Sakit sa Puso
Panoorin ang video
Buod
Image Source: www.freepik.com
Isa ang puso sa mga pinakamahalagang organ ng katawan. Ito ang sentro ng cardiovascular o circulatory system at responsable ito sa pagdadala ng dugo, oxygen, at nutrisyon sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Kung hindi dahil sa puso, ang iba’t ibang bahagi ng katawan gaya ng utak, mga kidney o bato, atay, mga baga, at iba pa ay hindi makakahinga, unti-unting manghihina, at masisira rin kalaunan.
Ang puso ay 24-oras na nagtratrabaho. Hindi ito tumitigil sa pagtibok. Isa itong matibay na uri ng kalamnan na nahahati sa kanan at kaliwang bahagi. Kabilang sa kanang bahagi ng puso ay ang right atrium at right ventricle. Ang mga chamber na ito ay responsable sa pagdadala ng dugo sa mga baga. Sa kaliwang bahagi naman, nabibilang ang left atrium at left ventricle. Ang mga ito naman ang nagdadala ng dugo sa mga natitirang bahagi ng katawan.
Bagama’t ang puso ay isang napakatibay na organ, hindi nangangahulugan na hindi ito tinatamaan ng sakit. Kung ang mga bahagi ng puso ay may problema o pagkasira, maaaring magkaroon ng sakit sa puso o heart disease ang isang tao. Bukod sa puso, maaari ring magkaroon ng problema sa ibang bahagi ng cardiovascular o circulatory system gaya ng mga daluyan ng dugo. Sa Pilipinas lamang, isa ang sakit sa puso sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga tao.
Kung may sakit sa puso ang isang tao, maaari siyang makaramdam ng iba’t ibang sintomas gaya ng pananakit ng dibdib, hirap sa paghinga, iregular na pagtibok ng puso, pagkahilo, pananakit ng ulo, pamumutla, pangangasul ng balat, pamamanas ng tiyan, binti, at paa, madaling pagkapagod, at marami pang iba. Depende sa uri ng sakit sa puso, ilan sa mga sintomas na nabanggit ay maaaring hindi maranasan gaya ng pangangasul ng balat at pamamanas.
Ang sinuman ay maaaring magkaroon ng sakit sa puso at wala itong pinipiling kasarian o edad. Kahit ang isang sanggol ay maaaring maapektuhan ng sakit na ito kung siya ay isinilang na may problema sa puso o congenital heart defect. Maaari ring magkasakit sa puso dahil hindi malusog ang pamumuhay ng isang tao. Ang kadalasang sanhi ng sakit sa puso ay ang pagkain ng maaalat at matatabang pagkain, kakulangan sa pag-eehersisyo, labis na timbang, paninigarilyo, labis na pag-inom ng alak, at iba pa. Kung minsan naman, nagkakaroon din ng sakit sa puso dahil komplikasyon na ito ng ibang karamdaman.
Ang pagkakaroon ng sakit sa puso ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng isang tao lalo na kung hindi ito maaagapan. Kung ito naman ay maaagapan, maaari pang makontrol o maibsan ang mga sintomas upang gumaan ang pakiramdam ng pasyente. Ang ibang uri ng sakit sa puso ay maaari pang malunasan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot, samantalang ang iba naman ay nangangailangan na ng operasyon.
Kasaysayan ng sakit sa puso
Sa kasalukuyan, isa ang sakit sa puso sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga tao, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Pero noon pa man, ang sakit na ito ay marami nang binabawian na buhay. Maging ang ilang mga tanyag na hari ng sinaunang Ehipto ay hindi naging ligtas sa sakit na ito.
Gaya na lamang ni Pharaoh Merenptah (1213-04 BC), na kilala bilang magiting na tagapagtanggol ng Ehipto laban sa pananakop ng Libya. Hindi siya namatay sa pakikipagdigma. Namatay siya dahil sa isang uri ng sakit sa puso na tinatawag na atherosclerosis o pagbabara ng artery (isang uri ng daluyan ng dugo).
Ayon sa pag-aaral sa ilang labi ng mga sinaunang taga-Ehipto, madalas maapektuhan ng sakit sa puso ang mga taong nasa mataas na antas ng lipunan sapagkat may kakayanan silang kainin ang anumang naisin nila gaya ng mga baka, pato, at gansa—mga hayop na may laman na maraming taba.
Bukod sa atherosclorosis, nadiskubre rin ang ibang mga sakit sa puso gaya ng coronary artery disease at angina sa iba’t ibang kapanahunan. Ang coronary artery disease o paninikip ng daluyan ng dugo ay unang inimbestigahan ni Leonardo da Vinci (1452-1519). Samantalang ang angina o paninikip ng dibdib ay napag-alaman na hudyat ito ng isang sakit sa puso na tinatawag na ischemic heart disease.
Bukod sa mga iba’t ibang uri ng sakit sa puso, isa pa sa mga pinakamahalagang tala ng kasaysayan ay ang kontribusyon ni William Harvey (1578-1657). Si Harvey ay personal na doktor ng hari ng Inglatera na si Charles I. Sa dinamirami ng nagtangkang alamin kung paano ang tamang paggana ng puso at pagdaloy ng dugo, si Harvey lamang ang tumpak na nakapaglahad nito.
Dahil sa pagkakadiskubre ni Harvey, naging daan ito upang mas maintindihan ang cardiovascular o circulatory system at nagsilbi itong gabay upang makagawa ng mga naaangkop na lunas para sa mga sakit sa puso.
Mga Katangian
Ang iba’t ibang uri ng sakit sa puso o heart disease ay halos natutulad ang mga sintomas sapagkat ang naaapektuhang sistema nito ay ang cardiovascular o circulatory system.
Pero bukod sa cardiovascular system, maaari rin nitong maapektuhan ang iba’t ibang bahagi ng katawan dahil konektado ang mga ito. Sa bawat bahagi ng katawan ay may nakadugtong na ugat na nagdadala ng dugo.
Ilan lamang sa mga karaniwang katangian o sintomas ng sakit sa puso ay ang mga sumusunod:
Image Source: www.medicalnewstoday.com
- Pananakit ng dibdib
- Hirap sa paghinga
- Iregular na pagtibok ng puso
- Pagkahilo
- Pananakit ng ulo
- Pamumutla
- Pangangasul o pangingitim ng balat
- Pamamanas ng tiyan, binti, at paa
- Madaling pagkapagod
Ang ilan sa mga sintomas na nabanggit ay maaaring hindi maranasan ng pasyente gaya ng pangangasul o pangingitim ng balat. Kadalasan, nararanasan lamang ito kapag may butas ang puso ng pasyente. Maaari ring hindi magkaroon ang pasyente ng pamamanas kung ang mga kidney o bato nito ay walang problema o sira.
Iba-iba rin ang puwedeng maranasang pananakit ng dibdib. Maaaring makaramdam ang pasyente na parang tinutusok, dinudurog, dinadaganan, o pinipisil ang kanyang dibdib. Sa iregular na pagtibok ng puso naman, maaaring bumagal o bumilis ang pagtibok ng puso ng pasyente, o kaya naman ay may ibang naririnig na tunog sa kanyang puso kapag pinakinggan ito gamit ang stethoscope.
Mga Sanhi
Ang sakit sa puso ay karaniwang isang lifestyle disease o mga sakit na nakukuha lamang dahil hindi malusog ang paraan ng pamumuhay. Ang mga karaniwang sanhi nito ay:
- Labis na pagkain ng maaalat at matatabang pagkain. Ang labis na pagkain ng maaalat at matatabang pagkain ay nakapagdudulot ng altapresyon. Kapag tumaas ang presyon ng dugo, ang puso ay mapipilitang magtrabaho nang higit pa sa normal na kaya nito. Dahil dito, ang puso ay maaaring mangapal at manigas, o kaya naman ay mabarahan ng taba o namuong dugo ang mga ugat ng puso at daluyan ng dugo.
- Hindi nag-eehersisyo. Kung hindi nag-eehersisyo, ang katawan ay maaaring maging labis ang timbang. Maaari ring maipon ang mga nakaing taba at magbara sa mga ugat ng puso at daluyan ng dugo kapag hindi nag-ehersisyo. Dahil dito, maaaring magresulta ito sa altapresyon at mahirapan ang puso sa pagbomba ng dugo.
- Labis ang timbang. Hindi nakabubuti sa kalusugan ang pagkakaroon ng labis na timbang sapagkat maaaring maging mas lapitin sa mga sakit gaya ng sakit sa puso. Kung labis ang timbang, mas madali ring magkaroon ng altrapresyon at posible itong magresulta sa sakit sa puso.
- Paninigarilyo. Ang mga nakalalasong kemikal sa sigarilyo gaya ng nicotine at carbon monoxide ay maaaring magpalapot at gawing kumpul-kumpol ang dugo. Dahil dito, maaaring mabarahan ang mga ugat ng puso at daluyan ng dugo.
- Labis na pag-inom ng alak. Ang labis na pag-inom ng alak ay nakapagdudulot ng altapresyon. Kung hindi malulunasan ang altapresyon, posible itong lumala at magdulot ng sakit sa puso.
Bukod sa hindi pagkakaroon ng malusog na pamumuhay, maaari ring magkaroon ng sakit sa puso dahil sa mga sumusunod:
- Congenital heart defect. Sa congenital heart defect, ipinanganak ang sanggol na may problema sa iba’t ibang bahagi ng puso. Nangyayari ito kapag hindi sapat ang nutrisyon na kanyang natanggap sa mga unang buwan ng pagbubuntis ng kanyang ina. Dahil dito, ang puso ay hindi nabubuo nang husto, may mga kulang na parte, o kaya naman ay may mga butas.
- Komplikasyon ng ibang karamdaman. Maaari ring magkasakit sa puso kung may ibang karamdaman na hindi nalulunasan nang maayos gaya ng diabetes.
Mga salik sa panganib
Ang sakit sa puso ay nakaaapekto sa kahit sinuman subalit mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito kung nabibilang alinman sa mga sumusunod na grupo:
- Pagiging matanda. Habang tumatanda, ang puso at ang mga daluyan ng dugo ay nagiging mas marupok. Kaya naman, mas madali nang magkaroon ng sakit sa puso kapag may edad na.
- Kasarian. Mas maraming kalalakihan ang nagkakaroon ng sakit sa puso. Sa mga kababaihan naman, tumataas ang kanilang posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso kapag sila ay nasa yugto na ng menopause o pagtigil ng regla.
- Namamana sa pamilya. Kung may kasaysayan ng sakit sa puso ang malalapit na miyembro ng pamilya o angkan, posible itong mamana.
- Altapresyon. Kapag may altapresyon, kadalasang naninikip ang mga ugat ng puso at daluyan ng dugo. Dahil dito, ang puso ay mapapagod sa kabobomba ng dugo maka-angkop lamang sa pagbabagong ito.
- Hindi malusog na pamumuhay. Kung hindi malusog ang pamumuhay, malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso. Ang madalas maapektuhan nito ay ang mga taong may labis na timbang, mahilig kumain ng maaalat at matatabang pagkain, naninigarilyo, labis na umiinom ng alak, at hindi nag-eehersisyo.
Paggamot at Pag-Iwas
Sapagkat ang sakit sa puso o heart disease ay isang mapanganib na kondisyon, maaari naman itong malunasan. Ang mga doktor ay maaaring magreseta ng mga gamot o isailalim ang pasyente sa operasyon upang magawa ito.
Paggamot sa sakit sa puso
Narito ang mga karaniwang gamot na inirereseta para sa mga pasyenteng may sakit sa puso:
- Blood thinner. Upang hindi mamuo ang dugo at maging sanhi ng pagbabara, ang doktor ay nagrereseta ng blood thinner gaya ng aspirin.
- Anti-platelet. Kung hindi angkop ang aspirin sa pasyente, maaaring magreseta ng anti-platelet ang doktor upang hindi mamuo ang dugo. Kabilang dito ang clopidogel, prasugrel, at
- Anti-coagulant. Bukod sa blood thinner at anti-platelet, maaari ring magreseta ang doktor ng anti-coagulant. Parehas lamang ang ginagawa nito sa blood thinner at anti-platelet. Pero kaya nitong tunawin ang namuo nang dugo sa mga ugat ng puso at daluyan ng dugo. Ilan lamang sa mga kilalang anti-coagulant ay ang warfarin at NOAC.
- Blood pressure medicine. Ito ay mga gamot para bumaba ang presyon. Ilan lamang sa mga nireresetang pampababa ng presyon ay ACE inhibitors, angiotensin II receptor blockers, at beta blockers.
- Cholesterol medicine. Upang bumaba naman ang dami ng cholesterol sa katawan, maaaring magreseta ang doktor ng cholesterol medicine gaya ng statin.
- Anti-anginal medicine. Upang mabawasan naman ang pananakit o paninikip ng dibdib, nagrereseta ang doktor ng anti-anginal medicine tulad ng nitrate.
Kung hindi malulunasan ng mga gamot ang sakit sa puso, ang pasyente ay maaring sumailalim sa mga sumusunod na pamamaraan at operasyon:
- Open-heart surgery. Sa operasyong ito, binubuksan ang dibdib ng pasyente upang makita at maayos ang puso. Maaari itong gawin sa kahit anong uri ng sakit sa puso subalit kung may ibang pamamaraan na mas angkop dito, hindi ginagawa ang open-heart surgery.
- Angioplasty. Hindi ito isang uri ng operasyon. Sa angioplasty, nagpapasok ng balloon catheter (maliit na tubong may lobo) ang doktor sa ugat ng singit ng pasyente upang masugsog ang ugat sa puso. Pagkarating ng puso, palolobohin ang catheter upang masiksik sa gilid ang mga sanhi ng pagbabara ng ugat ng puso.
- Coronary artery bypass surgery. Sa operasyong ito, gumagawa ng bagong ugat o daluyan ng dugo ang surgeon upang ma-bypass o malaktawan ang problemadong ugat.
- Valve repair surgery at valve replacement surgery. Kung ang mga valve ng puso ang may problema, maaaring magsagawa ng valve repair surgery o valve replacement surgery. Kapag ang mga ito ay maisasalba pa, kailangan lamang ng valve repair surgery. Kung hindi naman, maaaring magsagawa ng valve replacement surgery upang mapalitan ng bagong valve. Maaaring gumawa ng bagong valve ang mga surgeon mula sa mga hayop gaya ng baka at baboy.
- Pacemaker. Ang pacemaker ay isang uri ng device o maliit na kagamitang ini-implant sa bahaging malapit sa puso o tiyan ng pasyente. Ginagamit ito kapag iregular ang pagtibok ng puso ng pasyente. Kapag natukoy ng pacemaker na masyadong mabilis ang pagtibok ng puso, magpapadala ito ng electric shock upang pabagalin ito.
Pag-iwas sa sakit sa puso
Upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa puso, gawin ang mga sumusunod:
- Kumain ng balanse at masusustansiyang pagkain.
- Mag-ehersisyo araw-araw.
- Panatilihin ang tamang timbang.
- Itigil ang paninigarilyo.
- Bawasan ang pag-inom ng alak.
- Regular na magpatingin sa doktor.
Kung may nararamdamang mga sintomas, agad na magpakonsulta sa doktor. Maaaring magpasuri muna sa mga general practitioner o internist upang matukoy kung ano ang sakit na nararamdaman. Kung ito nga ay sakit sa puso, ang doktor ay irerekomenda ang pasyente sa mga espesyalistang doktor ng puso o cardiologist.
Mga Uri ng Sakit
Iba’t ibang uri ng sakit sa puso ang maaaring makaapekto sa isang tao. Maaaring magkasakit sa puso kung may depekto ang mismong kalamnan nito, mga ugat, o daluyan ng dugo. Narito ang iba’t ibang uri ng sakit sa puso:
Cardiovascular diseases. Ang mga sakit na kabilang sa kategoryang ito ay ang mga sakit na nakaaapekto sa iba’t ibang bahagi ng cardiovascular system gaya ng puso, ugat ng puso, at daluyan ng dugo:
- Angina
- Acute coronary syndrome
- Anomic aphasia
- Aortic aneurysm
- Aortic dissection
- Aortic regurgitation
- Aortic stenosis
- Apoplexy
- Apraxia
- Arrythmia
- Asymmetric septal hypertrophy
- Atherosclerosis
- Atrial flutter
- Atrial septal defect
- Atrioventricular canal defect
- Atrioventricular septal defect
- Avascular necrosis
- Dilated cardiomyopathy (at iba pang mga kaugnay na sakit)
- Hypertrophic cardiomyopathy
- Pagpalya ng puso (heart failure)
Cardiac electrophysiology. Ang cardiac electrophysiology ay may kinalaman sa electrical activity ng puso. Kaya naman sa kategoryang ito, ang mga sakit na kabilang rito ay may kinalaman sa depektibong cardiac electrophysiology:
- Atrioventricular block (AV Block)
- AV nodal reentrant tachycardia
- Accelerated idioventricular rhythm
- Andersen-Tawil syndrome
- Ashman phenomenon
- Atrial fibrillation
- Atrial fibrillation with rapid ventricular response
- Atrial flutter
- Atrial tachycardia
- Bifascicular block
- Brugada syndrome
- Bundle branch block
- Cardiac dysrhythmia
- Catecholaminergic polymorphic ventricular tachycardia
- Ectopic beat
- Ectopic pacemaker
- Heart block
- Inappropriate sinus tachycardia
- Jervell and Lange-Nielsen syndrome
- Junctional escape beat
- Junctional rhythm
- Left bundle branch block
- Left anterior fascicular block
- Left axis deviation
- Lev’s disease
- Long QT syndrome
- Lown-Ganong-Levine syndrome
- Multifocal atrial tachycardia
- Wolff-Parkinson-White syndrome
Congenital heart disease. Ang congenital heart disease ay isang uri ng sakit sa puso na kung saan ang isang sanggol ay ipinanganak na may depektibong puso. Kabilang sa iba’t ibang uri nito ay ang mga sumusunod:
- Aortic coarctation
- Acyanotic heart defect
- Atrial septal defect
- Cor triatriatum
- Dextro-Transposition of the great arteries
- Double aortic arch
- Double inlet left ventricle
- Double outlet right ventricle
- Ebstein’s anomaly
- GUCH
- Tetralogy of Fallot
- Total anomalous pulmonary venous connection
- Hypoplastic left heart syndrome
- Transposition of the great arteries
- Truncus arteriosus
- Tricuspid atresia
- Interrupted aortic arch
- Coarctation of aorta
- Pulmonary atresia
- Pulmonary stenosis
- Ventricular septal defect
- Patent ductus arteriosus
Ischemic heart disease. Sa ischemic heart disease, nagkakaroon ng sakit sa puso dahil ang puso ay hindi na nakatatanggap ng sapat na dami ng oxygen. Ang mga kabilang na sakit sa uri nito ay:
- Angina pectoris
- Acute coronary syndrome
- Atake sa puso (heart attack o acute myocardial infarction)
Valvular heart disease. Sa uri ng sakit sa puso na ito, ang mga naaapektuhang bahagi ay ang mga valve ng puso gaya ng aortic valve, bicuspid valve, pulmonary valve, at tricuspid valve. Ang mga sakit na nabibilang sa kategoryang ito ay ang mga sumusunod:
- Aortic insufficiency
- Mitral stenosis
- Tricuspid valve stenosis
- Pulmonary valve stenosis
- Mitral regurgitation
- Mitral valve prolapse
- Tricuspid regurgitation
- Pulmonary regurgitation
Bagama’t ang sakit sa puso ay isa sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga tao sa buong mundo, maaari namang malunasan ang kondisyong ito. Subalit, upang maging epektibo ang mga lunas na ibinibigay, ang pasyente ay kailangan ng maigting na pakikipag-ugnayan sa mga doktor at sumunod sa kanilang mga payo.
Sanggunian
- https://myhealth.alberta.ca/Health/pages/conditions.aspx?hwid=tx4097abc
- https://pia.gov.ph/news/articles/1018472
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/heart-disease/symptoms-causes/syc-20353118
- https://www.healthline.com/health/heart-disease/history#detecting-heart-disease
- https://www.britannica.com/biography/Merneptah
- https://www.webmd.com/heart-disease/heart-disease-types-causes-symptoms#1
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/237191.php
- https://www.healthline.com/health/heart-disease/causes-risks
- https://www.heartfoundation.org.au/your-heart/living-with-heart-disease/medicines
- https://www.world-heart-federation.org/resources/different-heart-diseases/
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/237191.php
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cardiomyopathy/symptoms-causes/syc-20370709
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/mitral-valve-disease/symptoms-causes/syc-20355107
- https://en.wikipedia.org/wiki/List_of_circulatory_system_conditions