Gamot at Lunas  

Kung tutuusin, ang pananakit ng ulo ay isa lamang karaniwang kondisyon na maaaring maranasan ng sinuman. Kadalasan, hindi naman ito seryoso at maaaring gumaling na lamang ito nang kusa paglipas ng kaunting panahon. Gayunpaman, ang pananakit ng ulo ay nananatiling hadlang sa pagiging produktibo ng isang tao kung kaya kinakailangang mabigyan pa rin ito ng pansin lalo na kung nasa kalagitnaan ng trabaho.

May ilang mga paraan upang madaling malunasan ang pananakit ng ulo nang hindi na kakailanganin pang uminom ng mga gamot na mabibili sa botika, at ito ay ang mga sumusunod:

Image Source: https://unsplash.com

  • Paglalagay ng yelo sa ulo. Isa sa mga pinaka-karaniwang paraan ng pagtanggal ng pananakit ng ulo ay ang paglalagay ng yelo sa bahaging nananakit. Maaari itong ilagay sa bahagi ng sentido, sa noo, o kaya naman ay sa batok. Kumuha lang ng ice pack at lamnan ito ng yelo. Kung wala ice pack, puwede rin namang ilagay ang yelo sa plastik, ngunit pagkatapos ay balutan ito ng bimpo o tuwalya upang hindi direktang nakadikit ang yelo sa balat. Ang pamamaraang ito ay makatutulong sa pagbawas ng pagdaloy ng dugo sa apektadong bahagi, na nagreresulta sa paghupa ng pamamaga ng mga ugat na nagdudulot ng pananakit ng ulo. Bukod dito, binabawasan nito ang paninigas ng mga kalamnan ng ulo kaya naman ito ay nagbibigay ng ginhawa sa pasyente.
  • Paglalagay ng heating pad sa ulo. Bukod sa paglalagay ng yelo, maaari ring namang maglagay ng heating pad sa ulo. Ito ay mabisa para sa tension headache. Ito ay isang uri ng pananakit ng ulo kung saan ang pasyente ay tila nakararanas ng pakiramdam na tila pinipiga ang kanyang bungo. Upang maibsan ang pananakit, ilagay lamang ang heating pad sa leeg o bandang likuran ng ulo. Maaari ring gamitin ang heating pad para sa mga taong nakararanas ng sinus headache. Ito naman ay isang uri ng pananakit ng ulo na dulot ng sinusitis. Maaaring ilagay ang heating pad sa sentido o kaya naman ay sa bandang ilong upang lumuwag ang naipong sipon.
  • Pagpapahid ng menthol ointment sa ulo. Ang pagpapahid ng menthol ointment sa sumasakit na ulo ay kapareho rin ng paglalagay ng yelo. Ito’y sapagkat ang menthol ay may epektong nakapagpapalamig ng pakiramdam na sumusuot sa balat para maibsan ang pananakit na nararanasan. Maaaring ipahid ang ointment sa sentido at noo, o kaya naman ay amuy-amoyin lamang ang menthol.
  • Pag-inom ng salabat. Ang salabat, o tsaa na mula sa pinaglagaan ng luya, ay mabisa ring panlunas sa pananakit ng ulo. Mayroon kasi itong mga natural na langis na nagtataglay ng mga gingerol at Ang mga ito ay mga kemikal o sangkap na nakatutulong sa pagpapahupa ng pamamaga ng mga ugat o kalamnan. Dahil dito, ang pananakit ng ulo ay maaaring mawala. Upang gamitin ang luya bilang lunas sa sakit ng ulo, maglaga lamang ng 1 tasa ng tinadtad na luya sa 4 na baso ng tubig sa isang maliit na kaldero. Pagkatapos, pakuluan ito ng 5 hanggang 10 minuto. Hayaang nakababad ang mga luya sa pinaglagaan upang maging mas mabisa ito. Uminom ng 1 tasa ng salabat tuwing pagkatapos kumain. Kung hindi kaya ang maanghang na lasa nito, maaari naman itong haluan ng honey (pulot) o pigaan ng kaunting kalamansi.
  • Pag-inom ng mga inuming may caffeine. Lingid sa kaalaman ng iba, ang mga inumin na may caffeine ay may mabuti ring naidudulot sa katawan kung sapat lamang ang pag-inom nito. Ang caffeine na makukuha sa mga inuming gaya ng kape at iba’t ibang uri ng mga tsaa ay isa sa mga pangunahing sangkap ng maraming uri ng gamot kontra sa sakit ng ulo. Bukod dito, may mga pag-aaral din na nagpapatunay na mabisa ang caffeine bilang pangontra sa migraine. Kung nais mawala ang pananakit ng ulo, maaaring uminom ng 1 tasa ng kape o tsaa.
  • Pag-idlip. Ang pananakit ng ulo na dulot ng matinding stress ay maaaring malunasan sa pamamagitan ng sandaling pag-idlip o pagpapahinga. Minsan kasi, kinakailangan lamang mawala ang tensyon na nararansan buhat ng sobrang stress at pagod upang mawala ang sakit ng ulo. Ganunpaman, kahit hindi stress ang sanhi ng pananakit ng ulo, malaki pa rin ang maitutulong ng pagtulog. Ayon sa mga pag-aaral, ang pagtulog ay isang uri ng natural na analgesic o pain reliever. Kapag nakulangan ng tulog ang isang tao, nababawasan ang kakayanan ng utak na rumesponde sa sakit na nararamdaman. Dahil dito, mas nagiging sensitibo ang anumang bahagi ng katawan sa mga sakit. Subalit kapag ang isang tao ay nakatulog nang sapat, mas magiging maayos ang pangangasiwa ng utak sa mga natural na pain killer ng katawan.
  • Pagbabawas ng pagkalantad sa liwanag ng ilaw o sinag ng araw. Kung minsan, ang pananakit ng ulo ay dulot ng matindi o kumikislap na liwanag. Kung lalabas ng bahay, ugaliing magsuot ng shades upang hindi direktang masinagan ang mga mata ng araw. Kapag nanakit kasi ang mga mata, ang sunod na rito ay ang pananakit ng ulo. Kung palagi namang nakaharap sa computer, gumamit ng anti-glare eyeglasses o lagyan ang computer ng anti-glare screen. Kung matutulog naman, siguraduhin na sarado ang mga kurtina at patayin ang ilaw.
  • Mabilis na pagbuhos o pagligo. Ang mabilis na pagbubuhos o pagligo gamit ang maligamgam na tubig ay mabisa ring panglunas sa pananakit ng ulo. Ayon sa mga pag-aaral, ang pagligo gamit ang maligamgam na tubig ay may kakayahang mapigilan na makarating ang mga pain signal sa utak. Dahil dito, nagiging mas maayos din ang pagdaloy ng dugo na nakatutulong sa pagre-relax ng mga naninigas at nananakit na bahagi ng ulo.
  • Pagtatapal ng mga halamang gamot. Sa kulturang Pilipino, maraming uri ng halamang gamot ang ginagamit para maibsan ang pananakit ng ulo. Kadalasan, ang mga dahon o ugat ay pinipitpit at pinantatapal sa noo. Minsan pa, ang mga ito ay pinapadaanan sa apoy bago ipantapal. Ang ilan sa mga halamang gamot na madalas gamiting panlunas sa sakit ng ulo ay ang mga sumusunod:
  • Pagtanggal ng mga ipit o headband. Kung minsan, nagkakaroon ng masakit na ulo ang isang tao dahil sa sobrang higpit ng kanyang mga ipit o headband. Ang mga ito ay nagdudulot ng tinatawag na external compression headache. Kung madalas na nag-iipit nang mahigpit, maaaring hindi agad mawala ang sakit ng ulo kahit niluwagan na ito. Ganunpaman, iminumungkahi na ilugay muna ang buhok ng ilang mga araw hanggang sa mawala ang pananakit ng ulo.
  • Pagsasagawa ng mga nakare-relax na ehersisyo. Maaari ring makatanggal ng sakit ng ulo ang mga ehersisyong nakaka-relax, gaya ng yoga, meditasyon, at progressive muscle relaxation. Sa pagsasagawa ng mga ehersisyong ito, maaaring mabawasan ang paninigas ng mga kalamnan ng leeg at ulo. Maaaring kumonsulta sa isang physical therapist upang malaman kung paano isagawa ang mga ito, o kaya naman ay manood ng mga tutorial sa
  • Pagmamasahe ng ulo. Isa rin sa mga pangkaraniwang lunas para sa sakit ng ulo ay ang pagmamasahe nito. Maaari itong masahihin gamit ang mga essential oil o vapor rub ointment. Ang mga essential oil ay mayroong warming effect, samantalang ang mga vapor rub ointment naman ay may cooling effect. Batay sa kung saan mas hiyang ang gagamit, alinman sa mga langis o pamahid na ito ay maaaring piliin.
  • Pag-inom ng mga pain reliever. Maaari ring uminom ng mga pain reliever upang mawala ang pananakit ng ulo. Karamihan ng mga gamot para sa kondisyong ito ay mabibili nang over-the-counter (OTC) lamang o walang reseta. Halimbawa ng mga gamot para sa sakit ng ulo ay paracetamol, acetaminophen, ibuprofen, aspirin, at iba pa.

Bagama’t maraming gamot sa sakit ng ulo ang nabibili sa botika, iminumungkahi ng mga doktor na subukan muna ang mga natural na lunas. Maaari kasing maging dependent ang katawan sa mga pain reliever na gamot kapag naging madalas at matagal ang paggamit nito. Ibig sabihin, ang dating 1 tableta lamang na iniinom ay maaaring maging hindi na mabisa at magresulta sa pag-inom ng mas maraming mga tableta upang maramdaman ang bisa nito. Maaari itong makasama sa kalusugan at magkaroon ang katawan ng sakit sa atay, at iba pa.

Sanggunian