Ang lason ng red tide ay nakukuha mula sa pagkain ng mga apektadong tahong, talaba, tulya, halaan, at iba pang laman dagat na nasa kabibe o shell. Ang pagkakalasong ito ay nagdudulot ng panganib sa buhay na maaaring maranasan sa loob lamang ng 12 oras mula sa pagkakakain ng kontaminadong lamang-dagat. Ang pagdami ng organismong nagdudulot ng red tide ay nagaganap sa maraming lugar sa mundo kabilang na ang Pilipinas.
Ano ang sanhi ng pagkakalason ng red tide?
Nagmumula ang lason ng red tide sa maliliit na organismo na naninirahan sa katubigan, na kung tawagin ay dinoflagellates, na siya namang nakakain ng mga shellfish. Kapag nakain ng tao ang apektadong tahong, talaba, tulya at iba pang uri ng shellfish, maaaring maipasa ang lason at magdulot ng mga sintomas sa tao.
Ano ang mga sintomas at senyales ng pagkakalason ng red tide?
Image Source: en.wikipedia.org
Kung sakaling makakain ng tahong na apektado ng red tide at makapasok sa katawan ang lason, maaring dumanas ng ilang mga sintomas na pangunahing nakaaapekto sa nervous system ng katawan. Kabilang sa mga maaaring maramdaman ang sumusunod:
- Pamamanhid sa paligid ng bibig at mukha
- Pagkahilo
- Pakiramdam na pagkaparalisa sa kamay at paa
- Panghihina ng katawan
- Pagbilis ng pulso
- Hirap sa pagsasalita, paghinga at paglunok
- Pananakit ng ulo
- Pagsusuka
- Pagtatae
- Pananakit ng sikmura
Ang mga sintomas na nabanggit ay mabilis mararamadanam na maaaring maranasan sa loob lamang ng 12 oras mula nang makakain ng apektadong lamang-dagat.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Ang pagkakalason ng red tide ay itinuturing na medikal emergency o nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Sa oras na maramdaman ang mga sintomas na nabanggit, agad magtungo sa doktor lalo na kung kakatapos lamang kumain ng laman-dagat.
Ano ang gamot sa lason ng red tide?
Ang paggagamot sa nalason ng red tide ay binubuo ng suporta sa panghihina ng pangangatawan at pagtatanggal ng lason sa katawan.
- Dahil maaaring hirap sa paghinga ang taong nalason ng red tide, maaaring bigyan ng suporta sa paghinga ang pasyente.
- Kinakailangan din ang agarang pagtatanggal sa lason ng red tide sa pamamagitan ng pagpapainom ng sabaw ng buko at pulang asukal.
- Maaari pang bigyan ng ilan pang mga gamot na tutulong para maibsan ang mga sintomas na nararanasan gaya ng pagkahilo, pagsusuka at pananakit ng sikmura.
Paano makaiwas sa lason ng red tide?
Laging maging alisto lalo na kung mayroong babala ng red tide sa isang lugar. Kung sakaling mayroong babala ng red tide, maaaaring gawin ang mga sumusunod:
- Umiwas sa pagkain ng mga tahong, talaba, halaan at iba pang mga shellfish. Umiwas din sa pagkain ng mga maliliit na hipon at maliliit na isda.
- Hugasang mabuti ang mga pagkaing lamang-dagat gaya ng isda, alimango, at pusit. Tanggalin ang lamang loob, at hasang ng mga ito.
- Tanggalin din ang ulo ng mga hipon.