Buod
Ang butas ng puwet ay isa sa mga maseselang bahagi ng katawan. Kapag hindi napanatili ang maayos na kalusugan nito, maaari itong malantad sa iba’t ibang uri ng pinsala, kagaya ng pagkakaroon ng punit o sugat (anal fissure).
Kasaysayan
Ang pagkakaroon ng sugat o punit sa butas ng puwet ay maaaring kilala na noon pang unang panahon. Palibhasa, ang mga sanhi at mga salik sa panganib ng pagkakaroon nito ay napaka-karaniwan lamang. Subalit, ang kauna-unahang diumanong banggit sa kondisyong ito sa mga aklat pang-medisina ay natagpuan noong 1689 nang ginamit ang mga salitang “fissure-in-ano.”
Anu-ano naman ang iba’t ibang uri ng mga punit o sugat sa butas ng puwet?
Mga Uri
Iisa lamang ang uri ng sugat o punit sa butas ng puwet. Subalit, iba’t iba ang mga maaaring sanhi nito, kagaya ng mga tatalakayin sa susunod na bahagi.
Mga Sanhi
Image Source: unsplash.com
Ang pagkakaroon ng punit o sugat sa puwet ay maaaring bunga ng ilang kondisyon, kabilang ang mga sumusunod:
- Pagtitibi. Ang pagkakaroon ng malalaki at matitigas na mga dumi bunga ng pagtitibi ay nagdudulot ng mataas na panganib ng pagkakaroon ng sugat sa butas ng puwet.
- Pagtatae. Ang pabalik-balik na pagtatae ay nagdudulot din ng pagkakaroon ng punit sa puwet dahil sa dalas ng paghilab ng mga kalamnan sa bahaging ito ng katawan.
- Pagkikipagtalik sa pamamagitan ng anal na paraan. Sa mga bihirang pagkakataon ay nagdudulot ito ng punit sa butas ng puwet, lalo na kapag isinuot ang ari ng lalaki sa puwet ng katalik nang hindi gumagamit ng pampadulas (lubricant).
- Pagbubuntis at panganganak. Ang mga nagbubuntis ay maaari ring magkasugat sa butas ng puwet, lalo na sa mga huling bahagi ng kanilang pagbubuntis. Lalong mas mataas ang panganib ng pagkakaroon nito kapag sila ay nanganganak na.
- Pagkakaroon ng mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. May mga uri ng sakit na nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik na maaaring magdulot ng pagkakaroon ng sugat sa butas ng puwet. Ang ilan sa mga sakit na ito ay ang sipilis, HIV, HPV, herpes, maging ang klamidya.
- Paghilab ng mga kalamnan. Ang sphincter, o kalamnan na humihigpit sa may butas ng puwet, ay maaaring humilab. Ang madalas na paghilab nito ay maaaring magdulot ng pagkasugat ng butas ng puwet. Nagpapatagal din ito sa paggaling ng sugat na ito.
- Mga iba pang uri ng kondisyon. May mga kondisyong maaaring magdulot ng pagsusugat sa butas ng puwet. Kabilang rito ang Crohn’s disease, ulcertive colitis, maging ang iba pang mga namamagang kondisyon sa malaking bituka.
Anu-ano ang mga pagkakakilanlan ng pagkakaroon ng punit o sugat sa butas ng puwet?
Mga Sintomas
Ang ilan sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng punit sa butas ng puwet ay ang mga sumusunod:
- Pananakit. Makararanas ng pananakit sa apektadong bahagi, lalo na kapag dumudumi. Ang pananakit na ito ay karaniwang inilalarawan bilang matalas at napakahapdi. Ang pananakit na ito ay maaaring nagdudulot din sa iba ng takot sa pagdumi na lalong naglalagay sa kanila sa panganib ng pagkakaroon ng mga karagdagang punit sa bahaging ito.
- Pagkakaroon ng dugo sa dumi. Ang dugo na humahalo sa dumi dahil sa kondisyong ito ay karaniwang sariwa. Dahil dito, ito ang dugong humahalo sa dumi ay kadalasang may matingkad na pulang kulay.
- Pangangati. Kapag nagkaroon ng punit sa butas ng puwet, maaari rin itong mangati. Ang pangangating ito ay maaaring pawala-wala o kaya ay tuloy-tuloy.
- Pagkakaroon ng dysuria. Ang kondisyong ito ay ang pagkakaroon ng hindi komportableng pakiramdam sa tuwing umiihi. Sa ibang pasyente, maaaring maging madalas ang kanilang pag-ihi.
Anu-ano naman ang mga salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng punit o sugat sa butas ng puwet?
Mga Salik sa Panganib
Napatataas ng mga sumusunod na salik ang posibilidad ng pagkakaroon ng kondisyong ito:
- Edad. Maaaring maapektuhan ang sinuman ng kondisyong ito. Subalit, tila mas karaniwan ito sa mga bata at sa mga middle-aged na mga nasa husto nang edad.
- Pagtitibi. Ang labis na pag-ire sa tuwing dumudumi ay nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng punit sa puwet.
- Panganganak. Sa panahon ng panganganak, lalo na pagkatapos nito, ay mas mataas ang panganib na magkaroon ang babae ng punit sa puwet.
- Pakikipagtalik sa pamamagitan ng pagsusuot ng ari ng lalaki sa puwet ng katalik. Ang paraang ito ng pakikipagtalik (anal intercourse) ay maaaring magdulot ng punit sa puwet, lalo na kung ito ay hindi ginamitan ng sapat na dami ng pampadulas.
- Pagkakaroon ng Crohn’s disease. Ang Chron’s disease ay isang uri ng pamamaga sa mga bituka na nagbubukas sa daanan ng dumi sa panganib ng pagkapunit tuwing dumudumi.
Anu-ano naman ang iba’t ibang komplikasyon na maaaring idulot ng pagkakaroon ng kondisyong ito?
Mga Komplikasyon
Dapat tandaan na ang pagkakaroon ng punit sa butas ng puwet ay hindi kaugnay ng malulubhang karamdaman, kagaya ng kanser, bagama’t may mga kanser sa bahaging ito na maaaring magdulot din ng punit sa puwet. Ang ilan sa mga komplikasyon na maaaring ibunga ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
- Pabalik-balik na punit. Maaari itong mangyari kapag hindi gumaling ang punit. Sa kalaunan, magkakaroon ang bahaging ito ng mga peklat na maaaring magdulot din ng pagsusugat.
- Pagkakaroon ng mga fistula sa puwet. Ang mga fistula ay mga hindi pangkaraniwang daluyan na tumutuloy sa iba pang bahagi, kagaya ng daluyang papunta sa mga bituka.
- Pagkakaroon ng stenosis sa puwet. Ang stenosis ay ang pagkipot ng mga daanan sa puwet bunga ng paghilab ng sphincter sa bahaging ito o kaya ay ng pagpiga ng peklat na bunga ng mga sugat.
Anu-ano naman ang iba’t ibang paraan na makatutulong sa pag-iwas sa pagkakaroon ng punit sa butas ng puwet?
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
Ang mga sumusunod na hakbang ay makatutulong sa pag-iwas sa pagkakaroon ng punet sa butas ng puwet:
- Pagpapanatiling malambot ng dumi. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagpili ng mga pagkaing mayaman sa fiber, maging ang pag-inom ng maraming likido, lalo na ng tubig.
- Regular na ehersisyo. Ang madalas at wastong ehersisyo ay nakatutulong sa pagpapababa sa panganib ng pagkakaron ng punit sa butas ng puwet.
- Pag-iwas sa labis na pag-ire. Iwasan ito, maging ang matagal na pag-upo sa inidoro, upang maka-iwas sa pagkakaroon ng punit sa butas ng puwet.
- Huwag pigilan ang sarili sa pagpunta sa palikuran kapag nadudumi. Ang pagpigil sa pagdumi ay nagdudulot ng pagtigas at lalo pang paglaki ng mga dumi sa loob ng tiyan.
- Pag-iwas sa mga pagkaing may tila matalim na mga sangkap. May mga pagkain na kapag hindi gaanong natunaw sa loob ng tiyan ay maaaring makasugat sa daanan ng dumi, kagaya ng mga mani at popcorn.
- Paggamit ng malambot na pamunas. Makatutulong ito sa mga taong may panganib na magkapunit sa butas ng puwet. Para sa kanila, mainam na gumamit ng malambot at basang pamunas sa tuwing dumudumi.
- Pagpapalit ng lampin ng bata. Ang agad at madalas na pagpapalit ng lampin ng bata, lalo kapag ito ay nadumihan na, ay tumutulong upang ma-iwasan ang pagkakaroon ng punit sa kanilang mga puwet.