Buod
Ang rheumatoid arthritis ay hindi basta-basta rayuma lang. Ito ay isang autoimmune disorder na kung saan ang sariling immune system ay inaatake mismo ang mga tissue ng katawan. Ito ay isang abnormalidad sapagkat ang immune system dapat ang nagproprotekta sa katawan sa anumang klaseng sakit pero kabaligtaran ang nangyayari sa kondisyong ito.
Kapag nagkaroon ng sakit na ito, ang pasyente ay makararanas ng pananakit at pamamaga ng mga kasu-kasuan. Bukod sa mga kasu-kasuan, maaari ring manakit ang iba’t ibang bahagi ng katawan gaya ng balat, mata, baga, puso, bato, dila, at iba pa. Dahil sa kung anu-ano ang nararamdaman ng pasyenteng may rheumatoid arthritis, mabilis din silang mapagod. Nagkakaroon din sila madalas ng lagnat at kawalan ng ganang kumain.
Bagama’t ang rheumatoid arthritis ay nakaaapekto sa iba’t ibang bahagi ng katawan, una nitong pinipinsala ang mga maliliit na kasu-kasuan gaya ng mga daliri ng kamay at paa. Kapag ito ay lumala, maaari itong kumalat sa mga balikat, siko, balakang, tuhod, at iba pa. Bukod dito, ang mga buto sa kasu-kasuan ay maaari ring maubos, lumiit, o mawala sa orihinal na hugis ng mga ito.
Hindi pa lubusang malaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng rheumatoid arthritis. Pero pinaniniwalaang ang mga gene at hormone ng katawan ay ang mga pangunahing sanhi nito. Maaari ring makuha ang rheumatoid arthritis kapag nakalanghap ng mga nakalalasong usok na may asbestos at silica.
Upang malunasan ang sakit na ito, ang mga doktor ay maaaring magreseta ng mga gamot o isailalim ang pasyente sa isang operasyon.
Kasaysayan
Noong sinaunang panahon pa lamang, maraming tao na ang naaapektuhan ng rheumatoid arthritis. Batay sa pag-aaral sa mga Egyptian mummy, napag-alaman na may rheumatoid arthritis ang ilan sa mga ito.
Tulad ng nakita sa sinaunang Ehipto, nakitaan din ng mga tala tungkol sa rheumatoid arthritis ang bansang India. Bagama’t wala pang opisyal na pangalan ang rheumatoid arthritis noon, inilahad ito ni Charak Samhita (300-200 BC) bilang isang kondisyong may kasamang pananakit at pamamaga ng mga kasu-kasuan na nakaaapekto sa pagkilos ng isang tao.
Bukod kay Samhita, inilahad din nila Hippocrates at Galen ang sakit na ito. Tinawag ito ni Galen na rheumatismus noong pagitan ng 129 at 216 AD. Sa patuloy na pananaliksik sa sakit na ito, binansagan din itong arthritis deformans at rheumatic gout (na siyang naiiba pa sa sakit na ngayon ay kilala bilang gout). Pero pagsapit ng taong 1858, pinangalanan ni Garrod ang kondisyong ito bilang rheumatoid arthritis.
Upang magamot ang rheumatoid arthritis noong sinaunang panahon, sinasalinan ng dugo ang mga pasyente o kaya naman ay ipinapasipsip ang kanilang gumagamit dugo sa mga linta upang lumabas ang lason nito. Bukod dito, nagsagawa rin ang mga manggagamot ng acupuncture, acupressure, at cupping upang mabawasan ang pananakit ng mga kasu-kasuan. Sinubukan din nilang gumamit ng mga metal gaya ng ginto, bismuth, arsenic, at copper subalit wala itong gaanong magandang resulta.
Subalit, sa tulong nila Hippocrates at Galen, napag-alaman na mabisa ang paggamit ng katas ng dahon at balat ng puno ng willow. Bagama’t hindi nila alam ang kemikal na nasa puno ng willow, nakapagbibigay ito ng ginhawa sa mga pasyenteng may rheumatoid arthritis.
Pagsapit ng taong 1929, natuklasan ni Leroux na salicylic acid pala ang kemikal na nasa puno ng willow kaya naman ito ay mabisang gamot para sa rheumatoid arthritis. Ang salicylic acid ay kilala ngayon bilang mahalagang sangkap sa aspirin. Bukod sa pagpapagaling ng lagnat, ang aspirin ay nakatutulong din upang mabawasan ang pananakit at pamamaga ng mga kasu-kasuan.
Ang pagkakatuklas sa salicylic acid ay siyang naging hudyat upang makagawa pa ng iba’t ibang gamot para sa rheumatoid arthritis. Kabilang na rito ang quinine, chloroquine, cortisone, at marami pang iba.
Mga Uri
Ang rheumatoid arthritis ay may dalawang uri. Kabilang na rito ang mga sumusunod:
- Seropositive rheumatoid arthritis. Ang mga pasyenteng may seropositive rheumatoid arthritis ay kakikitaan ng anti-citrullinated protein antibodies (ACPA) sa kanilang blood test. Ang ACPA ay mga antibody na umaatake sa katawan kaya naman nagkakaroon ng pananakit at pamamaga sa mga kasu-kasuan. Ayon sa datos, ang seropositive rheumatoid arthritis ang pinakalaganap na uri sapagkat 60-80% ng mga pasyenteng may rheumatoid arthritis ay nabibilang sa kategoryang ito.
- Seronegative rheumatoid arthritis. Sa seronegative rheumatoid arthritis naman, ang pasyente ay hindi nakitaan ng ACPA sa kanyang blood test. Subalit, kung ang pasyente ay nakikitaan ng mga sintomas ng rheumatoid arthritis, siya ay isasailalim sa X-ray. Sa pamamaraang ito, makikita na may pagbabago ang mga cartilage at buto ng pasyente. Kumpara sa seropositive na uri, ang seronegative rheumatoid arthritis ay hindi ganoon kalala.
Mga Sanhi
Nagkakaroon ng rheumatoid arthritis kapag ang immune system ay inatake ang synovial membrane ng mga kasu-kasuan. Ang synovial membrane ay “lining” ng mga kasu-kasuan at nagsisilbi itong proteksyon upang hindi magbungguan o magkiskisan ang mga buto. Subalit, kapag inatake ito ng immune system, magdudulot ito sa pasyente ng pananakit at pamamaga sa apektadong bahagi ng katawan. Kalaunan, kapag ang synovial membrane ay tuluyang numipis, ang mga buto sa kasu-kasuan ay posibleng magkadurug-durog, mawala sa orihinal na hugis, at mawala sa pagkakalinya nito.
Bagama’t hindi pa lubusang malaman kung ano ang sanhi ng rheumatoid arthritis, pinaniniwalaan na ang mga gene at hormone ng katawan ay nakapagti-trigger sa immune system na siya namang nagdudulot ng problema.
Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Gaya ng iba’t ibang uri ng arthritis, ang pinaka-sintomas ng rheumatoid arthritis ay ang pagkakaroon ng masakit at namamagang kasu-kasuan. Subalit, dahil ito ay isang autoimmune disorder, mas marami pang mga sintomas ang idinudulot nito gaya ng mga sumusunod:
- Pananakit at pamamaga ng mga kasu-kasuan. Sa kondisyon na rheumatoid arthritis, nakararamdam ang pasyente ng pananakit at pamamaga sa kanyang mga kasu-kasuan. Kadalasan, nauunang manakit ang mga maliliit na kasu-kasuan ng katawan gaya ng mga daliri sa kamay at paa.
- Pananakit ng ibang bahagi ng katawan. Hindi lamang mga kasu-kasuan ang maaaring maapektuhan ng rheumatoid arthritis. Ayon sa pag-aaral, maraming pasyente rin ang nakararanas ng pananakit sa balat, mata, baga, puso, bato, dila, at iba pa.
- Ang mga autoimmune disease gaya ng rheumatoid arthritis ay kadalasang nagdudulot ng lagnat. Dahil ang mga tissue ng katawan ay namamaga, ito ay nangangahulugan na may impeksyon ang katawan.
- Walang gana kumain. Dahil sa masakit na mga kasu-kasuan, ang simpleng paghawak ng kutsara at pagsubo ng pagkain ay nagdudulot ng matinding hirap at pananakit sa pasyente. Dahil dito, nawawalan ng ganang kumain ang pasyente at maaari itong magdulot ng pamamayat.
- Mabilis na pagkapagod. Mabilis ding mapagod ang pasyenteng may rheumatoid arthritis dahil na rin sa kakulangan ng nutrisyon sa katawan. Dahil wala silang ganang kumain, ang kanilang katawan ay hindi nagkakaroon ng sapat na lakas.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Bagama’t naaapektuhan ng rheumatoid arthritis ang kahit na sinuman, napatataas ng mga sumusunod na salik ang sakit na ito:
- Kasarian. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga kababaihan ang madalas na magkaroon ng rheumatoid arthritis kaysa sa mga kalalakihan. Ito ay dahil sa ang mga kababaihan ang madalas na makaranas ng mga pagbabago sa kanilang mga hormone lalo na kung sila ay nanganak na.
- Edad. Kung ang edad ay nasa pagitan ng 30 at 50-anyos, maaaring magkaroon na ng rheumatoid arthritis. Subalit, kung ikaw ay isang babae, maaaring mas maaga kang magkaroon nito.
- Kasaysayan ng rheumatoid arthritis sa pamilya. Dahil pinaniniwalaan na ang gene ay isa sa mga sanhi ng kondisyon na ito, maaaring magkaroon ng rheumatoid arthritis lalo na kung may kasaysayan ang inyong pamilya o angkan.
- Paninigarilyo. Ayon sa pag-aaral, ang mga taong naninigarilyo nang mahigit 20 taon ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng rheumatoid arthritis. Dahil sa mga sangkap na matatagpuan sa sigarilyo, ang katawan ay hindi madaling makarerecover dahil pinapawalang-bisa nito ang mga gamot para sa sakit na ito.
- Asbestos at silica. Ang asbestos at silica ay kadalasang ginagamit sa konstruksyon ng mga istruktura gaya ng mga bahay at gusali. Subalit, ang mga ito ay kilala ring bilang carcinogen o mga nagdudulot ng kanser. Dahil dito, maaaring ma-trigger ang immune system na atakihin ang malulusog na tissue ng katawan at magdulot ito ng rheumatoid arthritis.
- Obesity o labis na katabaan. Maaari ring magkaroon agad ng rheumatoid arthritis ang mga taong obese sapagkat ang labis na timbang ay nagdudulot ng dagdag na bigat sa mga kasu-kasuan. Dahil dito, ang synovial membrane ay maaaring maging mas manipis at kapag inatake ito ng immune system, mas mabilis na itong masisira.
Pag-Iwas
Ayon sa mga doktor, hindi malalaman kung kailan magkakaroon ng problema ang immune system ng katawan. Upang makaiwas sa sakit na rheumatoid arthritis, mas mainam na gawin ang mga sumusunod:
- Huwag manigarilyo. Ayon sa mga pag-aaral, mas maraming mga tao ang nagkakaroon ng rheumatoid arthritis kapag sila ay naninigarilyo. Kung naninigarilyo na, itigil ito. Maaaring humingi ng tulong at payo sa doktor lalo na kung ikaw ay malakas manigarilyo.
- Magbawas ng timbang. Kung labis ang timbang, magsimula nang magpapayat. Maglaan ng kahit 30 minuto ng pag-eehersisyo araw-araw upang matunaw ang mga sobrang taba sa katawan. Tandaan, ang labis na katabaan ay nagdadagdag ng bigat sa mga kasu-kasuan gaya ng balakang at tuhod at maaari nitong mapinsala ang synovial membrane.
- Ugaliing magtakip ng ilong nang hindi makalanghap ng polusyon sa hangin. Kung ikaw ay nasa construction site, minahan, o mga kaparehang lugar, ugaliin na magtakip ng ilong upang hindi makalanghap ng anumang polusyon sa hangin gaya ng asbestos at silica. Ang mga ito kasi ay maaaring ma-trigger ang immune system na atakihin ang malulusog na tissue ng katawan.
Kung ma-diagnose ng rheumatoid arthritis, maaari namang mamuhay nang maayos kahit mayroon nito. Ang mga sintomas ay maaaring maibsan sa pamamagitan ng regular na pag-inom ng gamot. Subalit, kung ang kondisyon ay malala na, mas mahihirapan ang katawan na makakilos. Upang hindi na umabot pa sa malalang kalagayan, magpatingin agad sa doktor kung may nararamdamang mga sintomas.