Buod

Ang scoliosis ay isang uri ng deformity sa katawan kung saan may patagilid na pagbaluktot ng gulugod (back bone). Ang katawagan ng kondisyong ito ay hango sa Griyego na “skoliosis” na ang salitang ugat ay “skolios” na nangangahulugang “pagkabaluktot” o “pagkakurba.”

Karaniwang nagkakaroon ng scoliosis ang tao habang nagbibinata o nagdadalaga, kung kailan nagkakaroon ng biglaang pagtangkad o growth spurt. Batay naman sa maraming mga pag-aaral, ang mga kababaihan ang mas maaaring maapektuhan scoliosis. Subalit, hindi pa matukoy ang tiyak na dahilan ng kondisyong ito.

Ang taong may scoliosis ay nagkakaroon ng nakatabinging mga balikat, isang shoulder blade na bahagyang nakausli, nakatabinging baywang, o kaya naman ay isang balakang na nakaangat nang bahagya.

Nilulunasan ang scoliosis sa pamamagitan ng casting o kaya naman ay ng paglalagay ng brace sa gulugod. At sa mga malalalang kaso, nangangailangan ng operasyon o pagtitistis upang mai-ayos ang pagbaluktot ng likod at upang hindi ito makapagdulot ng pinsala sa iba pang bahagi ng katawan.

Kasaysayan

Ang kondisyong ito ay kilala na sa panahon pa ng mga sinaunang sibilisasyon, lalo na sa Gresya, kung saan ay naitala ito ng mga mangagagamot na Griyego. Ang isa sa mga nag-isip ng lunas para rito ay si Hippocrates na siyang gumawa ng “Hippocratic ladder” at ng “Hippocratic board,” mga uri ng instrumento na ginagamit upang ituwid ang baluktot na gulugod.

Sa paglipas ng maraming siglo ay nagpatuloy ang pagsasaliksik ukol sa kondisyong ito. At sa panahon natin ay nagkaroon na ng iba’t ibang lunas para rito, gaya ng brace at Cobb Angle Measurement.

Scoliosis brace na gawa ni Ambroise Paré

Noong 1972 ay unang nakagawa ng brace na pangsuporta sa gulugod. Ito ay hango sa konsepto ni Ambroise Paré. Siya ay tinaguriang ama ng modern surgery dahil sa kaniyang pagsulong sa mga makabagong pamamaraan para sa paglunas ng scoliosis. Subalit, kinilala pa rin ni Paré ang kahalagahan ng traction therapy at ng wastong ehersisyo para sa ikapananatiling malusog ng gulugod.

Ang Cobb Angle Measurement

Ang pamamaraang ito ay ginagamit upang sukatin ang pagkalubha ng scoliosis at pati ng sakit na post-traumatic kyphosis. Tinitignan nito ang lubha ng pagbaluktot ng gulugod ng pasyente. Ito ay hango sa konsepto ng isang Amerikanong orthopedic surgeon na si John Robert Cobb. Ang kaniyang mga pagsusuri ukol sa kondisyong ito ay naglalayon na lunasan ang scoliosis nang hindi na nangangailangan ng operasyon.

Mga Uri

Ayon sa Scoliosis Assocition of the United Kingdom, may limang pangunahing uri ng scoliosis:

  • Congenital scoliosis. Umaapekto ito sa gulugod bago pa ipanganak ang tao at nagpapatuloy hanggang sa kaniyang paglaki.
  • Early-onset scoliosis. Nagkakaroon nito ang tao mula sa pagkapanganak hanggang sa umabot siya sa edad na 10. Kadalasan, hindi pa gaanong napapansin ang mga sintomas nito sa simula.
  • Adolescent idiopathic scoliosis. Maaaring magkaroon nito habang lumalaki ang bata, kung kailan bumabaluktot at pumipilipit ang gulugod. Karaniwan itong lumalala sa pagkakaroon ng growth spurt ng bata o habang siya ay nagbibinata o nagdadalaga.
  • Degenerative scoliosis. Karaniwan itong umaapketo sa mga matatanda. Ito ay bunga ng labis na paggalaw ng skeletal system, na nagdudulot naman ng pagkapinsala dahil sa wear and tear.
  • Neuromuscular scoliosis. Ito ay bunga ng pagkakaroon ng problema sa muscular at nervous system.

Ang mga uri ng scoliosis na binanggit sa itaas ay ibinibilang sa mga structural na uri ng scoliosis. Ang mga ito ay ang pinaka-karaniwang uri ng kondisyong ito. Sa mga ganitong uri ng scoliosis ay pumipilipit ang gulugod, bukod pa sa pagilid na pagkurba nito. Ang pinsalang dulot nito ay maaaring maging pamalagian, lalo na kung hindi agad malalapatan ng lunas.

May iba pang uri ng scoliosis bukod sa structural scoliosis. Ito ay ang functional scoliosis na kilala rin bilang non-structural na uri ng kondisyong ito. Karaniwan itong bunga ng mga pansamantalang sanhi. Sa kondisyong ito ay pagilid lamang ang pagbaluktot ng gulugod habang namamalaging normal ang istruktura nito.

Mga Sanhi

Ang scoliosis ay maaaring makaapekto sa kahit na kanino. Ito ay maaaring bunga ng mga sumusunod:

  • Namamana. May mga gene na maaaring magdulot ng scoliosis, kaya ito ay maaaring manahin. Kapag ang isang tao ay may kamag-anak na mayroong scoliosis, maaari rin siyang magkaroon nito.
  • Congenital scoliosis. Ito ay bihirang uri ng scoliosis na umiiral bago pa ipanganak ang tao. Nangyayari ito dahil sa hindi tamang paglaki ng mga buto habang ang sanggol ay nasa sinapupunan pa.
  • Neuromuscular na dahilan. Ang uri ng scoliosis na ito ay maaaring dulot ng kondisyon sa mga ugat at mga kalamnan. Kadalasang nagkakaroon nito ang mga mayroon ding poliomyelitis, muscular dystrophy, at cerebral palsy.
  • Osteoporosis. Ang pagkakaroon nito ay maaaring maging sanhi ng scoliosis dahil sa pagrupok at paghina ng mga buto, kabilang na ang gulugod.
  • Hindi pantay na haba ng hita at binti. Sa hindi karaniwang mga kaso, may mga taong mas mahaba ang isang hita at binti kaysa sa isa. Maaaring ito ay congenital o bunga ng aksidente. Maaari rin itong maging sanhi ng scoliosis dahil sa pagkakaroon ng hindi pantay na postura kapag nakatayo.
  • Syndromic scoliosis. Ang mga sakit na neurofibromatosis at Marfan’s syndrome ay maaari ring maging dahilan ng pagkakaroon ng kondisyong ito.

Bukod sa mga nabanggit sa itaas, may iba pang sanhi ng pagkakaroon ng scoliosis. Kabilang sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Madalas na pagpapanatili ng maling postura (pagtayo o pag-upo nang nakatagilid ang katawan)
  • Pagpasan o pagdadala ng mabibigat na bagay
  • Pagkakaroon ng connective tissue disorder
  • Pagdanas ng aksidente na nagdulot ng pinsala sa likod

Mga Sintomas

Image Source: www.docwirenews.com

Ang scoliosis ay maaaring mag-umpisa sa pagkabata. Ang mga unang sintomas nito ay maaaring hindi agad mapapansin hanggang sa maubos ang pagtangkad ng tao. Subalit, kapag malala na ito, makikita na ang mga kapansin-pansing sintomas nito. Makikilala ang taong may scoliosis sa pamamagitan ng mga sumusunod na palatandaan:

  • Pagkakaroon ng nakatabinging mga balikat
  • Pag-usli ng isa sa mga balikat (shoulder blade) na mistulang mas malaki pa kaysa sa isa
  • Pagkakaroon ng hindi pantay na mga baywang
  • Pagkakaroon ng isang balakang na mas mataas pa kaysa sa isa
  • Pagkakaroon ng nakausling tadyang

Mga Salik sa Panganib

Kagaya ng nabanggit, maaaring magkaroon ng scoliosis ang kahit na sino. Subalit may mga taong mas mataas ang panganib na magkaroon nito kaysa sa iba, kagaya ng mga sumusunod:

  • May kamag-anak na mayroong.  Ito ay hindi pangkararniwan, subalit maaaring mamana ang kondisyong ito.
  • Pagiging babae. Napatunayan na sa mga pag-aaral na ang mga babae ang higit na may panganib na magkaroon nito.
  • Pagsapit ng pagbibinata o pagdadalaga. Kapag ang bata ay may bahagyang nakabaluktot na likod nang ipanganak, sa kaniyang pagbibinata o pagdadalaga ay maaari itong lumubha.
  • Mga batang may itatangkad pa. Sa paglaki ng batang may nakabaluktot na gulugod, maaari itong lumala hangga’t hindi pa natatapos ang kaniyang pagtangkad.
  • Pagkakaroon ng baluktot na itaas na bahagi ng gulugod. Napatunayan din sa mga pagsasaliksik na ang taong may congenital na pagbaluktot sa itaas na bahagi ng gulugod ay maaaring magkaroon ng scoliosis. Kung nasa ibabang bahagi ang pagbaluktot ay mababa lamang ang tsansa na ito ay maging scoliosis.

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Ang karaniwang kaso ng scoliosis ay idiopathic. Ibig sabihin nito ay hindi tiyak ang sanhi. Dahil dito, magiging lubhang mahirap na iwasan ito.

Subalit, may mga pamamaraang maaaring gawin upang makatulong na mapanatiling malusog at tama ang hugis nito.

Upang mapanatili ang kalusugan ng gulugod, maaaring gawin ang mga sumusunod:

  • Panatilihing maayos ang postura sa pagtayo
  • Tiyaking nakatuwid ang likod at hindi nakatgilid ang katawan sa tuwing umuupo
  • Ugaliing mag-unat
  • Iwasan ang laging pagbubuhat, maging ang pagbibitbit ng mabibigat na mga bagay
  • Magpatingin sa espesyalista upang malaman kung may problema sa hugis ng gulugod

Sanggunian