Buod

Ang sakit sa bato (kidney stones) ay isang uri ng kondisyon kung saan namumuo ang mga hindi nalusaw na mga mineral sa loob ng mga bato o kidney. Ang proseso ng pamumuo ng mga bato ay tinatawag na urolithisasis o kaya ay nephrolithiasis. Ang terminong nephrolithiasis ay hango sa Griyego na nephros (kidney) at lithos (bato). Ang salitang ugat naman ng urolithiasis ay hango sa Pranses na “urine” at sa Latin na “urina.” 

Ang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa bato ay ang kakulangan ng tubig sa katawan. Kapag walang sapat na tubig sa katawan, hindi maayos na nalulusaw ang mga mineral na nasa kidney. Ang resulta ay ang pamumuo ng mga bato.

Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng sakit sa bato ay ang labis na pananakit sa tagiliran at ibabang bahagi ng likuran at puson, masakit na pag-ihi, at malabong ihi na minsan ay may kasamang pagdurugo.

Nilulunasan ang sakit sa bato sa pamamagitan ng shockwave therapy, mga painkillers, at mga gamot na pampalusaw ng mga bato sa kidney.Kasaysayan

Kasaysayan

Libu-libong taon na ang pag-iral ng sakit sa bato. Naitala na ito sa mga medikal na talaan noon pa man, at ang unang naitalang operasyon na ginawa upang tanggalin ang mga bato sa kidney ay ang lithotomy.

Noong 1901 ay mayroong natagpuang bato sa balakang ng isang mummy mula sa Ehipto na mula pa sa 4800 B.C. Naitala na rin sa India, Tsina, Persia, Gresya, at Mesopotamia ang mga ukol sa mga sakit na calculous. Naging bahagi naman ng Hippocratic Oath ang ukol sa lithotomy. Maging sa panahon ng mga Romano ay naitala rin ang ukol sa paraang ito ng pag-aalis ng bato sa mga kidney.

Noon namang 1520 ay nagsimulang magkaroon ng mga makabagong paraan ng lithotomy, subalit namalaging mapanganib ang ilan sa mga ito. Noon namang 1878 ay ipinakilala ni Henry Jacob Bigelow ang ang isang uri ng paraan na kung tawagin ay litholapaxy. Mula noon ay nabawasan ang mga kaso ng pagkamatay sa mga operasyon sa pagtanggal ng bato sa mga kidney.

Sa paglipas ng panahon, namalaging mapanganib ang iba’t-ibang mga paraan ng pagtanggal ng mga bato sa kidney. Subalit, noong 1980 ay nabago ang lahat nang ipakilala ng Dormier MedTech ang extracorporeal shockwave lithotripsy para sa pagdurog ng mga bato gamit ang acoustical pulses. Dahil dito ay hindi lang lalong naging mabisa ang paglunas sa sakit sa bato. Naging ligtas din ang paglunas dito.

Mga Uri

Ang mga bato na namumuo sa kidneys ay buhat sa iba’t-ibang sangkap, kagaya ng mga sumusunod:

Calcium

Ang pagkakaroon ng bato na gawa sa calcium ay ang pinakakaraniwag uri ng sakit sa bato. Ang mga ito ay malimit na gawa sa calcium oxalate, o kaya naman minsan ay sa maleate o calcium phosphate. Ang mga pagkaing mayaman sa oxalate ay ang mga sumusunod:

  • Tsokolate
  • Mga mani
  • Potato chips
  • Beets
  • Spinach

Subalit, dapat tandaan na ang pagkakaroon ng sapat na calcium sa pagkain ay nakatutulong upang maiwasan ang pamumuo ng mga bato sa kidneys.

Uric acid

Ang mga batong gawa sa uric acid ay mas karaniwan sa mga kalalakihan. Ito ay tumatama sa mga taong mayroong gout at sa mga sumasailalim sa chemotherapy. Kapag tumaas ang antas ng asido sa ihi ay namumuo ang mga bato sa kidney.

Struvite

Ang ganitong mga uri ng bato ay mas karaniwang tumatama sa mga babaeng mayroong urinary tract infection (UTI). Ang mga batong gawa sa struvite ay malimit na malalaki at nagdudulot ng pagbabara sa ihi at impeksyon sa kidney.

Cystine

Napakadalang ng ganitong uri ng bato. Ang mga ito ay maaaring umiral sa lahat, lalo na sa mga may kondisyon na kung tawagin ay cystinuria. Namumuo ang mga cystine na bato kapag ang isang uri ng asido ay umagos mula sa kidney papunta sa ihi.

Mga Sanhi

Ang pagkakaroon ng sakit sa bato ay walang nag-iisa o tiyak na sanhi. May iba’t-ibang mga salik sa pagpapataas ng panganib sa pagkakaroon nito.

Kapag ang mga sangkap na kagaya ng calcium, cystine, uric acid, at oxalate ay dumami kaysa sa likido na panlusaw sa mga ito, namumuo ang mga bato.

Kaya, ang pamumuo ng bato sa mga kidney ay maaaring dulot ng mga sumusunod:

  • Labis na pagkain ng mga pagkaing mayaman sa mga sangkap na maaaring mamuo sa mga kidney
  • Kakulangan ng pag-inom ng tubig
  • Kakulangan ng sangkap sa ihi na pumipigil sa pamumuo ng mga bato

Sintomas

Image Source: www.independent.co.uk

Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng bato sa mga kidney ay maaaring hindi agad magpakita. Kapag nag-umpisa nang gumalaw ang mga bato sa loob ng mga kidney o kaya ay dumaan na sa ureter, mapapansin na ang mga sumusunod na mga sintomas:

  • Labis na pananakit sa tagiliran at likod sa may ibaba ng mga tadyang
  • Pananakit na kumakalat sa ibabang bahagi ng puson at singit
  • Pawala-walang pananakit na lumalala
  • Pananakit habang umiihi
  • Pula, pink, o kaya ay kayumanggi na ihi
  • Malabo at nangangamoy na ihi
  • Pagduduwal at pagsusuka
  • Mas madalas na pag-ihi
  • Paglalagnat kapag nagkaroon na ng impeksyon
  • Pag-ihi nang kakaunti

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Kahit sino ay maaaring magkaroon ng sakit sa bato. Subalit, may mga taong sadyang mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa bato. Ang mga salik sa panganib sa pagkakaroon nito ay ang mga sumusunod:

  • Kasarian at edad. Ang pagkakaroon ng sakit sa bato ay mas karaniwan sa mga kalalakihan kaysa sa mga kababaihan. At ang mga nagkakaroon ng kondisyong ito ay nasa pagitan ng 30 hanggang 50 taong gulang.
  • Pagkakaroon na dati ng sakit sa bato. Maaari ulit magkaroon ng sakit sa bato kapag ang tao ay dati nang nagkaroon nito, lalo na kapag hindi nagawa ang mga hakbang na pipigil dito.
  • Mga gamot. May mga uri ng gamot na maaari ring maging sanhi ng sakit sa bato. Ang gamot na topiramate (Topamax) na ginagamit upang lunasan ang seizure at migraine ay nagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng sakit sa bato.
  • Mga uri ng bitamina at suplemento. Ang pamalagiang pag-inom ng bitamina D at calcium na mga suplemento ay maaaring maging sanhi rin ng pagkakaroon ng sakit sa bato.

Ang mga karagdagang salik sa panganib ng pagkakaroon ng sakit sa bato ay ang mga sumusunod:

  • Malabis na pagkain ng pagkaing mayaman sa protina at sodium
  • Kakulangan ng aktibidad
  • Katabaan
  • Hypertension
  • Pababalik-balik na pagtatae
  • Mga kondisyon sa bituka

Pag-Iwas

Image Source: whyy.org

Madaling iwasan ang sakit sa bato sa pamamagitan ng mga sumusunod na pamamaraan:

  • Pag-inom ng sapat na dami ng tubig. Ang isa sa pinakamainam na pang-iwas dito ay ang pag-inom ng sapat na dami ng tubig upang makatulong sa regular na pag-ihi. Ang pagkakaroon ng sapat na tubig sa katawan ay nakatutulong din upang lusawin ang mga sangkap na maaaring magdulot ng pamumuo ng bato sa kidney.
  • Mga citrate juice. Ang pag-inom ng mga juice na mayaman sa citrate ay makatutulong din upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa bato. Ang mga ito ay kagaya ng ginger ale, lemon-lime soda, at mga juice ng anumang prutas na mayaman sa citrate.
  • Mga pagkaing mayaman sa oxalate. Dapat ay katamtaman lamang ang kinakaing pagkain na mayaman sa oxalate, protina, at asin.
  • Mga gamot. May mga gamot na maaaring ireseta ng doktor para tumulong sa pag-iwas sa pamumuo ng mga bato sa kidney.

Sanggunian