang mga epekto ng sakit na ito sa mga baga. Sa tulong ng mga pananaliksik, nalaman ng mga dalubhasa na ang mga baga ay direktang naapektuhan ng mga usok na nalalanghap. Sa kalaunan ay nagdudulot ito ng pagkakaroon ng peklat sa baga.
Napag-alaman din sa mga panahong iyon na maaaring dulot ng mga namamanang salik ang pulmonary fibrosis, maging ng ilang mga bagay o sangkap na nasa kapaligiran. Naunawaan din ng mga dalubhasa ang kaugnayan ng sakit na ito sa pagkakaroon ng iba pang kondisyon sa puso at mga baga.
Mga Uri
Ang pulmonary fibrosis ay may iba’t ibang uri. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:
- Idiopathic Pulmonary Fibrosis (IPF). Ito ang pinaka-karaniwang uri ng pulmonary fibrosis. Tinawag itong idiopathic sapagkat hindi pa rin tiyak kung ano ang sanhi nito. Taun-taon ay may naitatalang 50,000 na mga bagong kaso ng IPF. Ang karamihan sa mga mayroon nito ay napapansin ang mga sintomas pagsapit ng 50 hanggang 70 taong gulang. Ang uring ito ng pulmonary fibrosis ay mas karaniwan sa mga kalalakihan, subalit dumarami na rin ang bilang ng mga kababaihan na nagkakaroon nito.
- Pulmonary fibrosis bunga ng mga sakit. Ang ilan sa mga kaso ng pulmonary fibrosis ay bunga ng mga autoimmune na sakit, kagaya ng scleroderma at rheumatoid arthritis. Gayundin, ang mga sakit na bunga ng virus at maging ang pangangasim ng sikmura o gastroesophageal reflux disease (GERD), kung saan ang asido mula sa tiyan ay may posibilidad na pumasok sa mga bagay, ay puwede ring maging sanhi ng pulmonary fibrosis.
- Familial pulmonary fibrosis. Ang kondisyong ito ay bihira lamang maitala. Ang pagkakaroon ng pulmonary fibrosis ay itinuturing na familial kung may dalawa o higit pang miyembro ng pamilya na mayroon nito. Pinaniniwalaang mayroong mga gene na maaaring nagdudulot nito, subalit kailangan pa ng karagdagang mga pag-aaral upang mapatunayan ito.
- Pulmonary fibrosis bunga ng mga mapanganib na sangkap. May mga uri ng sangkap o substance sa paligid na mapanganib na kapag nalanghap. Kapag napunta ang mga sangkap na ito sa baga, maaaring maging sanhi ng mga ito ng pulmonary fibrosis. Ang ilan sa mga sangkap na puwedeng makapagdulot ng pulmonary fibrosis ay radiation, usok mula sa sigarilyo at mga sasakyan, at maging mga dumi ng hayop. Puwede ring makapagdulot ng peklat sa baga ang abo, asbestos, at alikabok galing sa uling o coal dust na madalas matagpuan sa mga minahan.
Mga Sanhi
Image Source: kentbirdcontrolservices.co.uk
Ang pulmonary fibrosis ay nagdudulot ng mga peklat sa mga baga, na siya namang nagpapakapal sa mga tissue sa paligid at sa pagitan ng mga sisidlan ng hangin. Dahil dito, nahihirapang makaraan ang oxygen papunta sa mga daluyan ng dugo na siya namang nagdudulot ng kahirapan sa paghinga ng mga pasyente. Ang mga salik at sanhi ng pagkakaroon ng sakit na ito ay ang pangmatagalang pagkakalanghap ng mga sumusunod:
- Alikabok na galing sa silica
- Mga hibla ng asbestos
- Mga alikabok na galing sa mga bakal
- Alikabok na galing sa mga uling
- Mga alikabok ng bigas
- Mga dumi ng ibon at hayop
Maaari ring mapinsala ng radiation therapy ang mga baga at humantong sa pagkakaroon ng pulmonary fibrosis.
Samantala, may mga uri rin ng gamot, tulad ng mga sumusunod, na maaaring puminsala sa mga baga at puwede ring maging sanhi ng pulmonary fibrosis:
- Mga gamot na ginagamit sa chemotherapy
- Mga gamot na ginagamit para sa sakit sa puso
- Ilang uri ng mga antibiotic
- Mga ilang uri ng anti-inflammatory na mga gamot
Mayroon ding mga uri ng sakit na maaaring magdulot ng pulmonary fibrosis, kagaya ng dermatomyositis, polymyositis, mixed connective tissue disease, pulmonya, lupus (systemic lupus erythematosus), rheumatoid arthritis, sarcoidosis, at scleroderma.
Ang ilan pa sa mga salik na maaaring magdulot ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:
- Paninigarilyo
- Mga namamanang salik (genetic factors)
- Impeksyong dulot ng virus
- Pangangasim ng sikmura (ang asido na galing sa tiyan ay maaaring pumasok sa mga daanan ng hangin sa baga)
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Narito ang ilan sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng pulmonary fibrosis:
- Kakapusan ng hininga
- Pagkakaroon ng tuyong ubo
- Labis na kapaguran
- Hindi maipaliwanag na pangangayayat at pagbagsak ng timbang
- Pananakit ng mga kalamnan at mga kasu-kasuan
- Paglapad at pagbilog ng mga dulo ng mga daliri sa mga kamay at mga paa
Dapat tandaan na ang mga sintomas na ito ay magkakaiba sa bawat taong mayroong pulmonary fibrosis. Puwede ring makaapekto ang lubha ng sakit sa mga sintomas. Ang ilan sa mga mayroong pulmonary fibrosis ay maaaring mabilis manghina. Ang iba naman ay magsisimulang magkaroon ng banayad na mga sintomas at unti-unting lumalala sa loob ng ilang buwan hanggang ilang taon.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.futurity.org
Napatataas ng mga sumusunod na salik ang posibilidad ng pagkakaroon ng pulmonary fibrosis:
- Paninigarilyo, kahit na ito ay itinigil na
- Kapaligiran
- Mahabang panahon na pagkakalantad sa mga hibla ng asbestos, silica, maging ng alikabok ng mga bigas
- Pagkakalanghap ng hibla ng balahibo ng mga ibon, maging ng mga dumi ng mga ito at ng iba pang uri ng hayop
- Pabalik-balik na impeksyong bunga ng bacteria at virus
- Herpes virus
Ang pangangasim ng sikmura (acid reflux disease) o gastroesophageal reflux disease (GERD) ay maaari ring magpataas sa panganib ng pagkakaroon ng pulmonary fibrosis, subalit ito ay kailangan pa ng masusing pag-aaral.
Mayroon ding mga namamanang salik na maaaring magpataas sa panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito. Panghuli at tulad ng naunang nabanggit, may mga uri rin ng gamot na maaaring magpataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng pulmonary fibrosis. Kung ikaw ay sumailalim sa chemotherapy o radiation laban sa kanser, umiinom ng gamot para sa sakit sa puso, o nakaranas ng matinding impeksyon, magpakonsulta sa doktor upang malaman ang kondisyon ng iyong mga baga.
Mga Komplikasyon
Image Source: www.freepik.com
Ang ilan sa mga komplikasyon na maaaring idulot ng pulmonary fibrosis ay ang mga sumusunod:
- Altapresyon sa mga baga (pulmonary hypertension)
- Paghina sa kanang bahagi ng puso
- Paghina ng mga baga
- Kanser sa baga
- Mga komplikasyon sa baga, kagaya ng pagkakaroon ng pamumuo ng dugo, impeksyon sa mga baga, maging ang tuluyang pagpalya ng mga ito
Pag-Iwas
Image Source: hongkongliving.com
May mga kaso ng pulmonary fibrosis na hindi maaaring iwasan. Subalit, ang mga salik na pangkapaligiran at uri ng pamumuhay na nagdudulot nito ay maaaring mabago o makontrol. Ang mga sumusunod ay ang ilan sa mga hakbang na maaaring gawin para maiwasan ang pagkakaroon pulmonary fibrosis:
- Pag-iwas sa paninigarilyo
- Pag-iwas sa mga secondhand smoke na mula sa sigarilyo
- Pagsusuot ng mga face mask o kaya ng iba pang uri ng kagamitan na tumutulong sa maayos na paghinga kapag nasa pagawaan na may mga nakalalasong sangkap sa paligid
Kapag nakaranas ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga, pinakamainam na gawin ang agarang pagpapatingin sa doktor upang huwag itong mauwi sa pagkakaroon ng pulmonary fibrosis.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pulmonary-fibrosis/symptoms-causes/syc-20353690
- https://www.pulmonaryfibrosis.org
- https://www.lung.org/lung-health-and-diseases/lung-disease-lookup/pulmonary-fibrosis/introduction/stages-of-pulmonary-fibrosis.html
- https://lunginstitute.com/blog/history-of-pulmonary-fibrosis/
- https://www.lungsandyou.com/facts/ipf-risk-factors
- https://www.healthline.com/health/pulmonary-fibrosis#outlook
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pulmonary-fibrosis/diagnosis-treatment/drc-20353695