Buod

Ang pulmonya (pneumonia) ay isang malubhang sakit sa mga baga na maaaring makaapekto sa kaninuman. Ito ay maaaring banayad o malubha at nakamamatay, lalo na para sa mga matatanda, sanggol, o mga taong may mahinang immune system.

Ang sakit na ito ay isang uri ng impeksyon na nagdudulot ng pamamaga ng mga alveoli sa loob ng baga. Dahil sa sakit na ito ay napupuno ng nana o tubig ang mga alveoli na nagiging sanhi ng hirap sa paghinga.

Kabilang sa mga sintomas ng pulmonya ay ang pag-ubo, pagkakaroon ng lagnat, at panginginig ng katawan.

Maaaring gamutin ang sakit na ito sa pamamagitan ng mga antibiotic at ng iba pang mga makabagong pamamaraan.

Kasaysayan

Image Source: en.wikipedia.org

Ang pinaka-karaniwang pinanggagalingan ng sakit na pulmonya sa buong mundo ay ang bacteria na Streptococcus pneumonia. Nadiskubre ito noong 1881 nina Louis Pasteur, isang Pranses na microbiologist, at ni George Sternberg, isang Amerikanong microbiologist. Magkabukod nila itong natuklasan nang mapansin nila ang isang hugis lancet na mikrobiyo sa laway.

Noon namang mga huling bahagi ng ika-19 na siglo ay binuo ni Christian Gram ang pamamaraan ng cell wall staining gamit ang Streptococcus pneumonia. Kilala ito ngayon bilang Gram staining at naging pamantayan sa mga pagsusuri ukol sa sakit na ito.

Nagkaroon naman ng mga karagdagang pag-aaral ukol sa sakit na ito noong mga unang bahagi ng ika-20 na siglo. Dito natuklasan kung paano umaapekto sa immune system ng tao ang bacteria na ito. Ang cell wall ng Streptococcus pneumonia ay nababakuran ng makapal na polysaccharides. Dahil dito, napag-alamang mahirap patayin ang bacteriang ito sa pamamagitan ng immune system lamang.

Kaya noong mga huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang sa pag-uumpisa ng ika-20 na siglo, ang pulmonya ang naging pinaka-karaninwang sanhi ng pagkamatay na bunga ng impeksyon. Sa mga panahon ding iyon, ang pulmonya ang ikatlo sa pangkalahatang pangunahing dahilan ng pagkamatay.

Noong lalong kumalat ang sakit na ito, agad na nagkaroon ng malalimang pagsaliksik ukol dito upang malaman kung papaano ito lunasan. Noong 1913 ay sinimulan ang antipneumococcal serum therapy. Ang pamamaraang ito ay ginagamit sa pag-uumpisa pa lamang ng pulmonya at nakapagpababa sa posibilidad ng kamatayan bunga ng sakit na ito mula 25% hanggang 7.5%. Subalit, ang pamamaraang ito ay mabagal at mahal.

Noon lamang mga 1930 nagkaroon ng kauna-unahang antibacterial agent, ang sulfapyridine. Lalong dumami ang mga gumamit nito nang ito ay gamitin laban sa bacterial pneumonia ni Winston Churchill noong 1942. Subalit kalaunan, ito ay isinaisang-tabi nang madiskubre ang antibiotic na penicillin noong mga panahon ding iyon.

Naging mabilis ang paglaganap ng paggamit ng antibiobitcs laban sa pulmonya noong ika-20 siglo. Kaya, nagdulot ito ng pagbangon ng penicillin-resistant na uri ng Streptococcus pneumonia na nagbunga naman ng pagkabahala sa kapulungan ng mga manggagamot. Nagbunga rin ito ng pagkakaroon at pagkalat ng iba pang mga mikrobyo na sanhi ng sakit na pulmonya na hindi tinatablan ng mahihinang uri ng antibiotics.

Noong 1977 ay ipinakilala ang isang uri ng bakuna laban sa bacterial pneumonia. Tinawag itong pneumococcal polysaccharide vaccine (PPV). Subalit, ang proteksyong ito ay mabisa laban sa iilang uri lamang ng bacteria na nagdudulot ng pulmonya.

Sa wakas, noong 2000 ay ipinakilala ang ikalawang uri ng proteksyon laban sa pulmonya, ang pneumococcal conjugate vaccine (PCV). Nilalabanan nito ang mas maraming uri ng serotypes, kabilang na ang mga hindi tinatablan ng karaniwang mga antibiotic.

Karamihan ng mga bata sa mga mauunlad na bansa ngayon ay binibigyan ng PCV. Marami na ring mga bansa ang nagsusulong na pataasin ang bilang ng mga bibigyan ng proteksyong ito para mapababa lalo ang pagkamatay bunga ng sakit na ito, lalo na sa mga kabataan.

Mga Uri

Image Source: www.scientificanimations.com

Ang isa sa mga unang hakbang sa paglunas sa pulmonya ay ang pag-alam sa mga uri nito. Ang mga sumusunod ay ang iba’t ibang uri ng pulmonya:

Bacterial pneumonia

Ang pulmonyang ito ay dulot ng iba’t ibang uri ng bacteria. Ang pinakakaraniwan sa mga ito ay ang Streptococcus pneumoniae na malimit tumatama sa mga may mahihinang pangangatawan, kagaya ng mga may sakit, kulang sa tamang nutrisyon, mga matatanda, o mga taong may mahinang immune system. Madaling pasukin ng bacetria ang kanilang mga baga.

Viral pneumonia

Ang kondisyong ito ay dulot ng iba’t ibang uri ng virus. Kabilang dito ang influenza virus na siyang nagdudulot ng ikatlong bahagi ng lahat ng naitalang kaso ng pulmonya. Maaari pa ring magkaroon ang tao ng bacterial na uri ng pulmonya kapag mayroon siyang viral na uri ng sakit na ito.

Mycoplasma pneumonia

Ang pulmonyang ito ay dulot ng bacterium na Mycoplasma pneumoniae. Ang mga sintomas nito ay bahagyang naiiba kaysa sa karaniwang pulmonya at maaaring makaapekto sa lahat ng tao ano man ang edad.

Iba pang uri ng pulmonya

May iba pang mga uri ng pulmonya na hindi karaniwan. Kabilang dito ang uri na dulot ng fungi.

Upang lalo pang maging mabisa ang paglaban sa pulmonya, dapat munang matiyak kung anu-ano ang mga sanhi ng pagkakaroon ng sakit na ito.

Mga Sanhi

Ang pag-alam sa sanhi ng pulmonya ay susi sa mabisang paglunas dito. Ang mga bacteria at virus na nalalanghap ang karaniwang sanhi nito. Ang katawan ng tao ay may natural na panlaban sa mga mikrobyong ito. Subalit, may mga pagkakataon na ang mga ito ay kayang talunin ang immune system.

Bukod sa pag-alam kung anu-ano ang mga mikrobyong sanhi ng pulmonya, kailangan ding malaman kung saan maaaring makuha ang sakit na ito.

  • Pulmonyang dulot ng komunidad – Ito ang pinaka-karaniwang uri ng pulmonya at nakukuha sa mga lugar kung saan ay mayroong pagkalat ng mga mikrobyong nagdudulot nito.
  • Pulmonyang galing sa ospital – Nakukuha ito sa paglanghap ng hangin sa ospital na may mga mikrobyong nagdudulot nito. Maaaring mas malalakas ang uri ng mga mikrobyong ito dahil sa ang mga ito ay may malakas na resistensya laban sa mga antibiotic.
  • Pulmonyang galing sa pasilidad na pangkalusugan – Ang mga halimbawa nito ay ang mga kidney dialysis center at mga klinika. Katulad ng sa mga ospital, ang mga uri ng mikrobyong nagdudulot ng pulmonya sa mga lugar na ito ay maaaring hindi tinatablan ng antibiotics.
  • Pulmonyang dulot ng paglanghap – Ang paglanghap ng pagkain, inumin, maging ng laway o suka na may mikrobyo ng pulumonya ay maaaring magdulot ng sakit na ito.

Sintomas

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Ang pagkakakilanlan sa taong may sakit na pulmonyang dulot ng bacteria ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Pagkukulay asul ng mga labi at kuko
  • Pag-ubo na may kasamang berde, dilaw, o may halong dugo na plema
  • Pagdedeliryo dulot ng mataas na lagnat, lalo na sa mga matatanda
  • Sobrang pagpapawis
  • Pagkawala ng ganang kumain
  • Pagkawala ng lakas o sobrang pagkapagod
  • Mabilis at mababaw na paghinga
  • Mabilis na pagpintig ng pulso
  • Kakapusan ng paghinga
  • Panginginig
  • Matalas na pananakit na mararamdaman sa dibdib, lalo kapag umuubo o humihinga nang malalim

Samantala, ang pulmonyang dulot ng virus naman ay may sintomas na kagaya ng dulot ng bacteria, subalit maaaring silang sundan ng:

  • Pananakit ng ulo
  • Paglubha ng paghingal
  • Pananakit ng mga kalamnan
  • Labis na panghihina
  • Paglala ng pag-ubo

Ang mycoplasma na uri ng pulmonya ay may bahagyang naiibang sintomas. Kabilang din sa mga ito ang malubhang pag-ubo na may kasamang sipon o plema.

Mga Salik sa Panganib

Ang pulmonyang dulot ng bacteria ay maaaring makaapekto sa lahat, bata man o matanda. Subalit, tataas ang antas ng panganib ng pagkakaroon nito dahil sa mga sumusunod:

  • Kung ang edad ng bata ay dalawang (2) taon pababa
  • Kung ang edad ng tao ay 65 na taong gulang pataas
  • Paghina ng immune system
  • Paninigarilyo
  • Labis na pag-inom ng nakalalasing na inumin
  • Naoperahan
  • Pagkakaroon ng karamdaman sa baga
  • Pagkakaroon ng mga viral infection
  • Pagkakaroon ng hika
  • Paggamit ng ventilator sa intensive care unit

Napakalaki ng magagawa ng mga impormasyong nasa itaas tungo sa matagumpay na paglunas sa sakit na ito.

Pag-Iwas

Madaling iwasan ang pulmonya sa pamamagitan ng mga sumusunod na mga pamamaraan:

Pagpapabakuna. Madali nang makakuha ng bakuna laban sa pulmonya at manghingi ng tulong mula sa mga espesyalista ukol sa pagpapabakuna laban dito. At dahil kumakapit ang sakit na ito sa mga may mahihina ang immune system, kailangang maisiguro na ang mga bata at matatanda ay napabakunahan laban sa sakit na ito.

Pagpapalakas ng immune system. Ang malakas na immune system ay mapapanatili sa pamamagitan ng sapat na tulog, pagkain ng tama, maging ng regular na ehersisyo.

Pagsunod sa tuntunin ng tamang kalinisan. Ang pagiging malinis sa pangangatawan at sa kapligiran ay susi rin sa paglaban sa sakit na ito. Ugaliing linisin ang bahay o lugar kung saan naghahanap-buhay. Kung maaari, gumamit ng antibacterial spray sa loob ng bahay. Ugaliin din ang regular na tamang paghuhugas ng mga kamay, maging ang pagdadala at paggamit ng hand sanitizer.

Pag-iwas sa paninigarilyo. Sinisira ng sigarilyo ang kakayahan ng ating katawan na labanan ang impeksyon. Kaya, dapat iwasan ang paninigarilyo upang hindi maging lantad ang baga sa pinsalang dulot ng bacteria o virus.

Sanggunian