Buod
Ang severe acute respiratory syndrome, o SARS, ay isang nakahahawang uri ng sakit na dulot ng isang uri ng virus. Bagama’t wala ng bagong naitalang kaso nito mula noong taong 2004, naaapektuhan nito ang mga baga at nagdulot ito ng kamatayan sa marami sa mga naging biktima nito.
Ang sakit na ito ay unang nai-ulat sa bansang Tsina noong 2002 at nakilala lamang noong 2003. Naging mabilis ang pagkalat ng virus na ito na nakarating sa mahigit 24 na mga bansa sa buong mundo. Ngunit dahil sa maagap na pagtugon ng mga kinauukulan, natigil ang pagkalat nito noong 2004.
Noong panahong kumakalat pa ito, ang SARS ay nagdulot ng iba’t ibang sintomas na may hawig sa ibang uri ng impeksyong bunga ng virus, kagaya ng pag-uubo, pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng ulo at mga kalamnan, maging ang pagkakaroon ng sipon.
Dahil sa mabilis na pag-iral at pagkawala ng sakit na ito, hindi ito ganap na napag-aralan. Ang tanging nilunasan sa sakit na ito ang iba’t ibang mga sintomas ng ibinuga nito.
Kasaysayan
Napaka-ikli ng kasaysayan ng sakit na SARS. Una itong naiulat noong 2002 sa Asya kung saan ito kumalat hanggang sa kalagitnaan ng taong 2003. Sa loob ng isang taon ng pag-iral nito, may kabuuang 8,437 na mga tao sa buong mundo ang naapektuhan ng sakit na ito. May 813 sa kanila ang namatay.
Sa buong panahaon din na iyon ay kumalat ang sakit na ito sa may 30 na mga bansa sa limang kontinente. Sa bansang Estados Unidos ay may walo lamang katao ang nagkaroon nito na pawang bumiyahe sa labas ng bansang ito. Wala ring nai-ulat na namatay sa mga nagkaroon ng SARS sa Estados Unidos.
Sa kabutihang palad, hindi na muli nagkaroon ng kaso ng sakit na ito mula noong taong 2004.
Naging napakabilis ang pagkalat ng SARS virus. Dahil dito, hindi naisagawa ang malawakang pag-aaral ukol sa sakit na ito at kakaunti pa lamang ang nalalaman ng mga dalubhasa ukol dito. Subalit, nagpapatuloy pa rin ang pagtutok ng World Health Organization (WHO) ukol sa posibleng pagbabalik ng sakit na ito. Binabantayan din ang pagkalat ngayon ng mga sakit na may hawig sa SARS.
Mga Uri
Simula noong natuklasan at kumalat ang SARS virus, kaunti lamang ang nalaman kaugnay dito. Kaya, maituturing na sa ngayon ay iisa lamang ang uri ng mikrobyong ito.
Mga Sanhi
Ang severe acute respiratory syndrome ay bunga ng isang uri ng virus. Ito ay nakukuha sa pamamagitan ng direktang pagkahawa sa taong mayroon nito. Kabilang sa mga paraan ng pagkahawa sa sakit nito ay ang pagkalanghap sa SARS virus kapag ang mayroon nito ay umubo o bumahing. Ang virus na ito ay maaari ring pumasok sa bibig, o kaya ay sa mata ng taong may tatlong talampakan ang layo mula sa taong apektado nito.
Ang isa pa sa mga paraan ng pagkalat ng virus na ito ay ang paghawak sa mga bagay na natalsikan ng kahit anong bodily fluid mula sa taong apektado nito, kagaya ng mga kagamitan sa ospital. Kaya, may mga napaulat na mga manggagamot at manggagawa sa mga pagamutan na nahawaan ng SARS sa kasagsagan ng pagkalat ng sakit na ito.
Kapag ang SARS virus ay nakapasok na sa katawan ng tao, ito ay dumadami sa mga baga, maging sa mga tisyu ng gastrointestinal tract. Subalit, batay sa mga pagsusuri, ang pinsala na dulot nito ay matatagpuan sa mga sisidlan ng hangin (air sac) sa loob ng mga baga. Dahil dito, ang sakit na ito ay nagbubunga ng hirap sa paghinga na kung tawagin ay acute respiratory distress syndrome (ARDS).
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Ang mga palatandaan ng SARS ay may hawig sa ibang uri ng mga sakit na dulot ng virus. Ang mga paunang sintomas nito ay nagsisimulang magpakita makaraan ang dalawa hanggang pitong araw pagkatapos na mahawahan ng virus nito. Ang mga sintomas na ito ay ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng mataas na lagnat
- Pananakit ng ulo
- Labis na kapaguran
- Pananakit ng mga kalamnan
- Pagkakaroon ng hindi komportableng pakiramdam
- Pagkawala ng ganang kumain
- Pagtatae
Makaraan naman ang tatlo o higit pang mga araw ay mapapansin na ang mga sumusunod na mga respiratory na sintomas:
- Tuyong ubo
- Kakapusan ng hininga
- Pananakit ng lalamunan
- Pagkakaroon ng sipon
Makaraan naman ang may 10 araw, maaaring magkaroon ang pasyente ng pulmonya. Makukumpirma ito sa pamamagitan ng X-ray. Ang pagkakaroon ng pulmonya ay isang palatandaan ng paglala ng SARS sa katawan ng pasyente.
Mga Salik sa Panganib
Lubhang nakakahawa at mapaminsala sa katawan ang SARS virus. Napatataas ng mga sumusunod na salik ang panganib sa pagkakaroon nito:
- Madalas na pagpunta sa mga lugar kung saan mayroon nang nai-ulat na pagkalat ng SARS virus
- Pagiging doktor, nars, at iba pang kawani na katulong nila sa pagkontrol ng pagkalat ng sakit kung saan ito nagsimulang kumalat
- Pagiging lalaki
- Pagkakaroon ng kondisyong medikal, kagaya ng diabetes at chronic hepatitis B
Anu-ano naman ang mga komplikasyon na dulot ng sakit na ito?
Mga Komplikasyon ng SARS
Karamihan sa mga kamatayang dulot ng sakit na ito ay bunga ng mga komplikasyon, kagaya ng:
- Respiratory failure
- Paghina ng atay
- Paghina ng puso
Ang mga komplikasyong ito ay na naobserbahan sa mga taong nagkaroon ng SARS na may 60 na taong gulang ang edad pataas.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Wala pang bakuna laban sa SARS virus sa ngayon. Subalit, katulad ng iba pang uri ng impeksyon, may mga simpleng hakbang na maaaring gawin upang makatulong sa pag-iwas sa SARS. Ang mga ito ay ang pagpapanatili sa kalinisan, at kabilang sa mga hakbang na ito ang mga sumusunod:
- Madalas na paghuhugas ng kamay, lalo na kapag nakahipo ng maruruming bagay
- Pag-iwas sa paghawak sa mga kamay, bibig, at ilong kapag marumi ang mga kamay
- Pagtatakip sa bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing
- Pagpapaalala sa iba na gawin din ang mga nabanggit na mga hakbang sa itaas
Ang SARS ay nakahahawa lamang kapag nagpakita na ang mga sintomas nito. Kaya, ang sinumang mayroon ng sakit na ito ay dapat na iwasan ang pakikisalamuha sa iba sa loob nang may 10 araw matapos na bumuti ang kalagayan ng kalusugan. Dapat tandaan na ang sakit na ito ay mas nakahahawa sa ikalawang linggo ng pag-iral nito sa katawan ng tao.
Sanggunian
- https://medlineplus.gov/ency/article/007192.htm
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/7543.php#treatment-and-prevention
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/sars/symptoms-causes/syc-20351765
- https://www.emedicinehealth.com/severe_acute_respiratory_syndrome_sars/article_em.htm#what_are_the_signs_and_symptoms_of_sars