Buod

Ang rabis ay isang malubhang uri ng sakit na kumakalat sa pamamagitan ng kagat o kaya ay kalmot ng hayop na mayroong rabies virus. Sa kasalukuyang panahon, isa itong sakit na mas laganap sa mga bansang paunlad na nasa tropikal na mga lugar.

Maaari ring kumalat ang rabis kapag ang bukas na sugat sa balat ay nadilaan o kaya ay natalsikan ng laway ng apektadong hayop. Kapag nahawahan na ng rabis ang isang tao, may 30 hanggang 60 na araw, kung minsan ay higit sa isang taon, bago lubusang magpakita ang mga sintomas nito.

Ang ilan sa mga sintomas ng rabis ay ang pagkakaroon ng agresibong pag-uugali, pagiging maselan sa liwanag o tunog, pagkakaroon ng takot sa tubig, hirap sa paglunok, pagkabalisa at kalituhan, maging ang pagkaparalisa.

Maaaring agapan ang pagkakaroon ng rabis sa pamamagitan ng anti-rabies na bakuna. Subalit, upang maging matagumpay ang lunas para rito, kinakailangang ibigay ito habang hindi pa nagpapakita ang mga sintomas ng sakit na ito.

Kasaysayan

Noon pa mang taong 2000 B.C. ay kilala na ang sakit na rabis. Ang isa sa mga kauna-unahang tala ukol dito ay matatagpuan sa Mesopotmian Codex of Eshnunna noong mga 1930 B.C. Ayon dito, ang may-ari ng asong may rabis ay dapat na mag-ingat laban sa kagat nito. Dagdag pa rito, isinasaad din sa sulat na ito na pinagbabayad nang malaki ang may-ari ng nasabing aso kapag namatay ang ibang tao na nakagat nito.

Ipinapalagay na ang rabis ay nagmula sa Europa, Aprika, at Asya. Ito ay unang naitala sa Amerika sa Boston noong 1768. Mula doon ay kumalat ito makaraan ang ilang taon sa iba pang estado ng bansang ito, hanggang sa ito ay naging karaniwan sa Hilagang Amerika.

Kinilalang salot ang sakit na ito noong ito ay lumaganap sa Europa noong ika-19 na siglo. Kung anu-anong uri ng “mahika” ang naisip ng mga tao noon sa pag-aakalang ang rabis ay malulunasan sa pamamagitan nito. At dahil sa kawalan ng gamot laban dito, labis itong ikinatakot ng mga tao. May mga pagkakataon pa nga noon na nagpapakamatay ang mga taong may rabis. Ang ilan naman ay pinapapatay na lamang.

Sa mga sinaunang panahon naman ay inaalis ang isang bahagi ng dila ng isang hayop na hinihinala noon na siyang pinagmumulan ng rabis. Subalit, itinigil ito noong matuklasan ang tunay na sanhhi nito.

Noong 1885 naman ay matagumpay na nilikha ni Louis Pasteur ang nerve tissue vaccine laban sa rabis. Dahil dito ay naging mas madalang ang mga kaso ng rabis sa mundo—lalo na sa mga mauunlad na mga bansa. Ngunit sa panahon natin, bagama’t mayroon nang mga bakuna laban sa sakit na ito ay hindi pa rin maalis ang takot ng tao sa rabis. Ito ay lalo na sa mga bansang paunlad pa lamang. Nagpapatuloy pa rin ngayon ang mga pagsusuri ukol sa sakit na ito, partikular na ang iba pang mabibisang paraan upang ito ay tuluyang masugpo.

Mga Uri

Ang rabies virus ay maaaring magdulot ng dalawang uri ng sakit habang patuloy nitong pinipinsala ang nervous system. Ang mga sakit na ito ay ang furious rabies at ang paralytic rabies.

Furious rabies

Ang mga taong apektado ng uri na ito ng rabis ay magiging malikot at maaaring magpakita ng pabagu-bago na pag-uugali. Kabilang sa mga sintomas ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:

  • Hirap sa pagtulog o insomnia
  • Pagiging laging balisa
  • Pagkalito
  • Pagiging magulo
  • Pagkakaroon ng mga hallucination
  • Labis na paglalaway
  • Hirap sa paglunok
  • Pagiging matatakutin sa tubig

Paralytic rabies

Ang uri na ito ng rabis ay mas matagal umusbong sa katawan, subalit mayroon ding malulubhang epekto. Batay sa pagtataya ng mga dalubhasa, ang may 30 na porsyento ng mga may rabis ay may ganitong uri ng sakit na ito. Ang mga taong apektado ng sakit na ito ay hindi makakakilos at magiging comatose, hanggang sa sila ay mamatay.

Mga Sanhi

Ang sakit na rabis ay dulot ng rabies virus na kumakalat sa pamamagitan ng laway ng mga apektadong hayop. Halimbawa, kapag ang isang aso ay may rabis, ang makakagat nito ay maaaring magkaroon nito.

Maaari ring magkaroon ng rabis ang tao kapag siya ay mayroong bukas na sugat sa balat na dinilaan o kaya ay natalsikan ng laway ng hayop na mayroon nito.

Ang ilan sa mga hayop na maaaring magkaroon ng rabies virus ay ang mga sumusunod:

  • Mga aso
  • Mga pusa
  • Mga baka
  • Mga kabayo
  • Mga kambing
  • Mga paniki
  • Mga unggoy
  • Mga soro (fox)
  • Mga beaver
  • Mga coyote
  • Mga raccoon
  • Mga skunk
  • Mga woodchuck
  • Mga daga

Dapat tandaan na may mga uri ng mga inaalagaang hayop, lalo na ang mga maliliit na mga uri nito, kagaya ng mga daga, mga guinea pig, o mga kuneho, na hindi maaaring bakunahan laban sa rabis. Kaya, ang mga ito ay dapat na namamalaging nakasilid sa mga hawla upang malayo sa mga hayop na maaaring may taglay na rabis.

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Ang incubation period, o panahon ng pamumuhay at pagdami, ng rabis sa katawan ng tao ay mula 30 hanggang 60 na mga araw. Subalit, maaari rin itong tumagal nang mahigit sa isang taon. May mga nai-ulat pa nga na 10 taon na incubation period nito sa tao.

Sa mga panahong ito ay maaari nang magpakita ang mga sintomas ng sakit na ito. Ang ilan sa mga paunang sintomas nito ay ang mga sumusunod:

  • Pamamanhid sa bahaging apektado
  • Pangangati sa bahaging nakagat
  • Pagkakaroon ng mala-flu na mga sintomas, kagaya ng pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng mga kalamnan, pagkawala ng ganang kumain, kapaguran, maging ang pagsusuka

Pagkaraan ng ilang araw ay maaaring magkaroon na ng mga sumusunod na mga neurolohikal na mga sintomas:

  • Pagiging iritable at agresibo
  • Labis na paggalaw ng katawan
  • Pagkalito at pagkakaroon ng hindi pangkaraniwang mga iniisip
  • Paghilab ng mga kalamnan at pagkakaroon ng kakaibang postura
  • Pagkakaroon ng kombulsyon
  • Panghihina o pagkaparalisa
  • Pagiging labis na maselan sa liwanag, ingay, at pakiramdam
  • Hirap sa paglunok
  • Paglalaway o kaya ay bumubulang bibig
  • Pagkakaroon ng takot sa tubig

Mga Salik sa Panganib

Napatataas ng mga sumusunod na mga salik ang pagkakaroon ng rabis:

  • Paglalakbay o kaya ay paninirahan sa mga papaunlad pa lamang na mga bansa kung saan ay mayroong pagkalat ng rabis, kabilang ang mga bansa na nasa Aprika at Timog-silangang Asya
  • Pagsasagawa ng mga aktibidad kung saan malalantad ang isang tao sa mga hayop na may rabis, kagaya ng paggalugad sa mga yungib kung saan may naninirahang mga paniking apektado ng sakit na ito
  • Pagkakaroon ng uri ng trabaho kung saan lantad sa virus ng rabis, kagaya ng sa mga laboratoryo
  • Pagkakaroon ng sugat sa leeg o ulo na lalong nagpapabilis sa pag-akyat ng virus ng rabis sa utak

Anu-ano naman ang mga komplikasyon na maaaring idulot ng pagkakaroon ng rabis?

Mga Komplikasyon ng Rabis

Ang mga sumusunod ay ang mga karaniwang komplikasyon ng rabis:

  • Adult respiratory distress syndrome
  • Hypothermia
  • Myocarditis
  • Diabetes insipidus

Pag-Iwas

Image Source: www.ctvnews.ca

Ang isa sa mga mabibisang paraan sa pag-iwas sa rabis ay ang paglayo sa mga hayop na may taglay nito. Maaari ring gawin ang mga sumusunod na hakbang sa wastong pag-iwas sa sakit na ito:

  • Pagpapabakuna sa mga alagang hayop. Sa kabutihang palad ay may mga bakuna na maaaring ibigay sa mga alagang hayop laban sa rabis.
  • Pag-isipan ang pagpapabakuna laban sa rabis kung bibiyahe sa ibang lugar. Gawin ito, lalo na kung may napaulat na pagkalat ng rabis sa lugar na pupuntahan at malayo ito sa mga pagamutan.
  • Pamalagiing ligtas laban sa mga paniki ang tahanan. Tiyakin na natatakpan ang anumang awang sa lahat ng sulok ng bahay upang huwag pasukin ng mga paniki. Maaari ring ipagbigay-alam sa mga kinauukulan kung sakaling may mga paniking namamahay sa paligid ng bahay.
  • Pamalagiin sa isang dako ang mga alagang hayop. Kapag hindi pa napababakunahan ang mga alagang hayop, mainam na ilagay muna sila sa isang dako kung saan malayo sila sa panganib na makagat ng ibang hayop na may rabis.
  • Bantayan ang mga alagang hayop laban sa mga ligaw na hayop. Ang mga maliliit na agalang hayop, kagaya ng mga kuneho at mga albino na daga, ay isilid sa mga hawla upang maging ligtas laban sa mga ligaw na hayop. Ang mga ito ay hindi maaaring bakunahan laban sa rabis.
  • Iulat sa kinauukulan ang mga ligaw na hayop. Anumang uri ng mga ligaw na hayop ay maaaring may dalang rabis. Kaya, ipagbigay-alam agad ang mga ito sa kinauukulan.
  • Huwag lumapit sa mga ligaw na hayop. Ang mga hayop na may rabis ay tila walang takot sa mga tao. Ang iba pa nga ay palakaibigan. Kaya, higit na nakabubuti ang ang hindi paglapit sa mga hindi-kilalang hayop, lalo na kung ang mga ito ay ligaw o walang may-ari.

Sanggunian