Buod
Ang Reye’s syndrome ay isang uri ng bihirang sakit na maaaring magdulot ng malubhang pagkapinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, lalo na sa atay at utak ng tao. Ang pangalan ng kondisyong ito ay hango kay Dr. Douglas Reye, na isa sa mga unang manggagamot na nakatuklas sa karamdamang ito.
Ang sakit na ito ay tila mas umaapekto sa mga batang may edad na apat hanggang 12 na taong gulang, ngunit ito rin ay maaaring umapekto sa lahat ng tao sa lahat ng edad.
Bagama’t hindi pa matukoy sa ngayon ang tiyak na sanhi ng Reye’s syndrome, ilan sa mga panguhaning salik sa pagkakaroon nito ay ang pagkakaroon ng impeksyong dulot ng virus at ang pag-inom ng aspirin, lalo na sa mga bata.
Ang ilan sa mga sintomas ng sakit na ito ay ang pamamaga ng atay, pagkahilo at pagsusuka, pagkalito, pananamlay, maging ang panghihina ng mga kalamnan.
Walang gamot para sa sakit na ito, subalit maaaring lunasan ang mga sintomas nito sa pamamagitan ng pag-inom ng mga electrolyte at mga diuretic na gamot, pag-inom ng mga cortecosteroid laban sa mga pamamaga, maging ang paggamit ng insulin upang umalalay sa metabolismo ng glucose.
Kasaysayan
Ang naitalang kasaysayan ng Reye’s syndrome ay nagsimula noon lamang ika-20 na siglo. Sa ngayon ay wala pang natutuklasang patunay na ito ay umiral na sa sinaunang panahon.
Ang katawagan sa sakit na Reye’s syndrome ay hango kay Dr. Douglas Reye na isa sa mga unang naglathala sa pag-aaral ukol sa sakit na ito noong 1963 sa babasahing The Lancet. Subalit, noon pa mang 1929 ay may nailathala nang ulat ukol sa isang uri ng sakit na tila ay tumutukoy sa Reye’s syndrome.
Noon ding taong 1964 ay nailathala naman ni Dr. George Johnson at ng kaniyang mga kasama ang ukol sa pagsusuri na kanilang ginawa tungkol sa pagkalat ng influenza B kung saan ay inilarawan ang pagkakaroon ng kondisyong neurolohikal ng 16 na mga bata. Ang apat sa mga ito ay may mga palatandaan na may hawig sa Reye’s syndrome. Tinawag ng ibang mga mananaliksik ang kondisyong ito bilang Reye-Johnson syndrome, subalit naging mas karaniwan ang katawagang Reye’s syndrome.
Noon namang taong 1979 ay isinagawa ni Dr. Karen Starko at ng kaniyang mga kasama ang isang uri ng pag-aaral sa Phoenix, Arizona kung saan natuklasan nila ang isa sa mga kauna-unahang kaugnayan ng paggamit ng aspirin sa Reye’s syndrome. Ang mga sumunod na pag-aaral naman na isinagawa sa Ohio at Michigan ay sinang-ayunan ang kaniyang mga natuklasang. Sa mga pag-aaral na ito, naobserbahan na ang paggamit ng aspirin para sa bulutong (chickenpox) ay maaaring naka-trigger sa pagkakaroon ng Reye syndrome sa ilang mga pasyente roon.
Mula noong 1980 ay ipinaalam ng CDC ng Estados Unidos sa mga manggagamot at sa mga magulang bilang babala ang ukol sa kaugnayan ng paggamit ng mga salicylate sa mga bata na may bulutong sa Reye’s syndrome. Noon namang 1982 at 1986 ay naglakip ang pamahalaan ng Estados Unidos ng mga babala na may kaugnayan sa Reye’s syndrome sa mga gamot na may taglay na aspirin.
Mga Uri
Sa ngayon ay iisa pa lamang ang kilalang uri ng Reye’s syndrome. Bagama’t maaari itong umapekto kaninuman, ang sakit na ito ay tila mas karaniwang nakaaapekto sa mga bata na may edad na 4 hanggang 12 na taong gulang. Ayon din sa kasalukuyang mga kaalaman, halos magkakatulad ang mga nakikitang sintomas sa mga kaso ng sakit nito.
Mga Sanhi
Ang sanhi ng pagkakaroon ng Reye’s syndrome ay hindi pa matukoy. Dagdag pa rito ay wala pang lunas para sa sakit na ito. Ang tanging nalalaman lamang ukol sa sakit na ito ay tila mga bata, maging ang mga nagbibinata at nagdadalaga na pagaling na mula sa viral na uri ng sakit (kagaya ng flu o bulutong) ang karaniwang nagkakaroon nito.
Ang isa pa sa mga may kaugnayan sa pagkakaroon nito sa mga bata ay ang pag-inom ng gamot na aspirin. Dahil dito, ipinapayo na iwasan ang pagpapainom ng gamot na ito sa mga bata na may impeksyong dulot ng virus.
Dahil sa mga pag-aaral, natukoy din na ang pagkakaroon ng Reye’s syndrome sa mga bata ay mas karaniwan sa mga lugar na mayroong malalamig na panahon o kapaligiran.
Ang lahat ng mga salik na ito ay pinag-aaralan pang mabuti sa ngayon upang ganap na matukoy ang dahilan ng pagkakaroon ng Reye’s syndrome.
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Ang mga sintomas ng Reye’s syndrome ay bahagyang magkakaiba sa mga bata at sa mga matatanda. Subalit, ang mga karaniwang sintomas nito sa lahat ng edad ay kagaya ng mga sumusunod:
- Pagbaba ng antas ng blood sugar (hypoglycemia)
- Pagtaas ng antas ng amonia at acidity sa dugo
- Maaaring pagmaga ng atay
- Pamumuo ng mga taba sa atay
- Pamamaga ng utak na nagdudulot ng pagkakaroon ng pangingisay, at pagkahimatay
Ang mga palatandaan ng Reye’s syndrome ay mapapansin pagkaraan ng tatlo hanggang limang araw matapos na ang tao ay magkaroon ng impeksyong dulot ng virus, kagaya ng bulutong o flu. Ang mga panimulang sintomas na ito para sa mga batang may edad dalawang taong gulang pababa ay ang pagtatae at mabilis na paghinga.
Para naman sa mga bata at mga teenager (o mga nagbibinata at nagdadalaga), ang mga paunang palatandaan ng sakit na ito ay ang pagkakaroon ng tuloy-tuloy na pagsusuka at ang hindi pangkaraniwang pagiging antukin.
Sa paglala ng kondisyong ito, maaaring magkaroong ng mas malalalang mga sintomas, kagaya ng mga sumusunod:
- Pagiging iritable at pagkakaroon ng agresibong pag-uugali
- Pagkalito at pagkakaroon ng mga hallucination
- Panghihina at pagkaparalisa ng mga braso at mga hita
- Pangingisay o pagkakaroon ng seizure
- Pagkakaroon ng labis na pananamlay
- Bahagyang pagkawala ng malay
Ang mga sintomas na ito ay nangangailangan ng agarang pagpapatingin sa doktor.
Mga Salik sa Panganib
May ilang uri ng mga salik na kaugnay sa pagkakaroon ng Reye’s syndrome. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:
- Paggamit ng aspirin. Batay sa mga pagsusuri, ang paggamit ng aspirin habang may impeksyong bunga ng virus ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng Reye’s syndrome. Bagama’t nangangailangan pa ito ng mga karagdagang pagsusuri, ipinapayo ng iba’t ibang sangay na pangkalusugan ng pamahalaan ng Estados Unidos na ang mga batang wala pang 19 na taong gulang ay huwag bibigyan ng aspirin kapag may lagnat o sintomas ng impeksyong dulot ng virus. Dahil dito, mainam na magpakonsulta muna sa manggagamot bago painumin ang sinuman na gamot na ito.
- Pagkakaroon ng bulutong. Ang bulutong (chickenpox) ay isang uri ng napaka-nakahahawangsakit na dulot ng Tumatagal ito nang may lima hanggang sampung araw. Ang mga taong pagaling na sa sakit na ito ay may mas mataas na panganib na magkaroon ng Reye’s syndrome, kaya hindi sila dapat bigyan ng aspirin.
- Pagkakaroon ng flu. Ang flu, o influenza, ay isa ring uri ng sakit na dulot ng virus. Ang mga bata o mga nagbibinata at nagdadala na mayroong sakit na ito ay hindi dapat bigyan ng aspirin. Ang mga bata naman na wala pang anim na taong gulang ay lalong hindi dapat na bigyan ng anumang uri ng over-the-counter na mga gamot.
Pag-Iwas
Maaaring iwasan ang Reye’s syndrome at ito ay magagawa sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit ng mga aspirin, lalo na sa mga bata. Dapat din tandaan na ang aspirin ay may ibang katawagan, kagaya ng mga sumusunod:
- Acetylsalicylic acid
- Acetylsalicylate
- Salicylic acid
- Salicylate
Para sa pananakit at lagnat ng bata, maaaring gamitin ang iba at mas ligtas na mga gamot, kagaya ng Tylenol at ibuprofen. Subalit, komunsulta muna sa doktor bago painumin ang bata ng anumang gamot. Dapat ding tandaan na ang labis na paggamit ng Tylenol ay maaaring makasama sa atay.
Sanggunian
- https://www.webmd.com/children/what-is-reye-syndrome#1
- https://en.wikipedia.org/wiki/Reye_syndrome#History
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/317960.php
- https://www.healthline.com/health/reye-syndrome#prevalence-and-risk-factors
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/reyes-syndrome/symptoms-causes/syc-20377255